Welcome sa Lingguhang YA
Welcome sa Lingguhang YA—isang lingguhang publikasyon sa iyong Gospel Library app na isinulat para sa mga young adult ng mga young adult, pati na ng mga lider ng Simbahan at iba pang mga dalubhasa sa mga paksang akma sa atin ngayon.
Ang Aming Mithiin
Mithiin naming matulungan kang makahanap ng mga sagot sa iyong mga hamon at ng lakas na harapin ang mga ito. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pagsasaliksik natin ng ebanghelyo ni Jesucristo nang sama-sama at pagsusuri kung paano nagsisikap ang mga young adult sa buong mundo na ipamuhay ito.
Tungkol sa Amin
Unang mga bagay muna: ikaw ang inspirasyon sa paggawa ng buong bahagi na ito. Nahaharap tayo sa mga desisyon, bagong hamon, at maraming pagbabago sa panahong ito sa ating buhay. At nais naming gabayan ka sa lahat ng ito. Nais din naming malaman mo na nakikita ka namin batay sa kung sino ka at hindi sa kung kasal ka na o hindi pa, kaya ang bahaging ito ay hindi tinawag na Lingguhang YSA. Ang mga artikulo na ito ay ginawa para sa lahat ng young adult, single man o may asawa o single muli, dahil ang iyong impluwensya sa Simbahan—at sa mundo—ay hindi masusukat, anuman ang iyong kasalukuyang kalagayan sa pagtanda.
Naiisip din namin na ang mga paksang tatalakayin namin ay magiging kawili-wili sa lahat ng mga young adult, kahit sa mga mahigit 30 taong gulang. Alam namin na ang iyong interes sa mga paksa at hamon na tatalakayin namin ay hindi basta-basta magbabago dahil lamang sa nagdiwang ka na ulit ng kaarawan. Ang mga isyung kinakaharap natin ngayon ay mahalaga sa halos lahat sa atin at sapat na para harapin natin nang sama-sama, gaano man tayo katanda.
Alam namin na galing kayong lahat sa iba’t ibang uri ng pamumuhay, pinag-aralan, kabuhayan, kultura, at kalagayan. Kaya tatalakayin namin ang iba’t ibang paksa, at marami sa aming mga kuwento ay mababasa sa mahigit 20 wika sa Gospel Library—nais naming maabot kayo at maugnay sa inyong lahat. Ibinabahagi ng mga young adult mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang kanilang pananampalataya at mga talento sa Simbahan. Sa maraming lugar, hindi lamang tayo mga lider ng hinaharap, mga lider tayo ng Simbahan ngayon, kabilang na ang mga lugar kung saan matagal nang naitatag ang Simbahan. At ang ating impluwensya ay magkakaroon ng epekto hindi lamang sa panahon ngayon, dahil tayo rin ang mga magulang ng susunod na henerasyon.
Marami pa Kaming Gustong Sabihin
Marami kaming masasabi tungkol sa kahalagahan at potensiyal ng mga young adult, ngunit kung kami ay magpapatuloy, baka isiping nagyayabang kami (dahil ang ating henerasyon ay ganoon talaga kagaling). Sapat na ang sabihing kailangan tayo ng Diyos, kailangan natin ang Diyos at ang Kanyang Simbahan, at kailangan din natin ang isa’t isa. Magkakasama, “[gagawa tayo ng] kasaysayan,” tulad ng sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa mga young adult. “At bibigyan Niya kayo ng kakayahang isagawa ang imposible. …
“… Kayo ay ‘isang piling henerasyon’ (I Ni Pedro 2:9), na inorden ng Diyos noon pa man para gawin ang isang pambihirang gawain—ang tulungang ihanda ang mga tao sa mundong ito para sa Ikalawang Pagparito!”1
Sa kabila ng pabagu-bagong kasalukuyan at kawalang-kasiguraduhan sa hinaharap, ang pagtanda ay maaaring maging isang napakagandang panahon ng pagtuklas sa sarili at pag-unlad, paghanap ng ating layunin dito sa lupa, at pag-aaral kung paano mapapanatiling nakasentro sa ebanghelyo ang ating buhay. Nasasabik kaming makasama ka sa paglalakbay na ito at umaasa na magiging regular ka naming bisita!
Saan Kami Makikita
Ang Lingguhang YA ay matatagpuan sa Gospel Library sa ilalim ng Mga Magasin o Mga Adult > Mga Young Adult. Makikita mo rin ang ilan sa aming mga kuwento sa magasin na Liahona, sa Facebook page ng Liahona, at sa home page ng ChurchofJesusChrist.org.
Nais Naming Makarinig Mula sa Iyo!
-
Anong mga paksa ang gusto mong mabasa?
-
Anong mga kuwento ang nais mong ibahagi?
-
Ano ang mga maimumungkahi mo sa amin?
Maaari mong ipadala ang sarili mong mga kuwento, ideya, at feedback sa liahona.ChurchofJesusChrist.org. Sabik kaming makarinig mula sa iyo!