Jerusalem
Isang lunsod na matatagpuan sa makabagong Israel. Ito ang pinakamahalagang lunsod sa kasaysayan ng Biblia. Nasa lunsod na ito ang ilan sa mga pinakabanal na lugar ng mga Cristiyano, Judio, at Muslim at dinadalaw nang madalas ng maraming matatapat na naniniwala. Malimit itong tukuyin bilang lunsod na banal.
Kilala minsan bilang Salem (Gen. 14:18; Awit 76:2), ang Jerusalem ay isang lunsod ng Jebusita hanggang nasakop ito ni David (Jos. 10:1; 15:8; 2 Sam. 5:6–7), na ginawa itong kabisera sa kanya. Magmula noon halos nagmistula ito bilang isang tanggulang bundok, mga 800 metro mataas sa kapatagan ng karagatan. Napaliligiran ito ng malalalim na lambak sa lahat ng dako maliban sa kahilagaan.
Sa panahon ng paghahari ni Haring David, tumira siya sa palasyong yari sa kahoy. Gayon pa man, sa panahon ng paghahari ni Solomon, gumawa ang mga tao ng maraming bagay upang pagandahin ang lunsod, kasama ang pagtatayo ng palasyo ng hari at ng templo.
Pagkatapos mahati ang mga kaharian ng Israel at Juda, nanatiling kabisera ng Juda ang Jerusalem. Kadalasan itong sinasalakay ng mga manlulusob na mga hukbo (1 Hari 14:25; 2 Hari 14:13; 16:5; 18–19; 24:10; 25). Sa ilalim ng pamumuno ni Hezekias, naging sentro ng pagsamba ang Jerusalem, subalit bahagyang nawasak noong 320 B.C., 168 B.C., at 65 B.C. Itinayong muli ni Herodes ang mga pader at ang templo, subalit noong A.D. 70 lubusang winasak ito ng mga Romano.