Ezra
Isang saserdote sa Lumang Tipan at escriba na nagdala sa ilang mga Judio pabalik sa Jerusalem mula sa pagkabihag ng Babilonia (Ezra 7–10; Neh. 8, 12). Noong 458 B.C., natamo niya ang pahintulot mula kay Artajerjes, hari ng Persia, na dalhin sa Jerusalem ang sinumang itinapong Judio na nagnanais na sumama (Ezra 7:12–26).
Bago ang panahon ni Ezra, ang mga saserdote ay may halos ganap na kapangyarihan sa pagbabasa ng mga tinipong banal na kasulatan na isinulat na tinatawag na “batas.” Tumulong si Ezra na magamit ng bawat Judio ang mga banal na kasulatan. Ang hayagang pagbabasa ng “ang aklat ng batas” sa malaon ay naging tampulan ng pambansang pamumuhay ng mga Judio. Marahil ang pinakadakilang turo ni Ezra ay nanggaling mula sa kanyang sariling halimbawa ng paghahanda ng kanyang puso upang hanapin ang batas ng Panginoon, ang sundin ito, at ang ituro ito sa iba (Ezra 7:10).
Ang aklat ni Ezra
Inilalarawan sa mga kabanata 1–6 ang mga pangyayaring naganap mula animnapu hanggang walumpung taon bago dumating si Ezra sa Jerusalem—ang batas ni Ciro noong 537 B.C. at ang pagbabalik ng mga Judio sa pamumuno ni Zorobabel. Ipinakikita sa mga kabanata 7–10 kung paano nagtungo si Ezra sa Jerusalem. Siya, kasama ang kanyang pangkat ay nag-ayuno at nanalangin para sa kaligtasan. Sa Jerusalem, natuklasan nila ang maraming taong Judio na mas naunang nagtungo sa Jerusalem sa ilalim ng pamumuno ni Zorobabel at nagpakasal sa mga babaing nasa labas ng tipan at sa gayon dinungisan ang kanilang sarili. Nanalangin si Ezra para sa kanila at ipinailalim sila sa tipan na hiwalayan ang mga asawang yaon. Matatagpuan sa aklat ni Nehemias ang huling kasaysayan ni Ezra