2016
Lakas na Magpatuloy
October 2016


Lakas na Magpatuloy

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Dahil sa nabaliang binti at bagbag na puso, kinailangan kong mapagaling. Pag-asa ang nagsalba sa akin.

crashed car

Mga isang buwan bago sumapit ang aking ika-16 na kaarawan, nag-road trip ang pamilya ko patawid ng Estados Unidos para bisitahin ang ilang makasaysayang lugar ng Simbahan. Okey lang na manatili ako sa kotse nang napakatagal dahil palaging masaya ang pamilya ko. Naaalala ko na sumakay ako sa kotse kinabukasan matapos naming bisitahin ang Winter Quarters, Nebraska. Napakalakas ng ulan noon. Umupo ako sa likuran, hinila ang isang kumot, at namaluktot para pakinggan ang ulan sa pagtulog ko.

Ang sumunod na naaalala ko ay naramdaman ko na parang hindi mapigil ang pag-ikot ng paligid ko. Kalaunan nalaman ko na lumipad at sumalpok ang kotse namin sa cement barrier sa ilalim ng overpass. Medyo naaalala ko na may isang taong nagsabi sa akin na nabalian ang binti ko at ooperahan ako.

Di-nagtagal pagkatapos niyon habang nagpapagaling ako sa ospital, pumasok ang tatay ko sa kuwarto ko. Naupo siya sa tabi ko sa kama at inabot ang kamay ko. Nadama ko na parang alam ko na ang sasabihin niya.

“Honey,” sabi niya, “alam mo ba kung nasaan ka?”

“Sa ospital po,” sagot ko.

“Alam mo ba ang nangyari?”

“Naaksidente tayo.”

“May nagsabi na ba sa iyo kung ano ang nangyari sa ibang kapamilya natin?”

Natigilan ako at sumagot ako ng hindi.

Sinabi niya na OK naman ang lahat—maliban sa nanay ko. Hindi siya nakaligtas.

Inasahan kong manlumo kaagad, pero hindi. Dahil sa una kong pagkabigla, kahit paano, sa kung anong dahilan, nakadama ako ng kapayapaan, ng magiliw na damdamin na mapagtitiwalaan ko ang Diyos na magiging maayos ang lahat.

Habang nakaratay sa ospital, naalala ko ang isang partikular na makasaysayang lugar ng Simbahan na nakita namin dalawang araw bago ang aksidente: ang Martin’s Cove, Wyoming. Maraming pioneer ang namatay roon mula sa gutom at pagkalantad sa niyebe at malamig na klima. Naalala ko na may nakita akong tumpuk-tumpok na bato sa ibabaw ng mga puntod at naisip ko kung gaano kalaking pananampalataya ang kinailangan upang magtulak ang mga pioneer ng kanilang mga handcart at patuloy na maglakbay. Humanga ako sa kuwentong iyon. Habang naiisip ko ang karanasang iyon, natanto ko na nagtiyaga ang mga pioneer at kailangan ko ring gawin iyon, kabilang na ang pagiging matatag para sa nakababata kong mga kapatid.

Ang paunang nadama kong kapayapaan ay nanatili pa sa akin nang isa’t kalahating linggo. Nakaupo ako sa isang wheelchair at nanonood ng mga paputok sa bintana ng ospital noong Fourth of July nang maliwanagan ako—wala na ang nanay ko. Hindi na siya makakadalo sa high school graduation ko. Hindi na siya makakadalo kapag tumanggap ako ng endowment sa templo. Hindi na siya makakadalo sa kasal ko. Wala na siya.

Diyan nagsimulang humirap talaga ang lahat. Grabe ang pananakit ng binti ko, at wala akong gana. Nanood ako ng TV pero wala akong nakikita, at natulog lang ako. Nag-alala ang pamilya ko sa akin dahil hindi ako gaanong umiiyak.

Mas napaluha ako nang sa huli ay umuwi kami sa Oregon sa isang bahay na walang laman. Bigla kong kinailangang humalili sa ilang responsibilidad ng nanay ko, at kadalasan ay sa akin umaasa ang mga kapatid ko para mapanatag. Sinikap kong magpakatatag para sa kanila. Ngunit hindi iyon naging madali.

Nahirapan akong pumasok ulit sa eskuwela. Narinig na ng lahat ang tungkol sa aksidente, at kung hindi naman, narinig nila ang tungkol doon nang ipakilala ako ng aking guro na ako iyong batang kasama sa aksidente. Nailang ako.

Mahirap iyon lalo na nang muling mag-asawa ang tatay ko siyam na buwan pagkaraang mamatay ang nanay ko. Alam ko na magiging mabuti ang madrasta ko para sa aming pamilya at na kailangan namin siya, ngunit mahirap makibagay.

Subalit hindi naman ako nawalan ng pag-asa sa buong panahong ito. Nadama ko ang malaking pagmamahal ng aking Ama sa Langit, ng pamilya ko, at ng mga lider ng aming Simbahan. Ang nakatulong sa akin na gumaling at sumulong pagkatapos ng aksidente ay ang paggawa ng mga simpleng bagay na nagpalakas sa aking pananampalataya. Araw-araw akong gumugol ng isang oras bago matulog sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagdarasal, at pagsulat sa journal ko sa aking munting silid. Sa loob ng aking munting silid, hindi ko kailangang maging matatag para sa aking mga kapatid. Puwede akong umiyak hanggang gusto ko at magbuhos ng niloloob ko sa Diyos. Sinabi ko sa Kanya ang mismong nadarama ko at kung gaano ako nangungulila sa nanay ko. Alam ko na narinig Niya ako dahil sa maraming magiliw na awa na nadama ko. Ang munting silid na iyon ay naging sagrado sa akin.

Ang paggawa ng mga simpleng bagay na iyon ay nakatulong sa akin na manatiling malapit sa Diyos sa halip na itulak ko Siya palayo at magdamdam. Hindi ako naniwala na sinaktan ng Diyos ang pamilya ko sa pamamagitan ng aksidenteng iyon. Nakadama ako ng dagdag na lakas na magtiis at tanggapin ang Kanyang kalooban at magpatuloy sa buhay sa paglipas ng mga araw ng aking paghihirap. At may mga araw na talagang nahirapan ako.

Matapos mag-asawang muli ang tatay ko, ginusto kong magpakita ng mabuting halimbawa sa mga kapatid ko, at talagang ayaw kong sumama ang loob ko sa madrasta ko, kaya patuloy akong nagtiwala sa Diyos. Ang isang aktibidad sa aking aklat na Pansariling Pag-unlad ay nakatuon sa pagpapabuti ng buhay ko sa bahay sa pamamagitan ng pagpapatatag ng kaugnayan ko sa isang kapamilya sa loob ng dalawang linggo. Ang mithiin talaga ay sikapin nating maging katulad ni Cristo at magpakita ng pagmamahal sa ating mga kilos. Nagpasiya akong subukan ito at paglingkuran ang madrasta ko.

helping with the dishes

Kapag magkakasama ang aming mga pamilya, napakaraming huhugasang mga pinggan. Kaya diyan ako nagsimula. Nang paglingkuran ko siya sa sumunod na dalawang linggo, nadama ko na kaya kong mahalin ang madrasta ko at magtiis kahit hindi ako talaga masaya sa sitwasyon. Ang simpleng pagtutuon sa paglilingkod sa kanya ay nakatulong sa akin na malagpasan ang mga panahon ng paghihirap dahil nadama ko ang patnubay ng Espiritu.

Hindi ko pa rin maunawaan kung bakit naaksidente ang pamilya ko, at may mga araw na nahihirapan pa rin ako. Ngunit gaya ng mga pioneer, nagtiwala ako sa Diyos at nabigyan ako ng lakas na magpatuloy.