Mga Young Adult
Pag-abot sa Iyong Potensyal sa Pamamagitan ng Edukasyon
Ipinakita ng isang young adult mula sa Papua New Guinea kung paano nakatutulong sa atin ang paghahangad ng mga pagkakataong matuto na maabot ang ating potensyal.
Alam mo ba kung sino ang gusto mong kahinatnan? Alam mo ba kung ano ang tutulong sa iyo na makarating doon? Itinuro ni Elder Joseph W. Sitati ng Pitumpu, “Kung magkakaroon kayo ng malinaw na pananaw tungkol sa maaari ninyong kahinatnan, ang Panginoon ay magbubukas ng mga paraan para sa inyo.”1
Ang edukasyon ay tumutulong kay Christina Augerea na taga-Hula, Papua New Guinea, na maisakatuparan ang kanyang mga mithiin. Mula noong maliit pa siya, gustung-gusto na niyang magbasa at mithiin niyang mag-aral sa unibersidad. Ang pagmamahal niya sa pagbabasa ang umakay sa kanya tungo sa Simbahan.
“Noong nasa ikalimang grado ako, wala kaming mga aklat sa paaralan ko,” sabi niya. “Ang guro ko ay miyembro ng Simbahan. Wala siyang iba pang mga aklat, kaya ibinigay niya sa amin ang Aklat ni Mormon.”
Makalipas ang ilang taon, nagmisyon si Christina sa Pilipinas at pagkatapos ay nagsimulang mag-aral sa Brigham Young University–Hawaii, kung saan siya nagsisikap na makapasok sa law school na may dobleng major sa political science at business administration at minor sa Mandarin.
Ang kuwento ni Christina ay naulit matapos siyang mapilitang umuwi dahil sa pandemyang COVID-19. Isang araw habang binibisita niya ang kanyang nayon, nalaman niya na ang library sa kanyang primary school ay pinamumugaran ng mga anay. Sa tulong ng mga lokal na organisasyon at ng Simbahan, pinangasiwaan ni Christina ang pagtatayo ng isang bagong aklatan, na may mga sistemang magpapatuloy sa pagtakbo nito sa loob ng maraming taon.
Habang masayang-masaya siya na natulungan niya ang kanyang komunidad, ipinaliwanag ni Christina na kinailangan ng maraming pananampalataya at pagsisikap para marating niya ang kinaroroonan niya ngayon. “Alam ko kung ano ang pakiramdam kapag walang-wala ka pero gusto mong mag-aral,” sabi niya. At sa lahat ng kanyang karanasan, marami siyang natutuhan tungkol sa kahalagahan at layunin ng edukasyon.
Hindi Lang mga Grado
Madalas ituro ng mga lider ng ating Simbahan na mahalagang hangarin ang anumang edukasyon na kaya nating pag-aralan. “Laging hinihikayat ng Panginoon at ng Kanyang Simbahan ang edukasyon para madagdagan ang ating kakayahang maglingkod sa Kanya at sa mga anak ng ating Ama sa Langit,” pagtuturo ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan.2
Ngunit, tulad ng ibinahagi ni Christina, ang edukasyon ay higit pa sa pag-aaral sa loob ng silid-aralan. “Sinabi sa amin ng isa sa mga propesor ko na ang pag-aaral ay hindi lamang tungkol sa pagkuha ng grado, sertipiko, o kalaunan, ng isang trabaho. Ito ay tungkol sa pag-unawa sa mga konsepto.” At para makagawa talaga ng kaibhan ang edukasyon sa iyong buhay, ang natututuhan mo ay dapat maging bahagi mo. “Kailangan mong mahalin ang pag-aaral,” dagdag pa ni Christina.
Maraming paraan para makapag-aral tayo. “Hindi lang tayo sa paaralan natututo,” sabi ni Christina. “Natututo rin tayo sa Simbahan. Natututo tayo sa tahanan. Maaari tayong matuto sa lahat ng dako.” Kapag sinamantala natin ang mga pagkakataong palawakin ang ating kaalaman, nagiging mas edukado tayo, at ang proseso ng pagkatuto ay nagiging mas mahalaga sa ating buhay.
Tinutulungan Tayo ng Edukasyon na Maglingkod
Pinatototohanan ni Christina na ang kaalaman ay susi sa pagtulong sa bawat isa sa atin na “maghanda sa pagharap sa Diyos” (Alma 34:32). “Maaari tayong lumago at maabot ang ating potensyal sa pamamagitan ng pagkatuto,” sabi ni Christina. Kapag mapagpakumbaba tayong naghahangad ng kaalaman, tayo ay nagiging lalong katulad ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo at naghahandang makapiling Silang muli.
Sa pag-abot ng ating personal na potensyal, nadaragdagan din ng edukasyon ang ating kakayahang maglingkod sa iba. Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Edukasyon ang kaibhan sa pagitan ng pagnanais na matulungan ninyo ang ibang tao at ng kakayahang magawa ito.”3
Isa ito sa pinakamalalaking pagpapala na nakita ni Christina mula sa edukasyon. “Ang edukasyon ay nagbibigay sa akin ng tiwala na malaman na makapagtuturo ako ng mga kasanayan sa iba,” sabi niya. “Kahit ang pagtuturo sa Simbahan ay malaking responsibilidad. Kaya kamangha-mangha ang pagkakaroon ng tiwala na maturuan ang mga kabataang babae o kabataan.”
Tutulungan Tayo ng Diyos
Ang pagkakaroon ng edukasyon ay nangangailangan ng tiyaga at lakas—pero posible ito. Noong una, hindi alam ni Christina kung paano niya isasakatuparan ang kanyang mga mithiin. “Hindi ko alam kung saan ako kukuha ang pera,” sabi niya. Pero nalaman ni Christina na kapag nagtiwala ka sa Diyos at humingi ng tulong sa Kanya, tutulungan ka Niyang maisakatuparan ang kailangan Niyang ipagawa sa iyo.
“Sa lahat ng aking mga pangarap at plano, ang dalawang bagay na lagi kong hinihiling sa Ama sa Langit ay ang ituro sa akin kung ano ang magagawa ko at kung paano ko ito magagawa. At hindi Niya ako iniwan kailanman. Alam niya na may mas mainam para sa akin, at ginabayan Niya ako. Alam ko na sa lahat ng panahong iyon ay kasama ko ang Ama sa Langit at Siya ay nariyan pa rin.”
At kapag humihingi tayo ng tulong sa Ama sa Langit, bibiyayaan Niya tayo ng mga pagkakataong magtamo ng dagdag na edukasyon at kaalaman.
Alam ni Christina na sulit ang pagsisikap na magtamo ng edukasyon. “Sinasabi ko sa mga tao na nag-iisip na hindi nila kayang gawin ito na alalahanin ang malaking potensyal na ibinigay sa atin ng Diyos. Maaabot natin ang potensyal na iyan sa paniniwalang ibinigay Niya ito sa atin.”