Mga Tulong sa Pag-aaral
Templo, Bahay ng Panginoon


Templo, Bahay ng Panginoon

Ang literal na bahay ng Panginoon. Sa tuwina nag-uutos ang Panginoon sa kanyang mga tao na magtayo ng mga templo, na mga banal na gusali kung saan ang mga karapat-dapat na mga Banal ay nagsasagawa ng mga banal na seremonya at ordenansa ng ebanghelyo para sa kanilang sarili at alang-alang sa mga patay. Dinadalaw ng Panginoon ang kanyang mga templo, at ang mga ito ang pinakabanal sa lahat ng pook na pinagsasambahan.

Ang tabernakulong itinayo ni Moises at ng mga anak ni Israel ay isang nadadalang templo. Ginamit ito ng mga Israelita noong panahong naglakbay sila mula sa Egipto.

Ang pinakakilalang templo na binanggit sa Biblia ay yaong itinayo ni Solomon sa Jerusalem (2 Cron. 2–5). Winasak ito noong 600 B.C. ng mga taga-Babilonia at muling itinayo ni Zorobabel halos isang daang taon ang nakalipas (Ezra 1–6). Sinunog ang ilang bahagi ng templong ito noong 37 B.C., at di nagtagal ipinatayo itong muli ng Dakilang Herodes. Winasak ng mga Romano ang templo noong A.D. 70.

Sa Aklat ni Mormon, ang mabubuting tagasunod ng Diyos ay pinapatnubayan sa pagtatayo at pagsamba sa mga templo (2 Ne. 5:16; Mos. 1:18; 3 Ne. 11:1). Ang maayos na pagtatayo at paggamit sa templo ay mga palatandaan ng totoong Simbahan sa kahit anong dispensasyon, kasama ang pinanumbalik na Simbahan sa panahon natin. Ang Templo ng Kirtland ang kauna-unahang templong itinayo at inilaan para sa Panginoon sa dispensasyong ito. Simula noon, ang mga templo ay inilalaan sa maraming lupain sa buong mundo.