2016
Ang mga Pagpapala ng Pagsunod
October 2016


Mensahe ng Unang Panguluhan

Ang mga Pagpapala ng Pagsunod

tree of life

Paglalarawan ni Jim Madsen

“Ang pinakadakilang aral na matututuhan natin sa mortalidad,” pagtuturo ni Pangulong Thomas S. Monson, “ay na kapag nagsalita ang Diyos at sumunod tayo, palagi tayong nasa tama.”1

Pagpapalain din tayo. Tulad ng sabi ni Pangulong Monson sa isang pangkalahatang kumperensya kamakailan: “Kapag sinusunod natin ang mga kautusan, ang buhay natin ay magiging mas masaya, mas ganap, at hindi gaanong kumplikado. Ang mga hamon at problema natin ay mas madaling kayanin, at matatanggap natin ang mga ipinangako[ng] pagpapala [ng Diyos].”2

Sa sumusunod na mga halaw mula sa mga turo ni Pangulong Monson bilang Pangulo ng Simbahan, ipinaalala niya sa atin na ang mga kautusan ang pinakatiyak na gabay tungo sa kaligayahan at kapayapaan.

Mga Patnubay sa Paglalakbay

“Ang mga kautusan ng Diyos ay hindi ibinibigay upang biguin tayo o maging mga hadlang sa ating kaligayahan. Kabaligtaran pa nga nito ang katotohanan. Siya na lumikha at nagmamahal sa atin ang tunay na nakakaalam kung paano tayo dapat mamuhay upang matamo natin ang pinakadakilang kaligayahan. Naglaan Siya ng mga patnubay na, kung susundin natin, ay gagabayan tayo nang ligtas sa kadalasan ay mapanganib na paglalakbay sa buhay na ito. Nagugunita natin ang mga salita ng pamilyar na himno: ‘Ang mga utos sa t’wina’y sundin! Dito ay ligtas tayo at payapa’ [tingnan sa “Mga Utos sa Tuwina ay Sundin,” Mga Himno, blg. 191].”3

Lakas at Kaalaman

“Ang pagsunod ay katangian ng mga propeta; ito ay nagbibigay ng lakas at kaalaman sa kanila sa lahat ng panahon. Mahalaga sa atin na maunawaan na matatamo rin natin ang lakas at kaalamang ito. Ito ay madaling makamtam ng bawat isa sa atin kapag sinusunod natin ang mga utos ng Diyos. …

“Ang kaalamang hinahanap natin, ang sagot na hinahangad natin, at ang lakas na ninanais natin ngayon para maharap ang mga hamon ng magulo at pabagu-bagong mundong ito ay maaaring mapasaatin kapag handa tayong sundin ang mga utos ng Panginoon.”4

Piliing Sumunod

“Kaluwagan ang kalakaran sa ating panahon. Ipinakikita ng mga magasin at palabas sa telebisyon ang mga artista sa pelikula, ang mga bidang atleta sa larangan ng palakasan—ang mga taong gustong gayahin ng maraming kabataan—bilang mga taong nagbabalewala sa mga batas ng Diyos at hayagang gumagawa ng mga kasalanan, na para bang wala itong masamang ibinubunga. Huwag kayong maniwala dito! May panahon ng pagsusulit—ng pagbalanse ng ledger. Kailangan nating lahat na harapin ang bunga ng ating mga gawa—kung hindi man sa buhay na ito, doon sa kabilang-buhay. Ang Araw ng Paghuhukom ay darating sa lahat. … Nakikiusap ako sa inyo na piliin ninyong sumunod.”5

Kagalakan at Kapayapaan

“Maaaring kung minsan sa tingin ninyo ay mas masaya ang mga makamundo kaysa sa inyo. Maaaring nadarama ng ilan sa inyo na nililimitahan kayo ng pamantayan ng asal na sinusunod natin sa Simbahan. Gayunman, mga kapatid, sinasabi ko sa inyo na walang ibang higit na magpapagalak sa ating buhay o higit na papayapa sa ating kaluluwa kaysa sa Espiritu na maaaring mapasaatin kung susundin natin ang Tagapagligtas at ang mga utos.”6

Lumakad nang Matwid

“Pinatototohanan ko sa inyo na ang mga pangakong pagpapala sa atin ay hindi kayang sukatin. Kahit magtipon ang mga ulap, kahit bumuhos sa atin ang mga ulan, ang ating kaalaman sa ebanghelyo at ating pagmamahal sa ating Ama sa Langit at sa ating Tagapagligtas ay aalo at magtataguyod sa atin at magdudulot ng kagalakan sa ating mga puso habang lumalakad tayo nang matuwid at sumusunod sa mga kautusan. Walang anumang bagay sa mundo na makadadaig sa atin.”7

Sundin ang Tagapagligtas

“Sino ang taong ito ng kalungkutan, sanay sa hapis? Sino ang Hari ng kaluwalhatian, ang Panginoong ito ng mga hukbo? Siya ang ating Guro. Siya ang ating Tagapagligtas. Siya ang Anak ng Diyos. Siya ang May-akda ng Ating Kaligtasan. Siya ay nag-uutos, ‘Sumunod ka sa akin.’ Ang bilin Niya, ‘Humayo ka, at gayon din ang gawin mo.’ Siya ay sumasamo, ‘Sundin ang aking mga utos.’

“Sundin natin Siya. Tularan natin ang Kanyang halimbawa. Sundin natin ang Kanyang salita. Kapag ginawa natin ito, ibinibigay natin sa Kanya ang kaloob na pasasalamat.”8

Mga Tala

  1. “Ipinakita Nila ang Landas na Tatahakin,” Liahona, Okt. 2007, 5.

  2. “Ang mga Utos sa Tuwina’y Sundin,” Liahona, Nob. 2015, 83.

  3. “Ang mga Utos sa Tuwina’y Sundin,” 83.

  4. “Ang Pagsunod ay Nagdudulot ng mga Pagpapala,” Liahona, Mayo 2013, 90, 92.

  5. “Maniwala, Sumunod, at Magtiis,” Liahona, Mayo 2012, 129.

  6. “Tumayo sa mga Banal na Lugar,” Liahona, Nob. 2011, 83.

  7. “Magalak,” Liahona, Mayo 2009, 92.

  8. “Pagkakaroon ng Kagalakan sa Paglalakbay,” Liahona, Nob. 2008, 88.