Nagtatagal ang Katotohanan
Isang Gabi Kasama si Elder D. Todd Christofferson
Mensahe sa CES Religious Educators • Enero 26, 2018 • Salt Lake Tabernacle
Nagpapasalamat ako sa aking Ama sa Langit sa pagkakataong makasama kayo ngayong gabi. Nagpapasalamat ako kina Elder Kim B. Clark at Brother Chad H Webb. Hinahangaan ko ang lahat ng nabanggit sa gabing ito o ang mga nakalista sa naka-print na programa. Lubos akong nagpapasalamat sa Church Educational System, sa mga seminary at institute. Lubos kong hinahangaan ang lahat ng naglilingkod dito—ang mga associate, volunteer, at lahat ng nag-aambag. Naniniwala ako na ang paglilingkod na ginagawa ninyo ay napakaimportante at mahalaga sa mga miyembro ng Simbahan, lalo na sa bawat bagong henerasyon, at nagpapasalamat ako sa inyo.
Gusto kong magsalita sa inyo tungkol sa katotohanan ngayong gabi. Ang Church Educational System ay dedikado sa pagtuturo at pagtatanim ng katotohanan, lalo na ang pinakaprominente at pangunahing mga katotohanan na saligan ng buhay na walang-hanggan. Mahalaga na ito noon pa hindi lamang para ituro kundi para ipagtanggol ang katotohanan, at sa panahon natin tila lumalaki ang pangangailangan na ito.
Natatandaan nating lahat ang panahon na ipinagsakdal si Jesus sa harapan ni Pilato at ipinahayag na naparito Siya sa mundo upang “magpatunay sa katotohanan. Ang bawa’t isang sangayon sa katotohanan,” sinabi ni Jesus, “ay nakikinig sa aking tinig.”1 Si Pilato, na tila nangungutya, ay sumagot, “Ano ang katotohanan?”2 Ito ay isang tanong na retorikal. Maaaring hindi siya naniwala na umiiral ang katotohanan, o malamang pagkatapos ng buhay na balot ng intriga sa pulitika, lubos niyang ninanais na malaman kung ano talaga ang totoo. Gayunman, maganda ang tanong niya, isang tanong na dapat nating pag-isipan.
Sa Kanyang napakagandang panalangin sa Huling Hapunan, pinatotohanan ng Panginoon na ang salita ng Ama ay katotohanan.3 Sinabi Niya na ang ulat o patotoo ng Espiritu Santo ay totoo, at na “ang katotohanan ay mananatili magpakailanman at walang katapusan.”4 Ang Ama at Anak ay sinasabing parehong puno ng biyaya at katotohanan.”5 Sa paghahayag kay Propetang Joseph Smith, ibinigay ng Tagapagligtas ang marahil ay pinakamaikling kahulugan ng katotohanan: “Ang katotohanan ay kaalaman ng mga bagay sa ngayon, at sa nakalipas, at sa mga darating pa.”6
Bagamat ang kahulugan na ito ay matapat, ang implikasyon nito ay kung walang tulong mula sa langit, hindi magiging madali sa mortal na tao na matamo ang katotohanan. Ipinaliwanag ito ng BYU emeritus professor na si Chauncey C. Riddle sa ganitong paraan:
“Ang mortal na tao ay mayroon lamang kaunting kaalaman sa katotohanan ng mga bagay ngayon, sa nakalipas, at sa hinaharap. At dahil nakadepende ang ating pag-intindi sa mga ugnayan, bilang mga mortal, hindi natin maiintindihan ang kapirasong katotohanan na alam natin sa kabuuan nito sapagka’t ito ay maiintindihan lamang kung ito ay ihahambing sa lahat ng bagay at sa nakalipas, [kasalukuyan] at hinaharap ng lahat ng bagay.
“Kung gayon, tanging mga diyos lamang ang lubusang nakakaintindi ng katotohanan, sila na alam ang lahat at nakakakita at nakakaalam ng lahat ng bagay ng nakalipas, kasalukuyan, at hinaharap.”7
Nagpatuloy si Professor Riddle sa pagsasabing:
“Upang iligtas ang sangkatauhan sa limitadong kakayahan na mabatid ang katotohanan, ibinigay sa atin ng ating Ama ang ating Tagapagligtas, si Jesucristo, at ang Espiritu Santo. Ibinigay ng Tagapagligtas sa lahat ng lalaki at babaeng ipinanganak sa mundong ito ang Liwanag ni Cristo, na sa pamamagitan nito ay malalaman nila ang tama mula sa mali. … Kung tinatanggap at minamahal ng isang tao ang Liwanag ni Cristo, at matututong gamitin ito palagi upang malaman ang tama mula sa mali, siya ay magiging handa na tanggapin ang patotoo ng Espiritu Santo. … Ang taong may [kaloob na Espiritu Santo] ay may karapatan sa palagiang paggabay ng Espiritu. Ang kahit sinong taong may palagiang paggabay ng Espiritu ay matatamo ang buong katotohanan. ‘At sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay [Moroni 10:5].’”8
Ito ay kinumpirma ng Tagapagligtas sa sinabi Niya sa Huling Hapunan: “Gayon ma’y kung siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan.”9 Kay Joseph Smith, idinagdag Niya, “Siya na sumusunod sa [aking] mga kautusan ay tumatanggap ng katotohanan at liwanag, hanggang sa siya ay maluwalhati sa katotohanan at malaman ang lahat ng bagay.”10
Ang unang dapat nating maintindihan tungkol sa katotohanan, kung gayon, ay ang pagtatamo ng kaalaman sa katotohanan, gaano man karami ito, ay nangangailangan ng tulong mula sa langit, na galing sa Liwanag ni Cristo o sa tulong ng Espiritu Santo.Dahil sa ating limitadong mortal na kapasidad at mapagkukunan, kung walang paghahayag, hindi tayo magkakaroon ng komprehensibong kaalaman ng mga bagay noon, ngayon, at sa hinaharap at kung paano nauugnay ang isang bagay sa lahat ng bagay sa nakaraan, kasalukuyan, o hinaharap.
Gayunman, pinayuhan ng Panginoon si Propetang Joseph Smith na “mag-aral at matuto, at maging bihasa sa lahat ng mabuting aklat, at sa mga salita, wika, at tao.”11 At pati tayo ay Kanyang pinayuhan, “maghanap kayo sa mga pinakamabubuting aklat ng mga salita ng karunungan [o maaari nating sabihin na katotohanan]; maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya.”12 At dapat natin itong gawin, sabi Niya, “nang masigasig.”13 Dapat natin itong gawin sa abot-kaya natin, at kabilang sa abot-kaya natin ang pananampalataya—aktibong nagtatanong, naghahanap, at kumakatok upang mabuksan sa atin ang katotohanan at liwanag na galing sa Diyos.14 Ito ang “malalim na pagkatuto,” tulad ng inilarawan ni Elder Kim Clark ngayong gabi.
Naniniwala ako na ang karamihan, kung hindi man lahat, ng katotohanang kaya nating tuklasin ay dumarating sa pamamagitan ng tulong ng langit, kilalanin man natin ito o hindi. Sa pagsusulat tungkol sa Liwanag ni Cristo o Espiritu ni Cristo, binanggit ni Pangulong Boyd K. Packer:
“Maliliwanagan ng Espiritu ni Cristo ang imbentor, siyentipiko, pintor, iskultor, kompositor, aktor, arkitekto, awtor upang lumikha ng magaling at inspiradong mga bagay para sa pagpapala at ikabubuti ng buong sangkatauhan.
“Mahihikayat ng Espiritung ito ang magsasaka sa kanyang bukid at ang mangingisda sa kanyang bangka.Mabibigyang-inspirasyon nito ang guro sa klase, ang missionary sa paglalahad niya ng talakayan. Mabibigyang-inspirasyon nito ang estudyanteng nakikinig.At ang napakahalaga, mabibigyang-inspirasyon nito ang mag-asawa, at ama at ina.”15
Tayo, higit sa lahat ng tao, ay dapat mapagpakumbaba at makatotohanan upang tanggapin na hindi lamang tayo naligtas sa pamamagitan ng biyaya “sa kabila ng lahat ng ating magagawa,” kundi ang ating pagtatamo ng katotohanan ay mangyayari din sa pamamagitan ng biyaya “sa kabila ng lahat ng ating magagawa.”16 “Sapagkat ang salita ng Panginoon ay katotohanan, at anumang katotohanan ay liwanag, at anumang liwanag ay Espiritu, maging ang Espiritu ni Jesucristo.”17
Ngayon ay sasabihin ko ang pahayag ng Tagapagligtas, “ang katotohanan ay mananatili nang magpakailanman at walang katapusan.”18 Sa bahagi 93 ng Doktrina at mga Tipan, ipinahayag ng Panginoon, “Lahat ng katotohanan ay nagsasarili sa yaong katayuan na pinaglagyan ng Diyos, upang kumilos sa kanyang sarili, gaya rin ng lahat ng katalinuhan; kung hindi ay walang pagkabuhay.”19 Ang pagkakaintindi ko rito ay lahat ng katotohanan, kabilang ang katotohanan na sumasaklaw sa kasalukuyan nating katayuan, ay nagsasarili at hiwalay. Hindi ito naaapektuhan ng aking kagustuhan o ng inyong opinyon. Ito ay hindi nakabatay sa anumang pagpipilit na kontrolin o baguhin ito. Hindi ito maiimpluwensyahan sa anumang paraan. Ito ay permanenteng katotohanan.
Sinabi ng Tagapagligtas na kung wala ang permanenteng katotohanang ito, “walang pagkabuhay.”20 Naniniwala akong ito ang nasa isip ni Lehi nang ituro niyang:
“At kung sasabihin ninyong walang batas [ang salitang batas dito ay maihahalintulad sa salitang katotohanan, katotohanan na ‘nagsasarili sa yaong katayuan na pinaglagyan ng Diyos’], sasabihin din ninyong walang kasalanan [ang kasalanan ay nangangahulugang hindi pagsunod sa batas]. At kung sasabihin ninyong walang kasalanan, sasabihin din ninyong walang katwiran [ang katwiran ay pagsunod sa batas; sa ibang salita, kung walang batas o katotohanan walang bagay na susundin o susuwayin]. At kung walang katwiran ay walang kaligayahan [ang kaligayahan bilang resulta ng katwiran]. At kung walang kabutihan ni kaligayahan ay walang kaparusahan ni kalungkutan [ang kaparusahan at kalungkutan bilang resulta ng kasalanan]. At kung wala ang mga bagay na ito ay walang Diyos. At kung walang Diyos ay wala tayo, ni ang mundo; sapagkat hindi sana magkakaroon ng paglikha sa mga bagay, ni kumikilos o pinakikilos, anupa’t, lahat ng bagay ay tiyak na maglalaho.”21
Sa pamamagitan ng mga bagay na ito, malalaman natin na nabubuhay ang katotohanan, na ito ay representasyon ng isang nakapirmi at di-nababagong katunayan, na kung walang tulong, ang kabuuan ng katotohanan na malalaman ng mga mortal ay kaunti, at tayo ay nakadepende sa tulong ng banal na paghahayag upang malaman ang “katotohanan ng lahat ng bagay,”22 at tayo at ang Diyos ay dumedepende sa katotohanan upang kumilos at lumikha, “kung hindi ay walang pagkabuhay.”23 Kahit saan ay matututuhan natin na ang katotohanan ay hindi sinasalungat ang isa pang katotohanan, na ang lahat ng katotohanan ay nakapaloob sa isang buong katotohanan.
Ngayon, saan natin makikita ang ating sarili sa panahon ngayon habang sinisikap nating ituro at pagtibayin ang katotohanan, lalo na ang espirituwal na katotohanan?
Sa karamihan sa mundo, ang relativist na pag-iisip ay naging dominanteng pilosopiya. Sa salitang relativism, and ibig kong sabihin ay ang pananaw na ang mga etikal at moral na katotohanan ay relative o nagbabago, na ang mga ito ay nakadepende sa mga saloobin at pakiramdam ng mga tao na naniniwala dito, at walang sinumang makapanghuhusga sa katumpakan ng “katotohanan” ng ibang tao.Madalas ninyong naririnig ngayon ang mga salitang “aking katotohanan” at “kanyang katotohanan.” Ang ganitong pag-iisip ay inilarawan ng kolumnistang si David Brooks, sa pagsusuri niya ng librong Lost in Translation ng sociologist mula sa Notre Dame na si Christian Smith at ng iba pa. Iniulat ni Brooks:
“Ang karaniwang paniniwala nila [mga nainterbyu ni Smith], na binalik-balikan ng karamihan sa kanila, ay depende na lang sa tao ang pipiliin niyang tamang gawin. ‘Personal iyon,’ ang karaniwang sagot nila. ‘Nasa tao na iyon. Sino ba ako para makialam?’
“Sa pagtanggi sa bulag na pagsunod sa awtoridad, maraming kabataan ang naniniwala sa lubos na kabaligtaran nito: ‘Gagawin ko ang pinaniniwalaan kong magpapaligaya sa akin o ang gusto kong gawin. Wala akong alam na iba pang paraan para malaman ang aking gagawin maliban sa pagsunod sa nasasaloob ko.’
“Marami ang mabilis magbahagi ng kanilang mga naramdaman ngunit nag-aalangan na ikonekta ang mga pakiramdam na ito sa mas malawak na kaisipan tungkol sa nagbubuklod na moral framework o obligasyon. Katulad ng sinabi ng isang tao, ‘Siguro ang nagpapatama sa isang bagay ay kung ano ang nararamdaman ko tungkol dito. Pero ang bawat tao ay may kanya-kanyang pananaw, kaya hindi ko masasabi ang tama at mali base sa pananaw nila.’”24
Sa tingin ko kayo ay sasang-ayon na ang pilosopiya ng moral relativism ay namamayagpag sa panahon natin. Ang “hindi paghusga” ay naging halos hindi nagbabagong pamantayan sa pakikipag-usap at pag-uugali. Ngunit ang totoo, lahat tayo ay humuhusga kung ano ang tama at mali, hindi lang para sa atin, kundi para sa mga tao at sa lipunan na nasa paligid natin. Ang mga batas at sistema ng mga batas, kahit ang mga sistema ng pulitika, ay sagisag ng mga moral na prinsipyo at kinikilalang katotohanan. Sa isang pluralistic na lipunan, maaaring pagdebatehan ang mga prinsipyo na dapat ipaloob sa mga batas o regulasyon at kung ano ang tama, mali at totoo, ngunit sa huli, sa kahit anumang isyu, ang pananaw ng isang tao, o ang pananaw ng isang grupo tungkol sa katotohanan, ang mananaig at ang lahat ay matatali dito.
Ang moral relativism ay hindi naaayon kung nais nating magkaroon ng kaayusan at hustisya sa lipunan. Maaari bang ang pagpatay ng tao ay mali sa karamihan ngunit tama para sa iba? Ang isang magnanakaw ba ay nararapat na itabi ang kanyang mga ninakaw at patuloy na magnakaw dahil naniniwala siyang tama ang pagnanakaw para sa kanya, lalo na’t lumaki siyang salat sa kabuhayan?O kung titingnan ang balita ngayon, ang isang lalaki ba ay tama na sekswal na abusuhin ang isang babae dahil ito ay angkop sa kanyang paniniwala ng tama at mali?
“Kunsabagay,” maaaring sabihin ng isang tao, “ang sinasabi mo ay ang mga bagay na tanggap ng karamihan na mali. May ilang prinsipyo na kusang umiiral na likas sa tao na batayan para sa mga batas laban sa pagpatay, panggagahasa, pagnanakaw, at iba pang mga aksyon na nakakasakit ng ibang tao o humahadlang sa kanilang lehitimong paghahangad ng kaligayahan. Ang mga ito ay mahalaga at unibersal na karapatang pantao na nagpapawalang-bisa sa anumang indibiduwal na karapatan na salungat dito. Tanging sa ibang mga bagay ng kinikilalang mga karapatang pantao na ito maaaring gamitin ang moral relativism, kung saan ang bawat tao ay maaaring magpasiya sa kanyang sarili kung ano ang tama o mali.”Ngunit ang pag-iisip na ito ay nagpapatunay na may mga moral absolute, kahit pa tawagin itong unibersal na karapatang pantao o kung anupaman. May mga katotohanan at konseptong moral na nahihiwalay sa personal na kagustuhan. Ang tanging debate ay, ano ang mga iyon at gaano ang saklaw ng mga ito.Ang pinatutungkulan natin na moral relativism, sa katunayan, ay ang debate tungkol sa pagpaparaya: Aling mga aksyon at pagkakaiba ang dapat ipagparaya sa lipunan at sa relasyon ng mga tao?
Ang ating tungkulin, at ito ay napakahalaga sa ating panahon, ay ituro ang katotohanan ng mga moral na konsepto: ano ang mga ito at gaano ang saklaw ng mga ito. Itinatangi natin ang katotohanan na nagmumula sa anupamang mapagkukunan, ngunit ang walang-hanggang katotohanan, lalo na kung ito ay may kinalaman sa kahulugan at layunin at takbo ng buhay, ay kailangang makuha mula sa Diyos. Hindi nakikita ng mga taong moral relativist ang papel o halaga ng Diyos sa usapang ito at karaniwang nagdududa na buhay nga Siya. Magiging abala sa kanila kung totoo nga na buhay Siya, at lalo na kung nakikipag-usap Siya sa tao.Ang katotohanan ay nababago lamang kung walang Diyos.
Iniulat kamakailan ng Pew Research na sa unang pagkakataon, karamihan sa mga Amerikano (56 na porsiyento) ang nagsasabing di kailangang magkaroon ng paniniwala sa relihiyon upang maging mabuting tao.“‘Hindi kailangan ang Diyos upang magkaroon ng mabuting prinsipyo at moralidad,’ sabi ni Greg Smith, associate director ng Pew sa research, sa isang pahayag niya tungkol sa kinalabasan ng research.”25
Sigurado akong lahat tayo ay sasang-ayon na ang mga taong ateista o kaya’y walang kinaaanibang relihiyon o walang relihiyosong paniniwala ay maaaring maging, at madalas sila ay, mabubuting tao. Ngunit hindi tayo sasang-ayon na ito ay nangyayari nang walang kinalaman ang Diyos. Kagaya ng nabanggit kanina, gustuhin man ito ng isang tao o hindi, maniwala man siya o hindi, alam man niya ito o hindi, siya ay mayroong Liwanag ni Cristo kung kaya’t mayroon din siyang kaalaman sa tama at mali na minsan ay tinatawag nating konsensya. Sinabi ng Tagapagligtas, “Ako ang tunay na ilaw na nagbibigay-liwanag sa bawat tao na dumarating sa daigdig.”26 Mababasa rin natin: “At ang Espiritu ay nagbibigay ng liwanag sa bawat tao na dumarating sa daigdig; at ang Espiritu ay nagbibigay-liwanag sa bawat tao sa pamamagitan ng daigdig, na nakikinig sa tinig ng Espiritu.”27
Si Pangulong Boyd K. Packer, sa artikulo na binanggit ko kanina, ay nagturo:
“Bawat lalaki, babae, at bata ng bawat bansa, relihiyon, o lahi—lahat, saanman sila nakatira o anuman ang kanilang paniniwala o ginagawa—ay nagtataglay sa kanilang kalooban ng di-maglalahong Liwanag ni Cristo. Sa ganito, nilikha nang pantay-pantay ang lahat ng tao. Ang Liwanag ni Cristo sa lahat ay patotoo na ang Diyos ay walang itinatangi” (tingnan sa D at T 1:35). Pantay-pantay ang pagtrato Niya sa lahat sa pagbibigay ng Liwanag ni Cristo.”28
Ang Liwanag ni Cristo na umiiral sa bawat mortal ang nasa isip ni Lehi nang ipahayag niyang, “At ang tao ay tinuruan nang sapat upang kanilang makilala ang mabuti sa masama. … At dahil sa sila ay tinubos mula sa pagkahulog sila ay naging malaya magpakailanman, nakikilala ang mabuti sa masama; kumikilos para sa kanilang sarili.”29 Paghimok ni Mormon: “Masigasig na saliksikin ninyo ang liwanag ni Cristo upang inyong malaman ang mabuti sa masama; at kung kayo ay mananangan sa bawat mabuting bagay, at hindi ito susumpain, kayo ay tiyak na magiging isang anak ni Cristo.”30
Ang moral relativism ay nagdudulot ng pinsala sapagkat pinapaliit nito ang konsensya. Kung kikilalanin at susundin, ang konsensya ang magdadala sa higit na liwanag at katotohanan. Ngunit ang hindi pagpansin o pagpigil sa konsensya ay naglalayo sa liwanag at katotohanan tungo sa pagkakaila, pagkakamali, at panghihinayang. Ang pagkukunwari na walang permanente at obhetibo na katotohanan ay walang pinagkaiba sa pag-iwas sa responsibilidad at pananagutan. Hindi ito magdudulot ng kaligayahan.
Si J. Budziszewski, isang propesor ng pamamahala at pilosopiya sa University of Texas, Austin, ay naglathala ng isang nakakawiling artikulo sa Catholic journal na First Things na pinamagatang “The Revenge of Conscience.” Isinulat niya na ang konsensya ay bahagi ng likas na batas, “isang batas na nakasulat sa puso ng bawat tao.” Tayo, siyempre, ay inilalarawan ito bilang Liwanag ni Cristo. Anuman ang situwasyon, ang kanyang mga puna sa pagsubok na supilin ang konsensya ay kapaki-pakinabang.
Isinulat niya na “ang ating kaalaman tungkol sa mahahalagang pag-uugali [tulad ng mga nakapaloob sa Sampung Utos] ay hindi mawawala. May mga batas na hindi maaaring hindi natin alam.”31 Ang moral relativism ay itinatanggi na umiiral ang mahahalagang prinsipyong ito, o kung mayroon nito, itinatanggi na tama ito para sa lahat. Ang moral realism ay nangangatwiran na hindi natin talaga alam ang katotohanan, ngunit maaari natin itong hanapin at gawin ang abot-kaya natin, na tila sinusubukang makakita sa gabing mahamog. Ipinahayag ni Budziszewski, “Mas maalam tayo; alam natin na hindi pa natin nagagawa lahat ng makakaya natin. … Alam natin ang tama sa mali, ngunit iniisip natin na sana hindi natin ito alam. Nagkukunwari tayo na naghahanap ng katotohanan—upang makagawa tayo ng mali, palampasin ang mali, o pigilin ang ating pagsisisi sa mga pagkakamaling nagawa natin sa nakaraan. … Ang ating pagbagsak ay hindi dahil sa moral na kamangmangan kundi dahil sa panggigipit sa mga moral na prinsipyo.Hindi tayo mga mangmang, ngunit ‘itinatanggi’ natin ang katotohanan. Hindi tayo kulang sa moral na kaalaman; pinipigil natin ito.”32
Ang inilarawan ni Alma sa kanyang anak na si Corianton na “paggigiyagis ng budhi”33 ay tunay, at binabanggit ni Budziszewski na ang pagtatangkang pigilin ang konsensya o ibsan ang pagsisisi, nang hindi tunay na nagsisisi, ay hindi nagtatagumpay sa huli.Makikita natin ito sa mga taong nagkukunwari na ang alam nilang mali ay hindi mali. Maaaring sadya nilang ulit-ulitin ang paggawa ng isang kasalanan upang matakpan ang boses ng konsensya. Ang ibang mga tao ay maaaring magpakalunod sa social media, mga video game, at patuloy na pakikinig sa musika upang maiwasan ang mga tahimik na pagkakataon kung kailan maaari nilang marinig ang kanilang konsensya. Nakikita natin ito sa mga pangangatwiran na tila walang katapusan, sa bilang man o pagkakaiba. Ibinigay ni Budziszewski ang halimbawang ito, “Sinasabi ko sa sarili ko na ang pakikipagseks [nang hindi kasal] ay ayos lang dahil pakakasalan ko naman ang aking partner, dahil gusto ko na pakasalan ako ng partner ko, o dahil nais kong malaman kung magiging masaya kami sa aming pagpapakasal, … [o] hindi namin kailangan ng mga pangako dahil nagmamahalan kami.’ Ang implikasyon, siyempre, ay ang mga [may gusto o] nangangailangan ng pangako ay hindi tunay na nagmamahal.”34
Bukod sa pagkukunwari, panggagambala, at pangangatwiran, maaari ring gawin ng ibang tao na anyayahan ang iba na makilahok sa mga gawaing ito bilang isang paraan upang mabigyang katwiran ang ginagawa nila.Hindi sila “pribadong gumagawa ng kasalanan; sila ay nangangalap.”35 Maaari nating sabihin na si Satanas ang pangunahing mangangalap, “sapagkat hinahangad niya na ang lahat ng tao ay maging kaaba-abang katulad ng kanyang sarili.”36 Ang lubhang nakakabahala ay ang mga tao na nagpipilit na “ang lipunan ay dapat baguhin upang hindi na ito mapanagot. Kung kaya’t binabago nila ang mga batas, pinapasok ang mga eskwelahan, at gumagawa ng mapanghimasok na social-welfare na burukrasya.”37 Nagbabalang maigi si Isaias, “Sa aba nila na tumatawag sa masama na mabuti, at sa mabuti na masama, na inaaring liwanag ang kadiliman, at kadiliman ang liwanag, na inaaring mapait ang matamis, at matamis ang mapait!”38
Kung gayon, pagtatapos ni Budziszewski, ang ating mga pagsisikap na pigilin ang makapangyarihang puwersa ng konsensya at magbigay katwiran sa pagkakasala ang naglulubog sa lipunan sa mas malalim na moral na kalaliman. Idaragdag ko rin na ito ang dahilan ng pagkagalit na madalas ay lumalabas sa mga talakayan na may kinalaman sa mga pamantayan at prinsipyo ng lipunan.
Sa pakikipag-usap kay Nicodemo, sinabi ni Jesus:
“At ito ang kahatulan, na naparito ang ilaw sa sanglibutan, at inibig pa ng mga tao ang kadiliman kay sa ilaw; sapagka’t masasama ang kanilang mga gawa.
“Sapagka’t ang bawa’t isa na gumagawa ng masama ay napopoot sa ilaw, at hindi lumalapit sa ilaw, upang huwag masaway ang kaniyang mga gawa.
“Datapuwa’t ang gumagawa ng katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang mahayag na ang kaniyang mga gawa ay ginawa sa Dios.”40
Ang pagsubok na supilin ang konsensya ay hindi lamang walang saysay, ngunit kung naiintindihan ng mga tao ang mga bagay sa kanilang katotohanan, walang sinuman ang susubok na supilin ito. Nabanggit ko sa umpisa ng aking mensahe ang itinuro ni Lehi tungkol sa pagtakas sa kaparusahan at kalungkutan sa pamamagitan ng hindi pagtanggap sa katotohanan na may kasalanan—“kung sasabihin ninyong walang batas, sasabihin din ninyong … walang kasalanan.”41 Kung mabubura natin ang batas, o katotohanan, tulad ng ginagawa ng mga kumakalaban sa konsensya, matatanggal din natin ang pagsisisi, parusa, o kalungkutan. Ngunit tandaan, tulad ng babalang ibinigay ni Lehi, kung walang batas, wala ring magandang mangyayari sa atin. Buburahin din natin ang posibilidad ng katuwiran at kaligayahan. Buburahin natin ang paglikha at pagkabuhay. Siyempre, ang ideya ng pagbura o pagpuksa sa katotohanan ay walang katuturan, ngunit may paraan upang puksain ang kalungkutan habang pinapangalagaan ang oportunidad para sa kaligayahan. Ito ay tinatawag na doktrina ni Jesucristo—pananampalataya kay Cristo, pagsisisi, at pagbibinyag sa tubig at ng Espiritu.42
Dapat nating tulungan ang ating mga estudyante na, sa salita ng Tagapagligtas, “gumawa ng katotohanan,”43—ibig sabihin, buong-pusong tanggapin ang Liwanag ni Cristo na nasa kanila at salubungin ang karagdagang liwanag at katotohanan na dumarating sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ang pagkalaban, pangangatwiran, at pagkukunwari ay walang idudulot na mabuti.Tanging pagsisisi at pagsunod sa katotohanan ang makapagbibigay ng “katunayan” na ninanais ng karamihan. Tanging pagsisisi at pagsunod sa katotohanan ang makapagpepreserba at magpapalawak ng ating kaligayahan at kalayaan.
Sa umpisa ng aking pagiging abugado, nakita ko ang nakapanlulumo na bunga ng hindi pagpansin sa konsensya at pag-asa sa kasinungalingan. Law clerk ako noon kay U.S. District Court Judge John J. Sirica sa Washington D.C. Ang nasyonal na iskandalong kilala bilang Watergate ay nagsimula bago nag-umpisa ang aking clerkship, at ang mga paglilitis sa hukuman na may kinalaman sa Watergate ay nangyari sa panahon ni Judge Sirica, na panahon ko rin, nang halos sumunod na dalawa at kalahating taon. Nang hindi binabanggit ang lahat ng detalye, sasabihin ko na lamang na noong 1972 ang mga operatiba sa re-election campaign ni Pangulong Richard Nixon, ang Committee to Re-elect the President, gamit ang pilit na pagpasok at palihim na pakikinig, ay sinubukang magnakaw ng impormasyon mula sa Democratic National Committee. May ginawang mga pag-aresto, at mabilis na sinimulan ang pagsisikap na itago ang kahit anong koneksyon ng bagay na ito sa pangangampanya ni Pangulong Nixon o sa kahit sinong opisyal ng White House. Ang pagtatakip na ito ay naging isang kriminal na pagharang sa hustisya at ito ay lumaki at kinasangkutan mismo ni Pangulong Nixon.
Para sa akin, maraming beses nang sumunod na dalawang taon bago nagbitiw sa tungkulin si Nixon, na nagising ang konsensya, na maaari sanang nag-utos na ipatigil ang bagay na ito sa pagsasabing, “Hindi ito tama, hindi tayo magpapatuloy, hayaan nating mangyari ang mangyayari,” at maaari sanang nalagpasan niya ang kahihiyan sa pulitika at ang di-maiiwasang pambabatikos at natapos ang kanyang termino.Ngunit hindi niya sinabing itigil ito. Sa halip, lalo siyang nakipagsabwatan sa pagtatakip na ito. Ang pinakamasama pa para sa akin ay nang nakinig si Judge Sirica at pinakinggan ko ang rekording ng pag-uusap na nangyari noong Marso 21, 1973, sa pagitan ng pangulo at ng legal na tagapayo ng White House, si John Dean, sa Oval Office.
Si Dean ang namamahala sa pagtatakip na nagaganap sa loob ng White House, at naramdaman niyang malapit na itong mabunyag. Ngayon ay lumapit na siya kay Nixon para sa direksyon. Sa nakarekord na pag-uusap na ito, inilahad ni Dean ang mga pangyayari ng mga nakaraang buwan, kabilang ang pag-areglo sa perang ibibigay sa mga pamilya ng mga taong naghain ng guilty plea sa Watergate break-in. Ang pera ay ibinigay upang bilhin ang kanilang pananahimik tungkol sa mga mas matataas na opisyal sa Committee to Re-elect the President na nagplano at nag-utos sa sapilitang pagpasok, ngunit ngayon sila ay nagbabanta na magsasalita dahil ang pera para sa kanilang pamilya ay hindi pa dumarating o pakiramdam nila ay hindi katumbas ng ipinangako sa kanila.
Si Judge Sirica at ako ay lubos na nagulat nang marinig namin si Nixon na kalmadong nagtanong, “Magkano ang kailangan?” Sa tono ng kanyang boses, kahit si Dean ay nagulat sa sagot na ito, at sa pagbanggit sa halagang tila hinugot mula sa hangin ay sumagot siya, “Isang milyong dolyar.” Sumagot si Nixon na hindi problema ang maghanap ng ganoong halaga, ngunit nag-aalala siya kung paano ito maipapadala nang hindi natutunton. Ang huwes at ako ay hindi makapaniwala—ayaw naming maniwala—sa aming narinig at iniabot niya sa akin ang munting liham na nagmumungkahing ulitin namin ang tape at muling makinig.Natapos naming pakinggan ang pag-uusap at, nang walang masyadong sinasabi sa isa’t isa, itinabi ang tape at umuwi nang maaga. Kahit ngayon, natatandaan ko pa rin ang pakiramdam ng kabiguan at kalungkutan. Ito ay nangyari ilang buwan bago ang pagbibitiw ni Nixon, ngunit alam namin noon na ang pangulo ay mai-impeach kung hindi siya mauunang magbitiw.
Nagtataka ako noong panahon na iyon, at hanggang ngayon, kung bakit hinayaan ni Nixon na lumaki ang iskandalong ito. Nagugulat pa rin ako na sa paglipas ng panahon ay naging manhid ang kanyang konsensya na kahit ang pagtatangkang pag-blackmail sa pangulo ng Estados Unidos ng mga magnanakaw ng Watergate ay hindi nakapagpagalit sa kanya. Ang natutuhan kong aral mula sa karanasang ito ay ang pag-asa ko na maiwasan ang kaparehas na sakuna sa sarili kong buhay ay nakasalalay sa hindi kailanman paggawa ng eksepsiyon—palaging nakikinig sa dikta ng aking konsensya. Ang pagsuko ng integridad, kahit sa maliliit na gawain sa maliliit na bagay, ay naglalagay sa isang tao sa kapahamakan hanggang sa tuluyang mawala ang pakinabang at proteksyon ng konsensya. Sigurado ako na mayroong iba na “nakatakas,” dahil sa umasal sila sa paraang hindi tapat o hindi legal ang negosyo o propesyon, o pulitikal na buhay nila at hindi kailanman napanagot (sa buhay na ito).Ngunit ang mahinang konsensya, at manhid na konsensya, ay nagbubukas ng pinto para sa “mga Watergate,” malaki man ito o maliit, kolektibo o personal—mga sakunang makakasakit at makakasira kapwa sa may sala at sa inosente.
Itinala ni Juan ang makapangyarihang pangako ng Tagapagligtas “sa mga Judiong yaon na nagsisisampalataya sa kanya, Kung kayo’y magsisipanatili sa aking salita, kung magkagayo’y tunay nga kayong mga alagad ko; at inyong makikilala ang katotohanan at ang katotohana’y magpapalaya sa inyo.”44 Ang pag-alam at pagsunod sa katotohanan ay siguradong nagpapalaya sa atin—una, malaya sa pagkaalipin ng kamangmangan at kasalanan,45 at malaya na hanapin ang bawat mabuting bagay hanggang sa matanggap natin ang kaharian ng Diyos at lahat ng kaya Niyang ibigay.46 Ang kaalaman na si Jesus mismo “ang daan, ang katotohanan, at ang buhay,”47 malamang ang pinakamahalagang kahulugan na palalayain tayo ng katotohanan ay sa pamamagitan ng Kanyang biyaya, pinalaya Niya tayo mula sa kamatayan at impiyerno.
Ipinahayag ng Panginoon, “Ang liwanag at katotohanan ay tinatalikdan yaong masama [na tinatapos ang paggapos ng kasalanan]. … [Ngunit] yaong masama ay dumating at kinuha ang liwanag at katotohanan, sa pamamagitan ng pagsuway, mula sa mga anak ng tao, at dahil sa kaugalian ng kanilang mga ama.”49
Makikita natin sa Aklat ni Mormon ang isang halimbawa ng yaong masama na nagtatanggal ng liwanag at katotohanan sa pamamagitan ng maling tradisyon at hindi pagsunod. Mga isa at kalahating siglo bago dumating si Cristo, ang mga Lamanita ay inilalarawan bilang puno ng mga maling tradisyon at “walang nalalaman hinggil sa Panginoon.”50 Noong ginawa lamang ng mga anak ni Mosias ang kanilang kamangha-manghang misyon narinig ng karamihan sa mga Lamanita ang plano ng kaligtasan at nalaman ang tungkol sa katotohanan.51
Para kay Haring Lamoni, sa paglabas mula sa kadiliman ng mga maling tradisyon tungo sa kagila-gilalas na liwanag ng katotohanan ay napuspos siya ng kagalakan. “At ang liwanag na umilaw sa kanyang isipan, na liwanag ng kaluwalhatian ng Diyos, … ang nagbigay ng kagalakan sa kanyang kaluluwa, sa pagkakapawi ng ulap ng kadiliman, at ang liwanag ng buhay na walang hanggan ay nagningas sa kanyang kaluluwa, oo, … nadaig nito ang [kanyang] likas na pangangatawan, at tinangay siya sa Diyos.”52
Talagang dalawa lamang ang pagpipilian. Ang una ay hanapin ang katotohanan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga salita ni Cristo—“Siya na sumusunod sa kanyang mga kautusan ay tumatanggap ng katotohanan at liwanag, hanggang sa siya ay maluwalhati sa katotohanan at malaman ang lahat ng bagay.”53 Ang isa ay ang malupig ng kalaban at subukan ang imposible—na hanapin ang kaligayahan sa kanyang mga likhang-isip. Walang sinuman ang magtatagumpay sa buhay na ito o sa susunod na buhay nang binabalewala ang katotohanan, ngunit may ilan, sa katotohanan maraming tao ang sumusubok nito—mukhang higit na mas madali ito [kaysa] pagsisisi. Ngunit tanging pagsisisi at pagsunod sa katotohanan ng Diyos ang magpapalaya sa atin sa hindi makatotohanang mundo na nakatadhanang bumagsak, “at kakilakilabot ang kanyang pagbagsak.”54
Ang mahahalagang katotohanan, ang sentro ng mga realidad ng ating pagkabuhay, na dapat nating ituro nang paulit-ulit nang may dalisay na pananalig at lahat ng kapangyarihan na ibibigay sa atin ng Diyos ay ang mga ito:55
-
Ang Diyos, ang ating Ama sa Langit, ay buhay, ang kaisa-isang tunay at buhay na Diyos.
-
Si Jesucristo ang Bugtong na Anak ng Diyos.
-
Si Jesucristo ay naparito sa lupa upang iligtas ang Kanyang mga tao; Siya ay nagdusa at namatay para magbayad-sala para sa kanilang mga kasalanan.
-
Nagbangon Siyang muli mula sa mga patay, na naghahatid ng Pagkabuhay na Muli.
-
Lahat ay tatayo sa Kanyang harapan upang mahusgahan sa huli at araw ng paghuhukom, ayon sa kanilang mga gawain.
Nawa ay mahalin natin at isabuhay ang mga katotohanang ito. Taimtim kong pinapatotohanan na ang mga ito ay katotohanan. Nawa tayo ay maging aktibo at masigasig na hanapin, ituro, at ipamuhay ang katotohanan, ang dalangin ko, sa pangalan ni Jesucristo, amen.
© 2018 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan. Pagsang-ayon sa Ingles: 11/17. Pagsang-ayon sa pagsasalin: 11/17. Pagsasalin ng “Learn of Me.” Tagalog. PD60005340 893