Mga Tulong sa Pag-aaral
Alma, Anak ni Alma


Alma, Anak ni Alma

Sa Aklat ni Mormon, ang unang punong hukom at propeta sa bansang Nephita. Sa kanyang kabataan ay hinangad niyang wasakin ang Simbahan (Mos. 27:8–10). Gayon man, isang anghel ang nagpakita sa kanya at nagbalik-loob siya sa ebanghelyo (Mos. 27:8–24; Alma 36:6–27). Di naglaon ay isinuko niya ang kanyang katungkulan bilang punong hukom upang turuan ang mga tao (Alma 4:11–20).

Ang aklat ni Alma

Isang hiwalay na aklat sa Aklat ni Mormon, na bumubuo ng mga pinaikling talaan ng propetang si Alma, na anak ni Alma, at ng kanyang anak na si Helaman. Naganap ang mga pangyayaring inilarawan sa aklat noong humigit-kumulang sa 91 hanggang 52 B.C. Ang aklat ay naglalaman ng 63 kabanata. Inilalarawan ng mga kabanata 1–4 ang paghihimagsik ng mga tagasunod nina Nehor at Amlici laban sa mga Nephita. Ang mga ibinungang digmaan ay kabilang sa pinakamapangwasak na pangyayari sa kasaysayan ng mga Nephita. Nilalaman ng mga kabanata 5–16 ang ulat ng mga naunang pangmisyonerong paglalakbay ni Alma, kabilang ang kanyang mga pangaral tungkol sa Mabuting Pastol (Alma 5) at kanyang pangangaral na kasama si Amulek sa lunsod ng Ammonihas. Nilalaman ng mga kabanata 17–27 ang ulat ng mga anak ni Mosias at kanilang ministeryo sa mga Lamanita. Nilalaman ng mga kabanata 28–44 ang ilan sa pinakamahahalagang pangaral ni Alma. Sa kabanata 32 inihalintulad ni Alma ang salita sa isang binhi; sa kabanata 36 muli niyang isinalaysay ang kuwento ng kanyang pagbabalik-loob sa kanyang anak na si Helaman. Natatala sa mga kabanata 39–42 ang payo ni Alma sa kanyang anak na si Corianton, na nalulong sa pagkakasalang moral; ipinaliliwanag ng mahalagang pangaral na ito ang katarungan, awa, pagkabuhay na mag-uli, at ang Pagbabayad-sala. Inilalarawan ng mga kabanata 45–63 ang mga digmaang Nephita ng panahong iyon at mga pangingibang bayan sa pamumuno ni Hagot. Ang mga dakilang pinuno na tulad nina Kapitan Moroni, Tiancum, at Lehi ay nakatulong sa pangangalaga sa mga Nephita sa pamamagitan ng kanilang magiting at napapanahong pagkilos.