Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas
Ang Galak sa Pag-aaral
Kapag naging mas seryoso tayong mga mag-aaral, mararanasan natin ang banal na kagalakang dulot ng pag-aaral at pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo.
May kuwento tungkol sa lalaking kilalang istambay noon sa bayan. Ayaw niyang magtrabaho, ayaw niyang maghanap ng trabaho. Nililimusan lang siya ng iba. Sa huli nagsawa rin ang mga taong-bayan. Nagpasiya silang dalhin siya sa labas ng bayan at itaboy siya. Nang samahan siya ng isa sa mga taong-bayan sa isang bagon papunta sa dulo ng bayan, nahabag ang drayber sa kanya. Marahil dapat bigyan ng isa pang pagkakataon ang palaboy. Dahil dito, itinanong niya, “Gusto mo ba ng isang kaing na mais para makapagbagumbuhay ka?”
Sumagot ang palaboy, “Natalupan na ba ito?”1
Mga Guro at Mag-aaral: May Pantay na Responsibilidad na Mag-ambag
Kung minsan gustong maunawaan ng mga tao ang mga banal na kasulatan nang walang ginagawa—gusto nilang ipaliwanag sa kanila ang mga banal na kasulatan bago nila ito basahin. Gusto nilang matutuhan ang ebanghelyo sa pakikinig sa maiikli at nakatutuwang mga sipi o sa panonood ng maiikli at nakatutuwang mga video. Gusto nilang ihanda at ituro sa kanila ng kanilang guro sa Sunday School ang lesson nang kaunti lang ang kanilang paghahanda o pakikilahok.
Sa kabilang dako, minsa’y inanyayahan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga mag-aaral na umuwi na dahil hindi nila maunawaan ang sinasabi Niya. Inutusan Niya silang manalangin, magbulay-bulay, at “ihanda ang [kanilang] mga isip para sa kinabukasan,” kapag Siya ay “paparitong muli sa [kanila]” (tingnan sa 3 Nephi 17:2–3).
Ito ang aral: Responsibilidad hindi lamang ng guro ang pumasok nang handa kundi maging ng mag-aaral. Tulad ng guro na may responsibilidad na magturo sa pamamagitan ng Espiritu, responsibilidad din ng mag-aaral na matuto sa pamamagitan ng Espiritu (tingnan sa D at T 50:13–21).
Nakatala sa Aklat ni Mormon: “Ang mangangaral ay hindi nakahihigit kaysa sa tagapakinig, ni ang guro ay nakahihigit kaysa sa mag-aaral; at sa gayon silang lahat ay pantay-pantay” (Alma 1:26; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Narito ang ilang mungkahi kung ano ang magagawa natin upang maranasan ang galak na nadarama kapag ginawa natin ang ating bahagi sa pagkatuto at pamumuhay ng ebanghelyo.
Pagkatuto sa Tahanan
Pag-aralan ang mga Banal na Kasulatan
Bawat miyembro ay responsable sa kanyang sariling pagkatuto tungkol sa ebanghelyo; hindi natin maaaring ipasa sa iba ang responsibilidad na iyon. Halos lahat ng pagkatutong iyon ay nagmumula sa regular na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Ipinahayag ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973): “Kung hindi tayo nagbabasa ng mga banal na kasulatan araw-araw, nababawasan ang ating patotoo.”2 Napansin ni Apostol Pablo na ang mga Judio sa Berea ay “lalong naging mararangal kaysa sa mga taga Tesalonica, sapagka’t tinanggap nila ang salita ng buong pagsisikap,” at saka niya sinabi ang dahilan kaya nila tinanggap ito: “[Kanilang] sinisiyasat araw-araw ang mga kasulatan” (Mga Gawa 17:11; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ang araw-araw na pag-aaral ng banal na kasulatan ay mahalagang sangkap sa ating espirituwalidad. Wala nang ibang lubos na makapupuno sa kawalan nito sa ating pang-araw-araw na gawain. Dahil dito, ang pag-aaral ng banal na kasulatan ay dapat pag-ukulan ng oras, at hindi lamang gagawin sa natitirang oras natin.
Maaaring sabihin ng ilan, “Pero wala akong oras para mag-aral ng mga banal na kasulatan araw-araw sa gitna ng lahat ng iba pang tungkulin ko sa buhay.” Ang pahayag na ito ay medyo katulad ng kuwento tungkol sa dalawang magpapalakol na nagpaligsahan para malaman kung sino ang makakaputol ng mas maraming puno sa isang araw. Pagsikat ng araw nagsimula ang paligsahan. Bawat oras lumilibot ang mas maliit na lalaki sa kagubatan nang 10 minuto o mahigit pa. Tuwing gagawin niya ito, ngumingiti at tumatangu-tango ang kanyang kalaban, na nakatitiyak na siya ang mananalo. Ang mas malaking lalaki ay hindi umalis sa kanyang puwesto, hindi tumigil sa pagpuputol, hindi nagpahinga.
Nang matapos ang maghapon, nagulat ang mas malaking lalaki na malaman na ang kanyang kalaban, na mukhang nag-aksaya ng maraming oras, ay mas maraming punong naputol kaysa sa kanya. “Paano mo nagawa iyon samantalang napakarami mong pahinga?” tanong niya.
Sumagot ang nanalo, “Ah, hinahasa ko ang palakol ko.”
Tuwing mag-aaral tayo ng mga banal na kasulatan, hinahasa natin ang ating espirituwal na palakol. At ang mahimalang bahagi ay na kapag ginagawa natin ito, nagagamit natin ang natitirang oras sa mas matalinong paraan.
Maghanda nang Maaga
Naipakita ng mga pag-aaral na kakaunti lamang sa mga miyembro ng Simbahan ang nagbabasa nang maaga ng mga banal na kasulatan para talakayin sa mga klase tuwing Linggo. Makakatulong ang bawat isa sa atin na mabaligtad ang sitwasyong ito. Magagawa natin ang ating bahagi sa karanasan sa pagkatuto sa pamamagitan ng pagpunta sa klase nang mas handa, dahil nabasa na natin ang mga banal na kasulatan at handa tayong magbahagi ng mga ideya. Ang ating paghahanda ay maaaring maging espirituwal na kaloob na ibinibigay natin sa lahat ng miyembro ng klase.
Pagkatuto sa Klase
Pakikilahok sa Klase
Ang utos na buksan ang ating bibig (tingnan sa D at T 60:2–3) ay hindi lamang para sa misyon kundi maging sa klase rin. Kapag nakilahok tayo, inaanyayahan natin ang Espiritu, na maaaring magpatotoo sa katotohanan ng ating mga komento at magbigay ng liwanag sa ating isipan sa iba pang mga ideya. Bukod pa riyan, maaaring bigyang-inspirasyon ng ating pakikilahok ang mga iniisip ng isa pang tao at sa gayo’y mahikayat siyang makilahok.
Sa paraang ito, sinusunod natin ang isang alituntunin sa pagtuturo na itinuro ng Panginoon: “Magsalita nang isa-isa at makinig ang lahat sa kanyang sinasabi, upang kapag ang lahat ay nakapagsalita na ang lahat ay mapasigla ng lahat” (D at T 88:122; idinagdag ang pagbibigay-diin). Kung minsa’y hindi madaling makilahok sa klase; kailangan nating gumawa ng mga bagay na hindi tayo komportableng gawin. Ngunit ang paggawa nito ay magpapalago sa espirituwalidad ng lahat sa klase.
Itala ang mga Impresyon
Matagal-tagal din akong nagdala ng mga blangkong note card sa simbahan at naghangad ng mga ideya o espirituwal na impresyon na maaari kong itala. Masasabi ko nang tapat na nabibiyayaan ako nang husto. Binago ng pamamaraang ito ang aking pananaw; naituon at napabilis nito ang aking pagkatuto; naragdagan nito ang pag-asam ko na magsimba.
Bakit napakahalagang itala ang mga espirituwal na karanasang natatanggap natin sa simbahan at sa iba pang lugar? Isipin sandali na kausap ng isang ina ang kanyang tinedyer na anak na lalaki at sinabi ng anak na, “Inay, ang ganda po ng payo ninyo.” Pagkatapos ay naglabas ang anak ng notebook at sinimulan niyang itala ang mga impresyong natanggap niya sa kanilang pag-uusap. Kapag nakabawi na sa pagkabigla ang ina, hindi kaya niya gugustuhing bigyan pa ng karagdagang payo ang kanyang anak?
Walang alinlangan na angkop din ang alituntuning ito sa payo ng ating Ama sa Langit. Kapag itinala natin ang mga impresyong ibinibigay Niya sa atin, mas malamang na bigyan Niya tayo ng iba pang paghahayag. Bukod pa riyan, marami sa mga impresyong natatanggap natin ang sa una ay tila maliliit na ideya, ngunit kung pangangalagaan at pagbubulayan natin ito, lalago ito hanggang sa maging espirituwal na mga puno ng oak.
Tinalakay ni Propetang Joseph Smith ang kahalagahan ng pagtatala ng mga ideya at impresyon: “Kung … patuloy ninyong tatalakayin ang mahahalagang tanong na ito … at hindi ninyo ito isusulat, … marahil, dahil kinaligtaan ninyong isulat ang mga ito nang ipahayag ito ng Diyos, at hindi ninyo ito binigyan ng sapat na pagpapahalaga, maaaring lumayo ang Espiritu … at mayroon, o nagkaroon, ng isang malawak na kaalaman, na walang-hanggan ang kahalagahan, na nawala.”3
Ang Galak sa Pag-aaral
Ang pag-aaral ay higit pa sa isang banal na tungkulin. Nilayon din itong magdulot ng masidhing kagalakan.
Minsan, isang sinaunang mathematician na nagngangalang Archimedes ang tinanong ng kanyang hari na alamin kung ang bagong korona ng hari ay solidong ginto o kung hinaluan ng platero (goldsmith) ng kaunting pilak ang ginto. Pinagbulayan ni Archimedes ang solusyon; sa huli ay dumating ang sagot. Tuwang-tuwa siya sa natuklasan niya kaya, ayon sa alamat, nagtatakbo siya sa buong lungsod na nagsisisigaw ng, “Eureka! Eureka!”—na ibig sabihi’y, “Alam ko na! Alam ko na!”
Napakalaki man ng kanyang kagalakan sa natuklasan niyang tuntunin ng siyensya, mas malaking kagalakan ang mapapasaatin kapag natuklasan natin ang mga katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo: mga katotohanan na hindi lamang nagbibigay ng kaalaman sa atin kundi magliligtas din sa atin. Kaya nga sinabi ng Tagapagligtas, “Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, … upang ang inyong kagalakan ay malubos” (Juan 15:11). At dahil dito “ang lahat ng mga anak ng Dios ay naghihiyawan sa kagalakan” (Job 38:7) nang malaman nila ang plano ng kaligtasan. Tulad ng binhi na may likas na kapangyarihang lumago, may likas na kapangyarihan din ang mga katotohanan ng ebanghelyo na maghatid ng kagalakan.
Hindi lamang banal na utos ang “maghangad na matuto” (D at T 88:118), kundi isa rin itong makadiyos na hangarin. Tuwing pag-aaralan natin ang mga banal na kasulatan, dadalo tayo sa klase na mas handa, makikilahok tayo sa mga talakayan sa klase, magtatanong tayo, at magtatala ng mga sagradong impresyon, lalo tayong nagiging katulad ng Diyos, at sa gayo’y madaragdagan ang kakayahan nating madama ang kagalakang nadarama Niya.
Nawa’y magsikap tayong lahat na maging mas seryosong mga mag-aaral, mas banal na mga mag-aaral—sa tahanan, sa klase, at saanman tayo naroroon. Kapag ginawa natin ito, daranasin natin ang banal na kagalakang nagmumula sa pag-aaral at pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo.