Mga Tulong sa Pag-aaral
Doktrina at mga Tipan


Doktrina at mga Tipan

Isang pinagsama-samang mga banal na paghahayag sa huling araw, at inspiradong pagpapahayag. Ibinigay ng Panginoon kay Joseph Smith ang mga ito at sa ilan sa mga humalili sa kanya para sa pagtatatag at pagsasaayos ng kaharian ng Diyos sa mundo sa mga huling araw. Ang Doktrina at mga Tipan ay isa sa mga pamantayang gawa na kasulatan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, kasama ng Biblia, ng Aklat ni Mormon, at ng Mahalagang Perlas. Ang Doktrina at mga Tipan ay natatangi, gayunman, sapagkat hindi ito isang pagsasalin ng mga sinaunang kasulatan; ibinigay ng Panginoon ang mga paghahayag na ito sa kanyang mga piniling propeta sa makabagong panahong ito upang mapanumbalik ang kanyang kaharian. Sa mga paghahayag ay maririnig ang magiliw subalit matatag na tinig ng Panginoong Jesucristo (D at T 18:35–36).

Sinabi ng Propetang si Joseph Smith na ang Doktrina at mga Tipan ang siyang saligan ng Simbahan sa mga huling araw at sa kapakinabangan ng sanlibutan (D at T 70:pamuhatan). Ipinaaalam ng mga paghahayag na nilalaman nito ang gawain ng paghahanda ng daan para sa ikalawang pagparito ng Panginoon, bilang katuparan ng lahat ng salitang winika ng mga propeta mula pa sa simula ng daigdig.