Mga Kabataan
Mga Sunog at mga Aral tungkol sa Pagsunod
Minsan ay nagkuwento si Pangulong Thomas S. Monson tungkol sa isang pagkakataon na natutuhan niya ang kahalagahan ng pagsunod. Noong siya ay walong taong gulang, binisita ng kanyang pamilya ang kanilang cabin o bahay sa kabundukan. Gusto nila ng kaibigan niya na hawanin ang madamong bahagi para sa isang campfire. Sinubukan nilang hawanin ang mga damo nang mano-mano, hinihila at hinahatak ang mga ito nang husto hangga’t kaya nila, pero iilang ligaw na damo lang ang nabunot nila. Paliwanag ni Pangulong Monson, “At pagkatapos ay dumating sa walong-taong-gulang kong isipan ang inakala kong magandang solusyon. Sabi ko kay Danny, ‘Kailangan lang nating sunugin ang mga damong ito. Sunugin lang natin ang gitna ng damuhan!’”
Kahit alam niya na hindi siya pinapayagang gumamit ng posporo, tumakbo siya pabalik sa bahay para kumuha ng ilang posporo, at nagparikit sila ni Danny ng munting apoy sa madamong lugar na iyon. Inasahan nilang mamamatay ito nang kusa, ngunit sa halip ay lumaki at naging mapanganib ang apoy na iyon. Tumakbo sila ni Danny para humingi ng tulong, at di-nagtagal ay humangos doon ang matatanda para patayin ang apoy bago ito umabot sa mga puno.
Pagpapatuloy ni Pangulong Monson, “Natutuhan namin ni Danny ang ilang matitindi pero mahahalagang aral nang araw na iyon—ang malaking bahagi nito ay ang kahalagahan ng pagsunod.” (Tingnan sa “Ang Pagsunod ay Nagdudulot ng mga Pagpapala,” Liahona, Mayo 2013, 89–90.)
Gaya ni Pangulong Monson, kinailangan ba ninyong matuto ng aral sa pagsunod sa mahirap na paraan? Anong mga mithiin ang magagawa ninyo para manatili kayong ligtas sa pamamagitan ng pagsunod sa hinaharap?