Kumperensya ng mga Tagapagturo ng Relihiyon ng CES
11johnson


6:23

Patnubay sa Paglalakbay

Isang Gabi Kasama ang Isang General Authority

Miyerkules, Pebrero 5, 2020

Nagpapasalamat kami na makasama kayo ngayong gabi. Apat na taon ang ginugol namin ni Jill sa isang assignment sa mabubuting tao ng Europa, at gulat na gulat at tuwang-tuwa kami nang hilingan kami ni Pangulong Nelson na bumalik sa CES. Para akong umuwi upang mapalapit sa inyo na lubhang nagsisikap nang taos-puso sa pagtulong sa mga kabataan na matutuhan at maipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Habang minamasdan ang mga pagbabago sa sarili nating paglalakbay at sa paglalakbay ng iba sa buhay, naisip ko ang paglalakbay natin tungo sa buhay na walang-hanggan. Para sa atin na tumanggap kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, magkatulad ang huwaran ng ating buhay. Sumasampalataya tayo sa Tagapagligtas at sumusunod sa Kanya sa kabila ng mga hamon. Nagsisisi tayo sa ating mga kasalanan, tumatanggap ng kinakailangang mga ordenansa, at nagtitiis hanggang wakas. Ngunit ang mga detalye ng bawat buhay ay lubhang magkakaiba, at ang mga hamong kinakaharap ng bawat tao ay magkakaiba.

Isipin ang paglalakbay ng pamilya ni Lehi patungo sa lupang pangako. Ang kakaibang paglalakbay nila ay maaaring magbunga ng ilang kaalaman tungkol sa ating sariling paglalakbay. Alam nila na patungo sila sa isang lupang pangako, ngunit hindi nila alam ang lahat tungkol sa kanilang destinasyon o sa mismong daan na aakay sa kanila papunta roon. Naharap sila sa mabibigat na hamon habang nasa daan. Kahit si Nephi, na hindi bumulung-bulong, ay nagpaliwanag na kanilang “dinanas [ang] maraming pagdurusa at labis na kahirapan, oo, maging napakarami na hindi namin maisulat na lahat.”1

May patnubay sila habang nasa daan. Sa katunayan, sinabihan si Lehi isang gabi na “kinabukasan siya ay nararapat maglakbay sa ilang.”2 Kinabukasan nakita niya ang Liahona sa pintuan ng kanyang tolda, na nagbigay ng banal na patnubay sa kanilang paglalakbay. Ngunit hindi nabago ng pagkakaroon ng Liahona ang heograpiya sa pagitan nila at ng kanilang lupang pangako. Hindi nito pinaliit ang Arabian Peninsula o ang karagatang kinailangan nilang tawirin. Kinailangan pa rin nilang sumulong sa harap ng mga hamon na likas sa kanilang mahabang paglalakbay. Ngunit ginabayan sila ng Liahona “sa higit na mayayamang bahagi ng ilang,”3 at kung hindi sila tamad, tinulungan sila nitong makapaglakbay sa tuwid na daan.4

Bumulung-bulong sina Laman at Lemuel dahil sa mga hirap na dinanas nila sa paglalakbay. Ang ilan sa mga hirap na iyon ay sila mismo ang gumawa. Subalit, kahit sumusunod sila sa direksyon at naglalakbay nang wasto, kumain pa rin sila ng hilaw na karne at nagdanas ng napakainit na mga araw sa disyerto. Katulad ng karanasan nina Laman at Lemuel, kung minsan ay iniisip ng mga tao na hindi sila mahaharap sa mga hamon, na kung ginagawa nila ang tama, magiging madali ang lahat ng bagay. Hindi ganoon ang nangyayari. Totoong ngang mapapalakas at magagabayan tayo ngunit hindi iyon nangangahulugan na hindi tayo daranas ng mga hamon.

Bagama’t kumilos sila bilang isang grupo. nasa kani-kanya rin silang paglalakbay. Sa kabila ng paghatid sa kanila ng kanilang paglalakbay sa iisang pisikal na lugar, ang kani-kanilang walang-hanggang hantungan ay lubhang nagkaiba at natukoy ng kanilang personal na mga desisyon at kilos habang nasa daan.

Bawat isa sa atin ay may indibiduwal at kani-kanyang paglalakbay sa buhay na ito, ngunit may mga bahagi rin na kasama natin ang iba. Halimbawa, nasa isang paglalakbay tayo sa ating mga pagsisikap sa Seminaries at Institutes of Religion at edukasyon sa Simbahan. Mayroon tayong isang layunin; karaniwa’y alam natin kung saan tayo pupunta, ngunit hindi natin alam ang lahat ng balakid o detalye ng ruta para makarating doon.

Pinipili ng bawat isa sa atin kung paano tayo maglalakbay na kasama ng grupo. Maaari tayong bumulung-bulong. Maaari tayong magalak. Maaari tayong magpasalamat kahit sa gitna ng mga hamon. Para sa ilan, maaaring mahirap ang mga pagbabago sa patakaran o pamamaraan ng Simbahan. Tuwang-tuwa akong makita kung paano tumutugon ang S&I sa inspiradong mga pagbabago na binibigyang-diin ang pag-aaral ng ebanghelyo na nakasentro sa tahanan at suportado ng Simbahan.

Haharap, at nahaharap, tayo sa mga hamon. Sa pagsunod sa patnubay ng Panginoon. madaraig natin ang mga hamong ito at matututo tayo mula rito. Sabi ni Propetang Joseph Smith, “Malinaw na binigyan tayo ng Panginoon ng kapangyarihan ayon sa gawaing dapat gawin, at lakas ayon sa gawaing nasa ating harapan, at awa at tulong ayon sa ating mga pangangailangan.”5

Tumatanggap tayo ng patnubay para matahak natin ang pinakadirektang daan at maglakbay sa mas mayayamang bahagi ng ilang sa ating paglalakbay. May patnubay tayo mula sa mga propeta. Alam ko na ginagabayan tayo ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Kaylaking pagpapala! Pinapatnubayan tayo ng Church Board of Education, at nariyan din si Brother Webb, ang kanyang grupo, at ang iba pang inspiradong mga lider. Bukod pa rito, bawat isa sa atin ay maaaring tumanggap ng personal na patnubay kapag nahaharap tayo sa partikular na mga isyu sa ating indibiduwal na mga tungkulin.

Ang Church Board of Education at ang executive committee ng Board na iyon ay parehong nagmimiting buwan-buwan. Sa mga miting na ito tumatanggap kami ng patnubay at payo. Biniyayaan din tayo ng taunang “Gabi Kasama ang Isang General Authority,” at sa nakaraang mga taon nakatanggap tayo ng napakalaking tulong at nakatuon na patnubay upang tulungan tayo sa ating paglalakbay—bilang isang organisasyon at bawat isa.

Dalangin ko na maging bukas tayo sa patnubay at direksyon mula sa Panginoon. Alam ko na Siya ay buhay at tutulungan at gagabayan Niya tayo.

Sa pangalan ni Jesucristo, amen.