2016
Manindigan Bilang mga Tunay na Isinilang sa Milenyong Ito
October 2016


Manindigan Bilang mga Tunay na Isinilang sa Milenyong Ito

Mula sa pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult na, “Becoming True Millennials,” na ibinigay sa Brigham Young University–Hawaii noong Enero 10, 2016. Para sa buong mensahe, magpunta sa broadcast.lds.org.

Kayo ay ”isang piling henerasyon,“ na inorden ng Diyos noon pa man para gawin ang isang pambihirang gawain—ang tulungang ihanda ang mga tao sa mundong ito para sa Ikalawang Pagparito.

young adults carrying electronic devices

Mga paglalarawan ni Scotty Reifsnyder

Ang tawag ng maraming tao sa inyo ay mga isinilang sa milenyong ito. Aaminin ko na kapag tinutukoy kayo ng mga mananaliksik sa salitang iyan at inilalarawan ang inihayag ng kanilang mga pag-aaral tungkol sa inyo—ang inyong mga gusto at hindi gusto, ang inyong mga damdamin at hilig, ang inyong mga kalakasan at kahinaan—hindi ako mapakali. May isang bagay tungkol sa paraan ng paggamit nila ng katagang mga taong isinilang sa milenyong ito na nakakabagabag sa akin. At ang totoo, hindi ako gaanong interesado sa sasabihin ng mga eksperto tungkol sa inyo kaysa sa sinabi sa akin ng Panginoon tungkol sa inyo.

Kapag nagdarasal ako tungkol sa inyo at tinatanong ko ang Panginoon kung ano ang nadarama Niya tungkol sa inyo, may nadarama ako na lubhang kakaiba sa sinasabi ng mga mananaliksik. Ang natanggap kong mga espirituwal na impresyon tungkol sa inyo ay inaakay akong maniwala na ang katagang mga isinilang sa milenyong ito ay maaaring angkop talaga sa inyo—pero sa lubhang kakaibang dahilan kaysa maaaring maunawaan ng mga eksperto.

Ang katagang isinilang sa milenyong ito ay perpekto para sa inyo kung ipinapaalala sa inyo ng katagang iyan kung sino kayo talaga at kung ano talaga ang inyong layunin sa buhay. Ang tunay na isinilang sa milenyong ito ay isang tao na nagturo at tinuruan ng ebanghelyo ni Jesucristo sa buhay bago siya isinilang at nakipagtipan dito sa ating Ama sa Langit tungkol sa magigiting na bagay—maging sa moral na magigiting na bagay—na gagawin niya habang narito sa mundo.

Ang tunay na isinilang sa milenyong ito ay isang lalaki o babae na pinagkatiwalaan ng Diyos nang sapat upang isugo sa lupa sa pinakamahalagang dispensasyon sa kasaysayan ng mundong ito. Ang tunay na isinilang sa milenyong ito ay isang lalaki o babae na nabubuhay ngayon upang tumulong na ihanda ang mga tao sa mundong ito para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo at sa Kanyang paghahari sa milenyo. Huwag magkamali—kayo ay ipinanganak na may layuning maging tunay na isinilang sa milenyong ito.

Ang tanong ay “Paano kayo maninindigan at mamumuhay bilang isang tunay na isinilang sa milenyong ito?” Mayroon akong apat na rekomendasyon.

1. Alamin Kung Sino Kayo Talaga

Mag-ukol ng oras na mapanalanging pag-isipan ang mga katotohanang ito:

  • Kayo ay piling anak na lalaki o anak na babae ng Diyos.

  • Kayo ay nilikha sa Kanyang larawan.

  • Kayo ay tinuruan sa daigdig ng mga espiritu upang ihanda kayo para sa anuman at sa lahat ng makakaharap ninyo sa huling bahagi ng mga huling araw na ito (tingnan sa D at T 138:56). Ang turong iyon ay nananatili sa inyong kalooban!

Kayo ay nabubuhay sa “panahon bago pumarito ang Panginoon.” Ipinahayag ng Panginoon na ito na ang huling pagkakataon na tatawag Siya ng mga manggagawa sa Kanyang ubasan upang tipunin ang mga hinirang mula sa apat na sulok ng daigdig. (Tingnan sa D at T 33:3–6.) At kayo ay isinugo upang makilahok sa pagtitipong ito. Paulit-ulit kong nakita mismo ang malaking impluwensya ng mga tunay na isinilang sa milenyong ito habang ipinapaalam nila sa iba ang katotohanan. Bahagi ito ng pagkakakilanlan sa inyo at ng layunin ninyo bilang binhi ni Abraham (tingnan sa Mga Taga Galacia 3:26–29)!

Ilang taon na ang nakararaan nagkaroon kami ng asawa kong si Wendy ng pambihirang karanasan sa malayong lupain ng Siberia. Kabilang sa mga kasama naming naglakbay sa araw ng aming paghahanda sa Irkutsk ang mission president na si Gregory S. Brinton; ang kanyang asawang si Sally; at ang kanilang anak na returned missionary na si Sam, na nagmisyon sa Russia. Binisita namin ang magandang Lake Baikal at ang palengke sa mga baybayin nito.

Pagbalik namin sa aming van, napansin namin na nawawala si Sam. Pagkaraan ng ilang sandali ay lumitaw siya, kasama ang isang babaeng nasa katanghaliang-gulang na si Valentina. Sa kanyang katutubong wikang Russian, masigasig na ibinulalas ni Valentina, “Gusto kong makilala ang ina ng binatang ito. Napakagalang niya, napakatalino, at napakabait! Gusto kong makilala ang kanyang ina!” Naakit si Valentina sa ningning at aliwalas ng mukha ni Sam.

Ipinakilala ni Sam si Valentina sa kanyang ina at ama, binigyan ito ng polyeto tungkol sa Tagapagligtas, at nakipag-ayos sa mga missionary na bisitahin ito. Pagbalik ng mga missionary kalaunan na may dalang Aklat ni Mormon, nangako siyang babasahin ito. Natuwa rin ang ilang iba pang babaeng nagtatrabaho sa palengke sa bagong aklat na natanggap ni Valentina. Hindi pa namin alam ang katapusan ng kuwentong ito, ngunit dahil sa kakaibang liwanag na nabanaag kay Sam, naituro kay Valentina at sa ilang kaibigan niya ang ebanghelyo.

Alam ng mga tunay na isinilang sa milenyong ito na kagaya ni Sam kung sino sila talaga. Sila ay matatapat na disipulo ni Jesucristo na likas na ginagamit ang bawat pagkakataon upang tulungan ang kanilang sarili at ang iba na maghanda para sa paghahari ng ating Tagapagligtas sa milenyo.

Samakatwid, ang una kong rekomendasyon ay alamin sa inyong sarili kung sino kayo talaga. Itanong sa inyong Ama sa Langit sa pangalan ni Jesucristo kung ano ang nadarama Niya para sa inyo at sa inyong misyon dito sa lupa. Kung kayo ay magtatanong nang may tunay na layunin, sa paglipas ng panahon ay ibubulong sa inyo ng Espiritu ang katotohanang magpapabago sa inyong buhay. Itala ang mga impresyong iyon, rebyuhin iyon nang madalas, at sundin nang husto.

Nangangako ako sa inyo na kapag naunawaan ninyo kahit kaunti kung ano ang tingin sa inyo ng inyong Ama sa Langit at kung ano ang inaasahan Niyang gagawin ninyo para sa Kanya, magbabago ang inyong buhay magpakailanman!

2. Umasa—at Maghanda—na Maisagawa ang Imposible

woman on computer

Noon pa man ay pinagagawa na ng Diyos ang Kanyang pinagtipanang mga anak ng mahihirap na bagay. Dahil kayo ay mga anak ng Diyos na tumutupad ng mga tipan na nabubuhay sa huling bahagi ng mga huling araw na ito, hihilingan kayo ng Panginoon na gumawa ng mahihirap na bagay. Maaasahan ninyo iyan—sinusubukan ang mga tao noon pa man at hanggang ngayon katulad ng pagsubok kay Abraham (tingnan sa D at T 101:4–5).

Alam ko kung gaano nakakatakot na pagawin ng isang bagay na tila hindi ninyo kayang gawin. Labinsiyam na buwan pa lang akong miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol nang pumanaw si Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985). Sa unang pulong ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol kasunod ng ordinasyon ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994), nagbigay siya ng mga partikular na atas sa Labindalawa. Kasama sa mga tagubilin niya sa akin ang mga salitang ito: “Elder Nelson, ikaw ang magbubukas ng mga bansa sa Eastern Europe para sa pangangaral ng ebanghelyo.”

Nangyari iyon noong 1985. Noong mga taon ng matamlay na pulitika na tinutukoy nating Cold War, hindi lamang hinati ng isang literal na pader ang lungsod ng Berlin, kundi buong Eastern Europe ang nasa ilalim ng mapang-aping impluwensya ng komunismo. Isinara ang mga simbahan, at hinigpitan ang pagsamba sa Diyos.

Halos buong propesyon ko ay iniukol ko sa pagbubukas ng mga puso sa pagsasagawa ng mga operasyon para magligtas ng buhay, ngunit wala akong karanasan na magpapaniwala sa akin na kaya kong magbukas ng mga bansa para sa pangangaral ng ebanghelyo. Subalit, isang propeta ang nagbigay sa akin ng atas, kaya naghanda akong gawin ang napakaimposible.

Sa simula, nahirapan ako nang husto. Dumating ako sa halos lahat ng bansa nang hindi alam kung saan pupunta. Kahit nakita ko ang pangalan ng wastong opisyal ng pamahalaan, karaniwan na para sa isang pulong ang makansela sa huling sandali o maipagpaliban. Sa isang bansa, kapag naantala nang dalawang araw ang isang appointment, maraming tuksong dumating sa buhay ko para subukan ako—kabilang na ang iligal na bentahan at iba pang mga aktibidad na labag sa batas. Sa isa pang pagkakataon, sinimulan ang isang pulong sa pag-uutos na umalis ako ng bansa kaagad!

Ngunit kayang gawin ng Panginoon ang Kanyang sariling gawain (tingnan sa 2 Nephi 27:20–21), at nagkaroon ako ng pribilehiyong makita ang sunud-sunod na himalang nangyari—palagi, at matapos ko lamang iambag ang aking pinakamagandang ideya, pinakamatinding pagsisikap, at pinakataimtim na dalangin sa gawain.

Ipinagkaloob ng ilan sa mga bansang iyon ang pagkilala sa Simbahan bago bumagsak ang Berlin Wall. Ang pagkilala ng iba ay dumating kalaunan. Noong 1992, naireport ko kay Pangulong Benson na ang Simbahan ay naitatag na sa bawat bansa sa Eastern Europe!

Bilang tunay na isinilang sa milenyong ito na maaasahan ng Panginoon, gagawa rin kayo ng kasaysayan! Hihilingan kayong tumanggap ng mahihirap na atas at maging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon. At bibigyan Niya kayo ng kakayahang isagawa ang imposible.

Paano ninyo isasagawa ang imposible? Sa paggawa ng anumang kailangan upang palakasin ang inyong pananampalataya kay Jesucristo, sa pagpapaibayo ng inyong pag-unawa sa doktrinang itinuturo sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan, at sa walang-sawang paghahanap sa katotohanan. Kapag pinagawa kayo ng mga imposibleng bagay, magagawa ninyo—bilang isang tunay na isinilang sa milenyong ito na nakasandig sa dalisay na doktrina—na sumulong nang may pananampalataya at marubdob na pagtitiyaga at masayang gawin ang lahat ng nakasalalay sa inyong kapangyarihan na isakatuparan ang mga layunin ng Panginoon (tingnan sa D at T 123:17).

Magkakaroon kayo ng mga araw na dismayadong-dismayado kayo. Kaya ipagdasal na magkaroon kayo ng tapang na huwag sumuko! Kakailanganin ninyo ang lakas na iyon dahil di-gaanong magiging popular ang pagiging Banal sa mga Huling Araw. Ang malungkot, ipapahamak kayo ng ilang tao na inakala ninyong mga kaibigan. At tila hindi magiging patas ang ilang bagay.

Gayunman, nangangako ako sa inyo na kapag sumunod kayo kay Jesucristo, makasusumpong kayo ng patuloy na kapayapaan at tunay na kagalakan. Kapag tinupad ninyo ang inyong mga tipan nang lubusan, at ipinagtanggol ninyo ang Simbahan at kaharian ng Diyos sa lupa ngayon, bibiyayaan kayo ng Panginoon ng lakas at karunungang isagawa ang imposible.

3. Alamin Kung Paano Matatamo ang Kapangyarihan ng Langit

Lahat tayo ay may mga tanong. Ang paghahangad na malaman, maunawaan, at makilala ang katotohanan ay mahalagang bahagi ng ating karanasan sa buhay. Halos buong buhay ko ay nagugol sa pagsasaliksik. Higit din kayong makakaalam sa pagtatanong ng mga inspiradong bagay.

Sa sandaling ito mismo ang ilan sa inyo ay nahihirapang malaman kung ano ang dapat ninyong gawin sa inyong buhay. Maaaring ang iba sa inyo ay nag-iisip kung napatawad na ang inyong mga kasalanan. Karamihan sa inyo ay nag-iisip kung sino at nasaan ang inyong pakakasalan hanggang sa kawalang-hanggan—at ang mga hindi ito iniisip ay dapat ninyo itong isipin.

Maaaring nagtatanong ang ilan kung bakit ginagawa ng Simbahan ang ilan sa mga bagay na ginagawa nito. Marahil marami sa inyo ang hindi nakatitiyak kung paano masasagot ang inyong mga dalangin.

Handa ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na sagutin ang inyong mga tanong sa pamamagitan ng paglilingkod ng Espiritu Santo. Ngunit responsibilidad ninyong alamin kung paano maging karapat-dapat para doon at paano matatanggap ang mga sagot na iyon.

Saan kayo makapagsisimula? Magsimula sa paggugol ng mas maraming oras sa mga banal na lugar. Ang templo ay isang banal na lugar. Gayundin ang chapel, kung saan kayo nagpapanibago ng mga tipan tuwing Linggo sa pakikibahagi ng sakramento. Inaanyayahan ko kayong gawing banal na lugar ang inyong apartment, dorm, tahanan, o silid kung saan kayo ligtas na makalalayo sa masasamang kaguluhan ng mundo.

Mahalaga ang panalangin. Manalangin upang malaman kung ano ang ititigil at ano ang sisimulang gawin. Manalangin upang malaman kung ano ang idaragdag sa inyong kapaligiran at ano ang aalisin upang mapasainyo nang sagana ang Espiritu.

Magsumamo sa Panginoon na bigyan kayo ng kaloob na makahiwatig. Pagkatapos ay mamuhay at sikaping maging karapat-dapat na matanggap ang kaloob na iyon upang kapag nagkaroon ng nakalilitong mga kaganapan sa mundo, malalaman ninyo mismo kung ano ang totoo at ano ang hindi (tingnan sa 2 Nephi 31:13).

young adult walking with elderly man

Maglingkod nang may pagmamahal. Ang mapagmahal na paglilingkod sa mga naligaw ng landas o sugatan ang espiritu ay inihahanda kayong tumanggap ng personal na paghahayag.

Gumugol ng mas maraming oras—mas marami pang oras—sa mga lugar kung saan naroon ang Espiritu. Ibig sabihin ay mas maraming oras sa mga kaibigan na naghahangad na mapasakanila ang Espiritu. Gumugol ng mas maraming oras sa pagdarasal nang nakaluhod, mas maraming oras sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan, mas maraming oras sa pagsasaliksik sa family history, mas maraming oras sa templo. Nangangako ako sa inyo na kapag patuloy kayong nagbibigay ng mas maraming oras sa Panginoon, tutulutan Niya kayong magsakatuparan ng iba pa sa natitira ninyong oras.

Sinasang-ayunan natin ang 15 kalalakihang inorden bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Kapag nagkaroon ng mabigat na problema—at tila lalo itong bumibigat bawat araw—pinagsisikapang lutasin ng 15 kalalakihang ito ang isyu, upang malaman ang lahat ng posibleng resulta ng iba’t ibang solusyon, at masigasig nilang hinahangad na marinig ang tinig ng Panginoon. Matapos akong mag-ayuno, manalangin, mag-aral, mag-isip, at sumangguni sa aking mga Kapatid tungkol sa mahahalagang bagay, karaniwa’y nagigising ako sa gabi na may iba pang mga impresyon tungkol sa mga isyung pinoproblema namin. At gayon din ang nararanasan ng aking mga Kapatid.

Sumasangguni ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol sa isa’t isa at ibinabahagi namin ang lahat ng ipinauunawa at ipinadarama ng Panginoon sa bawat isa at sa aming lahat. At saka namin minamasdan ang impluwensya ng Panginoon sa Pangulo ng Simbahan na ipahayag ang Kanyang kalooban.

Ang prosesong ito ng propeta ay sinunod noong 2012 sa pagbabago ng pinakabatang edad para makapagmisyon at muli sa mga huling idinagdag sa hanbuk ng Simbahan, kasunod ng legalisasyon ng kasal ng magkaparehong kasarian sa ilang bansa. Puno ng habag para sa lahat, at lalo na para sa mga bata, matagal naming pinagsikapang unawain ang kalooban ng Panginoon sa bagay na ito.

Laging inaalala ang plano ng kaligtasan ng Diyos at ang Kanyang pag-asa para sa buhay na walang hanggan ng bawat isa sa Kanyang mga anak, inisip namin ang iba’t ibang posibleng mangyari. Paulit-ulit kaming nagpulong sa templo sa pag-aayuno at pagdarasal at humiling ng dagdag na patnubay at inspirasyon. Pagkatapos, nang bigyang-inspirasyon ng Panginoon ang Kanyang propetang si Pangulong Thomas S. Monson na ipahayag ang isipan at kalooban ng Panginoon, nadama ng bawat isa sa amin sa sagradong sandaling iyon ang pagpapatibay ng Espiritu. Pribilehiyo namin bilang mga Apostol na sang-ayunan ang naihayag kay Pangulong Monson. Ang paghahayag ng Panginoon sa Kanyang mga lingkod ay isang sagradong proseso, gayundin ang pribilehiyo ninyong tumanggap ng personal na paghahayag.

Mahal kong mga kapatid, malalaman din ninyo ang isipan at kalooban ng Panginoon para sa inyong sariling buhay na katulad naming mga Apostol para sa Kanyang Simbahan. Tulad ng utos ng Panginoon na aming hangarin at pagbulay-bulayin, ipag-ayuno at ipagdasal, at pag-aralan at pagsikapang sagutin ang mahihirap na tanong, inuutusan din Niya kayo na gawin din iyon sa paghahangad ninyong masagot ang sarili ninyong mga tanong.

Maaari kayong matutong makinig sa tinig ng Panginoon sa pamamagitan ng mga bulong ng Espiritu.1 Mukhang nakakatulong man ang Google, Twitter, at Facebook, hindi nila talaga nasasagot ang pinakamahahalaga ninyong tanong!

Mahal kong mga kaibigang kabataan, malalaman ninyo ang isipan at kalooban ng Panginoon para sa sarili ninyong buhay. Hindi ninyo kailangang isipin kung kayo ay nasa lugar kung saan kayo kailangan ng Panginoon o kung ginagawa ninyo ang kailangan Niyang ipagawa sa inyo. Malalaman ninyo! Ang Espiritu Santo “ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:3).

4. Sundin ang mga Propeta

young adult watching general conference

Noong 1979, habang naglilingkod bilang Sunday School general president, inanyayahan akong dumalo sa isang Regional Representatives seminar kung kailan nagbigay si Pangulong Kimball ng nakasisiglang mensahe tungkol sa pagbubukas ng mga bansang dating sarado ang pintuan sa Simbahan, tulad ng China. Hinamon ang lahat ng naroon na mag-aral ng wikang Mandarin para maialok natin ang galing natin sa ating propesyon upang tulungan ang mga mamamayan ng China.

Para sa akin, ang hamon ni Pangulong Kimball ay parang utos ng isang propeta. Kaya noong gabing iyon mismo ay tinanong ko ang asawa kong si Dantzel na patay na ngayon kung handa siyang sumabay sa akin sa pag-aaral ng wikang Mandarin. Pumayag siya, at nakakita kami ng tutor na tutulong sa amin. Siyempre hindi kami natuto nang husto na magsalita ng wikang Mandarin, ngunit sapat ang natutuhan namin kaya nang anyayahan ako nang sumunod na taon mismo (sa sunud-sunod na lubhang di-inaasahang mga kaganapan) na magpunta sa China bilang visiting professor upang magturo ng open-heart surgery, mas handa na akong tanggapin ang paanyaya.

Lumaktaw tayo hanggang 1985, ang taon matapos akong tawagin sa Korum ng Labindalawa. Isang araw tumanggap ako ng apurahang hiling na magpunta sa China upang magsagawa ng open-heart surgery sa bantog na opera star ng bansa, na itinuturing na pambansang bayani sa buong China. Ipinaliwanag ko na hindi ako makakapunta dahil sa full-time ecclesiastical responsibility ko, subalit nagsumamo sa akin ang mga doktor sa China na magpunta ako kaagad upang magsagawa ng operasyon para magligtas ng buhay.

Tinalakay ko ang bagay na ito sa aking quorum president at sa Unang Panguluhan. Nadama nila na, bilang pabor sa mga mamamayan ng China, dapat kong puntahan iyon at isagawa ang operasyon.

Ginawa ko nga iyon. Mabuti na lang, tagumpay ang operasyon! Siyanga pala, iyon na ang huling open-heart operation na isinagawa ko. Isinagawa ko iyon sa Jinan, China, noong Marso 4, 1985.

Ngayon muli tayong lumaktaw, sa pagkakataong ito hanggang Oktubre 2015. Kami ni Wendy ay inanyayahang bumalik sa Shandong University School of Medicine sa Jinan. Namangha kami nang mainit kaming batiin bilang “isang dati nang kaibigan” ng China at muli naming nakasama ang mga surgeon na naturuan ko 35 taon na ang nakararaan. Naging tampok sa aming pagbisita ang pakikipag-usap sa anak at apo ng bantog na opera star na iyon. Lahat ng nakamamanghang karanasang ito ay naging posible dahil sa isang bagay: dininig ko ang payo ng isang propeta na mag-aral ng wikang Mandarin!

Nakikita ng mga propeta ang mangyayari. Nakikita nila ang nakakatakot na mga panganib na inilagay o ilalagay pa ng kaaway sa ating daan. Nakikinita rin ng mga propeta ang magagandang posibilidad at pribilehiyong naghihintay sa mga nakikinig na may layuning sumunod. Alam ko na ito ay totoo! Naranasan ko na ito mismo nang paulit-ulit.

Nangako na sa atin ang Panginoon na hindi Niya tutulutan ang propeta kailanman na iligaw tayo ng landas. Ipinahayag ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973): “Maaaring hindi ninyo magustuhan ang nagmumula sa awtoridad ng Simbahan. Maaaring salungat ito sa pananaw ninyo sa pulitika. Maaaring salungat ito sa pananaw ninyo sa lipunan. Maaaring humadlang ito sa inyong pakikisalamuha. Ngunit kung pakikinggan ninyo ang mga bagay na ito, na tila nagmula mismo sa bibig ng Panginoon, nang may pagtitiis at pananampalataya, ang pangako ay ‘ang pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa inyo; oo, at itataboy ng Panginoong Diyos ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan ninyo, at payayanigin ang kalangitan para sa inyong ikabubuti, at sa ikaluluwalhati ng kanyang pangalan’ (D at T 21:6).”2

Maaaring hindi ninyo laging mauunawaan ang lahat ng pahayag ng isang buhay na propeta. Ngunit kapag alam ninyo na ang isang propeta ay isang propeta, maaari kayong manalangin sa Panginoon nang may pagpapakumbaba at pananampalataya at humingi ng sarili ninyong patotoo tungkol sa anumang naipahayag ng Kanyang propeta.

Bandang 40 B.C. maraming Nephitang sumapi sa Simbahan, at umunlad ang Simbahan. Ngunit nagsimulang magkaroon ng mga lihim na sabwatan, at marami sa kanilang mga tusong pinuno ang nakisalamuha sa mga tao at mahirap silang matiktikan. Nang mas lalong naging mayabang ang mga tao, marami sa mga Nephita ang [kinutya] ang yaong banal, [itinatwa] ang diwa ng propesiya at ng paghahayag” (Helaman 4:12).

Nasa paligid natin ang mga panganib na iyon ngayon. Ang malungkot na katotohanan ay na ang “mga tagapaglingkod ni Satanas” (D at T 10:5) ay nakahalubilo sa buong lipunan. Kaya mag-ingat nang husto kung kaninong payo ang sinusunod ninyo (tingnan sa Helaman 12:23).

Mahal kong mga kapatid, kayo ay ipinanganak na may layuning maging tunay na mga isinilang sa milenyong ito. Kayo ay ”isang piling henerasyon” (I Ni Pedro 2:9), na inorden ng Diyos noon pa man para gawin ang isang pambihirang gawain—ang tulungang ihanda ang mga tao sa mundong ito para sa Ikalawang Pagparito.

Mga Tala

  1. Noong Pebrero 1847, halos tatlong taon matapos paslangin si Propetang Joseph Smith, nagpakita siya kay Pangulong Brigham Young at ibinigay niya rito ang mensaheng ito: “Sabihin mo sa mga tao na maging mapagpakumbaba at matapat at tiyaking nasa kanila ang Espiritu ng Panginoon at sila ay aakayin nito sa tama. Maging maingat at huwag itaboy ang marahan at banayad na tinig; ituturo nito sa [iyo kung ano] ang [iyong] gagawin at patutunguhan” (sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 114).

  2. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee (2001), 99–100.