2021
5 Tip para Sumaya sa Pasko Kapag Malayo Ka sa Pamilya
Disyembre 2021


Digital Lamang: Mga Young Adult

5 Tip para Sumaya sa Pasko Kapag Malayo Ka sa Pamilya

Narito ang limang paraan para madaig ang lungkot sa araw ng Pasko kapag nag-iisa ka sa panahong ito.

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Ang isa sa mga klasikong awiting Pamasko sa Amerika ay ang pagkanta ni Elvis ng “Blue Christmas.” Ayaw ko nito. Magkagayunman, maaaring makaugnay nang husto ang mga young adult sa mga titik na, “Malulungkot ako sa Pasko dahil wala ka. Malulungkot sa kaiisip sa ’yo.” Para sa misyon man, sa trabaho, sa paaralan, o dahil nakatira sa ibang bansa ang ating pamilya, marami sa atin ang kailangang magpalipas ng Pasko na malayo sa ating pamilya at mga kaibigan.

Ang Pasko ay isang pambihirang pista opisyal upang ipagdiwang ang pagsilang ng Tagapagligtas, ngunit marami sa mga tradisyon sa Pasko ang nakatuon sa paggugol ng oras sa iba: nagtitipon tayo para kumain nang sabay-sabay; nagbibigay tayo ng mga regalo sa iba; sama-sama tayong nagkakantahan o nagbabasa ng kuwento ng pagsilang ni Jesus.

Kaya paano mo magagawang makabuluhan ang Pasko kapag nag-iisa ka? Narito ang limang ideya. Kahit na missionary ka maaari mong gawin ang mga aktibidad na ito, kahit kailanganin mo pang baguhin o gawin ang mga ito sa isang preparation day.

  1. Patuloy na makibahagi sa inyong mga tradisyon.

Hindi komo hindi mo kasama ang pamilya mo ay hindi ka na makikibahagi sa mga tradisyon ng pamilya mo. Gawin yaong sikat sa sarap na gingerbread cookies o sobrang sarap na mga tamales. O, bumuo ng sarili mong mga tradisyon. Habang pumipili ka kung aling mga tradisyon ang gagawin mo, magtuon sa mga nagpapaalala sa iyo kay Cristo: kapag nagtuon ka sa Tagapagligtas, madarama mo hindi lamang ang diwa ng Pasko kundi maging ang Espiritu Santo, na may impluwensya na makadaragdag ng kapayapaan at kapanatagan sa iyo.

  1. Magtuon sa pamana ng iyong lahi.

Karamihan sa aking mga ninuno ay nagmula sa Norway, at marami sa aking mga alaala ng Pasko ay nakasentro sa mga tradisyon at pagkain ng Norway. Kapag wala ang pamilya ko, iilan lang ang magagawa ko sa mga tradisyong ito, ngunit maaari ko pa ring isipin ang pamana ng aking lahi. Kapaskuhan ang tamang panahon para gumawa ng family history, paghahanap man iyan ng mga pangalang dadalhin sa templo, pagsasaliksik kung paano ginugol ng iyong mga ninuno ang kanilang mga pista opisyal, o kahit pagsusulat sa iyong journal. Anuman ang piliin mong gawin, ang pagbalik sa pamana ng iyong lahi ay tutulong sa iyo na mas makaugnay sa iyong pamilya—kapwa sa mga buhay at sa mga pumanaw na—at bibigyan ka nito ng mas dakilang layunin.

  1. Sumama sa iba.

Maaaring kailanganin dito ang kaunting lakas ng loob, lalo na kung mahiyain ka, ngunit hindi mo kailangang gugulin ang iyong Pasko nang lubos na nag-iisa. At hindi mo kailangang gawin ang mga bagay na asiwa kang gawin: sumama sa iba pang mga young adult para maghapunan, mag-caroling, o basta magsama-sama lang. Malamang ay may iba pang mga taong katulad mo na ginugugol ang kanilang Pasko na malayo sa pamilya, kaya hanapin lalo na ang mga tao na naghihintay na maimbita.

  1. Masiyahan sa klima o magdekorasyon sa loob ng bahay.

Depende kung saan ka nakatira, ang Pasko ay nasa kalagitnaan mismo ng pinakamalamig o pinakamainit na panahon, kaya samantalahin ito! Mag-sled o mag-hike, mag-ice skating o magbisikleta. O, kung hindi ka mahilig lumabas, manatili sa loob at maglagay ng ilang dekorasyon. Marami kang magagawang madadaling Pamaskong dekorasyong magpapasaya sa tirahan mo.

  1. Maglingkod sa iba.

Iilang bagay lang ang mas madaling magpapadama sa iyo ng diwa ng Pasko kaysa paglilingkod. Ang Simbahan ay naglaan ng maraming resources na tutulong sa iyo na makapaglingkod sa iba, sa pamamagitan man iyon ng #LightTheWorld campaign o ng JustServe.org. Ipinaalala sa atin ni Sister Jean B. Bingham, Relief Society General President, na “ang mga simpleng paglilingkod ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa iba—pati na rin sa ating sarili. Ano ang ginawa ng Tagapagligtas? Sa pamamagitan ng dakilang kaloob ng Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli … ‘walang sinuman ang nakapagbigay ng gayong makahulugang impluwensiya sa lahat ng nabuhay na at sa lahat ng mabubuhay pa sa mundo.’ Pero siya rin ay ngumiti, nakipag-usap, [sumama sa paglakad], nakinig, nag-ukol ng oras, naghikayat, nagturo, nagpakain, at nagpatawad. Naglingkod Siya sa pamilya at mga kaibigan, kapitbahay at mga dayuhan, at inanyayahan ang mga kakilala Niya at mga mahal sa buhay upang tamasahin ang saganang mga pagpapala ng Kanyang ebanghelyo.”1

Maaaring hindi ka makauwi sa Pasko, ngunit magagawa mo pa ring espesyal ang kapaskuhan. Sabi ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018), “Kapag nasa atin ang diwa ng Pasko, naaalala natin Siya na ang pagsilang ay ating ginugunita sa panahong ito ng taon: “Sapagka’t ipinanganak sa inyo ngayon sa bayan ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo ang Panginoon” (Lucas 2:11).2

Mga Tala

  1. Jean B. Bingham, “Paglilingkod na Tulad ng Ginagawa ng Tagapagligtas,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 104.

  2. Thomas S. Monson, “Muling Pagtuklas sa Diwa ng Pasko,” Ensign o Liahona, Dis. 2012, 4.