2016
Isang Panahon para sa Family History
October 2016


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Isang Panahon para sa Family History

a season for family history

Paglalarawan ni Wilson Ong

Bilang ina ng dalawang dalagita, madalas akong magdahilan na hindi ako makakalahok sa ilang bagay na gusto kong gawin dahil hindi talaga ito ang “panahon” ko para gawin ito. Isa sa mga bagay na iyon ang gawain sa family history.

Bagama’t sumali na ako sa indexing bilang isang nakatutuwang aktibidad sa araw ng Sabbath noong araw, natagpuan ko ang sarili ko na nagdadahilan na wala akong panahon o kaalaman para gawin ang aking family history noong panahong iyon.

Nagbago ang puso ko isang madaling-araw ilang buwan na ang nakararaan habang nakaupo ako sa templo. Nang rebyuhin ko ang mga pangalan ng mga pumanaw sa mga temple card, na ipinagdarasal na tanggapin nila ang mga ordenansa sa templo na isinagawa para sa kanila, naisip ko, “Masaya sana kung mga kapamilya ko ang mga ito, ’di ba? Gusto kong gawin ang gawain para sa kanila.” Pinagtibay sa akin ng Espiritu na kung ito ang hangad ko, tutulungan ako ng Panginoon na gawin ang family history ko, lalo na sa araw ng Sabbath. Matutulungan Niya akong magkaroon ng panahon at kaalaman na isakatuparan ang Kanyang mga layunin.

Nang Linggong Iyon, umuwi ako at nag-log on sa FamilySearch.org. Agad nabasa ng luha ang aking mga mata nang makita ko ang mga pangalan ng aking mga ninuno. Mas tumibay ang kaugnayan ko sa kanila. Ang nakaragdag sa pagmamahal ko sa kanila ay ang personal na mga retrato at dokumento, na idinagdag kamakailan ng lola ko, kaya mas nagkaroon ng buhay ang mga kapamilya ko para sa akin. Nagalak ako sa pagsali ng dalawang-taong-gulang kong anak, na natutong tukuyin ang mga retrato ng kanyang ingkong at kalola-lolahan, na sinasambit ang kanilang pangalan. Nadama ko ang damdaming inilarawan ni Pangulong Russell M. Nelson, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang Sabbath ay nagbibigay ng magandang pagkakataon para patibayin ang ugnayan ng pamilya. Walang alinlangang nais ng Diyos na ang bawat isa sa atin, bilang Kanyang mga anak, ay makabalik sa Kanya bilang mga Banal na tumanggap ng endowment, na ibinuklod sa mga templo bilang mga pamilya, sa ating mga ninuno, at sa ating mga inapo” (“Ang Sabbath ay Kaluguran,” Liahona, Mayo 2015, 130).

Mula noong unang karanasang iyon, patuloy na akong sumasali sa gawain sa family history sa araw ng Sabbath. Mapalad akong gawin ang gawain sa templo para sa ilan sa aking yumaong mga kapamilya. Ang isang partikular na pagpapala ay ang pag-aaral tungkol sa aking mga kamag-anak at pagkakaroon ng mas malapit na kaugnayan sa aking mga lolo’t lola na hindi natin kamiyembro. Napalakas nito ang desisyon kong tuparin ang aking mga tipan at maging tapat hanggang wakas para maging matibay na kawing ako sa aking walang-hanggang pamilya.

Bagama’t marami pa ring gagawin, nagpapasalamat ako sa aking Ama sa Langit sa pagdaragdag sa aking kakayahan para makalahok ako sa Kanyang gawain, lalo na sa Kanyang araw. Para sa akin, ang araw ng Sabbath ay tunay na isang kaluguran.