2016
Tinulungan Ako ni Kapitan Moroni na Magturo sa Middle School
October 2016


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Tinulungan Ako ni Kapitan Moroni na Magturo sa Middle School

Larawan
captain Moroni helped me teach middle school

Paglalarawan ni Allen Garns

Nasa kalagitnaan ako ng mahirap na taon ng pagtuturo sa mga 13- at 14-na-taong-gulang. Kauuwi ko pa lang mula sa isang nakaiinis na pakikipag-usap sa assistant principal tungkol sa isang ebalwasyon kamakailan. Dahil bago lang akong guro at kailangan kong gawin ang karamihan sa aking mga lesson, nahirapan akong panatilihing nakatuon sa gawain at interesado ang mga estudyante. Talagang nauwi ang pag-uusap sa pangangailangang pilitin ko ang mga estudyante na magpasiya—magtuon sa gawain o mapahamak—at sundan ito ng aking mga babala.

Nilisan ko ang kumperensya na malungkot at nahihirapan. Siniguro kong hanapan ng sagot ang miting na ito sa pag-aaral ko ng mga banal na kasulatan kinabukasan. Ang hindi kapani-paniwala, dumating ang mga sagot sa akin nang magbasa ako mula sa Aklat ni Mormon.

Ipinagdasal ko na matutuhan ko mula sa mga banal na kasulatan noong umagang iyon kung paano maging mas mahusay na guro. Tinuruan ako ng Espiritu Santo habang nagbabasa ako tungkol kay Kapitan Moroni sa Alma 44. Sa puntong ito sa kuwento, napaligiran na ni Kapitan Moroni at ng mga Nephita ang mga Lamanita sa ilog Sidon at tinakot nila ang mga ito hanggang sa ibaba ng mga Lamanita ang kanilang mga sandata. Patuloy akong nagbasa, na iniisip kung paano ko gustong tularan si Kapitan Moroni sa klase: makapangyarihan, tiwala, at matagumpay.

Binasa ko ang pag-uusap at napansin ko na sinasabi ni Moroni kay Zerahemnas at sa mga Lamanita na pinipilit silang magpasiya: “Isuko ninyo sa amin ang inyong mga sandata ng digmaan, at … hindi namin kikitlin ang inyong buhay, kung kayo ay hahayo sa inyong landas at hindi na muling babalik pa upang makidigma sa amin” o kaya’y “kung hindi ninyo gagawin ito, … uutusan ko ang aking mga tauhan na salakayin kayo” (Alma 44:6, 7). Nalaman ko na ginagawa niya ang ipinagagawa sa akin ng administrator ko! “Bigyan sila ng dalawang pagpipilian, at subaybayan sila hanggang katapusan,” sabi niya. Nasasaisip iyan, sinunod ko ang motto ni Moroni, “Masdan, tatapusin natin ang labanan” (Alma 44:10).

Handang gamitin ang mga alituntuning natutuhan ko sa isang kuwento sa banal na kasulatan tungkol sa isa sa mga idolo ko, nagbalik ako sa klase na tiwala sa planong gagawin ko. Nagkataon na mayroon akong pigurin ni Kapitan Moroni, at nanatili ito sa bulsa ng polo ko sa natitirang mga buwan ng school year bilang paalala kung paano ako naturuan ni Kapitan Moroni na pamahalaan ang klase sa middle school. Nang bigyan ko ng dalawang pagpipilian ang aking mga estudyante, bumuti ang kanilang pag-uugali, ginawa nila ang kanilang gawain, at mas nagkasundu-sundo kami. Natapos ang taon, at mahirap pa rin, ngunit dahil sa nasagot na panalangin at sa kapangyarihan ng mga banal na kasulatan, nagawa kong “tapusin ang labanan.”

Print