Bahagi 128
Isang sulat mula kay Joseph Smith, ang Propeta, para sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na naglalaman ng mga karagdagang tagubilin tungkol sa pagbibinyag para sa mga patay, na isinulat sa Nauvoo, Illinois, Setyembre 6, 1842.
1–5, Kinakailangang patunayan ng mga lokal at pangkalahatang tagasulat ang katotohanan ng mga pagbibinyag para sa mga patay; 6–9, Nakabuklod at nakatala sa lupa at sa langit ang kanilang mga tala; 10–14, Nahahalintulad sa libingan ang lugar na pinagbibinyagan; 15–17, Si Elijah ang nagpanumbalik ng kapangyarihan hinggil sa pagbibinyag para sa mga patay; 18–21, Ipinanumbalik ang lahat ng susi, kapangyarihan, at karapatan ng mga nakaraang dispensasyon; 22–25, Ipinapahayag ang masasaya at maluluwalhating balita para sa mga buhay at sa mga patay.
1 Tulad ng aking ipinahayag sa inyo sa liham ko bago ako lumisan sa aking tahanan, na ako ay susulat sa inyo sa pana-panahon at bibigyan kayo ng kaalaman hinggil sa maraming paksa, akin ngayong ipagpapatuloy ang paksa na pagbibinyag para sa mga patay, sapagkat ang paksang ito ay tila sumasaklaw sa aking isipan, at tumitimo ito sa aking damdamin nang napakatindi, habang ako ay tinutugis ng aking mga kaaway.
2 Ako ay sumulat ng ilang salita na paghahayag sa inyo hinggil sa isang tagasulat. May ilang karagdagang pananaw ako hinggil sa bagay na ito, na akin ngayong pinagtitibay. Na nakasaad sa aking naunang liham na nararapat magkaroon ng isang tagasulat, na nararapat maging saksi, at makinig din gamit ang kanyang mga tainga, upang siya ay makagawa ng isang tala ng katotohanan sa harapan ng Panginoon.
3 Ngayon, hinggil sa bagay na ito, magiging napakahirap para sa isang tagasulat na maging naroroon sa lahat ng pagkakataon, at isagawa ang lahat ng gawain. Upang maiwasan ang suliraning ito, maaaring magtalaga ng isang tagasulat sa bawat purok sa lungsod, na lubos na may kakayahang magtala ng tamang katitikan; at siya ay nararapat na maging napakatumpak at ganap sa pagtatala ng buong kaganapan, pinatutunayan sa kanyang tala na nakita niya gamit ang kanyang mga mata, at narinig gamit ang kanyang mga tainga, isinusulat ang petsa, at mga pangalan, at iba pa, at ang kasaysayan ng buong gawain; pinapangalanan din ang tatlong kataong naroroon, kung mayroon mang naroroon, na magagawa sa anumang oras kapag tinawag na magpatunay sa gayundin, upang sa bibig ng dalawa o tatlong saksi, mapagtitibay ang bawat salita.
4 Dagdag pa, magkaroon ng isang pangkalahatang tagasulat, kung kanino maibibigay ang ibang mga talang ito, na kinalalakipan ng mga katibayan na napipirmahan sa bandang ibaba ng kanilang sariling mga lagda, pinatutunayan na ang talang kanilang ginawa ay totoo. Pagkatapos, ang pangkalahatang tagasulat ng simbahan ay maisusulat ang tala sa pangkalahatang aklat ng simbahan, kalakip ang mga katibayan at lahat ng naroroong saksi, kalakip ang kanyang sariling paglalahad na sa katotohanan, pinaniniwalaan niya na totoo ang nabanggit na paglalahad at mga tala, mula sa kanyang kaalaman tungkol sa buong pagkatao at pagkakatalaga sa mga lalaking yaon ng simbahan. At kapag naisagawa na ito sa pangkalahatang aklat ng simbahan, ang tala ay magiging kasimbanal, at mapagtitibay rin ang ordenansa na tila ba nakita niya gamit ang kanyang mga mata at narinig gamit ang kanyang mga tainga, at itinala rin ang gayon sa pangkalahatang aklat ng simbahan.
5 Maaari ninyong isipin na napakatumpak ng kaparaanan ng mga bagay na ito; subalit hayaan ako na sabihin sa inyo na ito ay upang tugunin lamang ang kalooban ng Diyos, sa pamamagitan ng pagtalima sa ordenansa at paghahanda na inorden at inihanda ng Panginoon bago pa ang pagkakatatag ng daigdig, para sa kaligtasan ng mga patay na mamamatay na walang kaalaman tungkol sa ebanghelyo.
6 At dagdag pa, nais kong tandaan ninyo na si Juan, ang Tagapaghayag, ay pinagnilay-nilayan ang paksa ring ito hinggil sa mga patay, nang kanyang ipinahayag, tulad ng inyong matatagpuang nakatala sa Apocalipsis 20:12—At aking nakita ang mga patay, mga hamak at mga dakila, na nakatayo sa harapan ng Diyos, at ang mga aklat ay nakabukas; at isa pang aklat ang nakabukas, na siyang aklat ng buhay; at ang mga patay ay hinatulan sa pamamagitan ng mga yaong bagay na nakasulat sa mga aklat, alinsunod sa kanilang mga gawa.
7 Inyong matutuklasan sa siping ito na nakabukas ang mga aklat; at nakabukas ang isa pang aklat, na siyang aklat ng buhay; subalit ang mga patay ay hinatulan sa pamamagitan ng mga yaong bagay na nasusulat sa mga aklat, alinsunod sa kanilang mga gawa; kaya nga, ang mga aklat na binanggit ay tiyak na ang mga yaong aklat na naglalaman ng tala ng kanilang mga gawa, at tumutukoy sa mga talang iniingatan sa lupa. At ang aklat na siyang aklat ng buhay ang talaang iniingatan sa langit; ang alituntunin ay tiyak na naaalinsunod sa doktrinang iniuutos sa inyo sa paghahayag na nasa liham na isinulat ko sa inyo bago pa ako umalis sa aking tahanan—upang ang lahat ng inyong pagtatala ay maitala sa langit.
8 Ngayon, ang diwa ng ordenansang ito ay binubuo ng kapangyarihan ng pagkasaserdote, sa pamamagitan ng paghahayag ni Jesucristo, na nagpapahintulot sa anuman na inyong ibubuklod sa lupa na mabuklod sa langit, at anuman na inyong paghihiwalayin sa lupa ay maihiwalay sa langit. O, sa ibang salita, kung iibahin ang pananaw hinggil sa pagsasalin, anuman na inyong itinatala sa lupa ay itatala sa langit, at anuman na hindi ninyo itinatala sa lupa ay hindi itatala sa langit; sapagkat sa pamamagitan ng mga aklat hahatulan ang inyong mga patay, alinsunod sa kanilang sariling mga gawa, kung sila ay sumusunod sa mga ordenansa sa kanilang sariling propria persona, o sa pamamagitan ng sarili nilang mga kinatawan, alinsunod sa ordenansang inihahanda ng Diyos para sa kanilang kaligtasan mula pa noong bago ang pagkakatatag ng daigdig, alinsunod sa mga talang kanilang iniingatan hinggil sa kanilang mga patay.
9 Maaaring sa ilan, tila isang napakapangahas na doktrina ang ating pinag-uusapan—isang kakayahang nagtatala o nagbubuklod sa lupa at nagbubuklod sa langit. Gayunpaman, sa lahat ng panahon sa daigdig, kapag ang Panginoon ay naggagawad ng isang dispensasyon ng pagkasaserdote sa sinumang lalaki sa pamamagitan ng tunay na paghahayag, o sa anumang pangkat ng mga kalalakihan, ang kapangyarihang ito ay ibinibigay sa tuwina. Dahil dito, anuman ang ginawa ng mga lalaking yaong gamit ang karapatan, sa pangalan ng Panginoon, at ginawa ito nang tumpak at tapat, at nag-ingat ng isang wasto at matapat na tala ng gayundin, nagiging batas ito sa lupa at sa langit, at hindi mapapawalang-bisa, alinsunod sa mga tuntunin ng dakilang Jehova. Ito ay isang matapat na kawikaan. Sino ang makaririnig nito?
10 At muli, bilang halimbawa, isipin ang Mateo 16:18, 19: At akin ding sinasabi sa iyo, Na ikaw si Pedro, at sa batong ito ko itatayo ang aking simbahan; at ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban dito. At aking igagawad sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: at anuman na iyong ibinuklod sa lupa ay mabubuklod sa langit; at anuman na iyong pinaghihiwalay sa lupa ay mapaghihiwalay sa langit.
11 Ngayon, ang dakila at pangunahing lihim ng lahat ng bagay, at ang summum bonum ng buong paksa na nakalatag sa harapan natin, ay binubuo ng pagtatamo ng mga kapangyarihan ng Banal na Pagkasaserdote. Sa kanya na pinagkakalooban ng mga susing ito, walang paghihirap sa pagtatamo ng kaalaman ng mga katotohanan hinggil sa kaligtasan ng mga anak ng tao, kapwa maging para sa mga patay, gayundin para sa mga buhay.
12 Narito ang kaluwalhatian at karangalan, at kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan—Ang ordenansa ng pagbibinyag sa pamamagitan ng tubig, na mailubog doon upang tumugma sa pagkakawangis ng mga patay, upang ang isang alituntunin ay maging kaayon ng isa pa; na ang mailubog sa tubig at umahon mula sa tubig ay kawangis ng pagkabuhay na mag-uli ng mga patay sa paglabas sa kanilang mga libingan; kaya nga, sinimulan ang ordenansang ito upang bumuo ng kaugnayan sa ordenansa ng pagbibinyag para sa mga patay, na kawangis ng mga patay.
13 Samakatwid, ang lugar na pinagbibinyagan ay sinimulan bilang kahalintulad ng libingan, at iniutos na maging isang lugar na nasa ilalim kung saan karaniwang nagtitipun-tipon ang mga buhay, upang ihalintulad sa mga buhay at sa mga patay, at nang maging kawangis ng mga ito ang lahat ng bagay, at upang makiayon ang mga ito sa isa’t isa—na ang yaong panlupa ay umaalinsunod sa yaong panlangit, tulad ng ipinahayag ni Pablo, sa 1 Corinto 15:46, 47, at 48:
14 Gayunman, ang yaong nauna ay hindi espirituwal, kundi ang yaong likas; at pagkatapos, ang yaong espirituwal. Ang unang tao ay mula sa lupa, makalupa; ang pangalawang tao ay ang Panginoon mula sa langit. Tulad ng makalupa, gayundin sila na makalupa; at tulad ng makalangit, gayundin sila na makalangit. At tulad ng mga talaan sa lupa hinggil sa inyong mga patay, na tunay na ginagawa, gayundin ang mga talaan sa langit. Anupa’t ito ang kakayahang magbuklod at magtali, at, sa ibang salita, ang mga susi ng kaharian, na bumubuo sa susi ng kaalaman.
15 At ngayon, aking mga pinakamamahal na kapatid na lalaki at babae, hayaan akong tiyakin sa inyo na ang mga ito ay mga alituntunin hinggil sa mga patay at sa mga buhay na hindi maipagpapawalang-bahala, hinggil sa ating kaligtasan. Sapagkat ang kanilang kaligtasan ay kinakailangan at lubhang mahalaga sa ating kaligtasan, tulad ng sinasabi ni Pablo hinggil sa mga ama—na sila ay hindi magiging ganap kung wala tayo—ni hindi rin tayo magiging ganap kung wala ang ating mga patay.
16 At ngayon, hinggil sa pagbibinyag para sa mga patay, babanggitin ko sa inyo ang isa pang sipi ni Pablo, sa 1Â Corinto 15:29: Ano pa ba ang kanilang gagawin na mga binibinyagan para sa mga patay, kung ang mga patay ay hindi na muling babangon? Bakit pa sila kung gayon binibinyagan para sa mga patay?
17 At muli, dagdag pa sa siping ito, babanggitin ko sa inyo ang isang sipi mula sa isa sa mga propeta, na ang kanyang mga mata ay nakatuon sa pagpapanumbalik ng pagkasaserdote, sa mga kaluwalhatiang ihahayag sa mga huling araw, at sa isang natatanging pamamaraan na nabibilang sa walang hanggang ebanghelyo na yaong pinakamaluwalhati sa lahat ng paksa, na pagbibinyag para sa mga patay; sapagkat sinasabi ni Malakias, sa huling kabanata, talata 5 at 6: Dinggin, isusugo ko sa inyo ang propetang si Elijah bago ang pagsapit ng dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon: At kanyang ibabaling ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga ama, upang ako ay hindi pumarito at parusahan ang daigdig ng isang sumpa.
18 Maaaring nakapagbigay ako ng isang higit na malinaw na pagkakasalin nito, subalit sapat ang linaw nito upang umangkop sa aking layunin tulad ng pagkakasalin nito. Sapat nang malaman, sa bagay na ito, na ang daigdig ay parurusahan ng isang sumpa maliban kung may isang pag-uugnay na anumang uri o iba pa sa pagitan ng mga ama at ng mga anak, sa alinmang paksa o iba pa—at dinggin, ano ang paksang yaon? Ito ang pagbibinyag para sa mga patay. Sapagkat tayo, kung wala sila, ay hindi magiging sakdal; ni sila rin, kung wala tayo, ay hindi magiging sakdal. Ni hindi rin sila o tayo magiging ganap kung wala ang mga yaong nangamatay sa ebanghelyo; sapagkat kinakailangan ito sa pagsisimula ng dispensasyon ng kaganapan ng panahon, na dispensasyong nagsisimula na sa ngayon, na ang isang buo at husto at sakdal na pagsasanib, at pag-uugnay na magkakasama ng mga dispensasyon, at mga susi, at mga kapangyarihan, at mga kaluwalhatian ay nararapat mangyari, at ipahahayag mula sa mga araw ni Adan maging sa kasalukuyang panahon. At hindi lamang ito, kundi pati na ang mga yaong bagay na hindi pa kailanman naipahahayag mula pa sa pagkakatatag ng daigdig, sa halip ay maingat na itinago mula sa matatalino at marurunong, ay ipahahayag sa mga sanggol at pinasususo rito, sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon.
19 Ngayon, ano ang ating naririnig sa ebanghelyo na ating natanggap? Isang tinig ng kagalakan! Isang tinig ng awa mula sa langit; at isang tinig ng katotohanan mula sa lupa; masasayang balita para sa mga patay; isang tinig ng kagalakan para sa mga buhay at sa mga patay; masasayang balita ng dakilang kagalakan. Anong ganda sa mga bundok ng mga paa ng mga yaong nagdadala ng masasayang balita tungkol sa mabubuting bagay, at nagsasabi sa Sion: Dinggin, ang iyong Diyos ay naghahari! Tulad ng mga hamog ng Carmel, sa gayundin aambon sa kanila ang kaalaman ng Diyos!
20 At muli, ano ang ating naririnig? Masasayang balita mula sa Cumorah! Si Moroni, isang anghel mula sa langit, na ipinahahayag ang katuparan ng mga propeta—ang aklat na ipahahayag. Isang tinig ng Panginoon sa ilang ng Fayette, Seneca county, ipinahahayag ang tatlong saksi na magpatotoo tungkol sa aklat! Ang tinig ni Miguel sa mga pampang ng Susquehanna, nakikilala ang diyablo nang magpakita siya bilang isang anghel ng liwanag! Ang tinig nina Pedro, Santiago, at Juan sa ilang sa pagitan ng Harmony, Susquehanna county, at Colesville, Broome county, sa Ilog Susquehanna, ipinahahayag ang kanilang sarili na mga nagtataglay ng mga susi ng kaharian, at ng dispensasyon ng kaganapan ng panahon.
21 At muli, ang tinig ng Diyos sa silid ng matandang si Amang Whitmer, sa Fayette, Seneca county, at sa iba’t ibang panahon, at sa magkakaibang lugar sa lahat ng paglalakbay at paghihirap nitong Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw! At ang tinig ni Miguel, ang arkanghel; ang tinig ni Gabriel, at ni Rafael, at ng iba’t ibang anghel, mula kay Miguel o Adan hanggang sa kasalukuyang panahon, lahat ay ipinapahayag ang kanilang dispensasyon, kanilang mga karapatan, kanilang mga susi, kanilang karangalan, kanilang kamaharlikaan at kaluwalhatian, at ang kapangyarihan ng kanilang pagkasaserdote; nagbibigay nang taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin; kaunti rito, at kaunti roon; binibigyan tayo ng kapanatagan habang ipinangangaral ang yaong sasapit, pinagtitibay ang ating pag-asa!
22 Mga kapatid, hindi ba tayo magpapatuloy sa isang napakadakilang adhikaing ganito? Sumulong at huwag umurong. Magpakatapang, mga kapatid; at humayo, humayo patungo sa tagumpay! Magsaya sa inyong mga puso, at labis na magalak. Bumulalas ang mundo sa pag-awit. Magsalita ang mga patay ng mga awit ng walang hanggang papuri kay Haring Immanuel, na nag-orden, bago pa nilikha ng daigdig, na yaong tutulong sa atin na matubos sila mula sa kanilang bilangguan; sapagkat makalalaya ang mga bilanggo.
23 Sumigaw ang kabundukan sa kagalakan, at lahat kayong mga lambak ay humiyaw nang malakas; at lahat kayong mga dagat at tuyong lupain ay sabihin ang mga kababalaghan ng inyong Walang Hanggang Hari! At kayong mga ilog, at batis, at sapa, umagos nang may kagalakan. Purihin ng mga kakahuyan at lahat ng puno ng parang ang Panginoon; at kayong mga buong bato ay umiyak sa kagalakan! At magsiawit nang sabay-sabay ang araw, buwan, at ang mga bituin sa umaga, at sumigaw sa kagalakan ang lahat ng anak na lalaki ng Diyos! At ipahayag ng mga walang hanggang nilikha ang kanyang pangalan magpakailanman at walang katapusan! At muli, aking sinasabi, anong luwalhati ang tinig na ating naririnig mula sa langit, ipinahahayag sa ating mga tainga ang kaluwalhatian, at kaligtasan, at karangalan, at kawalang-kamatayan, at buhay na walang hanggan; mga kaharian, prinsipalidad, at kapangyarihan!
24 Dinggin, ang dakilang araw ng Panginoon ay nalalapit na; at sino ang makatatagal sa araw ng kanyang pagparito, at sino ang makapananatili kapag siya ay magpakita? Sapagkat siya ay tulad ng apoy ng isang maglalantay, at tulad ng sabon ng isang tagapagpaputi ng lana; at siya ay kikilos bilang maglalantay at tagapagpadalisay ng pilak, at kanyang dadalisayin ang mga anak na lalaki ni Levi, at pakikinisin sila tulad ng ginto at pilak, upang sila ay makapag-alay sa Panginoon ng handog sa pagkamatwid. Samakatwid, mag-alay tayo sa Panginoon, bilang isang simbahan at mga tao, at bilang mga Banal sa mga Huling Araw, ng isang handog sa pagkamatwid; at ating ialay sa kanyang banal na templo, kapag ito ay natapos na, ang isang aklat na naglalaman ng mga tala ng ating mga patay, na magiging karapat-dapat sa lahat ng pagtanggap.
25 Mga kapatid, ako ay marami pang bagay na sasabihin sa inyo tungkol sa paksa; subalit magtatapos na ngayon sa kasalukuyan, at ipagpapatuloy ang paksa sa ibang pagkakataon. Ako, tulad ng dati, ang inyong hamak na tagapaglingkod at hindi nagbabagong kaibigan,
Joseph Smith.