2016
Family History: Kapayapaan, Proteksyon, at mga Pangako
October 2016


Family History: Kapayapaan, Proteksyon, at mga Pangako

Mula sa mensaheng, “Gathering, Healing, and Sealing Families,” na ibinigay sa RootsTech Family History Conference sa Salt Lake City, Utah, USA, noong Pebrero 14, 2015.

Kapag nakilahok ang inyong pamilya sa pagtitipon ng mga talaan, pagpapahilom ng mga puso, at pagbubuklod ng mga miyembro ng pamilya, pagpapalain kayo at ang inyong mga inapo magpakailanman.

family tree chart

Mga paglalarawan ni Carolyn Vibbert

Ang kuwento tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay tungkol sa mga pamilya. Kapag sinabi kong mga pamilya, hindi ang makabagong konsepto ng Ina, Ama, at mga anak ang ibig kong sabihin.

Ginagamit ko ang kataga sa paraan ng paggamit ng Panginoon dito, bilang isang salitang kasinghulugan ng kaanak o magkakamag-anak, dahil lahat ay may pamilya. Ang plano ng ating Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak ay nakatuon sa ganitong uri ng pamilya—na ang mga anak ay humuhugot ng lakas mula sa mga ninuno sa maraming henerasyon at mga magulang na naghahangad na pagpalain ang kanilang mga inapo sa mga henerasyong darating.

Sa puntong ito ang Aklat ni Mormon ay nagkukuwento rin tungkol sa mga pamilya. Kapag binasa natin ang mga kuwentong ito, matatagpuan natin na ang mga pamilya ay hindi pa gaanong nagbabago sa nagdaang mga siglo. Kahit ang mga nabuhay sa ibang panahon at lugar ay katulad natin sa maraming aspeto—at hindi pa nagbabago ang hangarin ng Diyos na mamuhay ang Kanyang mga anak sa maligaya at walang-hanggang mga pamilya.

Bakit pinangalagaan ng Panginoon ang talaan ng mga kuwentong ito? Ano ang nais Niyang matutuhan natin mula rito? Naglalaman ba ito ng mga aral na makakatulong sa ating mga pagsisikap na tipunin, mapahilom, at mabuklod ang ating pamilya?

Isang Aral mula kay Lehi

Naniniwala ako na ang unang pamilya sa Aklat ni Mormon—ang pamilya ni Lehi—ay may magandang aral para sa atin na maaaring hindi natin napansin. Napakaraming maituturo sa atin ng pamilya ni Lehi tungkol sa mga talaan ng pamilya—kung bakit mahalaga ang mga ito sa Panginoon at kung bakit dapat itong maging mahalaga sa atin.

Sa simula ng kuwento, pinalalaki nina Lehi at Saria ang kanilang mga anak na babae at apat na anak na lalaki sa Jerusalem, na medyo maginhawa ang pamumuhay sa malaking lungsod na iyon. Nagbago ang kanilang buhay magpakailanman nang utusan ng Panginoon si Lehi na dalhin ang kanyang pamilya sa ilang.

Sumunod si Lehi, at iniwan nila ng kanyang pamilya ang kanilang mga ari-arian at nagsapalaran sa ilang. Matapos maglakbay sandali, sinabi ni Lehi sa anak niyang si Nephi:

“Masdan, ako ay nanaginip ng isang panaginip, na kung saan ang Panginoon ay nag-utos sa akin na ikaw at ang iyong mga kapatid ay magbalik sa Jerusalem.

“Sapagkat masdan, na kay Laban ang talaan ng mga Judio at gayon din ang isang talaangkanan ng aking mga ninuno, at ang mga yaon ay nakaukit sa mga laminang tanso” (1 Nephi 3:2–3; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Dahil sa utos na ito, biniyayaan ang ating mga pamilya ng sumusunod na pahayag ng pananampalataya at pagsunod mula kay Nephi: “Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon, sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila” (1 Nephi 3:7).

Ang mga laminang tanso ay isang talaan. Naglalaman ito ng mga banal na kasulatan, ngunit naglalaman din ito ng kasaysayan ng pamilya ni Lehi. Alam ng Panginoon kung gaano kahalagang mapangalagaan ang talaang iyon para sa maraming henerasyong darating.

Nagtaka na ba kayo kung bakit hindi si Lehi, kundi ang kanyang mga anak, ang inutusan ng Panginoon na balikan ang talaan? Siya ang patriarch ng pamilya. Ibinigay ng Panginoon sa kanya ang pangitain. Hindi ba mas malaki ang impluwensya ni Lehi kay Laban kaysa kanyang mga anak?

Hindi natin alam kung bakit inutusan ng Panginoon ang mga anak ni Lehi na bumalik sa Jerusalem, ngunit alam natin na nahirapan silang isakatuparan ang ipinagawa sa kanila ng Panginoon. Mahirap ang gawain, at sinubukan nito ang kanilang pananampalataya. Natuto sila ng mahahalagang aral na makakatulong nang husto sa kanila sa buong paglalakbay nila sa ilang. Marahil ang pinakamahalaga, nalaman nila na kapag nag-utos ang Panginoon, talagang naglalaan Siya ng paraan.

Maitatanong natin sa ating sarili, ano ang nais ng Panginoon na matutuhan ng ating mga anak na lalaki at babae kapag sila ay “bumalik” para kunin ang mga talaan ng ating pamilya? Paano Siya naglalaan ng paraan para sa kanila? May mga bagay ba na nais Niyang maranasan nila? Inaanyayahan ba natin silang magkaroon ng mga karanasang ito? Anong mga pagpapala ang inaasam Niyang ibigay sa inyong mga anak sa pamamagitan ng paglilingkod sa templo at family history?

Nang magbalik si Nephi at ang kanyang mga kapatid sa tolda ng kanilang ama, “kinuha … [ni] Lehi ang mga talaang nakaukit sa mga laminang tanso, at sinaliksik niya ang mga yaon mula sa simula.” Doo’y natagpuan niya “[a]ng limang aklat ni Moises,” “[a]ng mga propesiya … ng mga banal na propeta,” at “ang talaangkanan ng kanyang mga ama; sa gayon nalaman niya na siya ay inapo ni Jose … na ipinagbili sa Egipto.” At nang “mapag-alaman [ni Lehi] ang lahat ng bagay na ito, siya ay napuspos ng Espiritu” (1 Nephi 5:10, 11, 13, 14, 17).

Pagkatapos ay itinuro ni Lehi sa kanyang pamilya ang natutuhan niya mula sa mga lamina. Maaari ninyong sabihin na ang tolda niya ang naging sentro ng family history at pag-aaral—tulad ng nararapat mangyari sa ating tahanan.

Madaling malaman kung bakit nais ng Panginoon na mapasakamay ng pamilya ni Lehi ang mga talaang ito. Binigyan nito ang kanyang mga inapo ng pagkakakilanlan, iniugnay sila sa matatapat na patriarch noong araw at itinanim sa kanilang puso “ang mga pangakong ginawa sa mga ama” (D at T 2:2; Joseph Smith—Kasaysayan 1:39). Ang mga talaang ito ay napakahalaga sa pananampalataya ng mga henerasyong darating kaya binalaan ng Espiritu si Nephi na kung wala ang mga ito, ang buong “bansa ay tuluyang manghi[hi]na at masa[sa]wi sa kawalang-paniniwala” (1 Nephi 4:13).

Ang karanasan ng ibang mga tao sa Aklat ni Mormon ay nagpapakita kung gaano katotoo na kapag nawala ang mga talaan, mawawala ang katotohanan, at maaaring mapahamak ang susunod na mga henerasyon.

Nilisan ng mga Mulekita ang Jerusalem na halos kasabay ng pamilya ni Lehi. Ngunit di-tulad ng pamilya ni Lehi, “wala silang dinalang mga talaan.” Nang matuklasan sila ni Mosias pagkaraan ng mga 400 taon, “ang kanilang wika ay naging marumi; … at itinatwa nila ang pagkatao ng kanilang Lumikha” (Omni 1:17). Hindi na sila kinilala bilang mga pinagtipanang tao.

Itinuro ni Mosias sa mga Mulekita ang kanyang wika para matuto sila mula sa mga talaang hawak niya. Dahil dito, mula sa isang lipunang magulo at walang dinidiyos ay naging isang lipunan ang mga Mulekita na nakauunawa sa plano ng kaligayahan ng Diyos para sa kanila—at sa kanilang mga pamilya.

Bumalik na Kasama ang Inyong Pamilya

family going to the temple

Ang kaalaman kung sino tayo patungkol sa kaugnayan natin sa Diyos at sa isa’t isa ay binabago ang paraan ng ating pag-iisip, pagkilos, at pagtrato sa iba. Ang mga talaan ay mahalagang bahagi ng ating pagkatao at pananaw. Inihahanda tayo ng paglingon sa nakaraan na sumulong.

Mga magulang, inanyayahan na ba ninyo ang inyong pamilya na “bumalik”? Nahiwalay na ba ang inyong pamilya sa kanilang mga talaan—o sa isa’t isa—sa anumang paraan? Naputol na ba ang kaugnayan ng inyong pamilya sa kasalukuyan at sa nakaraan? Ano ang nangyari sa inyong pamilya para magkahiwa-hiwalay kayo? Dahil ba sa pandarayuhan, alitan sa pamilya, pagbabalik-loob sa ebanghelyo, o sa simpleng paglipas ng panahon? Pinagsikapan na ba ninyo kamakailan na hanapin ang inyong mga ninuno sa FamilySearch.org?

Ang sambahayan ni Israel ay nakalat, at sa maraming paraan ay kasama riyan ang pagkalat ng ating mga pamilya at talaan. Responsibilidad nating tipunin sila at, kung kailangan, paghilumin ang mga sugat ng paghihiwalay. Kapag masigasig nating hinangad na ibaling ang puso ng ating mga anak sa kanilang mga ama, babaling din ang ating puso sa ating mga anak1 at magkakasama nating matutuklasan ang kapayapaan at paghilom na dulot ng gawaing ito (tingnan sa D at T 98:16).

Tulad noong pabalikin ni Lehi ang kanyang mga anak sa Jerusalem para sa mga sagradong talaan, pabalikin natin ang ating mga anak sa mga talaan ng ating pamilya. Tulad noong maglaan ng paraan ang Panginoon para kay Nephi, naglaan Siya ng Internet at iba pang mga teknolohiya na magbibigay-kakayahan sa ating mga anak na tipunin at paghilumin ang ating mga pamilya. At naglaan Siya ng mga templo kung saan natin madadala ang mga pangalang nahanap natin at magagawang permanente ang ating pagtitipon sa pamamagitan ng mga ordenansa ng pagbubuklod.

Kagalakan sa Ilang

Nang makasal kami ng asawa kong si Sharol, ipinasiya naming magkaroon ng apat na anak na lalaki. Iba ang plano ng Panginoon. Binigyan niya kami ng apat na anak na babae.

Naglakbay kami sa ilang na kasama ang aming mga anak. Ngayo’y may mga asawa’t anak na sila at naglalakbay sa sarili nilang ilang. Naging madali ba ang lahat? Hindi. Umangal din kami, at marami kaming naging problema.

Ang ilang ng buhay ay maaaring mahirap para sa mga pamilya. Kapag nagtatanong ang mga tao, “Kumusta na kayo ng pamilya mo?” Madalas kong sabihing, “May krisis kami ngayon. Salamat sa pangungumusta.”

Pero mayroon din namang mga sandali ng tunay na kagalakan. Bilang mga patriarch at matriarch, gumugugol tayo ng maraming oras sa pagpapatibay sa ating mga anak para sa ilang. Nangako ang mga propeta sa ating panahon na ang gawain sa family history ay naglalaan ng “proteksyon laban sa impluwensya ng kaaway”2 at “lalalim at mananatili” ang pagbabalik-loob sa Tagapagligtas.3 Napakabisang paraan nito para magtipon, mapaghilom, at mabuklod ang ating mga pamilya.

Bilang patriarch ng aming pamilya, hiniling ko sa aking mga anak na “bumalik” upang hanapin ang mga talaan, dalhin ang mga pangalan sa templo, at turuan ang aming mga apo. Pinakiusapan ko silang alamin kung kanino sila nagmula sa pamamagitan ng pakikibahagi sa aming family history.

Isang Pangako

Nangangako ako na kapag inanyayahan ninyo ang inyong mga anak na “bumalik” at hanapin ang mga talaan ng inyong pamilya, magkasama kayong “lubhang [maga]galak” gaya nina Lehi at Saria at “[magpa]pasalamat sa Diyos ng Israel.” Kapag sinaliksik ninyo ang inyong mga talaan, kayo ay “[mapu]puspos ng Espiritu,” sapagkat makikita ninyo “na ang mga yaon ay kanais-nais; oo, maging napakahalaga.” At malalaman ninyo na “ito ay naaayon sa karunungan ng Panginoon na dapat [ninyong] dalhin ang mga yaon” habang kayo ay naglalakbay “sa ilang patungo sa [inyong] lupang pangako” (1 Nephi 5:9, 17, 21–22).

Narito ang Simbahan upang suportahan at palakasin ang inyong pamilya sa paglalakbay na ito. Nangangako ako na kapag nakilahok ang inyong pamilya sa pagtitipon ng mga talaan, paghihilom ng mga puso, at pagbubuklod ng mga miyembro ng pamilya, kayo ng inyong mga inapo—ang inyong angkan—ay pagpapalain magpakailanman at magpasawalang-hanggan.

Mga Tala

  1. Para sa mga halimbawa kung paano naghatid ng paghihilom ang mga talaang nasa mga laminang tanso sa mga inapo ni Lehi, tingnan sa Alma 37:8–10.

  2. Richard G. Scott, “Ang Kagalakan ng Pagtubos sa mga Patay,” Liahona, Nob. 2012, 94.

  3. David A. Bednar, “Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-Loob,” Liahona, Nob. 2011, 27.