2018
Ang Aking Regalo sa Tagapagligtas
Disyembre 2018


Ang Aking Regalo sa Tagapagligtas

Ang awtor ay naninirahan sa Idaho, USA.

Pakiramdam ko ay may pagkukulang ako noong missionary ako. Ano ang maaari kong gawin para matigil ang pagtutuon ko sa sarili ko at simulan kong magtuon sa Tagapagligtas?

gift to the Savior

Paglalarawan ni Dinara Mirtalipova

Napakaginaw sa Russia kapag taglamig at madalas ay makulimlim, na nagpapapanglaw at halos nagpapalungkot sa mga araw. Bandang katapusan iyon ng Nobyembre at bukod pa sa nakalulumbay na panahon, pakiramdam ko ay nag-iisa ako, may pagkukulang, at walang kakayahang maging isang mahusay na missionary. Naatasan akong turuan ang isang bagong kompanyon, at bagama’t mahusay si Sister Hart, napilitan ako ngayon na mas pag-aralan ang wika, maging halimbawa, at makahanap ng isang tao—kahit sino—na matuturuan.

Katatanggap lang namin ng balita na ang aming bagong mission president ay magdaraos ng zone conference sa Yekaterinburg, limang oras mula sa aming lugar sa Perm. Isang napakaginaw na umaga ng Disyembre, nagpunta kami ni Sister Hart sa istasyon ng tren.

Habang naghihintay kami pinag-isipan kong mabuti ang mga nadama ko. Naisip ko ang mga darating na pagdiriwang sa Kapaskuhan at ang pananabik ko sa aking pamilya. Ang kasabikan ko na makapunta sa misyon ay naglaho na at ngayon pakiramdam ko ay halos wala pa akong nagagawa bilang isang missionary sa siyam na buwang paglagi ko rito. Sa wakas tumunog na ang hudyat sa pagdating ng aming tren, kaya’t sumakay na kami at naupo sa aming mga upuan. Natagpuan ko ang sarili ko na iniisip ang Tagapagligtas. Pumikit ako at nagdasal na malaman ko sana kung paano ko iwawaksi ang mga damdaming ito at mas magtuon ako sa Kanya.

Kinabukasan sa zone conference, ang mensahe ni President Rust ay napakaganda at taos-puso. Nang tumayo si Sister Rust upang magsalita, nagbahagi siya ng isang simpleng kuwento kung paanong ang Tagapagligtas ay ang pastol na hahayo at hahanapin ang isang tupa na naligaw at ibabalik ang tupang ito sa kawan. Tinalakay niya ang mga sakripisyo na ginawa ng Tagapagligtas para sa atin, at sa huli ay nagbigay siya ng malakas na patotoo tungkol sa pagkakataon naming mga missionary na mapaglingkuran Siya sa pamamagitan ng pagbabalik ng Kanyang nawawalang tupa sa kawan. Hinamon kami ni Sister Rust na isipin kung anong regalo ang maaari naming ibigay sa Tagapagligtas sa Pasko.

Nang sabihin niya ang hamong ito, naramdaman ko ang pinakamalakas na impresyon na ang regalong dapat kong ibigay sa Tagapagligtas ay ang makipag-usap lamang sa mas maraming tao. Hanggang sa oras na iyon natatakot akong magsimulang makipag-usap sa mga estranghero—lalo na sa wikang Ruso! Ayokong isipin nila na mangmang ako dahil hindi ko sila maintindihan, kung kaya’t mas madali na hindi na lamang ako magsalita. Gayunman, alam ko, sa oras na iyon, kung ano talaga ang kailangan kong gawin. Kailangan kong ihinto ang pag-iisip tungkol sa sarili ko at simulang isipin ang aking mga kapatid. Nagtakda ako ng mithiin na makipag-usap sa isang tao tungkol sa ebanghelyo sa bawat transportasyon na sasakyan ko sa buong buwan at ilaan ito bilang Pamaskong regalo ko sa Tagapagligtas.

Kinabukasan nang sumakay kami ni Sister Hart ng ibang tren pabalik sa Perm, sinimulan kong gawin ang mithiin ko sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga taong katabi ko sa upuan. Hindi sila gaanong interesado sa ibinahagi ko, ngunit kahit paano ay sinubukan ko!

Bawat araw ay pakikibaka habang pinagsisikapan kong ibigay ang regalo ko sa Tagapagligtas, at unti-unti kong nakita na nagiging mas masaya ako at mas may tiwala sa sarili—pakiramdam ko ay mas mainam kong natutupad ang aking tungkulin bilang missionary. Dumating at lumipas ang Pasko, ngunit nagpasiya akong itutuloy ko ang pakikipag-usap sa mga tao. Nagsimula akong makipag-usap sa kanila hindi lamang kapag sumasakay kami sa pampublikong sasakyan, kundi maging sa mga daan, sa tindahan, sa silid-aklatan, at sa lahat ng lugar kung saan man kami magpunta.

Hindi kami nakahanap ng matuturuan sa pakikipag-usap ko sa mga tao; subalit, pakiramdam ko ay nakapagtanim ako ng mga binhi ng ebanghelyo. Nagkaroon kami ng mga bagong kaibigan na mga tsuper ng bus, mga tao sa tindahan ng grocery sa aming lugar, at iba pa. Ang pinakamaganda rito ay kapag nakikita naming muli ang isang tao, madalas namin silang makitang ngumingiti, at sila ang nauunang bumati sa amin. Nananalig ako na ang mga binhing iyon na itinanim namin ay uusbong balang-araw kapag may mga bagong oportunidad na darating para sa mga taong iyon na malaman ang tungkol sa ebanghelyo. Ang Ama sa Langit ay kumikilos sa pamamagitan ng maliliit at mga simpleng paraan, at kung minsan ay nagsisimula lamang ito sa simpleng pagsasabi ng “hello.”

Sa paggunita ngayon sa oras na iyon sa tren patungong Yekaterinburg, natanto ko na sinagot ng Ama sa Langit ang aking panalangin. Tinulungan niya akong makita na ang gawaing misyonero ay hindi tungkol sa akin—tungkol ito sa iba, at kung uunahin natin ang iba bago ang ating sarili at ang ating sariling mga alalahanin at kalungkutan, makikita natin ang kaligayahang hinahanap nating lahat. Namangha ako sa lubos na kabutihan ng Tagapagligtas, sapagkat kahit nagsisikap pa lang tayo na ibigay sa Kanya ang lahat ng ating makakaya, tayo ay Kanyang pinagpapala at ibinabalik Niya sa atin ito nang maka-isangdaang beses.