Juda
Sa Lumang Tipan, ang pang-apat na anak nina Jacob at Lea (Gen. 29:35; 37:26–27; 43:3, 8; 44:16; 49:8). Binasbasan ni Jacob si Juda na siya ang magiging likas na pinuno sa mga anak ni Jacob at na si Silo (Jesucristo) ay kanyang magiging inapo (Gen. 49:10).
Ang lipi ni Juda
Ang lipi ni Juda ang namuno matapos ang paninirahan sa Canaan. Ang lipi ni Ephraim ang pangunahing katunggali nito. Binasbasan ni Moises ang lipi ni Juda (Deut. 33:7). Pagkatapos ng Phahari ni Solomon, ang lipi ni Juda ay naging kaharian ng Juda.
Ang kaharian ng Juda
Sa paghahari ni Rehoboam ang mga lupaing sakop ni Solomon ay nahati sa dalawang magkahiwalay na kaharian, unang-una na dahil sa inggitan sa pagitan ng lipi nina Ephraim at Juda. Sa timog kaharian, o kaharian ng Juda, ay kabilang ang lipi ni Juda at karamihan ng lipi ni Benjamin. Ang Jerusalem ang kabisera nito. Sa kabuuan, ito ay nanatiling mas tapat sa pagsamba kay Jehova kaysa sa hilagang kaharian. Ang Juda ay hindi gaanong lantad sa pagsalakay mula sa hilaga at silangan, at ang pinakamataas na kapangyarihan ay nanatili sa mga kamay ng mag-anak ni David hanggang sa pagbihag ng mga taga-Babilonia. Nagawang manahan ng kaharian ng Juda ng 135 taon matapos ang pagbagsak ng mas matao at mas makapangyarihang kaharian ng Israel.
Ang talaan ni Juda
Tinutukoy nito ang Biblia bilang isang talaan ng sambahayan ni Juda (Ez. 37:15–19). Sa mga huling araw, kapag ang iba’t ibang sanga ng sambahayan ni Israel ay tinipon, ang kanilang mga banal na talaan ay sama-sama ring titipunin. Ang mga banal na kasulatang ito ay magpupuno sa isa’t isa at magbubuo ng nag-iisang patotoo na si Jesus ang Cristo, ang Diyos ng Israel at ang Diyos ng buong mundo (2 Ne. 3; 29; PJS, Gen. 50:24–36).