Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Nagmamakaawa
Sa biyahe papunta sa isang kalapit na lungsod sa Estonia, nakita ko ang isang lalaking namamalimos. Ang nakakagulat, namukhaan ko siya mula sa paglilingkod ko bilang missionary sa lungsod na iyon 10 taon na ang nakararaan. May dala siyang malaking supot ng mga boteng plastik, tulad ng dati, para kumita sa recycling. Naalala ko na palagi siyang humihingi ng barya, at kung binigyan mo siya ng kaunti itatanong niya kung mayroon ka pa.
Nabigla akong makita siya. At pagkaraan ng 10 taon ganoon pa rin siya––mas marami nang puting buhok, ngunit mukhang gayon pa rin ang buhay niya at namamalimos pa rin araw-araw. Naisip ko ang kagila-gilalas na 10 taon ng buhay ko, na kinabilangan ng pagpapakasal sa templo, pagtatapos sa pag-aaral, pagkakaroon ng magandang trabaho, at pagtatamasa ng magandang kalusugan.
Naisip ko na baka ito na ang huling pagkakataon kong makita siya, at nadama ko na dapat ko siyang bigyan. Ang problema ay buo ang tanging perang dala ko na higit pa sa gusto kong ibigay. Napaudlot ako sa pagpipilian ko—huwag siyang bigyan ng anuman o bigyan siya ng higit pa sa gusto ko. Ipinasiya ko na hindi iyon magiging malaking kawalan sa akin at sasaya siya sa araw na iyon, kaya ibinigay ko sa kanya ang pera.
Wala pang dalawang araw kalaunan natagpuan ko ang sarili ko sa gayon ding sitwasyon, ngunit sa pagkakataong ito ay ako ang nagmamakaawa. Nalito ako sa petsa ng isang mahalagang scholarship application. Akala ko naisumite ko na iyon nang mas maaga nang dalawang linggo, pero nagulat ako nang tingnan ko ulit ang petsa at nakita ko na nahuli ako nang isang araw sa pagsusumite.
Ang suma-total ng scholarship ay eksaktong 100 beses na mas malaki kaysa naibigay ko sa pulubi, at natawa ako sa sitwasyon. Natagpuan ko ang sarili ko na nagmamakaawa, kapwa sa mga panalangin sa aking Ama sa Langit at sa email sa mga opisyal ng unibersidad. Sabi nila isasama nila ang aplikasyon ngunit mamarkahan ito na huli nang isinumite.
Sinagot ang dalangin ko at pinalad akong makatanggap ng scholarship, na nakatulong nang malaki sa aming mag-asawa. Ngunit ang mas mahalaga ang karanasang ito ay nagturo sa akin ng isang mahalagang aral: hindi ba’t tayong lahat ay mga pulubi sa harap ng Diyos? (tingnan sa Mosias 4:19).