2022
Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa Lumang Tipan
Abril 2022


“Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa Lumang Tipan,” Liahona, Abr. 2022.

Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa Lumang Tipan

Ang Lumang Tipan ay isang gawa sa banal na kasulatan na naghahayag sa Panginoon bilang Tagapagligtas, Manunubos, at dakilang Tagapagbayad-sala.

ang Pagpapako kay Jesucristo sa Krus

Ibinabahagi ng Mga Awit 22 ang mismong mga salitang sasabihin ni Jesus habang nasa krus: “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”

Ang Pagpapako sa Krus, ni Harry Anderson

Ang Lumang Tipan ang Biblia ng Tagapagligtas, na siyang binasa at binanggit Niya sa mortalidad. Ang Lumang Tipan noon (at hanggang ngayon) ay isang kahanga-hanga at pambihirang set ng mga teksto ng banal na kasulatan. Ito ay nag-iisa at walang katulad. Bakit? Dahil ito ay:

  • “Ang unang tipan ni Cristo.” 1

  • Isang mahalagang hanbuk tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.

  • Ang saligang dokumento na dinisenyo upang ihanda ang mundo para sa pagparito ng Tagapagligtas sa laman, kung kailan Siya ay mamamatay para sa atin.

  • Isang talaan na naglalaman ng daan-daang simbolo na naghahayag kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.

  • Isang talaan na naglalahad ng maraming propesiya tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang banal na misyon.

Sa madaling salita, ang Lumang Tipan ay isang gawa sa banal na kasulatan na naghahayag sa Panginoon bilang Tagapagligtas, Manunubos, at dakilang Tagapagbayad-sala. Nang iutos ni Jesucristo, “[Saliksikin] ang mga kasulatan; … iyon ang nagpapatotoo tungkol sa akin” (Juan 5:39), ang tinutukoy Niya ay ang Lumang Tipan. Ang artikulong ito ay nagpapakita ng ilan sa mga paraan na nagpapatotoo ang Lumang Tipan tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala.

Mga Kulay, Ulap, at Dagat: Ang Kapangyarihan Niyang Magpatawad

Ang Lumang Tipan ay naglalahad ng daan-daang simbolo na naghahayag kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Narito ang ilang maiikling halimbawa:

Silangan at kanluran. “Kung gaano ang layo ng silangan sa kanluran, gayon inilayo niya sa atin ang ating mga pagsuway” (Mga Awit 103:12). Ang agwat sa pagitan ng silangan at kanluran, mangyari pa, ay walang katapusan at hindi masusukat; gayon din ang kakayahan ng Diyos na alisin ang ating mga pagsuway.

Makapal na ulap. “Aking pinawi na parang ulap ang mga pagsuway mo, at, ang iyong mga kasalanan na gaya ng ambon, manumbalik ka sa akin sapagkat ikaw ay tinubos ko” (Isaias 44:22). Tulad ng makakapal na ulap na patuloy na nabubuo, nagbabago ng hugis, nawawala, at muling lumilitaw sa kalangitan, na pumupukaw sa ideya ng kawalang-katapusan, kaya pinatatawad ng Diyos ang mga nagsisisi at bumabalik sa Kanya.

Pag-aalis ng mga kasalanan. Ang Diyos ay “nagpapatawad ng kasamaan, at … ihahagis ang lahat nating kasalanan sa mga kalaliman ng dagat” (Mikas 7:18–19). Inihahagis ng Diyos ang mga kasalanan sa malalalim na bahagi ng dagat, kung saan naglalaho ang mga ito magpakailanman. Matapos gumaling si Hezekias mula sa karamdaman, isinulat niya, “Sapagkat iyong [ang Diyos] itinapon ang lahat ng aking mga kasalanan sa iyong likuran” (Isaias 38:17). Kapag itinatapon ng Diyos ang ating mga kasalanan sa Kanyang likuran, hindi na Niya ito titingnan.

Pula at puti. Sabi ng Panginoon, “Bagaman ang inyong mga kasalanan ay tulad ng matingkad na pula, ang mga ito’y magiging mapuputi na parang niyebe; bagaman ito’y mapulang-mapula, ang mga ito’y magiging parang balahibo ng tupa” (Isaias 1:18). Ang tatlong halos-magkakaparehong kulay—matingkad na pula, pula, at mapulang-mapula—ay kumakatawan sa dugo at kasamaan ng tao (tingnan sa Isaias 59:3; Mikas 3:10; Habakuk 2:12). Ang dugo ni Cristo ay nagpapabanal (tingnan sa Moises 6:59–60), naglalaan ng buhay na walang hanggan (tingnan sa Juan 6:53–54), at ang kasamaan ng mga tao na kasingpula ng dugo ay ginagawang maputi, na kumakatawan sa kadalisayan.

Mga Propesiya tungkol kay Cristo

Ang Lumang Tipan ay naglalahad ng daan-daang propesiya tungkol kay Jesucristo, na karamihan ay tuwirang nauugnay sa Kanyang Pagbabayad-sala. Halimbawa, ipinropesiya ni Isaias:

  • “Kanyang pinasan ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kalungkutan” (Isaias 53:4).

  • “Siya’y nasugatan dahil sa ating mga pagsuway, siya’y binugbog dahil sa ating mga kasamaan” (Isaias 53:5).

  • “[Siya’y] sinaktan dahil sa pagsalangsang ng aking bayan” (Isaias 53:8).

  • “Papasanin niya ang kanilang mga kasamaan” (Isaias 53:11).

  • “Pinasan Niya ang kasalanan ng marami” (Isaias 53:12).

Ang Mga Awit 22 ay isang pambihirang propesiya tungkol sa mga huling oras ng Tagapagligtas sa lupa, kung kailan Siya ay daranas ng matinding pang-aabuso at pagkatapos ay ipapako sa krus. Siya ay hahamakin at aabusuhin ng mga tao (tingnan sa mga talata 4–8; tingnan din sa Mateo 27:30–31, 39–43; Lucas 23:35). Ibinabahagi ng awit na ito ang mismong mga salitang sasabihin ni Jesus habang nakapako sa krus: “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” (talata 1; tingnan din sa Mateo 27:46). Ang Mga Awit 22 ay may malinaw na pagtukoy rin sa Pagpapako sa Krus: “Binutasan nila ang aking mga kamay at mga paa” (talata 16; tingnan din sa Mateo 27:35). Ang mga salita sa talata 18, na “Kanilang pinaghatian ang aking mga kasuotan, at para sa aking damit sila ay nagsapalaran,” ay talagang tinupad ng mga taong nagpako kay Jesus sa krus (tingnan sa Mateo 27:35).

Mga Indibiduwal bilang mga Simbolo ni Cristo

Maraming mabubuting tao mula sa Lumang Tipan ang nagsilbing mga buhay na simbolo ni Jesucristo. Ang mga pagkakatulad sa pagitan ng mga indibiduwal na ito at ni Jesucristo ay lubhang kapuna-puna kaya isinulat ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Gumamit si Jehova ng maraming archetype at simbolo. Tunay ngang ang mga ito ay malinaw na katangian ng tagubilin ng Panginoon sa kanyang mga anak. Ang mga halimbawa ng mga taong iyon—lalo na ang mga pagkakatulad noon kay Cristo—ay makikita sa buong tala bago dumating ang panahon ng Mesiyas. …

“… Si Moises (gaya nina Isaac, Jose, at napakarami pang iba sa Lumang Tipan) ay simbolo mismo ng ipinropesiyang Cristong darating.” 2

Narito ang tatlong halimbawa ng mga buhay na simbolong ito:

  • Naranasan ni Job ang pagkawala ng kanyang mga anak at ari-arian at labis na nagdusa sa laman (tingnan sa Job 1–2), na nagbadya sa nagdurusang lingkod at nagdadalamhating tao, si Jesucristo (tingnan sa Isaias 53).

  • Si Jonas ay isang halimbawa ni Jesus, na ikinumpara ang tatlong araw at gabi ni Jonas sa tiyan ng isda (tingnan sa Jonas 1:17) sa Kanyang sariling “tatlong araw at tatlong gabing mapapasailalim ng lupa” (Mateo 12:40).

  • Handa si Abraham na ialay ang kanyang pinakamamahal na anak na si Isaac bilang hain, na katumbas ng pag-aalay ng Diyos sa Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesus. Ang pagsunod ni Abraham “sa pag-aalay ng kanyang anak na si Isaac … [ay] isang kahalintulad ng Diyos at ng kanyang Bugtong na Anak” (Jacob 4:5; tingnan din sa Mga Hebreo 11:17–19).

si Job na nakaluhod sa lupa

Labis na nagdusa si Job sa laman, na nagbabadya sa nagdurusang lingkod at nagdadalamhating tao na si Jesucristo.

Job, ni Gary L. Kapp

Ang Ating Tagapagligtas, Manunubos, at Tagapagbayad-sala

Ang Lumang Tipan ay naglalahad ng humigit-kumulang 100 pangalan at titulo ni Jehova, at marami sa mga ito ang mahalaga sa pag-unawa natin sa Kanyang Pagbabayad-sala. Halimbawa, si Jehova ay itinalagang Tagapagligtas: “Sapagkat ako ang Panginoon mong Diyos, ang Banal ng Israel, ang iyong Tagapagligtas” (Isaias 43:3; tingnan din sa 43:11; 45:15, 21; 49:26; 2 Samuel 22:3; Mga Awit 106:21; Hoseas 13:4).

Si Jehova ay tinatawag ding Manunubos: “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Manunubos ng Israel” (Isaias 49:7; tingnan din sa 44:6; 47:4; 54:5; Jeremias 50:34).

Malinaw na inihahayag sa Lumang Tipan na si Jehova ang dakilang Tagapagbayad-sala: “Tulungan mo kami, O Diyos ng aming kaligtasan, para sa kaluwalhatian ng iyong pangalan: at iligtas mo kami, at [magbayad-sala para sa] 3 aming mga kasalanan, alang-alang sa iyong pangalan” (Mga Awit 79:9).

Paulit-ulit na inutusan ni Jehova ang Kanyang mga propeta at saserdote na magbayad-sala para sa mga tao. Sa katunayan, ang salitang Ingles na atonement ay matatagpuan sa King James Version ng Lumang Tipan nang 69 na beses. Bawat isa sa mga pahayag na ito ay nagdaragdag sa pag-unawa natin sa kahulugan at kahalagahan ng nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesus.

Ang mga Sagradong Kapistahan—Nagbababala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo

Ang pambihirang pinabanal na mga kapistahan ay nagbabala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang Araw ng Pagbabayad-sala, halimbawa, ay nakatuon sa ilang ritwal na nagbadya sa Pagbabayad-sala ni Jesus (tingnan sa Levitico 16; Mga Hebreo 7–9). Ang isa pang kapistahan, ang Paskua, ay umasam din sa sakripisyo ni Jesucristo (tingnan sa Exodo 12). Ang kordero ng Paskua ay naglarawan kay Jesucristo, ang Korderong inialay para sa mga kasalanan ng sanlibutan (tingnan sa Exodo 12:3–6, 46). Dapat ay walang kapintasan ang kordero (tingnan sa Exodo 12:5), tulad ni Jesucristo na magiging walang kapintasan (tingnan sa 1 Pedro 1:18–19).

Ang pagpapahid ng dugo ng kordero sa mga haligi ng pintuan ay nagligtas sa sinaunang Israel mula sa kamatayan (tingnan sa Exodo 12:13), tulad ng pagliligtas sa atin ng nagbabayad-salang dugo ni Cristo mula sa libingan at mula sa espirituwal na kamatayan (tingnan sa Helaman 5:9). Ang mga pagkakatulad sa pagitan ng Paskua at ng kamatayan ni Jesucristo ay lubhang kapansin-pansin kaya tinawag ni Pablo si Jesus na “ating paskua” (1 Corinto 5:7).

Pasukan Patungo kay Cristo

Dinisenyo at inihayag ni Jehova mismo ang batas ni Moises upang magturo tungkol sa Kanyang pagparito bilang ipinangakong Mesiyas, si Jesucristo, at ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo (tingnan sa Galacia 3:24; 2 Nephi 11:4; Jarom 1:11; Mosias 13:30–33; Alma 25:15).

Ibinigay ni Elder Holland ang buod na ito ng layunin ng batas ni Moises: “Ang makasaysayang tipang ito, na mismong kamay ng Diyos ang nagbigay at pangalawa lamang sa kabuuan ng ebanghelyo bilang daan patungo sa kabutihan, ay dapat ituring bilang isang hindi matutumbasang koleksyon ng mga halimbawa, anino, simbolo, at mga pagkakahawig ng mga bagay na patungkol kay Cristo. Dahil diyan ito noon (at hanggang ngayon, sa diwa at kadalisayan nito) ay isang gabay tungo sa espirituwalidad, isang pasukan patungo kay Cristo.” 4

Gaya ng pagpapatotoo ni Amulek, “At masdan, ito ang buong kahulugan ng batas, bawat mumunting bahagi ay nakatuon sa yaong dakila at huling hain; at yaong dakila at huling hain ay ang Anak ng Diyos, oo, walang katapusan at walang hanggan” (Alma 34:14).

Pinatototohanan ko na ang Biblia—kapwa ang Luma at Bagong Tipan—ay nagpapahayag kay Jesucristo nang may malaking kalinawan, kapangyarihan, at awtoridad. Sana’y matutuhan kapwa ng kasalukuyan at bagong henerasyon na mahalin at unawain ang Biblia at ang mahalagang mensahe nito tungkol kay Jesucristo.

Mga Tala

  1. M. Russell Ballard, “Ang Himala ng Banal na Biblia,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 82.

  2. Jeffrey R. Holland, Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon (1997), 137.

  3. Ang literal na pagsasalin ng Hebreo dito ay “magbayad-sala” (tingnan sa David J. A. Clines, ed., The Dictionary of Classical Hebrew [1998], 4:553).

  4. Jeffrey R. Holland, Christ and the New Covenant, 137.