Mensahe sa Visiting Teaching
Ang Mag-anak ay Inorden ng Diyos
Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at maghangad ng inspirasyong malaman kung ano ang ibabahagi. Paano palalakasin ng pag-unawa sa “Ang Mag-Anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” ang inyong pananampalataya sa Diyos at pagpapalain ang mga pinangangalagaan ninyo sa pamamagitan ng visiting teaching? Para sa iba pang impormasyon, magpunta sa reliefsociety.lds.org.
“Sa mga titik ng [awitin sa Primary na] ‘Pamilya’y sa D’yos,’ … ipinapaalala sa atin ang dalisay na doktrina,” sabi ni Carole M. Stephens, Unang Tagapayo sa Relief Society General Presidency. “Nalaman natin na hindi lamang ang pamilya’y sa Diyos kundi bahagi rin ng pamilya ng Diyos ang bawat isa sa atin. …
“… Ang plano ng Ama para sa Kanyang mga anak ay plano ng pagmamahal. Ito ay planong ibuklod ang Kanyang mga anak—Kanyang pamilya—sa Kanya.”1
Sabi ni Elder L. Tom Perry (1922–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Naniniwala rin tayo na ang matibay na mga tradisyonal na pamilya ay hindi lamang mga pangunahing yunit ng isang matatag na lipunan, isang matatag na ekonomiya, at isang matatag na kultura ng mga alituntunin o pamantayang moral—kundi mga pangunahing yunit din sila ng kawalang-hanggan at ng kaharian at pamahalaan ng Diyos.
“Naniniwala tayo na ang organisasyon at pamahalaan ng langit ay isasalig sa mga pamilya at kamag-anak.”2
“Lahat ng tao, anuman ang sitwasyon nilang mag-asawa o ilan man ang anak nila, ay maaaring maging tagapagtanggol ng plano ng Panginoon na inilarawan sa pahayag tungkol sa pamilya,” ang sabi ni Bonnie L. Oscarson, Young Women General President. “Kung iyon ang plano ng Panginoon, dapat iyon din ang plano natin!”3
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
Doktrina tungkol sa Pamilya
Itinuro ni Sister Julie B. Beck, dating Relief Society General President, na ang teolohiya tungkol sa pamilya ay batay sa Paglikha, Pagkahulog, at Pagbabayad-sala ni Jesucristo:
“Ang Paglikha sa mundo ay naglaan ng isang lugar na matitirhan ng mga pamilya. Nilikha ng Diyos ang lalaki at babae na dalawang mahalagang miyembro ng isang pamilya. Bahagi ng plano ng Ama sa Langit na mabuklod sina Adan at Eva at magbuo ng isang walang hanggang pamilya.
“… Dahil sa Pagkahulog nagkaroon sila ng mga anak na lalaki’t babae.
“Dahil sa Pagbabayad-sala [ni Cristo] sama-samang mabubuklod nang walang hanggan ang pamilya. Tinutulutan nito ang mga pamilya na magkaroon ng walang hanggang pag-unlad at maging sakdal. Ang plano ng kaligayahan, na tinatawag ding plano ng kaligtasan, ay isang planong nilikha para sa mga pamilya. …
“… Ito ang doktrina ni Cristo. … Kung walang pamilya, walang plano; walang dahilan para sa mortal na buhay.”4