Mga Pagninilay
Huling Hapunan ni Melva
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
“Gusto ba ninyong subukang tumanggap ng sakramento?” tanong ko sa aking nag-aagaw-buhay na ina.
Umabot ng 92 taong gulang ang aking ina at pumanaw siya kamakailan. Nasa ospital siya nang ipasiya ng mga doktor na wala na silang magagawa maliban sa panatilihin siyang maginhawa hanggang sa pumanaw siya.
Habang naghahanda silang iuwi siya, dalawang lalaki mula sa isang lokal na ward ang pumasok sa silid at tinanong nila ako kung gusto ng nanay ko na tumanggap ng sakramento. Noong una sinabi ko sa kanila, “Hindi, salamat.” Hirap lumunok si Inay. Pagkatapos ay sinabi ko, “Sandali lang, tatanungin ko siya.” Lumapit ako sa kanyang tainga at sinabi ko, “May dalawang priesthood holder po rito. Gusto ba ninyong subukang tumanggap ng sakramento?” Sa mahina ngunit malinaw na tinig sumagot siya ng, “Oo.”
Pagkatapos magbasbas, dinampot ko ang kapirasong tinapay mula sa trey, pumiraso ako ng katiting at marahang inilagay ito sa kanyang bibig. Nginuya niya ito nang kaunti, at tahimik akong humingi ng paumanhin sa mga lalaki dahil medyo nagtagal ito. Tiniyak nila sa akin na OK lang iyon. Pagkatapos ng pangalawang panalangin, naglagay ako ng kaunting tubig sa plastic cup at inilapit ito sa kanyang mga labi. Kaunti lang ang sinipsip niya, ngunit nagulat ako dahil madali niyang nalunok iyon.
Pinasalamatan ko ang mga lalaki, at nagpunta na sila sa kabilang silid. Payapang pumanaw si Inay makalipas ang isang oras.
Nang sumunod na mga araw, napag-isip-isip ko na napakasagrado ng sandaling iyon na ibinigay sa aming mag-ina. Ang huling ginawa niya sa buhay na ito ay tumanggap ng sakramento. Ang huling salitang sinambit niya ay “Oo”—oo sa pagtanggap ng sakramento, oo sa pag-aalay ng kanyang sakripisyong “bagbag na puso at nagsisising espiritu” (3 Nephi 9:20), oo sa pagtataglay sa kanyang sarili ng pangalan ni Jesucristo at pangangako na lagi Siyang aalalahanin, oo sa pagtanggap ng Kanyang Espiritu. Ang mga huling bagay na nagdaan sa kanyang mga labi ay mga sagisag ng sakramento.
Napakatamis siguro ng kanyang huling hapunan para sa kanya! Bagama’t napakahina para kumilos o magsalita, pakiramdam niya siguro ay buhay na buhay siya kay Cristo! Lubos siguro ang pasasalamat niya para sa Kanyang tumutubos at nagpapalakas na kapangyarihan, kaya nalagpasan niya ang mga huling sandaling iyon ng kanyang buhay sa lupa at nagbigay ng pag-asa sa kanya sa buhay na walang hanggan.
Linggu-linggo kapag nakikibahagi tayo ng sakramento, nawa’y magpasalamat tayong lahat sa pagkakataong mapanibago ang ating mga tipan at madama ang kapatawaran at biyaya habang sinisikap nating maging higit na katulad ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Sa gayon ang tinapay at tubig para sa atin, katulad siguro sa aking ina, ay maaaring maging “pinakamatamis sa lahat ng matamis, … at pinakadalisay sa lahat ng dalisay” (Alma 32:42).