Huwag Palampasin ang Debosyonal na Ito
Oras Na
Mula sa isang mensahe sa debosyonal na, “Be Still, and Know That I Am God,” na ibinigay sa mga estudyante sa Ensign College sa Salt Lake City, Utah, USA, noong Nobyembre 3, 2020. Basahin ang buong teksto sa ensign.edu.
Kung paano mo ginugugol ang iyong oras, at ano ang pinag-uukulan mo nito, ay napakahalaga.
Mula sa panahon nina Adan at Eva hanggang sa panahon nina Joseph at Emma Smith, medyo mabagal ang pagbabago ng mundo sa paglipas ng mga henerasyon. Walang mga ilaw sa kalsada, headlight, at polusyon sa ilaw, natamasa ng mga tao ang kasaganaan ng likas na liwanag ng langit. Sa mga lungsod ngayon, halos hindi na makita ang langit sa gabi hindi tulad noong panahon nina Abraham, Moises, Ruth, Elisabet, Jesus, at ng mga unang Banal sa mga Huling Araw.
Ang mga tao noong unang panahon ay nagtamasa rin ng likas na katahimikan. Ngunit ngayon, lubusang nang nalunod ng ingay mula sa mga kotse, eroplano, at musika ang likas na mundo. Kahit sa liblib na kagubatan, kadalasang nababasag ang katahimikan dahil sa paglipad ng eroplano sa kalangitan.
At naranasan ng mga tao noong unang panahon ang mapag-isa sa mga paraang hindi natin mawari. Ngayon, kahit nag-iisa tayo, maaari tayong matuon sa ating mga mobile device, laptop computer, at telebisyon. Ang pabagu-bagong mundong tinitirhan natin ay punung-puno ng mga bagay upang malibang tayo at manatiling abala.
May Oras Ka Ba?
Bilang Apostol, itatanong ko ngayon sa inyo: Mayroon ba kayong personal na oras ng katahimikan? Iniisip ko kung ang mga tao noong unang panahon ay mas may pagkakataon kaysa sa atin na makita, madama, at maranasan ang presensya ng Espiritu sa kanilang buhay. Kung wala kayong mga sandali ng katahimikan, maaari bang simulan ninyo ngayong magsikap upang magkaroon nito?
Mahalagang mapanatag at makinig at sundin ang Espiritu. Kailangan ng bawat isa na magnilay at mag-isip na mabuti. Maging ang Tagapagligtas ng sanlibutan, noong Kanyang mortal na ministeryo, ay naghanap ng oras para gawin ito: “At nang siya’y makapagsugo ng maraming tao, ay umahon siya sa isang bundok upang manalangin: at nang dumating ang gabi, siya’y nag-iisa” (Mateo 14:23).
Kailangan natin ng panahon upang tanungin o interbyuhin ang ating sarili nang regular at sarilinan. Madalas tayong abala at napakaingay ng mundo kaya mahirap marinig ang makalangit na mga salitang “Mapanatag, at malaman na ako ang Diyos” (Mga Awit 46:10; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 101:16). Kailangan natin ang katiyakang ito.
Ang mga mobile electronic device ay mga pagpapala, pero maaari ding maging dahilan ito para hindi natin mapakinggan ang “marahan at banayad na tinig.” Sila dapat ang naglilingkod sa atin, hindi ang ating mga amo. Halimbawa, kung mamayang gabi ay ibabahagi ninyo sa social media ang magagandang sinabi sa debosyonal na ito, ang smartphone ninyo ay isang lingkod. Kung walang-dahilan kayong nagsu-surf sa internet—lalo na kung naghahanap kayo ng di-angkop na nilalaman—ang inyong smartphone ang inyong panginoon.
Alalahanin ang natutuhan ni Elijah: “Ang Panginoon ay wala sa hangin; … ang Panginoon ay wala sa lindol: … ang Panginoon ay wala sa apoy,” ngunit ang Panginoon ay nagsalita sa “marahang bulong na tinig” (1 Mga Hari 19:11–12).
Paano Mo Ginugugol ang Oras Mo?
Sa totoo lang, gaano kalaki ang oras na iniuukol ninyo araw-araw sa paggamit ng inyong smart phone o tablet, hindi kasama ang paggamit para sa trabaho, paaralan, o Simbahan?
Walang masama sa paggamit nito, nakatutulong pa nga ito. Gayunman, kapag sagabal na ang smartphone sa ating mga relasyon sa kaibigan at pamilya—at lalo na sa Diyos—kailangan nating gumawa ng pagbabago. Para sa ilan sa inyo, kaunti lang ang babaguhin; para sa iba, maaaring marami.
Nag-aalala rin ako na ang labis na text messaging, Facebooking, tweeting, at Instagraming ay nagiging kapalit na ng pakikipag-usap. Ang ibig kong sabihin ay tapat na pakikipag-usap, nang direkta sa isa’t isa. Ang ibig kong sabihin ay makipag-usap sa ating Ama sa Langit sa panalangin. Ang ibig kong sabihin ay pag-usapan ang mga bagay na pinakamahalaga sa buhay.
Kadalasan, nasa parehong silid kasama ng pamilya o mga kaibigan ang mga kabataan ngunit abala sila sa pakikipag-ugnayan sa isang taong wala roon. Wala silang pagkakataong makausap ang mga taong malapit sa kanila. Kapag nakikita mo na nangyayari ito, siguro kailangan mong magpadala sa kanila ng text message para makuha ang kanilang atensyon!
Marami sa mga natutuhan ko sa buhay ay nalaman ko dahil sa pakikinig sa mga taong maraming karanasan, mga taong may edad na at marami nang natutuhan na mahahalagang bagay na kailangan kong malaman. Sana ay samantalahin ninyo ang mga pagkakataong makausap ang inyong mga magulang, tiya at tiyo, at mga lolo’t lola habang kasama pa ninyo sila.
Iginagalang Mo Ba ang mga Sagradong Sandali?
Nag-aalala rin ako na ang ilan sa inyo ay nagbubukas ng inyong email, Facebook, Twitter, o Instagram account o nagte-text sa oras ng pinakamahalagang pagtitipon sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw—ang ating sagradong sacrament meeting. Sa mahalagang pulong na ito, dapat tayong magtuon sa Panginoon sa pagdarasal, pagkanta ng mga himno, at pagtanggap ng mga sagisag ng Kanyang katawan at dugo.
Ang sacrament meeting ay hindi oras para tingnan ang social media, ang balita, o ang puntos sa isang athletic event. Hindi kayo makauugnay sa Espiritu sa oras ng sakramento habang nakatingin o nagte-text kayo sa smartphone o tablet ninyo. Kailangan ninyo ang espirituwal na ugnayan na nangangailangan ng Liwanag ni Cristo, na umaantig sa inyong puso’t isipan at nagpapadama sa inyo ng matinding pagmamahal at katapatan.
Alam ko na marami sa inyo ang may mga banal na kasulatan at iba pang resources ng Simbahan sa inyong mga phone at tablet, at ang ilang mga magulang at lider ng Simbahan ay nag-aalala tungkol sa bagay na ito, ngunit ako ay hindi. Gumagamit na ang Simbahan ng mga bagong teknolohiya noon pa man para makatulong sa pagsulong ng gawain ng Panginoon, lalo na ng gawaing misyonero.
Halimbawa, ang kasalukuyang 98 porsiyento ng mga mission sa buong mundo ay may mga missionary na gumagamit ng mga smartphone bilang bahagi ng kanilang gawain. Malaking pagpapala ito, lalo na sa gitna ng pandemyang COVID-19. Lalo nitong napagbuti ang kanilang kakayahang makipag-ugnayan sa iba habang nagtatrabaho sila para maghanap, magturo, at magbinyag. Napagpala ang mga missionary sa mahimalang mga paraan.
Talagang nauulit ang kasaysayan sa kamangha-manghang mga paraan. Noong araw, iningatan ng Israel ang mga salita ng mga propeta sa mga scroll. Dumating ang panahon na ginamit ng mga naunang Kristiyano ang codex, ang unang bersyon ng makabagong aklat.
Heto tayo 2,000 taon na mula noon, at kayong mga kabataan ay nagbabasa ng mga scripture sa smartphone o tablet—binabasa ito tulad nang ginawa ni Jesus nang ipabasa sa kanya ang scroll ni Isaias noon sa Nazaret. Maaari ka ring “mag-scroll” (tingnan sa Lucas 4:17) para maghanap ng mga banal na kasulatan, ngunit mangyaring huwag mag-“scroll” sa mga pang-aabala habang isinasagawa ang sakramento. Tiyak na sa loob ng ilang minutong iyon makatutuon kayo sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas kapag hinahangad ninyong pagpalain kayo ng Espiritu ng Panginoon sa linggong darating.
Isiping ilagay sa airplane mode ang inyong smartphone o tablet sa tatlong oras na iyon ng Linggo. Mababasa pa rin ninyo ang mga scripture, mensahe sa pangkalahatang kumperensya, himno, at mga manwal ngunit hindi kayo magagambala ng mga text message o notification.
Makahahanap Ka Ba ng Oras para sa Kanlungan?
Bukod sa paghahanap ng oras na mag-isip at magnilay, kailangan din nating maghanap ng lugar, gaya ng binanggit sa Doktrina at mga Tipan, na magiging “isang tanggulan, at … isang kanlungan mula sa bagyo” (Doktrina at mga Tipan 115:6).
Kailangan natin ng espesyal na panahon at kanlungan kung saan maaari nating patayin ang ating mga electronic device para makaugnay tayo sa Espiritu ng Diyos.
Isa sa pinakamaiinam na lugar para makaugnay sa Espiritu ay sa templo—ang bahay ng Panginoon. Mangyari pa, magagawa rin ito sa iba pang inilaang mga gusali ng Simbahan, kabilang na ang mga silid ng seminary at institute. Makasusumpong tayo ng kanlungan sa ating mga tahanan o apartment kapag ipinasiya nating patahimikin ang paligid at pumanatag at alamin ang mga bagay ng Diyos.
Para matuklasan natin ang kapaligiran kung saan natagpuan nina Adan at Eva, Abraham at Sara, at Jose at Maria ang Diyos, at makakita tayo ng lugar kung saan natin madarama at maririnig ang tinig ng Panginoon ngayon, inaanyayahan ko kayong pumunta sa templo. Inaasam natin ang panahon na muling mabubuksan ang mga templo para sa lahat ng ordenansa ng proxy. Kapag nagkagayon, inaanyayahan ko kayong pumunta nang madalas hangga’t maaari at patayin ang inyong mga smartphone at ilayo ang mga ito bago kayo pumasok sa bakuran ng templo.
Sa lahat ng ordenansa sa bahay ng Panginoon, maririnig ninyo ang magagandang pananalita, salita, at pangako ng Panginoon sa Kanyang mga anak. Doon lamang ninyo maririnig ang magaganda at nagbibigay-inspirasyong mga salitang iyon.
Kung hindi kayo karapat-dapat para sa temple recommend ngayon, inaanyayahan ko kayong ihanda ang inyong sarili na maging karapat-dapat sa temple recommend at pumunta sa templo sa lalong madaling panahon. Nawa’y magkaroon kayo ng hangaring makakuha ng recommend at regular na dumalo sa templo.
Sinisiguro ko sa bawat isa sa inyo na kapag pumunta kayo sa templo o bumisita kayo sa bakuran ng templo, kayo ay lalakad sa sagrado at banal na lugar. Maririnig ninyo ang marahan at banayad na tinig ng Espiritu sa templo o sa sagradong kapaligiran nito na hindi ninyo kailanman mararanasan sa mga mall, restawran, at pampublikong lugar. Sa katunayan, ang templo ay napakagandang lugar para makatanggap ng sagot sa inyong mga dalangin.
Maaari Ka bang Mag-ukol ng Oras Ngayon?
Ang mga batas at kaugalian ng mundong ginagalawan natin ngayon ay mabilis na lumilihis sa mga turo ni Cristo. Patuloy na nililigalig ni Satanas ang mga anak ng Diyos at inililihis ang mismong mga hinirang mula sa pagtupad sa kanilang tungkulin at pagtanggap sa lubos na mga pagpapala ng Panginoon.
Gusto ni Satanas na isipin ninyong wala kayong oras para sa magagandang gawing natutuhan ninyo sa bahay, sa seminary at institute, at sa inyong mga misyon—gaya ng araw-araw na pagbabasa ng mga banal na kasulatan, araw-araw na pagdarasal, karapat-dapat na pakikibahagi sa sakramento linggu-linggo, at pagbibigay ng tunay at taos-pusong paglilingkod. Nais din niyang panoorin lang ninyo mula sa tabi ang napakahahalagang mga labanan ngayon, at huwag makibahagi sa mga ito.
Ngunit tandaan, tayo ay nasa gitna ng isang digmaan—isang pagpapatuloy ng digmaan na nagsimula sa premortal na daigdig. Huwag basta tumayo sa tabi. Mag-ukol ng oras para sa mahahalagang gawing iyon bawat araw. “Isuot ang buong baluti ng Diyos,” ang imbitasyon ni Pablo sa atin. “Sapagka’t ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga namamahala ng kadilimang ito sa sanglibutan, laban sa mga ukol sa espiritu ng kasamaan sa mga dakong kaitaasan.” (Tingnan sa Efeso 6:11–12.)
Bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo, inaanyayahan ko kayong mag-ukol ng oras na makibahagi sa digmaan. Isuot ang baluti ng Diyos, at gawin ito ngayon. (Tingnan sa Alma 34:32.) Huwag na ninyong hintaying makapag-asawa o makapagtrabaho o tumanda pa kayo. Kailangan kayo ng Panginoon ngayon!