2016
Isang Resipe para Matuto
October 2016


Isang Resipe para Matuto

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Subukan ang apat na paraang ito para maging masarap ang salita ng Diyos sa iyong kaluluwa.

recipe for learning

Noong bata pa ako, maraming oras kong pinanood ang pagluluto ng nanay ko sa kusina. Niluto niya ang pinakamasasarap na pagkain, tinapay, cookies, at pie para sa aming pamilya. Makalipas ang ilang panahon, nagsimula akong magbasa ng mga resipe, sumunod sa mga tagubilin, at magluto ng pagkain. Hindi ko na kinailangang umasa sa nanay ko—magagawa ko na itong mag-isa.

Gaya ng pagkatutong magluto, natututuhan natin ang tungkol sa ebanghelyo at nagkakaroon tayo ng patotoo sa pamamagitan ng paggawa. Matapos ikuwento ni Lehi sa kanyang pamilya ang kanyang panaginip tungkol sa punungkahoy ng buhay, sinabi ni Nephi na gusto niya mismong “makita, at marinig, at malaman ang mga bagay na ito” (1 Nephi 10:17). Sa madaling salita, para kay Nephi hindi sapat ang makinig sa patotoo ng kanyang ama. Ginusto niyang malaman ang alam na ng kanyang ama.

Ang resipe para matuto tungkol sa ebanghelyo ay may ilang simpleng hakbang. Magagamit mo ang sumusunod na apat na ideya para matuto ka tungkol sa ebanghelyo kasama ang iyong pamilya, sa simbahan, o sa iyong personal na pag-aaral.

1. Maghandang matuto.

Simulan sa panalangin ang iyong personal na pag-aaral. Magpatulong sa Ama sa Langit na maunawaan mo ang iyong binabasa. Sumulat ng isa o dalawang tanong at hanapin ang mga sagot. Sasaksi ang Espiritu Santo sa katotohanan habang ikaw ay nagbabasa, nagninilay, at nananalangin (tingnan sa Moroni 10:5).

Maghandang matutuhan ang tungkol sa ebanghelyo sa simbahan sa pamamagitan ng pagbabasa ng lesson bago ka umalis. Ang mga lesson sa Come, Follow Me ay matatagpuan sa LDS.org at sa Gospel Library app.

2. Maging seryoso sa iyong pag-aaral.

  • Magbasa para makaunawa. Ang bilang ng mga pahinang nababasa mo o bilis ng pagbabasa mo ay hindi kasing-halaga ng pag-unawa sa nababasa mo. Maaari mong kailanganing basahin nang paulit-ulit ang ilang pangungusap. Gumamit ng diksyunaryo para hanapin ang kahulugan ng mga salitang hindi mo alam. Halimbawa, ano ang ibig sabihin ng dispensasyon? Magagamit mo ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan para malaman ito.

  • Magtanong tungkol sa binabasa mo. Siguro iniisip mo, “Ano ang nangyayari sa Jerusalem nang umalis si Lehi at ang kanyang pamilya? Bakit hindi nakinig ang mga tao kay Lehi?”

  • Sinisikap kong sagutin ang tatlong tanong na ito tungkol sa anumang turo ng ebanghelyo: Bakit ito mahalaga sa mga tao noong panahong iyon? Paano ito naaangkop sa atin ngayon? Paano ito naaangkop sa akin?

  • Maghanap ng mga huwaran at koneksyon. Halimbawa, ano ang mga huwaran sa paraan ng pagtugon ni Nephi sa paghihirap? Paano naging kagaya ng paglalakbay ng mga Israelita palabas ng Egipto ang paglalakbay ng kanyang pamilya sa ilang?

  • Isulat ang damdamin at mga impresyon mo sa isang journal. “Sa pagsusulat ng mahahalagang impresyon, kadalasa’y mas marami pang dumarating. Gayundin, magagamit ninyo ang kaalamang natamo ninyo habambuhay” (Richard G. Scott, “Pagtatamo ng Kaalaman at ng Lakas para Gamitin Ito nang Buong Talino,” Liahona, Ago. 2002, 14). Isulat lalo na ang kahulugan ng mga ideya sa buhay mo.

  • Magdrowing ng isang larawan. Ang isa pang paraan para maitala ang natututuhan mo ay idrowing ito. Minsan nang bisitahin ko ang isang kaibigan para sa family home evening, nagbahagi ang lola niya ng personal na mga kuwento tungkol sa pananampalataya at panalangin. Bago nagsimula ang aralin, binigyan ng kaibigan ko ang maliliit na anak niya ng papel at mga krayola para maidrowing nila ang mga kuwento habang nagsasalita ang impo nila. Nakatulong ang pagdodrowing ng mga larawan para makinig sila, at nagtanong pa sila habang nakikinig para liwanagin ang mga bahagi ng kuwento.

3. Pag-aralan at ipamuhay ang ebanghelyo araw-araw.

Ang pagkatuto ay nangangailangan ng pagsisikap; kailangan nating gamitin ang ating pang-unawa (tingnan sa Mosias 12:27). Pinayuhan tayo ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindawalang Apostol na “magtakda ng oras at lugar para pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw, kahit ilang minuto lamang” (“When Shall These Things Be?” Ensign, Dis. 1996, 60). Kapag regular tayong nag-aaral, madali tayong natututo. Halimbawa, nalaman ko na nang talagang basahin ko ang mga kabanata ng Isaias sa Aklat ni Mormon (sa halip na laktawan ang mga ito), unti-unti ko itong naunawaan.

Pagdating sa pagkatuto tungkol sa ebanghelyo, hindi sapat ang malaman ang isang bagay sa ating isipan. Kailangan din nating ipamuhay ang ating natututuhan. Kapag kumilos tayo ayon sa katotohanan, pinagtitibay ito sa atin ng Espiritu Santo, at lumalago ang ating patotoo. Kapag palagi nating ipinamumuhay ang katotohanang iyan, nagsisimula tayong magbago, at nagbabalik-loob tayo kay Jesucristo.

4. Ibahagi ang natututuhan mo.

Ang pagsasabi sa iba tungkol sa isang alituntunin ng ebanghelyo sa sarili nating mga salita ay tumutulong sa atin na maalala ang alituntuning iyon at madama ang Espiritu, na nagpapalakas ng ating patotoo. Madalas ay magandang pagkakataong magbahagi sa family home evening. Maaari ka ring magbahagi habang kausap mo ang iyong mga kaibigan sa paaralan o mga miyembro ng pamilya sa oras ng hapunan.

Kapag sinunod natin ang apat na simpleng hakbang na ito at masigasig nating hinangad na makilala ang Tagapagligtas, pinangakuan tayo na “ang mga hiwaga ng Diyos ay ilalahad sa [atin], sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (1 Nephi 10:19).