2016
Nangisda
October 2016


Nangisda

Ang awtor ay naninirahan sa Georgia, USA.

Hindi makapaghintay si Hayden na mangisda! Kung hindi lang sumama si Dan. …

“Dito ako’y may mag-anak. Kami’y nagmamahalan.” (Aklat ng mga Awit Pambata, 98).

gone fishing

“Sunggaban na natin ang mga gamit. Oras na para mangisda!” sabi ni Itay.

Napangisi si Hayden nang tingnan niya ang paligid. Lahat ay maliwanag at humuhuni ang mga insekto. Kanilang-kanila ang buong lawa!

Habang sinusundan si Itay, nagpunta si Hayden sa likuran ng kotse at binuhat ang malaking tackle box (lalagyan ng mga gamit) sa pangingisda mula sa trunk nito. Mabigat iyon, pero okey lang sa kanya. Doble pa roon ang bubuhatin niya makapangisda lang siya na kasama si Itay.

Nagkalampagan ang mga pamingwit nang hilahin ni Itay ang mga ito. “Mukhang nakatulog si Dan,” sabi niya. “Pakigising mo nga?”

Pinigil ni Hayden na bumuntung-hininga. “Ah, sige po.”

Muntik na niyang malimutan na sumama rin ang nakababata niyang kapatid na si Dan. Mahilig si Dan na magtatakbo sa paligid at magsalita nang malakas. Baka takutin niya ang lahat ng isda palayo!

Sumilip siya sa bukas na bintana. “Dan, gising na.”

Pero tulog na tulog pa rin si Dan.

Tumigil sandali si Hayden. Baka sakaling matulog lang si Dan sa buong biyahe.

Tahimik na binuhat ni Hayden ang tackle box sa pangingisdaan ni Itay sa pampang.

“Narito ang pain, mga bulate at lahat na!”

Kinuha ni Itay sa kanya ang tackle box. “Okey, salamat.” Pagkatapos ay tumingala si Itay. “Nasaan ang kapatid mo?”

Lumingon si Hayden sa kotse. Bigla niyang naisip kung ano ang magiging pakiramdam niya kung magising siyang mag-isa sa isang bagong lugar. Masama, pagpapasiya ni Hayden. Katunayan, baka nga masyado siyang matakot. At limang taon pa lang si Dan.

“Sandali lang po, Itay. Babalik po ako kaagad.” Ngunit nang tingnan niya ang loob ng kotse, wala si Dan!

Hindi na marinig ni Hayden ang paghuni ng mga insekto. Tila tumahimik ang lahat.

“Wala po rito si Dan!” sigaw ni Hayden.

Nagmamadaling lumapit si Itay at mabilis na tiningnan ang kotse.

“Baka hinahanap lang niya tayo,” sabi ni Itay. “Isang minuto pa lang ang nakalipas. Hindi siya makakalayo.”

Sinikap ni Hayden na manatiling mahinahon, ngunit bumabaligtad ang kanyang sikmura. “Puwede po ba akong magdasal?”

“Palagay ko magandang ideya iyan.”

Pinasalamatan ni Hayden ang Ama sa Langit para sa nakababata niyang kapatid at hiniling na matagpuan kaagad nila si Dan para hindi ito matakot.

Nang matapos si Hayden, hindi na nagsikip ang puso niya.

Inakbayan ni itay si Hayden. “Paano kung ikaw si Dan? Saan ka pupunta?”

Napansin ni Hayden na bukas ang pintuan ng kotse sa kabila. Hindi siguro sila nakita ni Dan sa pampang. Itinuro ni Hayden ang isang daanan sa malapit. “Siguro po maglalakad ako papunta roon,” sabi niya.

Nagmadali silang naglakad sa daanang iyon.

Parang mabagal ang takbo ng bawat segundo. Habang naglalakad siya, panay ang dasal ni Hayden sa kanyang isipan. Pagkaraan ng ilang hakbang, nakarating sila sa isang kurbada sa daanan at nakita nila si Dan sa banda roon.

“Dan!” sigaw ni Hayden.

Lumingon si Dan at ngumiti. “Hoy, saan kayo galing?”

Muling bumilis ang takbo ng oras. Tinakbo ni Hayden si Dan at niyakap ito nang mahigpit.

“Tuwang-tuwa ako at nakita ka namin,” sabi ni Hayden. Umusal siya ng maikling dasal ng pasasalamat sa kanyang isipan.

Ngumisi lang si Dan. “Nasaan ang mga isda?”

“Halika, ipapakita ko sa iyo,” sabi ni Hayden. Kating-kati ang mga paa na tumakbo siya papunta sa lawa. “Tingnan natin kung sino ang makakahuli ng unang isda. Tutulungan kitang painan ang bingwit mo.”