2016
Mga Aral mula kay Inay
October 2016


Mga Aral mula kay Inay

lessons from mother

Noong lumalaki ako, tuwing magkakaroon ako ng pera, kinukuha ng nanay ko ang pinakamalulutong na bills o perang papel—ang mga di-gaanong lukot o marumi—at ibinibigay ang mga ito sa pastor ng simbahan na dinadaluhan namin. Buong buhay niya itong ginawa. Sabi niya, “Sa Diyos ito.” Hindi ko na nalimutan ang mga salitang iyon simula noon. Nang mabinyagan ako sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong nasa hustong gulang na ako, hindi ako nahirapang magbayad ng ikapu dahil tinuruan na ako ng nanay ko na sundin ang batas na iyon.

Tinuruan din ako ng nanay ko na maging matapat, kahit mangahulugan ito ng paggawa ng mahihirap na bagay. Nagtanim ng lahat ng klase ng prutas at gulay ang kapitbahay namin. Kung minsan tumutubo ang prutas niya sa loob ng bakod namin. Minsa’y pumitas ako ng ilan sa prutas na ito at dinala ko iyon sa nanay ko. Tiningnan niya ako at sinabing, “Hindi atin ’yan.” Hindi ako makapaniwala. Sabi ko, “Ano po ang ibig ninyong sabihin? Nasa loob ito ng bakod natin!” Muli niyang sinabing, “Hindi atin ’yan.” Pagkatapos ay hinawakan niya ang kamay ko, at naglakad kami papunta sa kapitbahay namin. Humingi kami ng tawad sa pagkuha ng prutas niya. Sabi ng nanay ko, kung may gusto kami, kailangan naming kunin iyon sa matapat na paraan.

Siguro hindi miyembro ng Simbahan ang mga magulang ninyo, o hindi kayo palaging sang-ayon sa mga pasiya nila. Matututo pa kayo ng mga tunay na alituntunin mula sa kanila, tulad ng katapatan, responsibilidad, pag-asa sa sarili, at kasipagan. Ang mga alituntuning iyon ay magiging malalaking pagpapala sa buhay ninyo.