Ang mga Salita ni Mormon
Kabanata 1
Pinaikli ni Mormon ang malalaking lamina ni Nephi—Isinama niya ang maliliit na lamina sa ibang mga lamina—Si Haring Benjamin ay nagtatag ng kapayapaan sa lupain. Mga A.D. 385.
1 At ngayon, ako, si Mormon, na malapit nang ibigay ang talaang aking ginagawa sa mga kamay ng aking anak na lalaking si Moroni, dinggin, aking nasaksihan ang halos buong pagkalipol ng aking mga tao, ang mga Nephita.
2 At pagkalipas ng maraming daang taon matapos ang pagparito ni Cristo ko ibibigay ang mga talaang ito sa mga kamay ng aking anak; at ipinapalagay kong masasaksihan niya ang ganap na pagkalipol ng aking mga tao. Subalit ipagkaloob nawa ng Diyos na makaligtas siya sa kanila, upang makasulat siya kahit paano ng hinggil sa kanila, at kahit paano hinggil kay Cristo, na baka sakali isang araw ay mapakinabangan nila ito.
3 At ngayon, mangungusap ako kahit paano hinggil sa yaong aking naisulat na; sapagkat matapos akong makagawa ng pinaikling ulat mula sa mga lamina ni Nephi, hanggang sa paghahari nitong si haring Benjamin, na nabanggit ni Amaleki, sinaliksik ko ang mga talaang ibinigay sa aking mga kamay, at natagpuan ko ang mga laminang ito, na naglalaman nitong maikling ulat ng mga propeta, mula kay Jacob hanggang sa paghahari nitong si haring Benjamin, at marami rin sa mga salita ni Nephi.
4 At ang mga bagay na nasa mga laminang ito ay nakasisiya sa akin, dahil sa mga propesiya tungkol sa pagparito ni Cristo; at nalalaman ng aking mga ama na marami sa mga ito ang natupad na; oo, at nalalaman ko rin na kasindami ng mga bagay na naipropesiya hinggil sa amin hanggang sa panahong ito ay natupad na, at kasindami sa mga mangyayari pa lamang sa panahong ito ay tiyak na mangyayari—
5 Dahil dito, pinili ko ang mga bagay na ito, upang tapusin ang aking tala hinggil sa kanila, na hahanguin ko ang nalalabi sa aking mga tala mula sa mga lamina ni Nephi; at hindi ko maisusulat ang ika-isandaang bahagi man lamang ng mga bagay tungkol sa aking mga tao.
6 Subalit dinggin, kukunin ko ang mga laminang ito, na naglalaman ng mga pagpopropesiya at paghahayag na ito, at isasama ang mga ito sa mga labi ng aking tala, sapagkat mahahalaga ang mga ito sa akin; at nalalaman kong magiging mahalaga ang mga ito sa aking mga kapatid.
7 At gagawin ko ito para sa isang matalinong layunin; sapagkat ganito ang bulong sa akin, alinsunod sa mga pamamatnubay ng Espiritu ng Panginoon na nasa akin. At ngayon, hindi ko nalalaman ang lahat ng bagay; subalit nalalaman ng Panginoon ang lahat ng bagay na darating; kaya nga, pinapatnubayan niya ako na gumawa alinsunod sa kanyang kalooban.
8 At ang panalangin ko sa Diyos ay hinggil sa aking mga kapatid, na muli silang makarating sa kaalaman ng Diyos, oo, sa pagtubos ni Cristo; na muli silang maging mga kaaya-ayang tao.
9 At ngayon, ako, si Mormon, ay magpapatuloy na tapusin ang aking tala, na aking hahanguin mula sa mga lamina ni Nephi; at ginagawa ko ito alinsunod sa kaalaman at pang-unawang ibinigay sa akin ng Diyos.
10 Anupa’t ito ay nangyari na matapos ibigay ni Amaleki ang mga laminang ito sa mga kamay ni haring Benjamin, na kanyang kinuha ang mga ito at isinama sa iba pang mga lamina, na naglalaman ng mga talaang pinagpasa-pasahan ng mga hari, sa bawat sali’t salinlahi hanggang sa panahon ni haring Benjamin.
11 At ipinasa-pasa ang mga ito mula kay haring Benjamin, sa bawat sali’t salinlahi hanggang ang mga ito ay napasa aking mga kamay. At ako, si Mormon, ay nananalangin sa Diyos na mapangalagaan ang mga ito mula sa panahong ito. At nalalaman kong mapangangalagaan ang mga ito; sapagkat may mga dakilang bagay na nasusulat sa mga ito, na alinsunod dito hahatulan ang aking mga tao at ang kanilang mga kapatid sa dakila at huling araw, alinsunod sa salita ng Diyos na nasusulat.
12 At ngayon, hinggil sa haring Benjamin na ito—nagkaroon siya ng ilang alitan sa sarili niyang mga tao.
13 At ito rin ay nangyari na bumaba ang mga hukbo ng mga Lamanita mula sa lupain ng Nephi, upang makidigma sa kanyang mga tao. Subalit dinggin, kinalap ni haring Benjamin ang kanyang mga hukbo, at nilabanan niya sila; at lumaban siya sa lakas ng kanyang sariling bisig, gamit ang espada ni Laban.
14 At sa lakas ng Panginoon sila nakipaglaban sa kanilang mga kaaway, hanggang sa nakapatay sila ng libu-libong mga Lamanita. At ito ay nangyari na nakipaglaban sila sa mga Lamanita hanggang sa kanilang maitaboy sila palabas sa lahat ng lupaing kanilang mana.
15 At ito ay nangyari na matapos magkaroon ng mga huwad na Cristo, at ang kanilang mga bibig ay itinikom, at sila ay pinarusahan alinsunod sa kanilang mabibigat na kasalanan;
16 At matapos magkaroon ng mga huwad na propeta, at mga huwad na mangangaral at guro sa mga tao, at lahat sila ay pinarusahan alinsunod sa kanilang mabibigat na kasalanan; at matapos magkaroon ng maraming alitan at maraming pagtalikod patungo sa mga Lamanita, dinggin, ito ay nangyari na si haring Benjamin, sa tulong ng mga banal na propeta na nasa kanyang mga tao—
17 Sapagkat dinggin, si haring Benjamin ay isang banal na tao, at namahala siya sa kanyang mga tao sa katwiran; at maraming banal na tao sa lupain, at nangusap sila ng salita ng Diyos nang may kapangyarihan at karapatan; at gumamit sila ng labis na katalasan dahil sa katigasan ng leeg ng mga tao—
18 Dahil dito, sa tulong nila, si haring Benjamin, sa pamamagitan ng paggawa nang buong lakas ng kanyang katawan at ng kakayahan ng kanyang buong kaluluwa, at gayundin ang mga propeta, ay muling nakapagtatag ng kapayapaan sa lupain.