2023
Ang mga Pagpapala at Kahalagahan ng Family History—Mga Mensahe ng mga Propeta at Apostol Kamakailan
Pebrero 2023


Digital Lamang

Ang mga Pagpapala at Kahalagahan ng Family History—Mga Mensahe ng mga Propeta at Apostol Kamakailan

Tingnan kung ano ang itinuro kamakailan ng mga buhay na propeta sa social media tungkol sa family history.

nangangaral si Jesucristo sa daigdig ng mga espiritu

Madalas magturo si Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa kahalagahan ng pagtulong na tipunin ang Israel sa magkabilang panig ng tabing. Ang pakikibahagi sa family history ay mahalaga sa dakilang gawaing iyon. Itinuro ni Pangulong Nelson:

“Bawat nilalang na isinilang sa mundong ito ay bunga ng mga henerasyon ng mga magulang. Likas sa atin ang hangaring makaugnay ang ating mga ninuno. Nananahan sa ating mga puso ang hangaring ito, anuman ang ating edad.

“Pag-isipan ninyo ang espirituwal na ugnayang nabubuo kapag tinutulungan ng isang dalaga ang kanyang lola na magpasok sa kompyuter ng impormasyon tungkol sa pamilya o kapag nakita ng isang binata ang pangalan ng kanyang lolo-sa-tuhod sa rekord ng census. Kapag bumabaling ang ating mga puso sa ating mga ninuno, may nababago sa ating kalooban. Nadarama nating bahagi tayo ng isang bagay na nakahihigit sa ating sarili. Ang likas na hangarin nating makaugnay ang ating pamilya ay natutupad kapag nakabigkis tayo sa ating mga ninuno sa pamamagitan ng sagradong mga ordenansa sa templo. …

“Sinabi ni Propetang Joseph Smith, ‘Ang pinakamabigat na responsibilidad sa mundong ito na ibinigay sa atin ng Diyos ay ang saliksikin ang ating mga patay.’ Ginawang madali ng bagong teknolohiya na magampanan ang responsibilidad na iyan nang higit kailanman. …

“Paano naman ang mga taong walang magamit na kompyuter o mas piniling huwag gamitin ang teknolohiyang ito? Huwag mag-alala! Hinay-hinay lang. Simulan sa bahay. Magsimula sa walang lamang kahon, tulad ng iminungkahi ni Pangulong Boyd K. Packer. Ilagay sa kahong iyon ang mahahalagang impormasyon tungkol sa inyo at sa inyong pamilya. Idagdag ang mga impormasyong natipon mula sa ibang kapamilya. Pagkatapos ay humingi ng tulong sa [temple and] family history consultant ng inyong ward o branch. …

“Ito ay masayang gawain. …

“Bagama’t may kapangyarihan ang gawain sa templo at family history na pagpalain ang mga pumanaw na, may kapangyarihan din itong pagpalain ang mga nabubuhay pa. May nakadadalisay na impluwensya ito sa mga nakikibahagi rito. Ang mga ito ay literal na tumutulong upang [mapadakila] ang kanilang mga pamilya.”1

Ang mga sumusunod na pahayag ng mga lider ng Simbahan sa social media ay makatutulong sa atin na malaman ang iba pa tungkol sa mga pagpapala at kahalagahan ng family history.

Mga Halimbawa ng mga Kumilos ayon sa Kanilang Pananampalataya sa Tagapagligtas

“Ang ‘kuwentuhan ninyo ako’ ay isang madalas na kahilingan mula sa mga bata. Bagama’t maaaring masayang magbahagi ng mga kathang-isip at pambatang kuwento, isiping kuwentuhan ang inyong mga anak ng mga kuwentong nagpapakita ng pananampalataya kay Jesucristo at ng mga kuwentong nag-uugnay sa kanila sa kanilang mararangal na ninuno. Ilang taon na ang nakararaan, nagpasiya kami ni Kristen na gumawa ng sarili naming family storybook na puno ng mga salaysay mula sa aming mga kamag-anak at ninuno. Gustung-gusto naming nagbabasa mula rito kasama ang aming pamilya.

“Inaanyayahan namin kayong lumikha ng sarili ninyong katipunan ng mga halimbawa mula sa inyong family history tungkol sa mga kumilos ayon sa kanilang pananampalataya sa Tagapagligtas, sa Kanyang mga lider, at sa mga alituntunin ng Kanyang ebanghelyo. Maaari kayong kumuha ng mga kuwento mula sa mga mensahe o family history, o maging sa mga kuwentong narinig ninyo habang lumalaki. Itala ang mga ito, at ibahagi ang mga ito. Ang paggawa nito ay makatutulong sa inyo at sa inyong pamilya na ibaling ang inyong puso sa inyong mga ninuno.”

Dallin H. Oaks, Facebook, Ene. 14, 2021, facebook.com/dallin.h.oaks.

Ang Inyong Papel na Gagampanan sa Dakilang Gawaing Ito

“Tayong lahat ay may papel na gagampanan sa dakilang gawaing ito. Ang pakikibahagi sa gawain sa family history at sa templo ay nagpapakita sa Diyos na nagmamalasakit kayo sa Kanya, sa Kanyang pamilya, at sa Kanyang mga layunin. Kapag nakipagbigkis kayo sa inyong Ama sa Langit, Siya ay makikipagbigkis din sa inyo.”

Jeffrey R. Holland, Facebook, Peb. 7, 2021, facebook.com/jeffreyr.holland.

Pagkakaroon ng Ugnayan sa Sarili Nating Pamilya

“Salamat sa asawa kong si Mary, ang musika ay mahalagang bahagi ng aming tahanan at pamilya noon pa man. Ilang taon na ang nakararaan sa RootsTech conference, nagbahagi si Mary at ang ilan sa aking mga apo ng isang awitin na nagsasama ng aming pagmamahal sa musika at ng aming pagmamahal sa pamilya.

“Ang awitin [na iyon] ay nagbabahagi ng mensahe ng ‘[pagbaling ng] mga puso ng … mga anak sa kanilang mga ama’ (Doktrina at mga Tipan 110:15), na naging labis na mahalaga sa aming mga apo. Ang RootsTech conference ay pumukaw sa interes ng aming mga apo na mas makibahagi sa pagtuklas at pakikipag-ugnayan sa sarili nilang mga ninuno.

“Tayong lahat ay may responsibilidad sa mga henerasyong nauna sa atin at sa mga henerasyong susunod sa atin. Dalangin ko na patuloy na makahanap ang bawat isa sa atin ng paraan upang magkaroon ng ugnayan sa sarili nating pamilya.”

Quentin L. Cook, Facebook, Peb. 19, 2021, facebook.com/quentin.lcook.

Maliliit at mga Karaniwang Bagay

“Madalas ilarawan ng Tagapagligtas ang Kanyang gawain bilang ‘dakila at kagila-gilalas’ (Doktrina at mga Tipan 12:1) o bilang ‘kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain’ (2 Nephi 27:26). At kamangha-mangha sa akin kung paano Niya isinasakatuparan ang gawaing iyon sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay—at kabilang kayo at ako rito.

“Anuman ang iba pa nating mga responsibilidad, tayong lahat ay may oportunidad na anyayahan ang mga anak ng Ama sa Langit na ibigkis ang kanilang sarili sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng paggawa at pagtupad ng mga tipan.

“Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson na ‘sa bawat oras na gumawa kayo ng kahit ano na tutulong sa kahit sino’ na gumawa at tumupad ng mga tipan, sa alinmang panig ng tabing, tinitipon ninyo ang Israel (‘Pag-asa ng Israel,’ pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018). Ito ang pinakadakilang adhikain sa mundo, at kaya rin itong gawin. Likas itong dumadaloy mula sa pagkakabigkis natin mismo sa Tagapagligtas.

“Maaaring hindi ninyo ito naiisip, ngunit ang bawat isa sa atin ay posibleng magkaroon ng matinding impluwensya sa pagtulong sa iba na palakasin ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo. Inaanyayahan ko kayong pag-isipan kung ano ang magagawa ninyo ngayon.”

Quentin L. Cook, Facebook, Hul. 19, 2021, facebook.com/quentin.lcook.

Mga Pagpapala ng Pagtuklas sa mga Kuwento ng mga Indibiduwal

“Noong 1999, mapalad akong makalahok sa paglulunsad ng FamilySearch website ng Simbahan. Si Gordon B. Hinckley, na Pangulo ng Simbahan noon, ay nagbahagi ng ilang payo na palaging nagpapamangha sa akin. Sabi niya, ‘Ang doktrina ng walang-hanggang katangian ng pamilya ay isa sa pinakamahalaga at sagrado sa ating mga turo. Ang paghahangad na maunawaan ang ating family history ay maaaring magpabago ng mga buhay. Nakatutulong ito na magkaisa at mabigkis ang mga pamilya. May isang bagay tungkol sa pag-unawa sa nakaraan na tumutulong na mabigyan ang ating mga kabataan ng isang bagay na dapat ipamuhay, isang pamana na dapat igalang.’

“Totoo pa rin ang mga salitang iyon hanggang ngayon, at sa loob ng 22 taon mula nang una kong marinig ang mga ito, namangha ako sa mga panlipunan at espirituwal na kapakinabangan na natamasa nating lahat dahil sa pagsasaliksik sa ating mga ninuno, hindi lamang sa paghahanap ng mga impormasyon tungkol sa genealogy, kundi sa pagtuklas sa mga kuwento ng mga indibiduwal. Malaki ang magagawa ng mga kuwentong ito upang madama nating lahat na tayo ay may lugar, layunin, at ugnayan sa mga naghanda ng daan para sa atin.”

D. Todd Christofferson, Facebook video, Peb. 23, 2021, facebook.com/dtodd.christofferson.

Kung Saan at Kanino Kayo Nanggaling

“Habang hinahangad ninyong matuklasan at maipasa kung sino kayo, at kung saan at kanino kayo nanggaling, malalaman ninyo kung sino Siya—ang inyong Tagapagligtas na si Jesucristo; at ipinapangako ko sa inyo na makahahanap kayo ng kadalisayan at kapayapaan, pananaw at layunin, at makahahanap kayo ng kapangyarihan at lugar sa pamilya ng Diyos.”

Ulisses Soares, Facebook, Marso 5, 2022, facebook.com/soares.u.

Isang Kumbinasyon ng Nakaraan at ng Kasalukuyan

“Anong mga kuwento ng pamilya ang pinaghuhugutan ninyo ng lakas? Anong mga tradisyon ang pinananatili ninyong buhay? Kung walang pumapasok sa inyong isipan, huwag panghinaan ng loob. Hinihikayat namin kayong tuklasin ang mga ito; at tandaan, ang family history ay hindi lamang tungkol sa malayong nakaraan. Ito ay isang kumbinasyon ng nakaraan at ng kasalukuyan na siyang dahilan kaya kayo natatangi.”

Ulisses Soares, Facebook, Marso 2, 2022, facebook.com/soares.u.