2016
Pag-unawa sa Pagpapakamatay: Mga Palatandaan Nito at Paghadlang Dito
October 2016


Pag-unawa sa Pagpapakamatay: Mga Palatandaan Nito at Paghadlang Dito

sitting at the edge of a dock

Mga larawang kuha ng iStock/Thinkstock

Noong 16 na taong gulang si Kevin, nagdiborsyo ang kanyang mga magulang. Halos kasabay nito, itinigil niya ang pag-inom ng gamot niya sa epilepsy, na nakatulong para mapanatag siya. Hindi alam na mayroon siyang bipolar disorder, nagsimula siyang makaranas ng paranoia, sumpong na nagpapahina ng kanyang katawan, at labis na depresyon. Tila hindi nakatulong ang mga gamot. Umabot ito sa punto na parang pagod na pagod na siya sa lahat ng ito, at nagpasiya siyang wakasan ang kanyang buhay nang hindi sinasabi sa iba ang kanyang balak.

Ikinuwento ni Kevin ang araw na tinangka niyang wakasan ang kanyang buhay: “Umiiyak ako noon. Pagod na pagod na ako, hinang-hina na ako. Nakatingin lang ako sa mga tao, at gusto kong sabihan ako ng isang tao, ng sinuman, ng, ‘OK ka lang ba?’ Gustuhin ko man iyan, may naririnig akong mga boses [sa isipan ko] na nagsasabing, ‘Kailangan mong mamatay.’ … Buong panahon akong nagsumamo sa sarili ko na huwag [gawin iyon], pero napakalakas ng mga boses, at hindi ko malabanan iyon.”1

Ang nakakalungkot, walang nakapansin sa pagkabahala niya. Naniniwalang walang nagmamalasakit sa kanya, tinangka niyang gawin iyon—pero himalang nakaligtas siya.

Nadarama ba natin kahit kaunti ang nakapanlulupaypay na pagkabahala niya at ang desperado at mahinang paghingi niya ng tulong?

Ang pagpapakamatay ay isa sa pinakamahihirap na pagsubok sa mortalidad, kapwa sa mga nagdurusa na nagbabalak magpakamatay at sa naiwang mga miyembro ng pamilya. Sabi ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Sa palagay ko, wala nang mas mahirap pang panahon para sa isang pamilya kaysa kapag nagpakamatay ang isang mahal sa buhay. Ang pagpapakamatay ay isang nakapanlulumong karanasan sa pamilya.”2 Kung pag-uusapan ang bigat ng pagsubok na ito, talakayin natin (1) kung ano ang alam natin tungkol sa pagpapakamatay, pati na ang mga palatandaan nito at ang mga bagay na magagawa natin para mahadlangan ito; (2) kung ano ang magagawa ng naiwang mga miyembro ng pamilya at ng komunidad; at (3) kung ano ang kailangan nating gawing lahat upang mapalakas ang ating pag-asa at pananampalataya kay Cristo para hindi tayo mawalan ng pag-asa.

Pag-unawa sa Pagpapakamatay

Mahigit 800,000 tao ang winawakasan ang kanilang buhay sa pagpapakamatay taun-taon sa buong mundo.3 Ibig sabihin nito, isang tao sa mundo ang winawakasan ang kanyang buhay bawat 40 segundo. Malamang na mas mataas pa riyan ang tunay na bilang dahil ang pagpapakamatay ay isang maselang bagay at labag sa batas sa ilang bansa at samakatwid ay hindi nairereport. Pagpapakamatay ang ikalawang nangungunang dahilan ng pagkamatay ng mga tao sa pagitan ng 15 at 29 na taong gulang. Sa maraming bansa, ang dami ng nagpapakamatay ay pinakamataas sa mga taong mahigit 70 taon na ang edad. Tuwiran man o di-tuwiran, nakakaapekto ang pagpapakamatay sa malaking bahagi ng ating lipunan.

Mga Palatandaan

Kapag parang hindi natin makayanan ang mga hamon ng buhay, maaari tayong makadama ng sobrang pagkabahala. Kapag parang hindi makayanan ang pagkabagabag, maaaring magdilim ang isipan ng isang tao at maaaring madama nila na kamatayan lamang ang tanging opsyon. Maaari nilang madama na walang makakatulong, na maaaring humantong sa paglayo sa lipunan at lalo pang lumala ang pagkabagabag at pakiramdam na wala nang pag-asa at walang malapitan, na kalaunan ay hahantong sa pag-iisip na pagpapakamatay na lang ang tanging opsyon.

Kapag ipinakita ng isang tao ang anuman sa sumusunod na malulubhang palatandaan,4 dapat tayong magpatulong kaagad sa isang mental health provider o emergency services tulad ng mga pulis:

  • Nananakot na sasaktan o papatayin ang sarili

  • Naghahanap ng mga paraan o kaparaanan para magpakamatay

  • Nagsasalita o sumusulat tungkol sa kamatayan, pag-aagaw-buhay, o pagpapakamatay

Ang sumusunod na mga palatandaan ay maaaring magpakita ng sitwasyon na di-gaanong apurahan, ngunit hindi tayo dapat mag-alangang humingi ng tulong para sa tao na nagpapakita ng alinman sa mga ito:

  • Nagpapahayag ng kawalang-pag-asa at kawalan ng layunin sa buhay

  • Nagpapakita ng matinding galit o poot o naghahangad na makapaghiganti

  • Walang ingat kung kumilos

  • Pakiramdam na nakulong sila

  • Mas malakas na silang uminom ng alak o gumamit ng droga

  • Lumalayo sa mga kaibigan, pamilya, o lipunan

  • Naliligalig o nababalisa o pabagu-bago ang ugali

  • Nahihirapang matulog o laging tulog

  • Pakiramdam nila ay pabigat sila sa iba

Hindi lahat ng nagtatangkang magpakamatay ay hinahayaang malaman ng iba ang kanilang balak, pero karamihan ay nagpapakita ng mga palatandaang tulad nito. Kaya seryosohin ang mga palatandaang ito!

Kahit hindi madaling makakuha ng tulong ng isang propesyonal, maaaring makatulong nang malaki ang impluwensya ng mga kaibigan at kapamilya na tunay na nagmamalasakit.

Paghadlang

elderly man with a cane

Kapag balak magpakamatay ng isang tao, mahalaga ang papel na ginagampanan ng pamilya at mga kaibigan. Tulad ng itinuro ni Alma, kailangan tayong “magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan; … makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati; oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw” (Mosias 18:8, 9).

Narito ang ilang bagay na makakatulong na magagawa ng mga kapamilya at kaibigan:

Tumulong at makinig nang may pagmamahal. Tulad ng ipinayo ni Elder Ballard, “Wala nang mas mabisa pa kaysa mapagmahal na yakap ng isang tao sa mga nahihirapan.”5 “Kailangan natin silang tingnan … ayon sa paningin ng Ama sa Langit,” pagtuturo ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Noon lamang natin madarama ang pagmamalasakit ng Tagapagligtas para sa kanila. … Ang pinalawak na pananaw na ito ay ipaparamdam sa ating puso ang mga kabiguan, pangamba, at dalamhati ng iba.”6

Tumulong sa mga pisikal na bagay. Kung ang tao ay nagdaraan sa isang krisis na nakakaapekto sa kanyang kaligtasan at pangunahing mga pangangailangan, mag-alok na tumulong, ngunit hayaang ang tao ang magpasiya kung tatanggapin niya iyon o hindi. Halimbawa, kung balak magpakamatay ng isang tao dahil natanggal siya sa trabaho, ang pagtulong sa kanya na makakita ng trabaho ay nagbibigay sa kanya ng mga opsyon na mapagpipilian at pumapawi ng damdamin na parang wala na siyang malapitan.

Itanong kung may balak siyang magpakamatay. Kapag nag-aalala ka na naliligalig ang isang tao at nagpapakita ng mga palatandaan na gusto niyang magpakamatay, itanong kung iniisip niyang magpakamatay. Maaaring hindi komportableng gawin ito, ngunit makabubuting alamin sa pamamagitan ng tuwirang pagtatanong kung iniisip niyang magpakamatay. Maaari itong maging daan upang magkuwento ang tao tungkol sa kanyang mga problema at alalahanin.

Ang mga halimbawa ng gayong mga tanong ay “Mukhang mahirap ngang lutasin iyan. Iniisip mo bang magpakamatay?” o “Sa dami ng pasakit na nararanasan mo, iniisip ko kung iniisip mong magpakamatay.” Kung wala siyang balak na magpakamatay, malamang na ipaalam niya iyon sa iyo.

Kung mararamdaman mo na ayaw niyang sabihin sa iyo na balak niyang magpakamatay, pansinin ang mga pahiwatig ng Espiritu para malaman kung ano ang gagawin. Maaari kang mahikayat na samahan na lang siya hanggang sa magsabi siya sa iyo ng problema niya.

Samahan ang tao at humingi ng tulong sa iba. Kung ipapaalam sa iyo ng isang tao na balak niyang magpakamatay, samahan at kausapin siya tungkol sa kanyang problema. Kung magkukuwento siya tungkol sa partikular na mga pamamaraan at tiyempo ng pagpapakamatay, tulungan ang tao na kontakin ang crisis hotline o local psychiatric emergency department.

Mga Reaksyon sa Pagpapakamatay

Magpakita man sila ng mga palatandaan o hindi, talagang nagpapakamatay ang ilan. Kapag naranasan ang nakapanlulumong pagpapakamatay ng isang mahal sa buhay, kadalasan ay malalim, matindi, at mahirap unawain ang pagdadalamhati ng naiwang mga kapamilya at kaibigan. Maaaring kabilang sa mga reaksyong iyon ang mga sumusunod:

  • Napahiya at narungisang karangalan

  • Nagulat at di-makapaniwala

  • Napoot, nakahinga nang maluwag, o nakaramdam ng kasalanan

  • Itinatago ang dahilan ng pagkamatay

  • Humihiwalay sa lipunan at nagkakagulo ang pamilya

  • Aktibo at pagpipilit pang makilahok sa mga pagsisikap na hadlangan ang pagpapakamatay

  • Napakalaki ng hangaring maunawaan kung bakit

  • Pakiramdam na siya ay tinalikuran at inayawan

  • Sinisisi ang namatay, ang sarili, ang iba, at ang Diyos

  • Lalong iniisip na magpakamatay o gustong saktan ang sarili

  • Lalong namomroblema kapag walang pasok at kapag anibersaryo ng kamatayan7

Ano ang Magagawa ng Naiwang mga Pamilya at Komunidad

woman sitting on bench

Iwasang manghusga. Dahil seryosong bagay ang pagpapakamatay, ipinaalala rin sa atin ni Elder Ballard: “Maliwanag na hindi natin alam ang buong pangyayari sa likod ng bawat pagpapakamatay. Tanging ang Panginoon ang nakaaalam ng mga detalye, at siya ang hahatol sa lahat ng ginawa natin dito sa lupa. Kapag hinatulan tayo [ng Panginoon], naniniwala akong isasaalang-alang niya ang lahat ng bagay: ang ating mga namanang katangian at pag-uugali, ang kalagayan ng ating pag-iisip, ang ating katalinuhan, ang mga turo na natanggap natin, ang mga kaugalian ng ating mga ninuno, ang ating kalusugan, at iba pa.”8

Tulutan at igalang ang kakaibang pagdadalamhati ng bawat tao. Magdadalamhati ang mga tao sa iba’t ibang paraan, dahil ang kaugnayan nila sa namatay ay naiiba sa ibang tao. Kaya tanggapin at bigyang-dangal ang paraan ng pagdadalamhati ng bawat tao.

Kapag nilisan tayo ng ating mga mahal sa buhay, maaari tayong madaig ng napakatindi at nakapanghihinang damdamin. Gayunman, hindi komo nagdadalamhati ang isang tao ay wala na siyang pananampalataya. Sinabi ng Tagapagligtas, “Kayo ay mamuhay nang magkakasama sa pag-ibig, kaya nga tatangisan ninyo ang pagkawala ng mga yaong namatay” (D at T 42:45). Ang pagdadalamhati ay tanda ng pagmamahal natin sa ating pumanaw na mga mahal sa buhay at sa pagpapahalaga natin sa ating kaugnayan sa kanila.

Humingi ng tulong. Kapag nagdadalamhati kayo, parang nakapanghihina ang mga bagay-bagay. Ang paghingi ng tulong ay magbibigay ng mga sagradong oportunidad na mahalin at paglingkuran kayo ng iba. Ang pagtutulot na tulungan nila tayo ay maaaring magpagaling at magpalakas hindi lamang sa inyo kundi pati na rin sa kanila.

Patuloy na makipag-ugnayan sa iba. Ang ilang tao ay nagluluksa nang lihim at maaaring kung minsa’y humihiwalay, kaya patuloy na makipag-ugnayan sa inyong mga kapamilya at kaibigan. Tumulong paminsan-minsan sa inyong nagdadalamhating mga kapamilya, kamag-anak, at kaibigan, at mag-alok ng tulong dahil maaaring hindi sila lumapit sa inyo.

Umasa sa Tagapagligtas. Sa huli, ang Tagapagligtas ang pinagmumulan ng paggaling at kapayapaan. “Binibigyan … tayo ng Kanyang Pagbabayad-sala ng pagkakataong manawagan sa Kanya na dumanas ng lahat ng ating mortal na kahinaan upang pagalingin at palakasin tayo na dalhin ang mga pasanin ng mortalidad. Alam niya ang ating dalamhati, at nariyan Siya para sa atin. Gaya ng mabuting Samaritano, kapag nakita Niya tayong sugatan sa tabing-daan, bebendahan Niya ang ating mga sugat at aalagaan tayo (tingnan sa Lucas 10:34).”9

Unawain natin na kailangan nating lahat na lubos na umasa sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala sa paghahangad nating gawin ang ating tungkulin. Sa mapagpakumbabang pagkilalang iyan, hangarin nating maunawaan ang ating pamilya at ating kapwa na naliligalig, tulungan sila nang may pagmamahal, at magkasamang palakasin ang pananampalataya at tiwala sa Tagapagligtas, na babalik at “papahirin niya ang bawa’t luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man” (Apocalipsis 21:4).

Mga Tala

  1. Kevin Hines, sa Amanda Bower, “A Survivor Talks About His Leap,” Time, Mayo 24, 2006, Time.com.

  2. M. Russell Ballard, sa Jason Swenson, “Elder Ballard Offers Comfort and Counsel to Those Affected by Suicide,” Church News, Dis. 19, 2014, news.lds.org.

  3. Tingnan sa World Health Organization, Preventing Suicide: A Global Imperative (2014), 2.

  4. Tingnan sa M. David Rudd at iba pa, “Warning Signs for Suicide: Theory, Research, and Clinical Applications,” Suicide and Life-Threatening Behavior, vol. 36, no. 3 (2006), 255–62.

  5. M. Russell Ballard, sa “Sitting on the Bench: Thoughts on Suicide Prevention” (video), lds.org/media-library.

  6. Dale G. Renlund, “Sa Paningin ng Diyos,” Liahona, Nob. 2015, 94.

  7. Tingnan sa John R. Jordan, “Is Suicide Bereavement Different? A Reassessment of the Literature,” Suicide and Life-Threatening Behavior, vol. 31, no. 1 (2001), 91–102.

  8. M. Russell Ballard, “Suicide: Some Things We Know, and Some We Do Not,” Ensign, Okt. 1987, 8.

  9. Dallin H. Oaks, “Pinalakas ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Liahona, Nob. 2015, 64.