Matuto sa Akin
Isang Gabi Kasama si Elder D. Todd Christofferson
Mensahe sa CES Religious Educators • Enero 26, 2018 • Salt Lake Tabernacle
Nagpapasalamat akong makapiling kayo ngayong gabi. Ang mensahe ko ay salita ng pagmamahal at pasasalamat sa mga guro ng bagong henerasyon sa seminary, institute, at pag-aaral ng relihiyon sa mga paaralan, kolehiyo, at unibersidad ng Simbahan. Mahal ko kayo, at salamat sa inyong napakagandang gawain. Nagpapasalamat din ako sa inyong mga pamilya at sa pagsuporta nila sa inyo. Kayo ay malaking pagpapala sa mga kabataan at mga young adult na tinuturuan ninyo.
Ngayong gabi gusto kong ibahagi ang isang kaisipan sa inyo na sana ay makatulong sa paghahangad ninyong tulungan ang inyong mga estudyante na matutong mabuti sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ang malalim na pagkatuto sa ebanghelyo, pagkatuto nang buong puso at kaluluwa, ay nangyayari kapag nadaragdagan ang kakayahan ng ating mga estudyante na gawin ang tatlong bagay:
-
Lumago sa kaalaman at pang-unawa sa ebanghelyo, sa kanilang puso at isipan.
-
Gawing saligan ang kaalamang iyon upang magkaroon ng kakayahan sa epektibo at matuwid na hakbang.
-
Lumago sa mga katangian at pag-uugaling katulad ng kay Cristo upang lalong maging katulad ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo.
May paanyaya ang Panginoong Jesucristo na matutong mabuti sa dalawang talata ng banal na kasulatan. Ang una ay sa Mateo 11:28–29: “Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.”1
Ang pangalawa ay nasa Doktrina at mga Tipan 19:23: “Matuto ka sa akin, at makinig sa aking mga salita; lumakad sa kaamuan ng aking Espiritu, at ikaw ay magkakaroon ng kapayapaan sa akin.”2
Sa kapwa talata ay ipinaaabot ng Panginoon ang paanyaya: matuto sa akin. Gaya ng sinabi ni Elder Neal A. Maxwell maraming taon na ang nakalipas, ang paanyayang ito ay nakasento sa kapangyarihang tumubos ng Panginoong Jesucristo, at ito ay paanyayang matutong mabuti. Sinabi ni Elder Maxwell: “May mga natatanging paraang maitutulad natin ang ating sarili sa … mga banal na kasulatan tungkol kay Jesus at sa Pagbabayad-sala, gayunman ang lahat ay tinalakay sa mahalagang kasulatang ito: ‘Pasanin ninyo ang aking pamatok at mag-aral kayo sa akin.’3 Sa katunayan, wala nang ibang paraan para matuto nang lubos!”4
Ang tanging paraan para matutong mabuti ay ang paraan ng Panginoon—sa paghahayag at inspirasyon sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, sa aktibong masigasig na pag-aaral at pagsisikap, at pagtuturo sa isa’t isa na may kasamang biyaya ni Jesucristo.5
Ibig sabihin nito ang paanyaya ng Tagapagligtas na “matuto sa akin” ay may dalawang magkaugnay na kahulugan na sa magandang paraan ay tugma sa paraan ng Panginoon upang matutong mabuti.
Ang unang kahulugan ng “matuto sa akin” ay: Matutong kilalanin ako.
Natututuhan nating kilalanin si Jesucristo sa pamamagitan ng pagsampalataya sa Kanya at pagbaling sa Kanya upang magsisi, na naghahangad ng Kanyang pagpapatawad at Kanyang kapangyarihang tumubos, at pagsunod sa Kanyang mga utos. Ang makilala Siya ay espirituwal na maisilang sa Kanya, dumaranas ng malaking pagbabago ng puso, nagiging Kanyang mga anak. Ang pagkatutong makilala si Jesucristo ay nagbubukas ng ating mga puso at isipan sa impluwensya ng Espiritu Santo at naghahatid sa atin ng katiyakan ng pagmamahal ng Panginoon.
Ang pangalawang kahulugan ng “matuto sa akin” ay: Matuto mula sa akin.
Alam ng Panginoong Jesucristo kung ano ang talagang kailangan natin. Ang Kanyang kaalaman at pang-unawa, Kanyang katalinuhan at Kanyang ugali, ay perpektong lahat, kumpleto. Habang subsob tayo sa mga banal na kasulatan, natututo tayo mula sa Kanyang perpektong halimbawa. Dahil taglay Niya ang bawat banal na katangian at ugali, ang ating pag-aaral ng ebanghelyo ay dapat nakatuon sa Kanya. Habang nakikilala natin Siya, nangangako Siya na tutulungan tayong matutong mabuti mula sa Kanya. Siyempre, kailangan tayong kumilos nang may pananampalataya kay Jesucristo para gawin ang ating bahagi, ngunit sa paggawa natin nito, nangangako Siyang bibigyan tayo ng kaalaman at pupukawin ang ating pang-unawa sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Nangangako Siyang pag-iigihin ang ating kakayahang kumilos nang matuwid at tutulungan tayong maging lalong katulad Niya. Ito ang malalim na pagkatuto.
Alam nating totoo ang mga bagay na ito. Kung matapat tayo, tuturuan tayo ng Panginoon nang taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin habang tayo’y nabubuhay.
Mahal kong mga kapatid, inaanyayahan ko kayong seryosohin ang paanyaya ng Tagapagligtas na matuto sa Kanya. Sa paggawa nito, kayo ay matututong mabuti, at tutulungan ninyo ang inyong mga estudyante na matuto ring mabuti. Inaanyayahan ko rin kayong magpatotoo tungkol sa mga walang-hanggang katotohanang ito. Magiging napakabisa para sa inyong mga estudyante na marinig kayong magpatotoo mula sa sarili ninyong karanasan sa pagkilala sa Panginoon at pagkatuto mula sa Kanya.
At tinatapos ko ang aking mensahe ngayong gabi sa sarili kong patotoo. Alam kong ang Diyos ay buhay at na si Jesus ang Cristo! Alam ko ang pagmamahal ng Tagapagligtas at ang Kanyang mapantubos na kapangyarihan mula sa sarili kong karanasan at sa paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Nakadarama ako ng pagpapakumbaba at nakagagalak na maturuan ng Panginoong Jesucristo. Pinatototohanan ko na ang Kanyang mga pangako ay totoo. Ang malalim na pagkatuto ay tunay, at ito ay ating pribilehiyo at pribilehiyo ng ating mahal na mga estudyante. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.
© 2018 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan. Pagsang-ayon sa Ingles: 11/17. Pagsang-ayon sa pagsasalin: 11/17. Pagsasalin ng “Learn of Me.” Tagalog. PD60005340 893