Ikatlong Nephi
Ang Aklat ni Nephi
ang Anak ni Nephi, na Anak ni Helaman
At si Helaman ay anak ni Helaman, na anak ni Alma, na anak ni Alma, na inapo ni Nephi na anak ni Lehi, na umalis sa Jerusalem sa unang taon ng paghahari ni Zedekias, na hari ng Juda.
Kabanata 1
Si Nephi, na anak ni Helaman, ay lumisan sa lupain, at ang kanyang anak na si Nephi ang nag-ingat ng mga talaan—Bagama’t marami ang mga palatandaan at kababalaghan, binalak ng masasama na patayin ang mga matwid—Sumapit ang gabi ng pagsilang ni Cristo—Nakita ang palatandaan, at isang bagong bituin ang sumikat—Dumami ang mga pagsisinungaling at panlilinlang, at pinatay ng mga tulisan ni Gadianton ang marami. Mga A.D. 1–4.
1 Ngayon, ito ay nangyari na lumipas ang ikasiyamnapu’t isang taon at anim na raang taon ito mula sa panahong lumisan si Lehi sa Jerusalem; at ito ay sa taon na si Laconeo ang punong hukom at gobernador ng lupain.
2 At si Nephi, na anak ni Helaman, ay lumisan sa lupain ng Zarahemla, nagtatagubilin sa kanyang anak na si Nephi, na kanyang pinakamatandang anak na lalaki, hinggil sa mga laminang tanso, at lahat ng talaang iningatan, at lahat ng yaong bagay na iningatang banal simula pa sa paglisan ni Lehi palabas ng Jerusalem.
3 Pagkatapos ay lumisan siya sa lupain, at kung saan siya nagtungo, walang taong nakaaalam; at ang kanyang anak na si Nephi ang nag-ingat ng mga talaan bilang kahalili niya, oo, ang talaan ng mga taong ito.
4 At ito ay nangyari na sa pagsisimula ng ikasiyamnapu’t dalawang taon, dinggin, ang mga propesiya ng mga propeta ay nagsimulang ganap na matupad; sapagkat nagsimulang magkaroon ng mga higit na dakilang palatandaan at higit na dakilang himala na ginawa sa mga tao.
5 Subalit may ilan na nagsimulang magsabi na ang panahon ay nakalipas na upang matupad ang mga salita, na sinabi ni Samuel, ang Lamanita.
6 At sila ay nagsimulang magsaya laban sa kanilang mga kapatid, sinasabing: Dinggin, ang panahon ay lumipas na, at hindi natupad ang mga salita ni Samuel; kaya nga, ang inyong kagalakan at ang inyong pananampalataya hinggil sa bagay na ito ay nawalang-kabuluhan.
7 At ito ay nangyari na lumikha sila ng malaking kaguluhan sa buong lupain; at ang mga taong naniwala ay nagsimulang malungkot nang labis, sa takot na baka sa anumang kadahilanan ay hindi mangyari ang mga bagay na sinabi.
8 Ngunit dinggin, sila ay matatag na naghintay sa araw na yaon at sa gabing yaon at sa araw na yaon na magiging isang araw na parang walang gabi, upang malaman nila na ang kanilang pananampalataya ay hindi nawalang-kabuluhan.
9 Ngayon, ito ay nangyari na may isang araw na itinakda ang mga hindi naniniwala, na ang lahat ng yaong naniwala sa mga gayong kaugalian ay papatayin maliban kung mangyari ang palatandaan, na ibinigay ni Samuel, ang propeta.
10 Ngayon, ito ay nangyari na nang makita ni Nephi, na anak ni Nephi, ang ganitong kasamaan ng kanyang mga tao, ang kanyang puso ay labis na nalungkot.
11 At ito ay nangyari na lumabas siya at iniyukod ang sarili sa lupa, at nagsumamo nang buong taimtim sa kanyang Diyos para sa kapakanan ng kanyang mga tao, oo, ang mga yaong maaaring mapahamak dahil sa kanilang pananampalataya sa kaugalian ng kanilang mga ama.
12 At ito ay nangyari na nagsumamo siya nang buong taimtim sa Panginoon sa buong araw na yaon; at dinggin, ang tinig ng Panginoon ay nangusap sa kanya, sinasabing:
13 Itaas mo ang iyong ulo at magalak; sapagkat dinggin, dumating na ang panahon, at sa gabing ito ay makikita ang palatandaan, at kinabukasan, paparito ako sa daigdig upang ipakita sa sanlibutan na tutuparin ko ang lahat ng aking iniutos na sabihin ng bibig ng aking mga banal na propeta.
14 Dinggin, ako ay paroroon sa sariling akin upang tuparin ang lahat ng bagay na ipinaalam ko sa mga anak ng tao mula pa sa pagkakatatag ng daigdig, at upang gawin ang kalooban, kapwa ng Ama at ng Anak—ng Ama dahil sa akin, at ng Anak dahil sa aking laman. At dinggin, dumating na ang panahon, at sa gabing ito ay makikita ang palatandaan.
15 At ito ay nangyari na natupad ang mga salitang sinabi kay Nephi, alinsunod sa pagkakasabi sa mga yaon; sapagkat dinggin, sa paglubog ng araw ay hindi nagkaroon ng kadiliman; at ang mga tao ay nagsimulang manggilalas dahil sa hindi nagkaroon ng kadiliman nang sumapit ang gabi.
16 At marami sa hindi nagsipaniwala sa mga salita ng mga propeta ang nangabuwal sa lupa at nagmistulang mga patay, sapagkat alam nila na ang malaking plano ng paglipol na kanilang inihanda para sa mga naniwala sa mga salita ng mga propeta ay nabigo; sapagkat dumating na ang palatandaang ibinigay.
17 At nagsimula nilang mapagtanto na hindi maglalaon ay tiyak na magpapakita ang Anak ng Diyos; oo, sa madaling salita, lahat ng tao sa balat ng buong lupa mula sa kanluran hanggang sa silangan, kapwa sa lupain sa hilaga at sa lupain sa timog, ay labis na nanggilalas na ikinabuwal nila sa lupa.
18 Sapagkat nalalaman nila na ang mga propeta ay nagpatotoo tungkol sa mga bagay na ito nang maraming taon, at na ang palatandaang ibinigay ay dumating na; at sila ay nagsimulang matakot dahil sa kanilang kasamaan at kanilang kawalang-paniniwala.
19 At ito ay nangyari na hindi nagkaroon ng kadiliman sa buong gabing yaon, kundi ito ay katulad ng liwanag ng katanghaliang-tapat. At ito ay nangyari na sumikat na muli ang araw sa umaga, alinsunod sa wastong kaayusan nito; at nalalaman nila na ito ang araw na ang Panginoon ay isisilang, dahil sa palatandaang ibinigay.
20 At ito nga ay nangyari, oo, lahat ng bagay, bawat mumunting bagay, alinsunod sa mga salita ng mga propeta.
21 At ito rin ay nangyari na isang bagong bituin ang lumitaw, alinsunod sa salita.
22 At ito ay nangyari na mula sa panahong ito, nagsimulang ipalaganap ang mga kasinungalingan sa mga tao, ni Satanas, upang patigasin ang kanilang mga puso, sa layuning huwag silang magsipaniwala sa mga yaong palatandaan at kababalaghang kanilang nakita; ngunit sa kabila ng mga pagsisinungaling at panlilinlang na ito, ang higit na nakararaming bahagi ng mga tao ay naniwala, at nagbalik-loob sa Panginoon.
23 At ito ay nangyari na humayo si Nephi sa mga tao, at gayundin ang marami pang iba, nagbibinyag tungo sa pagsisisi, na kung saan nagkaroon ng malaking pagpapatawad sa mga kasalanan. At sa gayon ang mga tao ay nagsimulang magkaroong muli ng kapayapaan sa lupain.
24 At hindi nagkaroon ng mga pagtatalo, maliban sa ilan na nagsimulang mangaral, nagsisikap na patunayan sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan na hindi na kailangan pang sundin ang batas ni Moises. Ngayon, sa bagay na ito ay nagkamali sila, hindi nauunawaan ang mga banal na kasulatan.
25 Ngunit ito ay nangyari na hindi naglaon, sila ay nagbalik-loob, at napaniwala sa kamalian na kanilang kinasadlakan, sapagkat ipinaalam sa kanila na ang batas ay hindi pa natutupad, at na kinakailangan itong matupad sa bawat mumunting bagay; oo, ang salita ay ipinahayag sa kanila na kinakailangang matupad ito; oo, na ang isang tuldok o kudlit ay hindi lilipas hanggang sa matupad itong lahat; kaya nga sa taon ding ito, nadala sila sa kaalaman ng kanilang kamalian at ipinagtapat ang kanilang mga pagkakamali.
26 At sa gayon lumipas ang ikasiyamnapu’t dalawang taon, nagdadala ng masasayang balita sa mga tao dahil sa mga palatandaang nangyari na, alinsunod sa mga salita ng propesiya ng lahat ng banal na propeta.
27 At ito ay nangyari na lumipas din sa kapayapaan ang ikasiyamnapu’t tatlong taon, maliban doon sa mga tulisan ni Gadianton na naninirahan sa mga bundok, na namumugad sa lupain; sapagkat napakatibay ng kanilang mga kuta at kanilang mga lihim na lugar kung kaya’t ang mga tao ay hindi sila madaig; kaya nga nagsagawa sila ng maraming pagpaslang, at gumawa ng maraming pagkatay sa mga tao.
28 At ito ay nangyari na sa ikasiyamnapu’t apat na taon, sila ay nagsimulang dumami sa napakalaking bilang, dahil sa maraming tumitiwalag sa mga Nephita na tumakas patungo sa kanila, na naging sanhi ng labis na kalungkutan doon sa mga Nephita na nanatili sa lupain.
29 At nagkaroon din ng dahilan ng labis na kalungkutan sa mga Lamanita; sapagkat dinggin, marami silang mga anak na lumaki at nagsimulang tumanda, kung kaya’t sila ay nagsarili at naakay palayo ng ilan sa mga Zoramita sa pamamagitan ng kanilang pagsisinungaling at kanilang mahihibok na salita, na umanib sa mga yaong tulisan ni Gadianton.
30 At sa gayon din nahirapan ang mga Lamanita, at nagsimulang manghina sa kanilang pananampalataya at pagkamatwid, dahil sa kasamaan ng umuusbong na salinlahi.