Exodo
Isang aklat na isinulat ni Moises sa Lumang Tipan na naglalarawan ng paglisan ng mga Israelita mula sa Egipto. Ang unang kasaysayan ng Israel sa pagkakatala sa Exodo ay maaaring hatiin sa tatlong bahagi: (1) ang pagkaalipin ng mga tao sa Egipto, (2) ang kanilang paglisan sa Egipto sa ilalim ng pamumuno ni Moises, at (3) ang kanilang katapatan sa paglilingkod sa Diyos sa kanilang pangrelihiyong pamumuhay at sa kanilang pampulitikong pamumuhay.
Ipinaliliwanag sa unang bahagi, mga kabanata 1–15, ang kaapihan ng Israel sa Egipto; ang naunang kasaysayan at pagtawag kay Moises; ang Exodo at ang pagsisimula ng Paskua; at ang paglalakbay sa Dagat na Pula, ang pagkalipol ng hukbo ni Faraon, at ang awit ng tagumpay ni Moises.
Nasasaad sa ikalawang bahagi, mga kabanata 15–18, ang pagtubos sa Israel at ang mga pangyayari sa paglalakbay mula sa Dagat na Pula patungo sa Sinai; ang mapait na mga tubig ng Mara, ang pagbibigay ng mga pugo at manna, ang pagsunod sa araw ng Sabbath, ang kahima-himalang handog ng tubig sa Rephidim, at ang pakikidigma roon sa mga Amalacita; ang pagdating ni Jethro sa kuta at ang kanyang payo hinggil sa pamahalaang sibil ng mga tao.
Ang ikatlong bahagi, mga kabanata 19–40, ay may kaugnayan sa paglalaan ng Israel sa paglilingkod sa Diyos sa mga dakilang pangyayari sa Sinai. Itinalaga ng Panginoon ang mga tao bilang isang kaharian ng mga saserdote at isang bansang banal; ibinigay niya ang Sampung Kautusan; at nagbigay siya ng tagubilin hinggil sa tabernakulo, sa kasangkapan nito, at pagsamba roon. Pagkatapos sumusunod ang ulat ng pagkakasala ng mga tao sa pagsamba sa isang guyang ginto, at sa huli ang ulat ng pagtatayo ng tabernakulo at paghahanda para sa mga paggamit nito