Bahagi 107
Paghahayag tungkol sa pagkasaserdote, na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Kirtland, Ohio, mga Abril 1835. Bagama’t itinala ang bahaging ito noong 1835, pinatutunayan ng mga talang pangkasaysayan na karamihan sa mga talata 60 hanggang 100 ay isinasama ang isang paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith noong Nobyembre 11, 1831. Nauugnay ang bahaging ito sa pagtatatatag ng Korum ng Labindalawa noong Pebrero at Marso 1835. Malamang na ibinigay ito ng Propeta sa harapan ng mga yaong naghahandang lumisan noong Mayo 3, 1835, sa kanilang unang misyon bilang korum.
1–6, May dalawang pagkasaserdote: ang Melquisedec at ang Aaron; 7–12, Ang mga yaong may hawak ng Pagkasaserdoteng Melquisedec ay may karapatang gampanan ang lahat ng katungkulan sa Simbahan; 13–17, Pinamumunuan ng obispado ang Pagkasaserdoteng Aaron, na nangangasiwa sa mga panlabas na ordenansa; 18–20, Taglay ng Pagkasaserdoteng Melquisedec ang mga susi ng lahat ng pagpapalang espirituwal; taglay ng Pagkasaserdoteng Aaron ang mga susi ng paglilingkod ng mga anghel; 21–38, Binubuo ng Unang Panguluhan, ng Labindalawa, at ng Pitumpu ang mga namumunong korum, na ang mga pasiya ay nararapat gawin sa pagkakaisa at katwiran; 39–52, Itinatag ang orden ng mga patriyarka mula kay Adan hanggang kay Noe; 53–57, Nagtipon ang mga sinaunang Banal sa Adan-ondi-Ahman, at nagpakita sa kanila ang Panginoon; 58–67, Isasaayos ng Labindalawa ang mga pinuno sa Simbahan; 68–76, Maglilingkod bilang mga pangkalahatang hukom sa Israel ang mga obispo; 77–84, Binubuo ng Unang Panguluhan at ng Labindalawa ang pinakamataas na hukuman sa Simbahan; 85–100, Pinamamahalaan ng mga pangulo ng pagkasaserdote ang kani-kanilang mga korum.
1 Mayroon, sa simbahan, na dalawang pagkasaserdote, na tinatawag na Melquisedec at Aaron, na saklaw ang Pagkasaserdote ng mga Levita.
2 Tinatawag ang una na Pagkasaserdoteng Melquisedec sapagkat si Melquisedec ay isang napakadakilang mataas na saserdote.
3 Bago ang kanyang kapanahunan, ito ay tinatawag na Banal na Pagkasaserdote, alinsunod sa Orden ng Anak ng Diyos.
4 Ngunit bilang paggalang o pagpipitagan sa pangalan ng Kataas-taasang Katauhan, upang maiwasan ang madalas na pag-uulit ng kanyang pangalan, sila, ang simbahan, noong mga sinaunang panahon, ay ipinangalan ang pagkasaserdoteng yaon kay Melquisedec, o ang Pagkasaserdoteng Melquisedec.
5 Ang lahat ng iba pang mga pinuno o katungkulan sa simbahan ay mga karagdagan sa pagkasaserdoteng ito.
6 Subalit may dalawang paghahati o mga pangunahing uri—ang isa ay Pagkasaserdoteng Melquisedec, at ang isa pa ay Pagkasaserdoteng Aaron o ng mga Levita.
7 Ang katungkulan ng isang elder ay napapasailalim sa pagkasaserdote ni Melquisedec.
8 Tinataglay ng Pagkasaserdoteng Melquisedec ang karapatan ng panguluhan, at may kapangyarihan at karapatan sa lahat ng katungkulan sa simbahan sa lahat ng kapanahunan ng daigdig, na mangasiwa sa mga espirituwal na bagay.
9 Ang Panguluhan ng Mataas na Pagkasaserdote, alinsunod sa orden ni Melquisedec, ay may karapatang gampanan ang lahat ng katungkulan sa simbahan.
10 Ang matataas na saserdote alinsunod sa orden ng Pagkasaserdoteng Melquisedec ay may karapatang gampanan ang kanilang sariling tungkulin, sa ilalim ng tagubilin ng panguluhan, sa pangangasiwa sa mga espirituwal na bagay, at gayundin sa katungkulan ng isang elder, saserdote (sa orden ng mga Levitico), guro, diyakono, at kasapi.
11 Ang isang elder ay may karapatang gumanap na kahalili niya kapag wala ang mataas na saserdote.
12 Ang mataas na saserdote at elder ang mangangasiwa sa mga espirituwal na bagay, alinsunod sa mga tipan at kautusan ng simbahan; at sila ay may karapatang gampanan ang lahat ng katungkulang ito sa simbahan kapag wala ang mga nakatataas na pinuno.
13 Ang pangalawang pagkasaserdote ay tinatawag na Pagkasaserdote ni Aaron, sapagkat iginawad ito kay Aaron at sa kanyang mga binhi, sa lahat ng kanilang mga salinlahi.
14 Tinatawag ito na nakabababang pagkasaserdote sapagkat ito ay karagdagan sa nakatataas, o sa Pagkasaserdoteng Melquisedec, at may karapatan sa pangangasiwa sa mga panlabas na ordenansa.
15 Ang obispado ang panguluhan ng pagkasaserdoteng ito, at tinataglay ang mga susi o karapatan ng nabanggit.
16 Walang sinumang tao ang may legal na karapatan sa katungkulang ito, na taglayin ang mga susi ng pagkasaserdoteng ito, maliban kung siya ay isang literal na inapo ni Aaron.
17 Subalit dahil ang isang mataas na saserdote ng Pagkasaserdoteng Melquisedec ay may karapatang gampanan ang lahat ng nakabababang katungkulan, maaari niyang gampanan ang katungkulan ng obispo kung walang literal na inapo ni Aaron ang matatagpuan, kapag siya ay tinatawag at itinatalaga at inoorden sa kapangyarihang ito sa ilalim ng mga kamay ng Panguluhan ng Pagkasaserdoteng Melquisedec.
18 Ang kapangyarihan at karapatan ng nakatataas, o ng Pagkasaserdoteng Melquisedec, ay taglayin ang mga susi ng lahat ng pagpapalang espirituwal ng simbahan—
19 Na taglayin ang pribilehiyong matanggap ang mga hiwaga ng kaharian ng langit, na mabuksan ang kalangitan sa kanila, na makiugnay sa pangkalahatang pagtitipon at simbahan ng Panganay, at na matamasa ang pakikiugnay at pagharap sa Diyos Ama, at kay Jesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan.
20 Ang kapangyarihan at karapatan ng nakabababa, o ng Pagkasaserdoteng Aaron, ay taglayin ang mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, at na pangasiwaan ang mga panlabas na ordenansa, ang titik ng ebanghelyo, ang pagbibinyag ng pagsisisi para sa kapatawaran ng mga kasalanan, alinsunod sa mga tipan at kautusan.
21 Kinakailangang may mga pangulo, o namumunong pinunong nagmumula sa, o itinatalaga sa o mula sa mga yaong inoorden sa iba’t ibang katungkulan sa dalawang pagkasaserdoteng ito.
22 Mula sa Pagkasaserdoteng Melquisedec, tatlong Namumunong Mataas na Saserdote, na pinili ng lupon, itinalaga at inorden sa tungkuling yaon, at sinang-ayunan nang may pagtitiwala, pananampalataya, at panalangin ng simbahan, ang bumubuo ng isang korum ng Panguluhan ng Simbahan.
23 Ang labindalawang naglalakbay na kasapi ng kapulungan ay tinatawag na maging Labindalawang Apostol, o mga natatanging saksi ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig—sa gayon sila naiiba sa ibang mga pinuno ng simbahan sa mga tungkulin ng kanilang katungkulan.
24 At sila ang bumubuo sa isang korum, kapantay sa karapatan at kapangyarihan ng tatlong pangulong unang nabanggit.
25 Ang Pitumpu ay tinawag din na mangaral ng ebanghelyo, at na maging mga natatanging saksi sa mga Gentil at sa buong daigdig—sa gayon sila naiiba sa ibang mga pinuno ng simbahan sa mga tungkulin ng kanilang katungkulan.
26 At sila ang bumubuo sa isang korum, kapantay sa kapangyarihan ng Labindalawang natatanging saksi o Apostol na kababanggit lamang.
27 At bawat pasiyang gagawin ng alinman sa mga korum na ito ay kinakailangang maging alinsunod sa nagkakaisang tinig ng nabanggit; na, lahat ng kasapi sa bawat korum ay kinakailangang sumang-ayon sa mga pasiya nito, upang magawa ang kanilang mga pagpapasiya nang may gayunding kapangyarihan o bisa sa isa’t isa—
28 Isang mayorya ang maaaring bumuo sa isang korum kung hindi maitutulot ng mga kalagayan ang iba pa—
29 Maliban kung ito ang kalagayan, ang kanilang mga pasiya ay walang karapatan sa gayunding mga pagpapala na mga pasiya ng isang korum ng tatlong pangulo noong sinauna, na mga inorden alinsunod sa orden ni Melquisedec, at mga lalaking matwid at banal.
30 Ang mga pasiya ng mga korum na ito, o ng isa sa kanila, ay isasagawa sa buong katwiran, sa kabanalan, at kababaan ng puso, kaamuan at mahabang pagtitiis, at sa pananampalataya, at karangalan, at kaalaman, kahinahunan, tiyaga, pagkamaka-Diyos, kabaitan sa kapatid, at pag-ibig sa kapwa tao;
31 Sapagkat ang pangako ay, kung ang mga bagay na ito ay nananagana sa kanila, hindi sila magiging mga walang bunga sa kaalaman tungkol sa Panginoon.
32 At kung sakaling ang alinmang pasiya ng mga korum na ito ay ginagawa sa kasamaan, maaari itong dalhin sa isang pangkalahatang pagpupulong ng iba’t ibang korum, na bumubuo sa mga espirituwal na pamumuno ng simbahan; kung hindi, hindi maiaapela ang kanilang pasiya.
33 Ang Labindalawa ay isang Naglalakbay na Namumunong Mataas na Kapulungan, na nanunungkulan sa pangalan ng Panginoon, sa ilalim ng tagubilin ng Panguluhan ng Simbahan, alinsunod sa itinatatag ng langit; na itayo ang simbahan, at pamahalaan ang lahat ng gawain ng nabanggit sa lahat ng bansa, una sa mga Gentil at pangalawa sa mga Judio.
34 Ang Pitumpu ay kikilos sa pangalan ng Panginoon, sa ilalim ng tagubilin ng Labindalawa o ng naglalakbay na mataas na kapulungan, sa pagtatayo ng simbahan at pamamahala sa lahat ng gawain ng nabanggit sa lahat ng bansa, una sa mga Gentil at pagkatapos sa mga Judio—
35 Ang Labindalawa ay isinusugo, taglay ang mga susi, na buksan ang pintuan sa pamamagitan ng pagpapahayag ng ebanghelyo ni Jesucristo, at una sa mga Gentil at pagkatapos sa mga Judio.
36 Ang mga pampook na mataas na kapulungan, sa mga istaka ng Sion, ang bumubuo sa isang korum na kapantay sa kapangyarihan sa mga gawain ng simbahan, sa lahat ng kanilang mga pasiya, sa korum ng panguluhan, o sa naglalakbay na mataas na kapulungan.
37 Ang mataas na kapulungan sa Sion ang bumubuo sa isang korum na kapantay sa kapangyarihan sa mga gawain ng simbahan, sa lahat ng kanilang pasiya, sa mga kapulungan ng Labindalawa sa mga istaka ng Sion.
38 Tungkulin ng naglalakbay na mataas na kapulungan na manawagan sa Pitumpu, kung kinakailangan nila ng tulong, upang mapunan ang iba’t ibang panawagan na ipangaral at pangasiwaan ang ebanghelyo, sa halip na iba pa.
39 Tungkulin ng Labindalawa, sa lahat ng malaking sangay ng simbahan, na mag-orden ng mga ebanghelista, kapag ilalahad sa kanila sa pamamagitan ng paghahayag—
40 Ang orden ng pagkasaserdoteng ito ay itinatag na ipasa-pasa mula sa ama patungo sa anak na lalaki, at pag-aari ayon sa batas ng mga literal na inapo ng piniling binhi, kung kanino ginawa ang mga pangako.
41 Ang orden na ito ay itinatag sa mga araw ni Adan, at naipasa sa angkan sa paraang sumusunod:
42 Mula kay Adan patungo kay Set, na inorden ni Adan sa gulang na animnapu’t siyam na taon, at binasbasan niya tatlong taon bago siya (si Adan) mamatay, at tinanggap ang pangako ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang ama, na ang angkan niya ang magiging pinili ng Panginoon, at na pangangalagaan sila hanggang sa katapusan ng mundo;
43 Dahil siya (si Set) ay isang ganap na lalaki, at siya ay kawangis na kawangis ng kanyang ama, kung kaya nga’t tila siya ay katulad ng kanyang ama sa lahat ng bagay, at makikilala lamang mula sa kanya dahil sa gulang niya.
44 Si Enos ay inorden sa gulang na isandaan at tatlumpu’t apat na taon at apat na buwan, ng kamay ni Adan.
45 Tinawag ng Diyos si Cainan sa ilang sa ikaapatnapung taon ng kanyang gulang; at kanyang nakasalubong si Adan sa paglalakbay patungo sa lugar ng Shedolamak. Siya ay walumpu’t pitong taong gulang nang matanggap niya ang kanyang ordinasyon.
46 Si Mahalaleel ay apat na raan at siyamnapu’t anim na taon at pitong araw na gulang nang inorden siya ng kamay ni Adan, na siya ring nagbasbas sa kanya.
47 Si Jared ay dalawang daang taong gulang nang inorden siya sa ilalim ng kamay ni Adan, na siya ring nagbasbas sa kanya.
48 Si Enoc ay dalawampu’t limang taong gulang nang inorden siya sa ilalim ng kamay ni Adan; at siya ay animnapu’t lima at binasbasan siya ni Adan.
49 At kanyang nakita ang Panginoon, at siya ay lumakad kasama niya, at nasa sa kanyang harapan sa tuwina; at siya ay lumakad kasama ang Diyos tatlong daan at animnapu’t limang taon, kaya nasa apat na raan at tatlumpung taong gulang siya nang nagbagong-kalagayan siya.
50 Si Matusalem ay isandaang taon gulang nang inorden siya sa ilalim ng kamay ni Adan.
51 Si Lamec ay tatlumpu’t dalawang taong gulang nang inorden siya sa ilalim ng kamay ni Set.
52 Si Noe ay sampung taong gulang nang inorden siya sa ilalim ng kamay ni Matusalem.
53 Tatlong taon bago ang kamatayan ni Adan, tinawag niya sina Set, Enos, Cainan, Mahalaleel, Jared, Enoc, at Matusalem, na matataas na saserdote lahat, kasama ang natitira sa kanyang angkan na mga matwid, sa lambak ng Adan-ondi-Ahman, at doon ipinagkaloob sa kanila ang kanyang huling basbas.
54 At ang Panginoon ay nagpakita sa kanila, at sila ay nagsitindig at nagbigay-papuri si Adan, at tinawag siyang Miguel, ang prinsipe, ang arkanghel.
55 At binigyang-alo ng Panginoon si Adan, at sinabi sa kanya: Itinalaga kita na maging una; maraming-maraming bansa ang manggagaling sa iyo, at ikaw ay prinsipe sa kanila magpakailanman.
56 At si Adan ay tumayo sa gitna ng kongregasyon; at, bagama’t nahukot na siya dahil sa katandaan, napupuspos ng Espiritu Santo, ibinadya kung anuman ang sasapitin ng kanyang angkan hanggang sa kahuli-hulihang salinlahi.
57 Ang mga bagay na ito ay nakasulat lahat sa aklat ni Enoc, at patototohanan sa takdang panahon.
58 Tungkulin din ng Labindalawa na iorden at isaayos ang lahat ng iba pang mga pinuno ng simbahan, alinsunod sa paghahayag na nagsasabing:
59 Sa simbahan ni Cristo sa lupain ng Sion, na dagdag sa mga batas ng simbahan hinggil sa gawain ng simbahan—
60 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, wika ng Panginoon ng mga Hukbo, talagang kinakailangang magkaroon ng mga namumunong elder upang mamuno sa mga yaong nasa katungkulan ng isang elder;
61 At gayundin ng mga saserdote upang mamuno sa mga yaong nasa katungkulan ng isang saserdote;
62 At gayundin ng mga guro upang mamuno sa mga yaong nasa katungkulan ng isang guro, sa gayunding pamamaraan, at gayundin sa mga diyakono—
63 Samakatwid, mula diyakono hanggang sa guro, at mula guro hanggang sa saserdote, at mula saserdote hanggang sa elder, kani-kanya tulad ng pagtatalaga sa kanila, alinsunod sa mga tipan at kautusan ng simbahan.
64 Pagkatapos, susunod ang Mataas na Pagkasaserdote, na pinakadakila sa lahat.
65 Samakatwid, talagang kinakailangang may isang itatalaga mula sa Mataas na Pagkasaserdote na mamumuno sa pagkasaserdote, at siya ay tatawaging Pangulo ng Mataas na Pagkasaserdote ng Simbahan;
66 O, sa ibang salita, ang Namumunong Mataas na Saserdote sa Mataas na Pagkasaserdote ng Simbahan.
67 Mula sa nabanggit nagmumula ang pangangasiwa ng mga ordenansa at pagbabasbas sa simbahan, sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay.
68 Samakatwid, ang katungkulan ng obispo ay hindi kapantay nito; sapagkat ang katungkulan ng obispo ay pangangasiwa sa lahat ng bagay na temporal;
69 Gayunpaman, ang isang obispo ay kinakailangang piliin mula sa Mataas na Pagkasaserdote, maliban kung siya ay literal na inapo ni Aaron;
70 Sapagkat maliban kung siya ay literal na inapo ni Aaron, hindi niya matataglay ang mga susi ng pagkasaserdoteng yaon.
71 Gayunpaman, ang isang mataas na saserdote, na, alinsunod sa orden ni Melquisedec, ay maaaring italaga sa pangangasiwa sa mga bagay na temporal, na may kaalaman sa mga ito sa pamamagitan ng Espiritu ng katotohanan;
72 At maging isa ring hukom sa Israel, na gawin ang gawain ng simbahan, na hatulan ang mga lumalabag batay sa patotoong ihaharap sa kanya alinsunod sa mga batas, sa tulong ng mga tagapayo niya, na kanyang pinili o pipiliin mula sa mga elder ng simbahan.
73 Ito ang tungkulin ng isang obispo na hindi literal na inapo ni Aaron, ngunit inorden sa Mataas na Pagkasaserdote alinsunod sa orden ni Melquisedec.
74 Sa gayon siya magiging isang hukom, maging isang pangkalahatang hukom sa mga naninirahan sa Sion, o sa isang istaka ng Sion, o sa anumang sangay ng simbahan kung saan siya itatalaga sa paglilingkod na ito, hanggang sa mapalawak ang mga hangganan ng Sion at kakailanganing magkaroon ng iba pang mga obispo o hukom sa Sion o sa iba pang lugar.
75 At yamang may iba pang mga obispong itinatalaga, sila ay kikilos sa gayunding katungkulan.
76 Ngunit ang isang literal na inapo ni Aaron ay may legal na karapatan sa panguluhan ng pagkasaserdoteng ito, sa mga susi sa paglilingkod na ito, na kumilos sa katungkulan ng obispo nang nag-iisa, na walang mga tagapayo, maliban sa pangyayari na kung saan ang isang Pangulo ng Mataas na Pagkasaserdote, alinsunod sa orden ni Melquisedec, ay nililitis, na maghatol bilang isang hukom sa Israel.
77 At ang pasiya ng alinman sa mga kapulungang ito ay magiging alinsunod sa kautusang nagsasabing:
78 Muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ang pinakamahalagang gawain ng simbahan, at ang pinakamahihirap na kaso sa simbahan, yamang walang kasiyahan sa pasiya ng obispo o mga hukom, ito ay ibibigay at dadalhin sa kapulungan ng simbahan, sa harapan ng Panguluhan ng Mataas na Pagkasaserdote.
79 At ang Panguluhan ng kapulungan ng Mataas na Pagkasaserdote ay magkakaroon ng karapatang tumawag ng iba pang matataas na saserdote, maging labindalawa, na tumulong bilang mga tagapayo; at sa gayon magkakaroon ng kapangyarihang magpasiya ang Panguluhan ng Mataas na Pagkasaserdote at mga tagapayo nito batay sa patotoo alinsunod sa mga batas ng simbahan.
80 At matapos ang pasiyang ito, hindi na ito aalalahanin pa sa harapan ng Panginoon; sapagkat ito ang pinakamataas na kapulungan ng simbahan ng Diyos, at may pinakahuling pasiya hinggil sa mga pagtatalo sa mga espirituwal na bagay.
81 Walang sinumang taong nabibilang sa simbahan ang hindi saklaw ng kapulungang ito ng simbahan.
82 At yamang lalabag ang isang Pangulo ng Mataas na Pagkasaserdote, siya ay aalalahanin sa harapan ng pangkalahatang kapulungan ng simbahan, na tutulungan ng labindalawang tagapayo ng Mataas na Pagkasaserdote;
83 At ang kanilang pasiya ukol sa ulo niya ang magiging wakas ng pagtatalo hinggil sa kanya.
84 Sa gayon, walang hindi saklaw ng katarungan at mga batas ng Diyos, nang ang lahat ng bagay ay maisagawa nang may kaayusan at sa kataimtiman sa harapan niya, alinsunod sa katotohanan at katwiran.
85 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ang tungkulin ng pangulo sa katungkulan ng diyakono ay mamuno sa labindalawang diyakono, maupo sa kapulungan kasama nila, at ituro sa kanila ang kanilang tungkulin, pinatitibay ang bawat isa, tulad ng pagkakabigay nito alinsunod sa mga tipan.
86 At gayundin, ang tungkulin ng pangulo sa katungkulan ng mga guro ay mamuno sa dalawampu’t apat na guro, at maupo sa kapulungan kasama nila, itinuturo sa kanila ang mga tungkulin ng katungkulan nila, tulad ng ibinibigay sa mga tipan.
87 Gayundin, ang tungkulin ng pangulo sa Pagkasaserdoteng Aaron ay mamuno sa apatnapu’t walong saserdote, at maupo sa kapulungan kasama nila, na ituro sa kanila ang mga tungkulin ng kanilang katungkulan, tulad ng ibinibigay sa mga tipan—
88 Ang pangulong ito ay kinakailangang isang obispo, sapagkat isa ito sa mga tungkulin ng pagkasaserdoteng ito.
89 Muli, ang tungkulin ng pangulo sa katungkulan ng mga elder ay mamuno sa siyamnapu’t anim na elder, at maupo sa kapulungan kasama nila, at turuan sila alinsunod sa mga tipan.
90 Ang panguluhang ito ay naiiba sa yaong pitumpu, at nilalayon para sa yaong mga hindi naglalakbay sa buong daigdig.
91 At muli, ang tungkulin ng Pangulo ng katungkulan ng Mataas na Pagkasaserdote ay mamuno sa buong simbahan, at maging katulad ni Moises—
92 Dinggin, narito ang karunungan; oo, ang maging isang tagakita, isang tagapaghayag, isang tagasalin, at isang propeta, taglay ang lahat ng kaloob ng Diyos na kanyang ipinagkakaloob sa ulo ng simbahan.
93 At ito ay alinsunod sa pangitaing nagpapakita ng orden ng Pitumpu, na magkaroon sila ng pitong pangulo na mamumuno sa kanila, pinili mula sa bilang ng pitumpu;
94 At ang ikapitong pangulo sa mga pangulong ito ang mamumuno sa anim;
95 At ang pitong pangulong ito ay pipili ng iba pang pitumpu bukod sa naunang pitumpu kung saan sila nabibilang, at pamumunuan sila;
96 At iba pa ring mga pitumpu, hanggang sa makapitong pitumpu, kung kakailanganin ito sa gawain sa ubasan.
97 At ang mga pitumpung ito ay magiging mga naglalakbay na ministro, una sa mga Gentil at sa mga Judio rin.
98 Samantalang ang ibang mga pinuno ng simbahan, na hindi nabibilang sa Labindalawa, ni sa Pitumpu, ay hindi nasasailalim ng tungkuling maglakbay sa lahat ng bansa, ngunit maglalakbay yamang itutulot ng kanilang mga kalagayan, bagama’t maaari silang humawak ng matataas at mahahalagang katungkulan sa simbahan.
99 Anupa’t ngayon, alamin ng bawat tao ang kanyang tungkulin, at kumilos sa katungkulang itinatalaga sa kanya, nang buong sigasig.
100 Siya na tamad ay hindi ituturing na karapat-dapat tumindig, at siya na hindi natututuhan ang kanyang tungkulin at hindi ipinakikita na kinakasihan siya ay hindi ituturing na karapat-dapat na tumindig. Maging gayon nga. Amen.