2016
Ang Himala ng Katamtamang Apoy
October 2016


Ang Himala ng Katamtamang Apoy

Gusto mo ba ito ngayon mismo—o gusto mong gawin ito nang tama?

burnt grilled cheese sandwich

Kunwari ay may isang binatilyong nag-iisa sa bahay at nagugutom na (malayong mangyari, alam ko, pero kunwari lang). Ngayon, kunwari ay ipinasiya ng binatilyong ito na subukang gumawa ng grilled cheese sandwich nang mag-isa sa unang pagkakataon.1 Kunwari ay hindi naturuan ng kanyang mga magulang ang binatilyong ito kahit kailan kung paano gumawa ng grilled cheese at na hindi niya sila inobserbahan nang husto nang gawin nila ito.

Gayunman, sabihin na natin na tama ang lahat ng ginamit na sangkap ng binatilyong ito: tinapay, keso, kaunting mantikilya sa ibabaw ng tinapay (at kaunting mayonnaise sa loob dahil matalino siya). Sumunod, inilabas niya ang kawali at isinalang iyon sa kalan. (Kunwari din ay wala siyang espesyal na kawali o iba pang appliance para gawin ang masarap na pagkaing ito.)

Ngayon kunwari may pumasok na ideya sa kanyang isipan—isang ideya na dahil napakaraming tao ang mangmang (o pansamantalang sira ang ulo nila) para isiping: “Kung totodohan ko ang apoy, mas mabilis itong maluluto.”

Makikinita ninyo ang kasunod na pangyayari. (O siguro hindi na ninyo kailangan pang isipin.)

Masyadong malutong at sunog ang tinapay na makukuha niya o kaya’y malapot at tunaw ang keso—pero isa lang sa dalawang iyan. Malamang, ang tinapay na makukuha niya ay mukha at parang (at malamang ay lasang) namuong putik na lahar at halos tunaw na keso, na hindi magandang tulad ng mga kuwentong hindi tapos.

Ang problema niya, tulad ng nakikita ninyo, ay pinaghalong kamangmangan (na puwedeng palagpasin) at pagkayamot (na, kahit puwedeng intindihin, ay hindi puwedeng palagpasin). Kapag inulit niya ang pagkakamaling ito sa susunod, lalong hindi iyon puwedeng palagpasin, dahil hindi ito maisisisi sa kamangmangan kundi resulta ito ng pagkayamot.

Para magawa iyon nang tama, kailangan niyang tuklasin ang himala ng katamtamang apoy.

Ang Katamtaman ay Hindi Nakakainip

Ang medium setting sa kalan ay perpekto para sa grilled cheese at maraming iba pang lutuin dahil naluluto nang husto ang pagkain nang hindi nasusunog ang labas. Ang problema lang ay kailangan nito ng mas maraming oras at pansin, na nangangailangan ng tiyaga.

Sabi ng Panginoon, “Magpatuloy sa pagtitiyaga hanggang sa kayo ay maging ganap” (D at T 67:13). Ang tinatalakay niya rito ay ang uri ng pagiging perpekto na higit pa sa paggawa ng perpektong mga grilled cheese sandwich; nais Niya tayong maging higit na katulad Niya. Si Jesucristo ang perpektong halimbawa ng pagtitiyaga. At ang pagsunod sa Kanyang halimbawa ay nangangahulugan na palawakin natin ang ating pananaw, isipin ang pangmatagalan sa halip na agarang mga pangangailangan, at tingnan ang mas dakilang gantimpalang nagmumula sa pagdisiplina sa sarili, pagsampalataya, pagsunod, matatag at patuloy na pagsisikap, mahabang pagtitiis, at pagmamahal—sa madaling salita, pagtitiyaga.

Ang kahulugan ng pagtitiyaga ay paghihintay, na maaaring nakakabagot, ngunit tulad ng itinuro sa atin ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, hindi lamang ito paghihintay: “Ang pagtitiyaga ay aktibong paghihintay at pagtitiis. Ito ay pananatili sa isang bagay at paggawa ng lahat ng kaya natin—pagsisikap, pag-asam, at pagsampalataya; pagtitiis ng hirap nang may tapang, kahit maantala ang mga hangarin ng ating puso. Ang pagtitiyaga ay hindi lamang pagtitiis; iyon ay pagtitiis nang husto!”2

Hindi lamang ito paglalagay ng grilled cheese sandwich sa kawali at kalimutan na ito; ito ay pagbabantay at pagbaligtad dito sa tamang oras.

Hindi lamang ito pagtatapos sa paaralan o seminary o simbahan; ito ay aktibong pagkatuto o pagsamba.

Hindi lamang ito paghihintay na pagkalooban kayo ng patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon dahil hiniling ninyo ito; ito ay patuloy na pagbabasa, pag-aaral, pagbubulay, pagdarasal, at pamumuhay ayon sa mga tuntunin ng aklat na iyon.

Hindi lamang ito pananahimik habang pinagtatawanan ng mga kaibigan ninyo ang inyong relihiyon; ito ay pagradasal para sa kanila at talagang gustuhing magbago ang kanilang puso at gawin ang makakaya ninyo upang maisagawa ito.

Hindi lamang ito paghihintay hanggang sa mag-16 anyos para makapagdeyt; ito ay pagkatutong naising sumunod at sikaping maunawaan kung paano kayo mapagpapala ng pagsunod sa payo ng mga propeta.

Hinaan ang Apoy

grilled cheese sandwich

Ang pagtitiyaga at pagtitimpi, o pagpipigil sa sarili, ay kapwa bahagi ng “bunga ng Espiritu” (tingnan sa Mga Taga Galacia 5:22–23). Kahit may mahahalagang bagay na nangangailangan ng agarang pagkilos o nakahandang sagot (tulad ng may ilang pagkain na kailangang lutuin sa matindi at malakas na apoy), dapat kayong magkaroon ng higit na tiyaga at pagpipigil sa sarili. Kung madama ninyo na nangyayari ito, palatandaan iyan na pinapatnubayan ng Espiritu ang inyong buhay.

Ang himala ng katamtamang apoy ay maaaring magbigay sa inyo ng perpektong grilled cheese sandwich, hamburger patties na hindi mukhang hockey pucks na pink ang gitna, mga hash brown sa halip na hash black, at kanin na malambot at buhaghag sa halip na matigas at maligat. Ngunit ang pagtitiyaga ay magkakaroon ng “sakdal na gawa” (Santiago 1:4) sa buhay ninyo, na tutulong sa inyo na magpatuloy na maging higit na katulad ni Jesucristo, na magdudulot ng impluwensya ng Banal na Espiritu, at sa huli ay aakayin kayo tungo sa buhay na walang hanggan.

Kapag pinansin ninyo ang mga bagay na nakakayamot sa inyo, isipin ang grilled cheese sandwich na iyon (o anumang iba pang lutuin na may katuturan sa inyo) at ang maaaring isakripisyo ninyo kapag nagpadala kayo sa yamot. Kung madalas talaga kayong mayamot, maraming ganyan. Maaari kayong magsisi at muling magsikap na sundan ang halimbawa at mga turo ni Jesucristo. Hindi lang isang grilled cheese sandwich ang gagawin, at kailanma’y hindi pa huli ang lahat para matuto tungkol sa pagiging perpekto na posible sa pamamagitan ng pagtitiyaga.

Mga Tala

  1. Malinaw na ang binatang ito ay Amerikano. Maaaring nagmula siya sa ibang lugar, nagpiprito, nagluluto ng mga crêpe, Kartoffelpuffer, Köttbullar, pancake, tortilla, o kanin sa unang pagkakataon. Pareho din iyon.

  2. Dieter F. Uchtdorf, “Patuloy na Magtiyaga,” Liahona, Mayo 2010, 57.