2016
Pag-aayuno at Pagdarasal para kay Emma
October 2016


Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya

Pag-aayuno at Pagdarasal para kay Emma

Ang awtor ay naninirahan sa Capital Region ng Denmark.

Matapos mahulog ang anak kong babae sa labas ng isang bintana, akala ko dumating na ang pinakamatitinding pinangangambahan namin.

Larawan
windows in Denmark

Imahe © iStock/Thinkstock

Kababalik lang ng pamilya namin mula sa napakasayang bakasyon. Matapos maghapunan hinayaan kong maglaro ang dalawang anak namin, ang apat-na-taong-gulang na si Markus at ang tatlong-taong-gulang na si Emma, sa mga kuwarto sa itaas ng apartment namin sa ikaapat na palapag. Sa Denmark, nabubuksan ang mga bintana na parang shutters. Karaniwa’y nakatrangka ang mga bintana, pero naiwan naming medyo nakaawang ang mga ito noong magbakasyon kami para pumasok ang hangin habang nasa biyahe kami.

Habang naghuhugas ako ng mga pinggan, bigla kong nadama na may nangyayaring hindi tama. Tumakbo ako sa sala habang tumatakbo si Markus pababa ng hagdan. Nagsisisigaw siya sa takot, na sinasabing nahulog si Emma mula sa bintana—isang bintanang mga 40 talampakan (12 m) ang taas sa sementadong bangketa. Tumakbo ako pababa ng hagdan, na paulit-ulit na isinisigaw ang pangalan ni Emma. Nakita ko ang aking munting anak na nakahiga sa semento na parang wala nang buhay. Latang-lata siya nang buhatin ko, at akala ko dumating na ang pinakamatinding pinangangambahan ko. Kinarga siya ng asawa ko, na sumunod sa akin sa labas, at agad siyang binigyan ng basbas ng priesthood.

Mabilis na dumating ang ambulansya, at nagdasal kami ni Markus habang inaasikaso ng mga paramedic si Emma. Agad kaming sumakay na lahat sa ambulansya papunta sa ospital.

Sa intensive care unit agad kaming dinaluhan ng mga miyembro ng pamilya na dumating upang suportahan kami. Umuwi si Markus kasama ang kanyang mga pinsan, at nagpaiwan kaming mag-asawa, na wala pang alam tungkol sa kalagayan ni Emma.

Matapos ang tila mahabang paghihintay, pumasok din sa wakas ang isa sa mga doktor, at nagtanong ng mga detalye tungkol sa aksidente. Sinabi nila na ang pagkahulog mula sa gayon kataas na lugar ay karaniwang nagbubunga ng mga pinsala sa loob ng katawan at maliit lang ang tsansang mabuhay. Nabali ang balakang ni Emma at nakalog ang utak, pero mababaw lang ang mga galos niya. Sabi ng doktor, may anghel sigurong sumalo sa kanya.

Kahit himalang nabuhay si Emma, wala pa rin siyang malay dahil sa pinsala niya sa ulo. Muling binasbasan ng aking asawa at ng dalawang malapit na kaibigan namin si Emma. Sa basbas na iyon pinangakuan siya ng lubos na paggaling nang walang anumang problemang magtatagal at na ito ay magiging magandang karanasan sa kanyang buhay. Nakadama ako ng matinding pasasalamat sa kapangyarihan ng priesthood. Lahat ng pagsamo ko sa buong magdamag ay napakinggan.

Nagkamalay si Emma makalipas ang apat na araw. Sa loob ng apat na araw na iyon, ipinag-ayuno at ipinagdasal siya ng mga kaibigan, miyembro ng Simbahan, at iba pa. Nadama ko ang mga dalangin ng matatapat na Banal na nakapaligid sa akin, at pinatatatag nila kami ng aking pamilya. Nadama ko na parang yakap ako ng Ama sa Langit at pinuspos ako ng kapanatagan.

Nag-ayuno ang aming stake sa araw bago siya nagising. Naniniwala kami na narinig ng Ama sa Langit ang aming mga dalangin at ang paggising ni Emma ay tuwirang resulta ng pag-aayuno. Mula roon mabilis na gumaling si Emma. Makalipas ang limang araw sinambit niya ang unang kataga simula noong aksidente, at pagkaraan ng siyam na araw ay lumabas na siya mula sa ospital. Limang linggo siyang naka-wheelchair at pagkatapos ay nagsimula siya sa physical therapy.

Mga isang buwan matapos ang aksidente, sumakit ang likod ko sa kabubuhat kay Emma. Nawalan ako ng lakas hindi lamang sa pisikal kundi maging sa espirituwal. Paano ko pa siya maaalagaan?

Isang gabi hindi ko na nakayanang isipin na wala na akong lakas. Umalis ako ng bahay at nakakita ako ng upuan sa parke, kung saan mga isang oras akong nanalangin sa Ama sa Langit. Sa unang pagkakataon sa buhay ko, nadama ko ang mahimalang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Napawi ang lahat ng sakit at dalamhating dala-dala ko; nawala ang bigat ng lahat ng pasanin ko sa aking mga balikat pagkatapos ng panalanging iyon. Naka-wheelchair pa rin si Emma, at regular na ginagamot ang likod ko, pero nagkaroon ako ng lakas na magpatuloy.

Makalipas ang isang taon, nakakatakbo, nakakatawa, nakakapagkuwento, at nakakapag-isip na si Emma gaya ng isang apat na taong gulang na bata.

Alam namin na may isang mapagmahal na Ama sa Langit, na nagmamalasakit sa atin at kilala ang bawat isa sa atin. Alam Niya ang mga hamon na ating pinagdaraanan. Hinding-hindi ko pag-aalinlanganan ang mga himalang ginagawa Niya para sa amin sa pamamagitan ng panalangin, pag-aayuno, at mga basbas ng priesthood.

Print