2016
Ang Banal na Katalinuhang Gumagabay sa Simbahan ng Panginoon
October 2016


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Ang Banal na Katalinuhang Gumagabay sa Simbahan ng Panginoon

Mula sa “He Slumbers Not, nor Sleeps,” Ensign, Mayo 1983, 5–8. Pinagpare-pareho ang pagbabantas at pagpapalaki ng mga titik.

Isinasagawa ng Diyos ang Kanyang gawain alinsunod sa sarili Niyang dakilang plano.

Larawan
tapestry of prophets

Larawang kuha ni Mary Ouzounian, sa kagandahang-loob ng Church History Museum

Ang banal na pinagmulan ng katalinuhang gumagabay sa organisasyon ng gawaing ito at ang mga tawag na mamuno ay malinaw. Ang mga General Authority ay pawang mga tao, bawat isa ay may sariling personalidad. Bawat isa ay naghahatid sa kanyang mga responsibilidad ng iba’t ibang karanasan at sitwasyon. Kapag lumalabas ang mga bagay-bagay na tatalakayin sa mga pangunahing konseho ng Simbahan, bawat isa ay malayang magpahayag ng kanyang mga pananaw. Kapag pinagmamasdan ng isang tao ang nakatutuwang talakayang iyon sa gawain, nakatutuwang masaksihan ang kapangyarihan ng impluwensya ng Banal na Espiritu sa kalalakihang ito. Iba’t iba ang kanilang opinyon ngunit hindi iyon ipinahahayag kailanman nang may kataliman, at mapapansin na lumalambot iyon sa paglipas ng mga panahon at lahat ay nagkakaisa. “Ang aking bahay ay isang bahay ng kaayusan,” sabi ng Panginoon (tingnan sa D at T 132:8). Sa pagsaksi sa pag-usad ng prosesong ito, dumaranas ako ng palagiang pagpapanibago ng pananampalataya. …

Nag-aalala ang ilan na ang Pangulo ng Simbahan ay malamang na palaging matanda na, at ang sagot ko ay, “Kaylaking pagpapala!” Ang gawain sa dispensasyong ito ay unang isinaayos sa tulong ni Propetang Joseph Smith. Noong panahong iyon bata pa siya at masigla, isang tao na ang pag-iisip ay hindi naimpluwensyahan ng mga kaugalian ng kanyang kapanahunan. Bata pa ang kanyang pag-iisip na maaaring hubugin ng Panginoon na parang sariwa at malambot na putik nang simulan Niya ang Kanyang gawain.

Ang sumunod kay Joseph ay medyo bata pa nang humarap sa nakakatakot na responsibilidad na akayin ang isang grupo patawid sa ilang upang tumira sa isang bagong lupain.

Ngunit ang mga pangunahing alituntunin ng ating doktrina ay naisaayos na ngayon, at matibay na tayo bilang isang grupo, kahit man lang hanggang sa palipatin tayong muli ng Panginoon. Hindi natin kailangan ng mga bagong paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay. Kailangan natin ang debosyon at pagsunod sa mga alituntuning binigkas mula sa langit. Kailangan natin ng katapatan sa ating pinuno, na hinirang ng Diyos. Siya ang ating propeta, ating tagakita at tagapaghayag. Hindi tayo mawawalan ng propeta kailanman kung mamumuhay tayo nang marapat para sa isang propeta. Hindi kailangang maging bata pa siya. Pinatnubayan at patuloy Niyang papatnubayan ang mas batang kalalakihan na maglalakbay sa buong mundo sa gawain ng ministeryo. Siya ang namumunong high priest, ang mayhawak ng lahat ng susi ng banal na priesthood, at ang tinig ng paghahayag mula sa Diyos tungo sa kanyang mga tao.

May lumang kasabihan na nagsasabing, “Ang kabataan ay panahon para kumilos. Ang edad ay panahon para maging marunong.”

Naisip ko na may napakalaking kapanatagan sa kaalaman na sa lalong madaling panahon ay magkakaroon tayo ng isang Pangulo na nadisiplina at naturuan, nasubukan at napatunayan, na ang katapatan sa gawain at integridad sa layunin ay napalakas ng paglilingkod, na ang pananampalataya ay nahusto, at ang pagiging malapit sa Diyos ay nalinang sa loob ng maraming taon. …

Hindi tayo kailangang matakot sa hinaharap kung hahawak tayo nang mahigpit sa inihayag na mga alituntunin.

Print