2016
Pagmamahal bersus Pagnanasa
October 2016


Pagmamahal bersus Pagnanasa

Kung mas mauunawaan natin ang tunay na kahulugan ng pagnanasa, malalaman natin kung paano ito iiwasan at gagawa tayo ng mga pagpapasiya na mas maglalapit sa atin sa Banal na Espiritu.

young couple

Pagnanasa.

Talagang pangit na salita iyan. Karamihan sa atin ay ayaw itong isipin, ni matuto tungkol dito. Ang kataga ay nanggaganyak ng imoral na damdamin, isang bagay na masama—kaakit-akit subalit mali.

May magandang dahilan iyan. Kung “ang pagibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan” (I Kay Timoteo 6:10), tiyak na pagnanasa ang lihim na kapanalig nito. Ito ay mahalay at nakapagpapababa ng pagkatao. Ginagawa ng pagnanasa ang mga tao, bagay, at maging mga ideya na mga bagay na maaangkin o makukuha upang bigyang-kasiyahan ang pananabik. Ngunit kung alam na natin iyan, bakit natin kailangang malaman pa ang iba tungkol dito?

Dahil kung mas mauunawaan natin ang tunay na kahulugan ng pagnanasa, malalaman natin kung paano iimpluwensyahan ang ating mga iniisip, nadarama, at ikinikilos upang maiwasan at mapaglabanan natin ang mga palatandaan nito. Aakayin tayo nito na mas mapalapit sa Banal na Espiritu, na nagpapadalisay sa ating mga iniisip at intensyon at pinalalakas tayo. At hahantong iyan sa mas maligaya, mapayapa, at masayang buhay.

Pagbibigay-kahulugan sa Pagnanasa

May tendensiya tayong isipin na ang pagnanasa ay pagkakaroon lamang ng di-marapat at matinding pagkaakit sa ibang tao, ngunit posibleng pagnasaan o pag-imbutan ang halos anumang bagay: pera, ari-arian, mga bagay, at, siyempre pa, ang ibang tao (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagnanasa”).

Pinipilit ng pagnanasa ang isang tao na hangaring kamtin ang isang bagay na salungat sa kalooban ng Diyos. Sakop nito ang anumang damdamin o hangarin na nagtutulak sa isang tao na magtuon sa mga makamundong pag-aari o kasakiman—mga personal na interes, hangarin, silakbo ng damdamin, at gana—sa halip na sundin ang mga utos ng Diyos.

Sa madaling salita, ang paghahangad ng mga bagay na salungat sa kalooban ng Diyos o paghahangad na mag-angkin ng mga bagay sa paraan na salungat sa Kanyang kalooban ay pagnanasa, at ito ay humahantong sa kalungkutan.1

man looking at fancy car

Ang Panganib ng Seksuwal na Pagnanasa

Bagama’t binalaan na tayo na ang pagnanasa ay karaniwang isang uri ng pag-iimbot, sa seksuwal na konteksto ang pagnanasa ay lubhang mapanganib. Nagbabala ang Tagapagligtas: “Ang bawa’t tumingin sa isang babae na taglay ang masamang hangad ay nagkakasala na ng pangangalunya sa kaniyang puso” (Mateo 5:28).

Nagbabala nang malawakan ang mga sinaunang apostol laban sa pagnanasa sa kontekstong ito. Halimbawa na lang, sinabi ni Apostol Juan, “Sapagka’t ang lahat na nangasa sanglibutan, ang masamang pita ng laman at ang masamang pita ng mga mata at ang kapalaluan sa buhay, ay hindi mula sa Ama, kundi sa sanglibutan” (I Ni Juan 2:16; tingnan din sa talata 17; Mga Taga Roma 13:14; I Ni Pedro 2:11).

At patuloy ang mga babala ngayon.2 Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Bakit mapanganib na kasalanan ang pagnanasa? Siyempre, maliban sa pinarurumi nito ang ating kaluluwa dahil lubusan nitong itinataboy ang Espiritu, sa palagay ko kasalanan ito dahil dinudungisan nito ang pinakadakila at pinakabanal na ugnayan na ibinigay ng Diyos sa atin sa mortalidad—ang pag-iibigan ng lalaki at babae at ang pagnanais ng magkabiyak na magkaanak sa pamilyang ang layon ay maging walang hanggan.”3

Ang pagtutulot na sumibol ang pagnanasa ang ugat ng maraming makasalanang gawain. Ang nagsisimula sa tila inosenteng sulyap ay maaaring maging imoral na pagtataksil kasama na ang lahat ng mapaminsalang mga bunga nito. Iyan ay dahil pinalalayo ng pagnanasa ang Espiritu Santo at pinahihina tayo laban sa iba pang mga tukso at bisyo at panlilinlang ng kaaway.

Ang nakapanlulumong mga pasiya ni Haring David ay malungkot na halimbawa ng lakas at bagsik ng damdaming ito. Nakita ni David si Bath-sheba na naliligo at pinagnasaan ito. Ang pagnanasa ay nauwi sa pagkilos, at ipinatawag at sinipingan niya ito. Pagkatapos, sa pagsisikap na itago ang kanyang kasalanan, inutusan ni David ang asawa ni Bath-sheba na pumuwesto sa digmaan kung saan tiyak itong mapapatay (tingnan sa II Samuel 11). Dahil dito, nawala ang kadakilaan ni David (tingnan sa D at T 132:38–39).

Maaaring tila malala ang sitwasyon ni David, ngunit talagang pinatutunayan nito ang isang bagay: ang pagnanasa ay isang malaking tukso. Ang pagsuko rito ay maaaring maging dahilan para gumawa tayo ng mga bagay na hindi gagawin ng isang taong nasa tamang pag-iisip. Dahil totoo na napakadaya, napakadaling mapukaw, at napakaepektibo nito sa panunukso sa atin na talikuran ang Espiritu Santo at isuko ang ating kalooban sa isang bagay na ipinagbabawal, mapanganib ito. Mahihikayat ito ng pagtingin sa pornograpiya, pakikinig sa mahahalay na titik ng musika, o di-angkop na intimasiya. Kasabay nito, maaaring hikayatin ng pagnanasa ang isang tao na maghangad ng pornograpiya. Ang paulit-ulit na relasyong ito ay lubhang malakas at delikado.4

Ang pagnanasang seksuwal ay nagpapababa at nagpapahina sa lahat ng kaugnayan, at ang isa sa pinakamahalaga ay ang personal na kaugnayan ng isang tao sa Diyos. “At katotohanang sinasabi ko sa inyo, gaya ng aking sinabi noon, siya na tumitingin sa isang babae upang pagnasaan siya, o kung sinuman ang magkasala ng pakikiapid sa kanilang mga puso, hindi mapapasakanila ang Espiritu, kundi itatatwa ang pananampalataya at matatakot” (D at T 63:16).

Tulad ng itinuro ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang seksuwal na imoralidad ay nagiging hadlang sa impluwensya ng Banal na Espiritu pati na sa lahat ng nagpapasigla, nagpapaliwanag, at nagbibigay-lakas na kakayahan nito. Paiinitin nito nang husto ang iyong katawan at damdamin. Sa paglipas ng panahon naghihikayat iyan ng malaking paghahangad na nagtutulak sa makasalanan na gumawa ng mas mabigat pang kasalanan.”5

Ano ang Hindi Pagnanasa

couple walking on the beach

Matapos talakayin kung ano ang pagnanasa, mahalaga ring maunawaan kung ano ang hindi pagnanasa at huwag isipin na ang angkop na mga kaisipan, damdamin, at hangarin ay pagnanasa. Ang pagnanasa ay isang uri ng hangarin, ngunit may matwid din namang mga hangarin. Halimbawa, maaari tayong maghangad ng mabuti at angkop na mga bagay na makakatulong na isakatuparan ang gawain ng Panginoon.

Pag-isipan ang:

  • Hangaring magkapera. Kung tutuusin, hindi masamang maghangad ng pera. Hindi sinabi ni Pablo na pera ang ugat ng lahat ng kasamaan. Sabi niya, “ang pagibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan” (I Kay Timoteo 6:10; idinagdag ang pagbibigay-diin). Nagdagdag pa ng paliwanag si Jacob sa kanyang mga turo: “Bago kayo maghanap ng mga kayamanan, hanapin muna ninyo ang kaharian ng Diyos. At matapos kayong makatamo ng pag-asa kay Cristo kayo ay makatatamo ng mga kayamanan, kung inyo itong hahanapin; at hahanapin ninyo ito para sa hangaring gumawa ng kabutihan—upang damitan ang hubad, at pakainin ang nagugutom, at palayain ang bihag, at bigyang-ginhawa ang may karamdaman, at ang naghihirap” (Jacob 2:18–19).

  • Pagkakaroon ng angkop na seksuwal na damdamin sa inyong asawa. Ang mga damdaming iyon na bigay ng Diyos ay tumutulong na palakasin, patibayin, at pagkaisahin ang mag-asawa. Ngunit posible na magkaroon ng di-angkop na damdamin sa asawa. Kung maghahangad tayo ng katuparan para lamang sa ating sariling kapakanan, o para lamang mabigyang-kasiyahan ang ating mga pananabik o nadarama, baka bumibigay na tayo sa mga pagnanasa, at makakasira iyan sa pagsasama ng mag-asawa. Ang susi sa paghahangad at pagpapanatili ng angkop na pagtatalik ng isang mag-asawa ay dalisay at mapagmahal na layunin.

Ang mahalagang alituntunin ay maghangad ng mga bagay para sa tamang layunin—ang itayo ang kaharian ng Diyos at dagdagan ang kabutihan sa mundo. Sa kabilang dako, hinihikayat tayo ng pagnanasa na gumawa ng masasamang bagay, kung saan ang ating mga hangarin ay maaaring magpasama sa Diyos, ituring na isang bagay ang tao, at pagmukhaing masama ang mga bagay, kayamanan, at maging ang kapangyarihan na nagpapasama ng ating pakiramdam at sumisira sa ating mga pakikipag-ugnayan.

Bakit Madalas Tayong Magpatangay sa Pagnanasa

Batid kung gaano nakapipinsala at kadelikado ang pagnanasa, bakit ito lubhang nakatutukso at laganap? Bakit natin madalas tulutang madaig tayo nito? Kung titingnan, mukhang kasakiman o kawalan ng pagpipigil sa sarili ang pinakadahilan ng pagnanasa. Iyon ang mga dahilan, ngunit ang pinakaugat ng pagnanasa kadalasan ay kahungkagan. Maaaring magpatangay ang mga tao sa pagnanasa sa walang-saysay na pagsisikap na punan ang kahungkagan sa kanilang buhay. Ang pagnanasa ay maling damdamin, masamang kapalit ng tunay na pagmamahal, tunay na pagpapahalaga, at matatag na pagkadisipulo.

Ang tamang pagpipigil ng damdamin, sa isang banda, ay isang kalagayan ng puso. “Sapagka’t kung ano ang iniisip niya sa loob niya, ay gayon siya” (Mga Kawikaan 23:7). Saanman natin ituon ang ating isipan at espiritu, iyon ang iimpluwensya sa ating mga iniisip, nadarama, at ikinikilos sa paglipas ng panahon. Tuwing natutukso tayong magnasa, kailangan nating palitan ang tuksong iyan ng isang bagay na mas angkop.

Ang katamaran ay maaari ding magsanhi ng mga pagnanasa sa ating isipan. Kapag walang gaanong nangyayari sa buhay natin, mas madali tayong maimpluwensyahan ng kasamaan. Kapag aktibo tayong naging sabik sa paggawa ng mabubuting bagay (tingnan sa D at T 58:27) at nagsikap na gamitin ang ating oras sa mga makabuluhang bagay, lalo tayong hindi nagkakaroon ng pagnanasa o iba pang negatibong impluwensya sa ating isipan.

Tulad ng paliwanag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang mga hangaring pinipili nating sundin ay may epekto hindi lamang sa ating mga kilos kundi pati na sa kahihinatnan natin kalaunan: “Mga hangarin ang nagdidikta ng ating mga prayoridad, mga prayoridad ang humuhubog sa ating mga pasiya, at mga pasiya ang batayan ng ating mga kilos. Ang mga hangarin na sinisikap nating kamtin ang batayan ng ating pagbabago, ating tagumpay, at ating kahihinatnan.”6

Sa madaling salita, kailangan nating ingatan hindi lamang ang mga damdaming tinutulutan natin na ating madama kundi pati na ang mga ideyang namumuo o dulot ng mga damdaming iyon. Tulad ng itinuro ni Alma, kung marumi ang ating mga iniisip, “ang ating mga pag-iisip ang hahatol din sa atin” (Alma 12:14).

Ang Lunas: Pag-ibig na Tulad ng kay Cristo

young married couple

Ang pagnanasa ay maaaring iwasan. Dahil binigyan tayo ng Ama sa Langit ng kalayaan, may kapangyarihan tayong supilin ang ating mga iniisip, nadarama, at ikinikilos. Hindi natin kailangang sundin ang mga pagnanasa ng ating isipan at damdamin. Kapag dumating ang mga tukso, mapipili nating huwag papasukin ang mga iyon sa ating puso’t isipan.

Paano natin madaraig ang tuksong magnasa? Magsisimula tayo sa pagkakaroon ng wastong kaugnayan sa ating Ama sa Langit at pagpiling maglingkod sa iba. At araw-araw tayong kumilos ayon sa ating relihiyon, kabilang na ang pagdarasal at pag-aaral ng banal na kasulatan, na nag-aanyaya sa Espiritu Santo sa ating buhay. Sa huli, ang lihim na sangkap ay pag-ibig na tulad ng kay Cristo—dalisay, taos, tapat na pag-ibig, na may hangaring itayo ang kaharian ng Diyos at manatiling nakatuon sa Kanyang kaluwalhatian. Ang pag-ibig na iyan ay posible lamang kapag may patnubay tayo ng Espiritu Santo.

Ang pag-aalis ng pagnanasa ay nangangailangan ng taos-pusong pagdarasal kung saan hinihiling natin sa Diyos na alisin ang mga damdaming iyon at maglaan, kapalit nito, ng pag-ibig sa kapwa (tingnan sa Moroni 7:48). Nagiging posible ito, tulad ng lahat ng pagsisisi, sa pamamagitan ng biyaya ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.7 Dahil sa Kanya, matututo tayong umibig na tulad ng pag-ibig Niya at ng ating Ama sa Langit sa atin.

Kapag patuloy tayong nagtuon sa ating Ama sa Langit, kapag namuhay tayo ayon sa una at pangalawang dakilang utos—ang ibigin ang Diyos at ang ating kapwa na gaya sa ating sarili (tingnan sa Mateo 22:36–39)—at kapag ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya para mamuhay ayon sa Kanyang naituro, tumitindi nang tumitindi ang impluwensya ng dalisay at tapat na mga intensyon sa ating buhay. Kapag ipinagkaisa natin ang ating kalooban sa kalooban ng Ama, nababawasan ang mga tukso at epekto ng pagnanasa, at napapalitan ng dalisay na pag-ibig ni Cristo. Sa gayo’y mapupuspos tayo ng banal na pag-ibig na hinahalinhan ng ganda ng pagtatayo ng kaharian ng Diyos ang mga hamak na hangarin ng mundong ito.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “Joy and Mercy,” Ensign, Nob. 1991, 75; at Thomas S. Monson, “Finishers Wanted,” Ensign, Hulyo 1972, 69.

  2. Para sa ilang halimbawa lamang, tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:121; Spencer W. Kimball, “President Kimball Speaks Out on Morality,” Ensign, Nob. 1980, 94–98; Neal A. Maxwell, “Ang Ikapitong Utos: Isang Pananggalang,” Liahona, Nob. 2001, 78–80; Russell M. Nelson, “Where Is Wisdom?” Ensign, Nob. 1992, 6–8. Para sa iba pang mga babala sa mga banal na kasulatan laban sa pagnanasa, rebyuhin ang sumusunod na mga paksa sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan: Imbot; Homoseksuwalidad; Kalinisang-puri; Mahalay, Kahalayan; Makamundo; Pagnanasa; Pakikiapid; Pangangalunya; Seksuwal Na Imoralidad.

  3. Jeffrey R. Holland, “Huwag nang Magbigay-Puwang Kailanman sa Kaaway ng Aking Kaluluwa,” Liahona, Mayo 2010, 44–45.

  4. Para sa iba pa tungkol sa paksang ito, tingnan sa Dallin H. Oaks, “Paghulagpos mula sa Bitag ng Pornograpiya,” Liahona, Okt. 2015, 50.

  5. Richard G. Scott, “Making the Right Choices,” Ensign, Nob. 1994, 38.

  6. Dallin H. Oaks, “Hangarin,” Liahona, Mayo 2011, 42.

  7. Tingnan, halimbawa, sa D. Todd Christofferson, “Ang Banal na Kaloob na Pagsisisi,” Liahona, Nob. 2011, 38–41.