2016
Mga Salita ng Propeta sa Isang Di-Inaasahang Lugar
October 2016


Mga Salita ng Propeta sa Isang Di-Inaasahang Lugar

Ang awtor ay nanirahan sa Argentina habang naglilingkod noon ang kanyang asawa bilang mission president.

Isang iniwanang magasin ang magpapabago sa buhay ni Oscar Castro magpakailanman.

Larawan
abandoned Church magazines

Bininyagan at kinumpirma si Oscar Castro matapos makita ang isang isyu ng Liahona sa pangkalahatang kumperensya sa bahay na nilipatan niya.

Paglalarawan ni Dan Burr; larawang inilaan ng awtor

Ang araw na iniwan ng asawa niya si Oscar at ang dalawa nilang maliliit na anak ang isa sa pinakamahirap na nangyari sa buhay niya. Napakaraming desisyong kailangang gawin. Matagal na siyang naghahanap ng trabaho, at ngayo’y kailangan niya ng bagong lugar na matitirhan. Pakiramdam niya ay gumuho ang buhay niya. Naisip niya na sumuko na lang, at nagawa sana niya iyon kung hindi dahil sa kanyang dalawang magagandang anak.

Sa San Juan, Argentina, kakaunti ang mauupahan na kakayaning bayaran ni Oscar. Ngunit may isang maliit na bahay sa isang ligtas na lugar na basta na lang iniwan ng isang grupo ng mga kabataang lalaki, kaya inupahan ito ni Oscar at naghanda siyang magsimulang muli kasama ng kanyang mga anak.

Sa bago nilang tahanan, may naiwang ilang magasin at aklat sa sahig, at matapos maglinis at magligpit sa buong maghapon, naupo si Oscar at binasa ang isa sa mga magasin. Natawag ang kanyang pansin sa pabalat sa kung anong dahilan. Sa ilalim ng pamagat na, Liahona, may larawan ng isang matandang lalaki na nakatayo sa isang tore na nagsasalita sa mga tao. Naalala niya sa matanda ang mga larawan ng mga propeta sa Biblia.

Binuklat ni Oscar ang magasin at sinimulan itong basahin, “Alam na nating lahat na dapat nating sabihin sa mga taong mahal natin na mahal natin sila. Ngunit ang alam natin ay hindi laging nakikita sa ating ginagawa.”1 Naisip ni Oscar ang matatalim na salitang nasambit nang maraming beses sa pagitan niya at ng kanyang asawa. Gusto niyang turuan ang kanyang mga anak na maging mas mabuti kaysa roon. Patuloy na binasa ni Oscar ang magasin, at nakadama siya ng pag-asa sa kanyang kalooban. Bago natapos ang buong linggo, nabasa na niya ang lahat ng artikulo at ginusto niyang malaman pa ang iba.

Pagkaraan ng isang buwan, may dalawang missionary na naglalakad sa lugar na tinitirhan ni Oscar. Nilapitan sila ni Oscar at tinanong kung sila ay mga Latter-day Saint missionary at kung magkano ang kailangan para makakuha siya ng iba pang mga magasin ng Simbahan. Sinabi sa kanya ng mga elder na 20 minuto lang ng oras niya ang kapalit niyon.

Kinabukasan binisita ng dalawang missionary si Oscar sa bahay niya. Ikinuwento ni Oscar sa kanila ang paglipat nila at kung paano niya natagpuan ang mga lumang aklat, magasin, at polyeto tungkol sa Simbahan. Ipinaliwanag niya na ang unang artikulong nabasa niya ay nakaugnay mismo sa buhay niya noong panahong iyon. Alam na niya ang kahalagahan ng pamilya at nais niyang malaman ang iba pa tungkol sa family home evening at pagdarasal ng pamilya. Ikinuwento niya sa mga elder kung ano pa ang natutuhan niya tungkol sa Simbahan, pati na ang tungkol kay Joseph Smith at sa Panunumbalik ng ebanghelyo.

Tumitig siya sa mga mata ng mga elder at sinambit niya ang mga salitang pinananabikang marinig ng lahat ng missionary: “Naniniwala ako na si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos.” Inanyayahan siya ng mga elder na magpabinyag, at may luha sa mga mata na tinanggap iyon ni Oscar. Pagkaraan ng ilang linggo, si Oscar Castro ay bininyagan at kinumpirmang miyembro ng Simbahan.

Naihanda ng Panginoon si Oscar, at nagsisisi ang kanyang espiritu at handa siyang matuto at lumago. Sa di-malilimutan at makabagbag-damdaming araw na iyon, inantig ng diwa ng mga mensahe sa isyu ng Liahona sa pangkalahatang kumperensya ang puso ni Oscar. Hindi alam ng dating mga may-ari ng bahay ang magiging epekto ng pag-iwan ng ilang magasin ng Simbahan, ngunit ang mga mensahe ng ebanghelyo sa mga magasing iyon ay naging mahalagang kasangkapan ng mga missionary. Sa pag-akay sa kanya sa mga katotohanang hinahanap niya, binago ng mga ito ang buhay ni Oscar magpakailanman.

Tala

  1. David A. Bednar, “Mas Masigasig at Mapagmalasakit sa Tahanan,” Liahona, Nob. 2009, 17.