2021
Mga Tipan, mga Buwaya, at Ikaw
Abril 2021


Huwag Palampasin ang Debosyonal na Ito

Mga Tipan, mga Buwaya, at Ikaw

Mula sa isang mensaheng ibinigay sa mga estudyante sa Ensign College sa Salt Lake City, Utah, USA, noong Oktubre 13, 2020. Basahin ang buong teksto sa ensign.edu.

Ibinahagi ni Sister Sharon Eubank kung paano ligtas na maiiwasan ang mga nakaabang na buwaya sa buhay, at paano matutulungan ang iba na maiwasan din ang mga ito.

buwaya sa ilalim ng tubig

Kung minsan kapag nagbibiyahe ako, binibigyan ako ng mga tao ng isang bagay na mahalaga sa kanila. Kamakailan ay nasa bahay ako ng isang tao, at binigyan nila ako ng isang regalong buwayang yari sa kahoy na inukit nila. Pininturahan iyon sa magandang paraan. May mga kuko ito at puting mga mata at gawa sa kahoy na kinulayan ng berde.

Inilagay ko iyon kung saan ko ito makikita araw-araw. Sasabihin ko sa inyo kung bakit ko iniingatan ang buwayang iyon. Ipinapaalala nito sa akin ang isang bagay na makabuluhan sa akin, at sana ay makabuluhan din ito sa inyo.

Pagharap sa mga Buwaya sa Buhay

Maaaring alam ng ilan sa inyo ang Mara River sa Kenya. Maraming klase ng hayop ang tumatawid sa ilog sa ilang panahon ng taon para makarating sa matatamis na damo sa kabilang panig.

Pero pinamamahayan din ang ilog ng mga buwayang Nile na 15 piye (5 m) ang haba. Gustung-gusto ng mga buwaya ang pagdayo ng kawan-kawan na mga hayop at laging nakabantay sa susunod nilang pagkain.

Kadalasan, hindi nararamdaman ng mga hayop na walang karanasan, tulad ng mga usa, na ang mga buwaya, na di-gaanong nakikita, ay mapanganib. Sumisilip sila sa ilog at nakikita nila ang isang hayop na mukhang walang-malay na palutang-lutang sa gitna ng mga halaman, kaya tumatalon sila at nagsisimulang tumawid sa ilog. Hindi nila kinakalkula kung gaano kabilis kumilos ang mga buwaya at kung gaano kalakas ang mga panga nito kapag nakakagat sa isang bagay.

Kung minsa’y tayo ang mga usa at si Satanas ang buwaya. Sa kawalan natin ng karanasan sa pagtawid sa tubig, nakikita natin ang mga buwaya sa ilog, pero hindi natin kinikilala na mapanganib ang mga ito. Hindi natin pansin ang mga buwaya at lumulusong tayo nang diretso sa agos.

At kadalasan, sumusunod sa paglusong natin ang kawan na ang iniisip ay kung nakalusong tayo, ayos lang na lumusong din sila. Hinihintay ni Satanas na makarating ang lahat ng tao sa malalim na tubig, at pagkatapos ay umaatake siya.

Alam ng ating Ama sa Langit na wala tayong karanasan subalit malamang ay kailangan nating tawirin ang mga ilog, sa matalinghagang pananalita, sa ating buhay. Hindi niya kinakailangang alisin ang mga buwaya sa ating buhay, pero tinutulungan Niya tayo kahit paano na makarating sa kabila ng ilog.

Ngayon nais kong banggitin ang tatlo sa mga tulong na iyon mula sa Ama sa Langit.

Mga Bihasang Zebra at Wildebeest = Ang mga Banal na Kasulatan

pagkabulabog ng mga wildebeest

Ang unang tulong na inaalok Niya sa atin ay ang mga nauna sa atin na matagumpay na nakatawid ng ilog. Madalas kayong makakita ng mga usa na nakatipon sa mga tabing-ilog kasama ang mga zebra at wildebeest. Mas madalas tumawid ng ilog ang mga zebra at wildebeest kaysa mga usa. Kung makakausap nila ang mga usa, may mga sasabihin sila, pero maaaring hindi palaging interesado ang mga usa.

Nasaan nakasulat ang mga karanasan ng mga taong matagumpay na nakatawid ng ilog? Sa mga banal na kasulatan.

Sasabihin siguro ninyo, totoo iyan, Sister Eubank, pero hindi sakop ng mga banal na kasulatan ang mga bagay na nangyayari sa aking buhay.

Muntik nang Maging Pagkain ng Buwaya si Alma

Magbibigay ako ng halimbawa tungkol kay Nakababatang Alma. Ginugol niya ang kanyang pagbibinata sa paggawa ng kabaligtaran ng ipinagawa sa kanya ng kanyang mga magulang. Naghimagsik siya laban sa Diyos, tumigil siya sa pagsunod sa mga kautusan, at tinakot niya at kinutya ang mabubuting tao. At pagkatapos ay may nangyari isang araw. Nagpakita sa kanya ang isang anghel. Sa mga salita ni Alma:

“Ako ay giniyagis ng walang hanggang pagdurusa. …

“Oo, naalaala ko ang lahat ng aking kasalanan at mga kasamaan, kung saan ako’y pinarusahan ng mga pasakit ng impiyerno; oo, nakita ko na ako’y naghimagsik laban sa aking Diyos. …

“Oo, at pinaslang ko ang marami sa kanyang mga anak, o sa madaling salita, inakay silang palayo tungo sa pagkawasak” (Alma 36:12–14).

Ibig sabihin, tumalon si Alma sa tubig bilang isang mangmang na usa at pagkatapos ay tinakot niya ang iba pang mga nag-aatubiling usa na lumusong sa tubig kasama niya. At nang makulong silang lahat sa agos, pinalibutan sila ng mga buwaya at nagsimulang magsilapit ang mga ito. Nahuli si Alma. Malalakas na panga ang kumagat sa kanya. Wala nang balikan. Pagkain na siya ng buwaya.

“At ito ay nangyari na, na habang ako’y nasa gayong paggiyagis ng pagdurusa, … naalaala ko ring narinig ang aking ama na nagpropesiya … hinggil sa pagparito ng isang Jesucristo, isang Anak ng Diyos, na magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan.

“Ngayon, nang maapuhap ng aking isipan ang kaisipang ito, nagsumamo ako sa aking puso: O Jesus, ikaw na Anak ng Diyos, kaawaan ako. …

“At ngayon, masdan, nang maisip ko ito, hindi ko na naalaala pa ang aking mga pasakit; oo, hindi na ako sinaktan pa ng alaala ng aking mga kasalanan” (Alma 36:17–19).

Ang aral mula sa mga talatang ito sa banal na kasulatan na angkop sa bawat makabagong problemang kinakaharap ninyo ay ito: kayang agawin ni Jesus ang isang sugatang usa mula sa mga panga ng isang buwaya at ipanumbalik ang kalusugan at kaligtasan ng usang iyon.

Imposible iyan, sasabihin ninyo. Hindi iyan makatwiran o praktikal.

Pero totoo iyan.

Nangyari ito sa sarili kong buhay. May mga pilat ako, pero buo ako. Ito ang himala ng pagsisisi at kapatawaran. Ang lahat ng nasa ebanghelyo ay tungkol dito. Nangyari ito kay Alma, at maaaring mangyari ito sa inyo. Hindi na maaalala ng Panginoong Diyos ang inyong mga kasalanan, at magiging malaya kayo. Hindi pa huli ang lahat para sa inyo kung mananawagan kayo kay Jesucristo na kaawaan kayo at tatalikuran ang inyong mga kasalanan.

Kailangan nating lahat na basahin ang mga kuwento tungkol sa metaporikal na mga zebra at wildebeest at sinagip na mga usa, at isinulat ang mga ito sa mga banal na kasulatan para sa atin. Kailangan natin ang mga ito dahil napakarami nating nagagawang pagkakamali, at itinuturo tayo ng mga ito sa pagsisisi at kapatawaran kay Jesucristo.

Mga Bangka = Mga Tipan

sagwan sa tabi ng bangka

Ang ikalawang tulong na ibinibigay sa atin ng Panginoon sa pagtawid sa tubig ay ang isang bangka. Iniaangat tayo ng bangka mula sa tubig, at may nakapaligid sa atin na proteksiyon na humaharang sa mga buwaya. Maaaring lagyan ng mga layag ang mga bangka para saluhin ang hangin o mga motor para paandarin ito nang pasalungat sa agos, at mga timon na nagpapadali sa pagmamaniobra.

Ilang taon na ang nakararaan, sumakay kami ng isang kaibigan ko sa isang maliit na kayak.

Gusto naming tawirin ang karagatan kung saan nangingisda ang mga bangkang nanghuhuli ng mga ulang at bisitahin ang isang maliit na isla. Hindi kami gaanong sanay sa mga bangka, pero hindi naglaon ay nalaman namin na ang mga pedal sa bangka ay pinatatakbo ng isang maliit na timon. Ang timon ay isang maliit na paleta sa likod na nagmamaniobra sa kayak sa direksyong gusto naming puntahan.

Narating namin ang isla at nasiyahan nang husto sa paggalugad, at pagkatapos ay nagsimulang umalon at akala namin ay dapat na kaming bumalik sa mainland. Kaya sumakay na kami at nagsimulang bumalik patawid ng dagat na iyon, pero biglang naging napakahirap na imaniobra ang bangkang iyon.

Medyo natagalan bago ko natanto na nalimutan kong ibalik ang timon matapos itong iangat sa isla. Ipinakita nito sa akin kung gaano kahalaga ang maliit na paleta.

Ang ating mga tipan ay parang mga bangka. Ang mga ito ay nakapalibot na proteksyon natin habang tumatawid tayo ng ilog at inilalayo tayo sa maalong tubig at sa mga buwaya. Kapag nagsisikap tayong tuparin ang ating mga tipan sa binyag at sa templo, ang Espiritu Santo (tulad ng maliit na paletang iyon sa likod ng bangka) ay maaari tayong gabayan, patnubayan, patungo sa payapang katubigan.

Pero dapat nating alalahanin ang Espiritu Santo at huwag kalimutan na tanggapin Siya sa ating buhay. Mahihirapan tayong maglayag nang wala ang Kanyang tulong.

Mga Kawikaan 3:5–6:

“Sa Panginoon ay buong puso kang magtiwala, at huwag kang manalig sa sarili mong pang-unawa.

“Sa lahat ng iyong mga lakad siya’y iyong kilalanin, at itutuwid niya ang iyong mga landasin.”

Nagmamakaawa ako sa inyo na huwag ninyong balewalain ang inyong mga tipan. Mas makapangyarihan ang mga ito kaysa sa inaakala natin. Maaaring iniisip ninyo na ang mga pangako ninyo ay isang maliit na bangka lamang, pero kalaunan ay magiging isang sasakyang-dagat ito na maaaring sumagip sa daan-daang iba pang tao.

Tungkol sa inyo ang inyong mga tipan, at tungkol din sa ibang tao ang mga ito.

Ang Tanawin sa Itaas ng Ilog = Mga Salita ng mga Propeta

tanawin sa Africa

Ang ikatlong tulong ay ang tanawin mula sa itaas. Mula sa ating kinatatayuan sa tabi ng ilog, halos imposibleng makita ang mga tusong buwayang nakatago, pero mula sa itaas, madaling makita ang mga ito.

Ang mga propeta ay maaaring katulad ng isang maliit na drone. Ipinapakita sa kanila ng Panginoon ang mga bagay-bagay mula sa ibang anggulo, at sinasabi nila sa atin ang kinaroroonan at galaw ng mga buwaya sa ating buhay.

Ang Amos 3:7 ay totoo sa ating panahon tulad ng nangyari sa loob ng libu-libong taon: “Tunay na ang Panginoong Diyos ay walang gagawin, malibang kanyang ihayag ang kanyang lihim sa kanyang mga lingkod na mga propeta.”

Sa pangkalahatang kumperensya, ibinabahagi sa atin ng mga propeta ang tanawin mula sa itaas. Ang isang bagay na narinig ko mula kay Pangulong Nelson sa isang nakaraang pangkalahatang kumperensya ay na ang Israel ay hindi inuutusang maging mas mabuti kaysa sa lahat ng iba pa, na hindi maging tanging “hinirang” na mga tao na maliligtas, kundi sa halip ay inuutusan silang maging isang bandila, isang sagisag sa ibang mga tao para ipakita sa kanila kung saan tinitipon ang Israel.

Lahat ng handang panaigin ang Diyos sa kanilang buhay ay tinitipon upang salubungin ang kanilang Diyos.

Pinalalapit ni Jesus ang lahat ng tao sa Kanya: “Pumarito ka, sumunod ka sa akin.” Kapag lumusong kayo sa tubig ng binyag, kapag tumanggap kayo ng sakramento o ng inyong endowment sa templo, tinataglay ninyo ang pangalan ni Jesucristo. Maaari kayong maging Kanyang sagisag.

Ang inyong trabaho bilang simbolo ay:

  • Ituro sa mga tao ang mga karanasan sa mga banal na kasulatan na maaaring magturo sa kanila kung ano ang gagawin.

  • Tulungan silang maghanda para sa at bumuo ng sarili nilang mga bangka ng tipan.

  • Makinig sa mga tagubiling nagmumula sa mas mataas na tanawin.

Hindi lamang ito tungkol sa inyo. Tungkol ito sa lahat ng tao na matutulungan ninyong makatawid tungo sa kaligtasan.

Personal kong pinatototohanan na kilala kayo ng Diyos; alam Niya ang inyong pangalan, at ang inyong mga pangamba, at gayundin ang inyong mga inaasam at kalakasan. Pinatototohanan ko na may gawain kayong gagawin. Bumangon at maging isang sagisag sa mga bansa. Nawa’y pagpalain kayo ng Panginoon habang nagsisikap kayo.