Gabi Kasama ang Isang General Authority: Mga Tampok
Gabi Kasama ang Isang General Authority
Biyernes, Pebrero 7, 2020
Ipinaalala sa atin ni Elder Bednar na ang pagtuturo ay hindi lang basta pagsasalita; kinabibilangan ito ng pakikinig, pagmamasid, at paghiwatig. Tiyak na kinabibilangan din ito ng pag-anyaya sa Espiritu Santo na turuan tayo.
Tanong
Kamakailan lamang ay nagturo si Pangulong Nelson tungkol sa kahalagahan ng personal na paghahayag. Ano ang maituturo ninyo sa amin tungkol sa pagtanggap ng personal na paghahayag?
Elder David A. Bednar
Kapag tinutupad natin ang ating mga tipan, mapapasaatin ang Espiritu Santo sa tuwina. Madalas tayong magsalita na tila ba bihira nating marinig ang tinig ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu. Dapat mas magtuon tayo sa pagtuklas kung ano ang nangyayari na nagiging dahilan para umalis ang Espiritu. Kung ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya at hindi tayo gumagawa ng mabibigat na kasalanan, makakaasa tayo na palagi tayong gagabayan ng Espiritu Santo.
Tila maraming tao ang naniniwala na ang inspirasyon mula sa Espiritu Santo ay kagila-gilalas, matindi, at biglaan. Ang katotohanan ay ang Espiritu Santo ay gumagabay sa marahan, banayad, at paunti-unting paraan sa paglipas ng panahon. Kadalasan, hindi ninyo mapapansin na nakakatanggap kayo ng paghahayag sa mga sandaling natatanggap ninyo ang mga ito.
Si Nephi ang perpektong halimbawa ng huwarang ito ng pagtanggap ng paghahayag. Siya ay yumaon nang sa simula ay hindi pa nalalaman ang mga bagay na nararapat niyang gawin.1 Siya ay nagpatuloy sa paglalakad ngunit hindi niya alam na ginagabayan siya sa bawat pagkakataon. Dapat nating mapagtanto na ang nangyari kay Nephi ay malamang na nangyayari rin sa atin sa maraming pagkakataon.
Kung minsan, ang mga miyembro ng Simbahan ay takot na takot magkamali kaya hindi sila nagpapatuloy sa paglakad o pagsulong. Nagpalabunutan si Nephi at ang kanyang mga kapatid. Hindi iyon gaanong naging epektibo. Isa bang pagkakamali ang karanasang iyon para kay Nephi? Hindi. Natuto siya ng isang magandang aral. Noong tinangka nilang kunin ang mga laminang tanso mula kay Laban gamit ang kanilang mga ginto at lahat ng kanilang mga ari-arian, natuto si Nephi ng isa pang aral na naghanda sa kanya para sa hinaharap.
May mga alituntuning nauugnay sa pagtanggap ng paghahayag. Halimbawa, sinabi ni Pangulong Packer, “Minsang sinabi sa akin ni Pangulong Harold B. Lee na ang inspirasyon ay mas madaling dumating kapag ikaw ay nasa isang sitwasyon kung saan kailangan ito. … Tama si Pangulong Lee!”2 Mahalaga na kayo ay nasa sitwasyong iyon, nagninilay, nananalangin, at naghahangad ng tulong.
Ang alituntuning ito ay may malaking epekto pagdating sa ministering. Iniisip ng maraming may ministering assignment na sapat na ang pagpapadala ng mensahe sa pamamagitan ng pagti-text. May mga pagkakataon kung saan kinakailangang puntahan ninyo mismo ang tahanan at tingnan sa mga mata ang mga tao roon. Makakatanggap kayo ng mga impresyon at inspirasyon sa tahanan na hindi ninyo makukuha sa ibang paraan.
Tanong
May maidadagdag ba kayo sa naunawaan namin tungkol sa paghahayag na natanggap ni Pangulong Nelson at ng iba pang mga lider ng Simbahan?
Elder David A. Bednar
Pinag-uusapan ng maraming miyembro ng Simbahan kung gaano karaming paghahayag na ang dumating mula noong naging Pangulo ng Simbahan si Pangulong Nelson. Ang mga pagbabago na dumarating ngayon ay tinalakay at ipinagdasal sa mga konseho sa loob ng maraming taon at maging dekada. Sa maraming pagkakataon, ang paghahayag ay hindi kung ano ang gagawin kundi kung kailan ito gagawin.
Tanong
Bukod sa pagtanggap ng paghahayag kung kailan ito gagawin, paminsan-minsan ay nakakatanggap din tayo ng paghahayag kung ano ang gagawin, tama po ba?
Elder David A. Bednar
Huwag itong limitahan; hindi ito magkahiwalay. Kadalasan, malinaw ang paghahayag kung ano ang gagawin. Ngunit marami ang nalilito kung kailan ito gagawin. Kaya, kung kinakailangan, maaari tayong makatanggap ng paghahayag kung ano ang gagawin at kung kailan ito gagawin—hindi ito magkahiwalay.
Tanong
Bilang mga guro, naghahanda kami ng mga lesson at nananalangin para sa mga estudyante. Paano namin mahihiwatigan ang inspirasyon para sa mga yaong tinuturuan at pinaglilingkuran natin?
Elder David A. Bednar
Sa inyong paghahanda at pananalangin, kadalasang may bigla kayong maiisip, may matatanggap na inspirasyon, o may isang pangalan o pamilyar na mukha na biglang papasok sa inyong isipan. Tulad ng sinabi ni Propetang Joseph Smith, “may bigla [kayong maiisip].”3 Kapag biglaan itong dumating, maaari ninyong mapagtanto na natanggap ninyo mismo kung ano ang kailangan, at ang mga pagkakataong iyon ay talagang pambihira.
Isa sa mga pinakamagandang mapagkukunan ninyo ng ideya ay ang mga tanong ng mga estudyante. Sa loob ng maraming taon, nagkaroon ako ng pagkakataon na sagutin ang mga tanong ng libu-libong kabataan at young adult. Dahil sa malaking bilang ng mga dumadalo sa mga miting, kadalasan ay pinapayagan ko silang i-text sa akin ang kanilang mga tanong sa isang kontroladong paraan. (Hindi ko iminumungkahing gawin ninyo ito sa ganoon ding paraan.) Ang pagbasa sa mga tanong na iyon mula sa mga taong hindi mo kilala ay isa sa mga pinakamagandang karanasan ng pagkatuto na matatamo ng sinuman na nagtuturo sa mga kabataan. Itinatanong talaga nila kung ano ang bumabagabag sa kanila at kung ano ang tulong na kailangan nila. Paano natin malalaman kung ano ang sasabihin o ituturo kung hindi natin alam kung ano ang sitwasyon nila?
Tanong
Sa paghahangad ng paghahayag, hindi tayo dapat magkaroon ng istriktong listahan—isang listahan ng mga bagay na dapat nating gawin at kung kailan natin ito gagawin. Dapat mas nakabatay ito sa alituntunin, tama po ba? Subalit mayroon tayong mga halimbawa nina Nephi, Joseph Smith, at Joseph F. Smith na nagbasa ng mga banal na kasulatan, nakinig sa propeta, at pagkatapos ay nakatanggap ng paghahayag. Ang mga ito ba ay mga alituntunin, o isang huwaran o paraan?
Elder David A. Bednar
Nagpapakabusog tayo sa salita ng Diyos para marinig at mahiwatigan natin ang tinig ng Panginoon. Kapag ang paghahangad ng paghahayag ay ginawa nating listahan—gawin ang mga bagay na ito at ito ay mangyayari—malalagay tayo sa mapanganib na kalagayan. Dapat tayong maghintay sa Panginoon, magkaroon ng kamalayan at tumugon sa Kanyang takdang panahon—hindi natin dapat ipilit na makatanggap ng paghahayag batay sa gusto nating panahon.
Tanong
Paano tayo mamumuhay sa paraan na palagi tayong handa para sa paghahayag anumang oras naisin ng Panginoon na ibigay ito sa atin?
Elder David A. Bednar
Ang salitang handa ay mahalaga. Dapat mamuhay tayo na palaging handa para sa paghahayag—“nang sa tuwina ay [mapasaatin] ang kanyang Espiritu upang makasama [natin].”4
Maaaring may ilan na gumawa nito nang labis-labis; mangyaring gamitin ang inyong pag-iisip.
Isipin kung paano naging tagasulat ni Joseph Smith si Oliver Cowdery. Narinig niya ang tungkol sa mga laminang ginto at kay Joseph Smith, at nagkaroon siya ng hangaring makilala si Joseph. Kumilos siya ayon sa hangaring iyon.
Ipinahayag ng Panginoon kay Oliver:
“Pinagpala ka dahil sa iyong ginawa; sapagkat ikaw ay nagtanong sa akin, at masdan, sa tuwing magtatanong ka ikaw ay makatatanggap ng tagubilin mula sa aking Espiritu. Kung hindi magkagayon, ikaw ay hindi makararating sa lugar na kinaroroonan mo sa ngayon.
“Masdan, iyong nalalaman na ikaw ay nagtanong sa akin at aking nilinaw ang iyong pag-iisip.”5
Ang sumunod na pangungusap sa talatang ito ay lubos na nakaantig sa akin. Si Oliver ay nabigyang-inspirasyon nang walang kamalay-malay tungkol dito. Siya ay nakatanggap ng paghahayag nang hindi niya alam. Kaya’t nakatanggap si Joseph ng isang paghahayag para kay Oliver na nagsasabing si Oliver ay nabigyang-inspirasyon at nakatanggap ng paghahayag.
“At ngayon ipinaaalam ko sa iyo ang mga bagay na ito upang iyong malaman na ikaw ay naliwanagan sa pamamagitan ng Espiritu ng katotohanan.”6
Iyon ang ibig kong sabihin tungkol sa mapapasaatin sa tuwina ang Kanyang Espiritu upang makasama natin.
Tanong
Nabanggit ninyo na si Nephi at ang kanyang mga kapatid ay nagpalabunutan para malaman kung sino ang pupunta at hihingi ng laminang tanso at pagkatapos ay sinubukan nilang bilhin ang mga ito gamit ang mga ginto at pilak. Kapag kailangan nating gawin ang isang bagay, paano natin matitiyak na ginagawa natin ito sa tamang panahon? Paano natin malalaman na ginagawa natin ito nang tama?
Elder David A. Bednar
Si Nephi ay hindi nagkamali sa panahon at pagpapasiya. Ito ay isang karanasan para matuto, nang taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin. Inihahanda siya sa bawat pagtatangka—“nang sa simula ay hindi pa nalalaman ang mga bagay na nararapat [niyang] gawin.”7
Kung ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya at nagsisikap tayo na maging banal at tapat, hindi tayo magiging masamang impluwensya sa iba. Ang langit ang namamahala sa gawaing ito, hindi kayo at ako. Bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, palagi akong may mga tungkulin na alam kong hindi ko magagawa nang mag-isa. Kapag ginagawa ninyo ang lahat ng inyong makakaya, kayo ay mapapalakas at mapapatibay. Hindi ninyo palaging malalaman kung kailan ang tamang panahon. Basta gawin lang ninyo ang lahat ng inyong makakaya.
Madalas ituro ni Pangulong Hinckley, “Magiging maayos ang lahat.” At naniwala ako roon, ngunit naisip ko pa rin, “Siguro hindi sa lahat ng pagkakataon.” Habang tumatanda ako, mas nauunawaan ko na iyon lang ang tanging sagot. Hindi kayo iiwanang mag-isa ng Diyos kapag sinisikap ninyong tulungan, alagaan, at paglingkuran ang Kanyang mga anak. Kung gagawin ninyo ang lahat ng inyong makakaya at kikilos kayo nang makatwiran, magiging maayos ang lahat. At matututo kayo ng mga aral habang ginagawa ninyo ito.
Tanong
Paano natin maituturo sa mga estudyanteng maaaring nakadarama ng kakulangan na dapat handa sila para sa mga paghahayag sa lahat ng oras? Maaaring nakakatakot ang gawaing iyan para sa kanila.
Elder David A. Bednar
Sa halip na isiping “Ano ang sasabihin ko sa kanila?”, dapat magtuon sa “Ano ang itatanong ko sa kanila?” At hindi lang “Ano ang itatanong ko sa kanila?” kundi “Ano ang paanyayang ibibigay ko sa kanila?”
Ang mismong pagtatanong ay nag-aanyaya sa kanila na kumilos. Kung sasagot ang estudyante, nagpapakita ito ng pananampalataya kay Cristo. Ang pananampalataya ay isang alituntunin ng paggawa at ng kapangyarihan. Kapag kumikilos tayo ayon sa mga turo ni Cristo, pinagpapala tayo ng Kanyang kapangyarihan. Gusto ng karamihan sa atin ay kapangyarihan muna para makakilos tayo. Hindi epektibo ang paraang iyan.
Ang ating hangarin ay hindi dapat “Ano ang sasabihin ko sa kanila?” Sa halip, ang dapat nating itanong sa ating mga sarili ay “Ano ang paanyayang maibibigay ko sa kanila? Anong mga inspiradong tanong ang maibibigay ko na, kung handa silang tumugon, magsisimulang mag-anyaya sa Espiritu Santo sa kanilang mga buhay?” Ang mga dapat itanong ay napakasimple lang, tulad ng “Ano ang natututuhan ninyo?” Sa pagsagot sa mga tanong, inaanyayahan ng indibiduwal na iyon ang Espiritu Santo na gabayan ang kanyang mga sagot. Ang tungkulin natin ay gawing maingat ang pagtalakay sa mga bagay na iyon at anyayahan sila na kumilos para makapagturo ang Espiritu Santo.
Kung mahal ninyo sila at talagang nagsisikap kayo na gawin kung ano ang nais ng langit, gagabayan kayo sa pinakasimpleng paraan. Hindi kailangang maging kumplikado ang mga tanong. Sinisikap ninyong malaman kung ano na ang nauunawaan nila dahil talagang nagmamalasakit kayo.
Palaging may makatwirang pag-aalala sa mga kabataang tumalikod sa Simbahan. Napakarami ng hindi naaanyayahang matuto para sa kanilang mga sarili; umaasa lang sila sa sinasabi sa kanila ng ibang tao. “Kung ang lahat ng nalalaman natin tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo ay mula sa itinuturo o sinasabi sa atin ng ibang tao, ang saligan ng ating patotoo tungkol sa Kanya … ay nakatayo sa buhangin.”8 Kaya nga ang pag-anyaya sa kanila na kumilos at matuto para sa kanilang mga sarili ay makakatulong sa kanila na magkaroon ng mas matatag na saligan.
Tanong
Binasa ng isang binata ang Aklat ni Mormon sa kauna-unahang pagkakataon at nagpahayag na hindi niya nadama ang Espiritu. Marahil hinihintay niyang sabihin ng mga anghel mula sa langit na totoo ito. Paano tayo makakatulong sa ganitong uri ng sitwasyon?
Elder David A. Bednar
Iniisip ng maraming matatapat na miyembro ng Simbahan na hindi sapat ang ginagawa nila dahil hindi pa sila nagkakaroon ng kagila-gilalas na karanasan tulad ng mga yaong kung minsan ay inilalarawan sa fast and testimony meeting. Hindi sukatan ang mga kagila-gilalas na karanasan. Kung tinutupad ninyo ang inyong mga tipan at nagpapatuloy sa pagsulong, mabuti ang ginagawa ninyo at normal lang iyan. Si Saulo ay hindi nagbalik-loob dahil sa liwanag. Si Nakababatang Alma ay hindi nagbalik-loob dahil sa anghel.
“Puspusin ng kabanalan ang iyong mga iniisip nang walang humpay; sa gayon ang iyong pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos.”9 Hindi pagtitiwala sa inyo—kundi pagtitiwala sa Kanila na gawin ang hindi kayang gawin ng sinuman sa atin.
Brother Chad Webb
Yaong naghihikayat sa atin na gumawa ng mabuti, na maniwala kay Cristo, ay sa Diyos.10 Maaaring magulat tayo na matuklasan balang araw na ang mga naisip natin na inakala nating mula sa atin ay mula pala sa Espiritu Santo. Habang sinisikap nating gumawa ng mabuti, ang mga iniisip at hinahangad natin ay gagabayan ng Espiritu Santo.
Sa mensahe ni Pangulong Nelson tungkol sa paghahayag, inanyayahan niya tayo na ibuhos ang ating mga puso sa Ama sa Langit, makipag-usap sa Kanya, maging tapat sa Kanya, at pagkatapos ay makinig. Sinabihan niya tayo na isulat ang mga impresyong natanggap natin at pagkatapos ay kumilos ayon sa mga ito. Pagkatapos ay sinabi niya, “Habang inuulit ninyo ang prosesong ito araw-araw, buwan-buwan, taun-taon, kayo ay ‘uunlad sa alituntunin ng paghahayag.’”11
Karamihan sa mga inspirasyong personal kong natanggap ay hindi dumating habang nananalangin ako. Nananalangin ako; nagninilay-nilay ako; sinisikap kong isulat ang mga impresyong natatanggap ko. At kapag kumikilos ako, saka pa lamang dumarating ang inspirasyon. Sa oras ng lesson, kapag umaawit ng isang himno, kapag nakikipag-usap sa isang tao, o sa iba pang mga sitwasyon, nagsisimulang dumating ang mga sagot sa mga panalangin.
Elder David A. Bednar
Isang babala: ang paraan ng paghahayag ay maaaring magkakaiba para sa mga tao sa buong mundo. Halimbawa, sa Africa, ang mga tao ay madalas magkaroon ng mga pambihirang panaginip. Karaniwan na para sa mga missionary na makasalubong ng isang tao sa kalye na nagsasabing, “Nakita kita sa isang panaginip, at mayroon kang mensahe mula sa Diyos. Gusto kong marinig kung ano ang nais mong sabihin sa akin.” Wala akong mga panaginip na tulad ng sa ilan sa matatapat na Banal sa Africa.
Nagtuturo tayo kadalasan batay sa ating sariling karanasan, kaya dapat maging maingat tayo na huwag ipilit sa iba ang paraan kung paano natin natamo ang karanasan. Hindi ito nangangahulugan na ang paraan nila ay hindi gaanong kapaki-pakinabang o makabuluhan. Tandaan na may iba’t ibang paraan para mangusap ang Espiritu ng Panginoon sa puso’t isipan ng isang tao.
Mangyaring maging handang tanggapin ang iba’t ibang bagay na maaari ninyong ipagawa sa ibang tao para makakilos at matuto sila para sa kanilang mga sarili.
Tanong
Paano natin mapapalakas ang kumpiyansa natin sa ating kakayahan na makatanggap ng personal na paghahayag at huwag umasa sa paraan na maaaring narinig o nabasa lang natin mula sa ibang tao?
Elder David A. Bednar
Ang pahayag ni Pangulong Joseph F. Smith ay makakatulong sa isang taong nagsisimula sa paglalakbay na ito na pagkakaroon ng kumpiyansa sa pagtanggap ng paghahayag:
“Magpakita ka sa akin ng mga Banal sa mga Huling Araw na kailangang umasa sa mga himala, tanda, at mga pangitain upang manatiling matatag sa Simbahan, at magpapakita ako sa iyo ng mga miyembro ng Simbahan na hindi karapat-dapat sa harapan ng Diyos, at mabuway ang pananampalataya. Hindi [ang] kagila-gilalas na paghahayag sa atin ang magpapatatag sa atin sa katotohanan, kundi [ang] kapakumbabaan at tapat na pagsunod sa mga utos at batas ng Diyos. …
“Noong ako ay bata pa … madalas kong … [hilingin sa] Panginoon na ipakita sa akin ang ilang kagila-gilalas na bagay, nang sa gayon ay makatanggap ako ng patotoo. Subalit ipinagkait ng Panginoon ang mga kagila-gilalas na bagay sa akin, at ipinakita sa akin ang katotohanan nang taludtod sa taludtod, … hanggang sa maipaalam niya sa akin ang katotohanan mula sa aking ulo hanggang sa aking talampakan, at hanggang sa tuluyang maglaho sa akin ang alinlangan at takot. Hindi niya [kinailangang] magpadala ng anghel mula sa kalangitan upang gawin ito, ni hindi rin niya kinailangang makapangusap nang may pakakak ng arkanghel. Sa pamamagitan ng mga pagbulong ng marahan at banayad na tinig ng Espiritu ng buhay na Diyos, ipinagkaloob niya ang patotoo na aking tinataglay.
“At sa pamamagitan ng ganitong alituntunin at kapangyarihan ay ipinagkakaloob niya sa lahat ng anak ng tao ang kaalaman ng katotohanan na mananatili sa kanila, at magagawa nitong ipaalam sa kanila ang katotohanan, tulad ng kung paano ito nalalaman ng Diyos, at gawin ang kalooban ng Ama tulad ng kung paano ito ginagawa ni Cristo. At walang anumang kagila-gilalas na paghahayag ang kailanma’y makagagawa nito.”12
Maaaring sundin ng sinumang nahihirapan ang mga unang hakbang at gawin ang ginawa ni Joseph F. Smith.
Gusto ng ilang miyembro ng Simbahan na makakita ng liwanag sa daan patungong Damasco bago sila maniwala. Talaga? Si Saulo ba ay nasa tamang kalagayan para mahiwatig ang marahan at banayad na tinig? Kinailangan niyang magkaroon ng isang espirituwal na pampagising. Maraming umaasa na makakita ng anghel tulad ng naranasan ni Nakababatang Alma. Talaga? Si Alma ay wala sa tamang kalagayan para matanggap ang marahan at banayad na tinig. Kinailangan niyang magkaroon ng isang espirituwal na pampagising. At nagpatotoo si Pangulong Joseph F. Smith na hindi ito liwanag o anghel. Iyon ay ang mahiwatigan ang marahan at banayad na tinig na siyang nagbibigay ng kumpiyansa. Basta humayo at gawin.
Kung hindi natin sinusunod ang mga kautusan, hindi tayo magkakaroon ng kumpiyansa at hindi tayo mapapatnubayan ng Espiritu. May mga kabataan na kinakailangang magsisi, at may mga kabataan na masyadong malupit sa kanilang mga sarili at hindi iniisip na karapat-dapat sila. Hindi ninyo kailangang maging perpekto; kinakailangan lang ninyong magsisi nang taos-puso, maging mabuti, gawin ang lahat ng makakaya ninyo, at magpatuloy sa pagsulong.
Tanong
Marami kayong nasabi at naisulat tungkol sa pagiging nakasentro sa estudyante at nakatuon sa kanilang pag-unlad. Mayroon pa ba kayong nais ituro sa amin tungkol sa pag-anyaya sa Espiritu Santo sa prosesong iyon?
Elder David A. Bednar
“Magtalaga sa inyo ng isang guro, at huwag maging mga tagapagsalita ang lahat kaagad; sa halip magsalita nang isa-isa at makinig ang lahat sa kanyang sinasabi, upang kapag ang lahat ay nakapagsalita na ang lahat ay mapasigla ng lahat, at upang ang bawat [lalaki at babae] ay magkaroon ng pantay na pribilehiyo.”13 Hindi tayo ang guro; kundi ang Espiritu Santo. Ang talatang ito ay isang payo na italaga ang Espiritu Santo bilang guro. At “isang huwaran”—hindi ang tanging huwaran—ang magsalita nang isa-isa at makinig ang lahat sa kanyang sinasabi. Tila napakasimple, at maaaring mukhang madali.
Kung panatag ang mga tao, maipapahayag nila ang kanilang mga tanong at kung ano ang hindi nila gaanong nauunawaan. Hindi sila natututo mismo mula sa ibang tao sa silid, ngunit ang sinasabi ng isang tao ay maaaring magtulot sa Espiritu Santo na turuan ang bawat isa sa kanila. Nakikibahagi sila sa sama-samang pagpapahayag ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo habang ang lahat sa silid na iyan ay nagtatanong, naghahangad, at kumakatok. At sa indibiduwal at sama-samang pagpapakita ng pananampalataya, nag-aanyaya tayo. Ang salitang magtalaga ay hindi nangangahulugang mag-atas. Hindi natin maaaring atasan ang Espiritu Santo na maging guro, ngunit maaari nating anyayahan at hikayatin ang Espiritu Santo.
Sa isang miting ng mga missionary, tinalakay namin ang ilang isyu, at tinanong ko ang mga missionary, “Ano ang mga narinig ninyo na hindi pa nababanggit?” Sumagot ang isang 18 taong gulang na missionary, na apat na linggo pa lang sa misyon, “Elder Bednar, kung may marinig akong sagot mula sa inyo o mula sa ibang missionary, iyon ay isang mensahe para sa lahat. Kung madama ko ito sa aking puso o may pumasok sa aking isipan, iyon ay mula sa Diyos na para lang sa akin.” Napahanga ba kayo sa sagot na iyon? Gaanong panahon ang kailangan para maturuan ang isang tao o makabuo ng isang dula-dulaan o ibang karanasan kung saan magkakaroon ang isang 18 taong gulang ng ganoong espirituwal na kaalaman?
Kaya’t ang pag-anyaya sa iba na kumilos—na gamitin ang kanilang pananampalataya—ay tumutulong para mahikayat ang Espiritu Santo na turuan ang bawat isa sa kanila at ang lahat nang sama-sama.
Napakahalaga na magtuon sa mga estudyante at anyayahan ang Espiritu Santo na maging guro. May tungkulin tayong gagampanan. Nag-aanyaya, naghihikayat, at gumagabay tayo, ngunit pinapatnubayan ng Espiritu Santo ang mga bagay-bagay sa mga pambihirang paraan.
Tanong
Tinanong ako ng isang dalaga kung naaalala kong itinuro ko sa kanya ang isang partikular na alituntunin. Sinabi niya na binago nito ang kanyang buhay. Naaalala ko ang sitwasyon, at hindi ko iyon itinuro sa kanya; ang totoo ay hindi lang niya naunawaan ang mahalagang bagay na nais kong ituro. Tinuruan siya ng Espiritu. Paano natin matutulungan ang mga estudyante na maunawaan na nakakatanggap sila ng paghahayag para magkaroon sila ng kumpiyansa na lalo itong hangarin para sa kanilang mga sarili?
Elder David A. Bednar
Ano ang maaari ninyong ipagawa sa kanya para magkaroon siya ng matang makakakita ng hindi niya nakita noon?
Ipapaalala sa atin ng Espiritu Santo ang lahat ng bagay.14 Nagkaroon siya ng pambihirang karanasan kung saan may narinig siyang isang bagay na malinaw na hindi sinabi. Tulungan siyang tukuyin iyon. Sabihin sa kanya na pag-isipan ang kanyang karanasan at tuklasin ang isa o dalawang karagdagang karanasan na tulad niyon. Tulungan siyang makahanap ng isang huwaran o paraan sa dalawa o tatlong karanasang iyon at tuklasin kung ano ang sanhi ng espirituwal na kaalaman na iyon.
Malaki ang pagkakaiba-iba ng ating mga kabataan, at nasa kanila ang lahat ng uri ng mga pagsubok at problema. Ngunit dapat nating asahan na magiging tulad sila ng sinasabi natin sa kanila. At dapat natin silang anyayahang kumilos. At mamamangha kayo sa kung ano ang kaya nilang gawin. Pag-isipan muna kung ano ang ipagagawa sa kanila para matutuhan nila kung ano ang kailangan nilang matutuhan.
Tanong
Matutulungan po ba ninyo kami na maunawaan, o marahil ay matutuhan, kung paano makikinig at magmamasid nang mas mabuti?
Elder David A. Bednar
Imumungkahi ko na kumuha kayo ng murang kopya ng Aklat ni Mormon at basahin ninyo ito mula sa simula hanggang matapos, at hanapin ninyo ang bawat linyang “mga matang ikakikita at … mga pakinig na ikaririnig,” o pahayag na tulad nito. Maghanap din sa Doktrina at mga Tipan at sa Bagong Tipan. Saliksikin ang mga banal na kasulatan bilang isang kinatawan—magtanong, maghanap, at kumatok—isinasaisip ang tanong na: “Paano ko makikita ang hindi ko karaniwang nakikita? Paano ko maririnig ang hindi ko karaniwang naririnig?” Sa pagsasaliksik ninyo sa mga banal na kasulatan habang isinasaisip ang mga tanong na iyon, tuturuan kayo ng Espiritu Santo at magbibigay ng mga sagot sa inyong mga tanong. Hindi ko ito maibibigay sa inyo; ang Espiritu Santo ang magtuturo sa bawat isa sa inyo kung ano ang sagot para sa inyo.
Hayaan ninyong magbigay ako ng isang halimbawa. Ang aking asawa na si Susan ay isang kahanga-hanga at matapat na visiting teacher. Nang gawin itong ministering at sabihin ni Pangulong Nelson na kailangang maglingkod sa “mas dakila [at] mas banal”15 na paraan, si Susan ay nakinig at nagnais na malaman kung ano iyon. Pagkatapos magnilay-nilay at manalangin, nagkaroon siya ng kamangha-manghang ideya—tanungin ang mga sister na pinaglilingkuran niya, “Ano ang ibig sabihin ng mas dakila at mas banal na ministering para sa inyo?”
Iyon ang pinakasimple at pinakamalinaw na bagay na maaari ninyong itanong, ngunit ang mga sagot mula sa mga sister ay kamangha-mangha. Hiniling ng isang sister na pumunta sila sa templo nang magkasama. Hiniling ng isa pang sister na magbasa sila ng isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya at pagkatapos ay mananghalian nang magkasama para talakayin kung ano ang natutuhan nila. Inisip ni Susan kung may nagawa ba siyang mali dati. Wala siyang nagawang anumang mali. Mas dakila at mas banal—nabuksan ang mga mata para makita ang mga bagay sa paraang hindi nila nakita noon.
Tanong
Sa natitirang ilang minuto, maaari ba kayong magbahagi ng anumang nais ninyong ibahagi at magpatotoo?
Elder David A. Bednar
Mahal ko kayo. Mahal ko kayo kung sino kayo at kung ano ang sinisikap ninyong kahinatnan. Gusto ko ang ginagawa ninyo. Maaari pa tayong umunlad, pero nais kong sabihing, “Salamat sa inyo.” Nagpapasalamat ako sa ngalan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa at ng Church Board of Education.
Ang mabuhay sa mundo sa dispensasyon ito ng kaganapan ng panahon ay isang pagpapalang panghabang-buhay. Ilang taon na ang nakararaan, paulit-ulit na sinabi sa akin ni Pangulong Gordon B. Hinckley, “David, ito ang pinakamagandang panahon sa kasaysayan ng ipinanumbalik na Simbahan.” At talagang tama siya.
Isipin ang mga bagay na mapalad tayong makita. Isipin na ngayong taon ang ika-200 anibersaryo ng Unang Pangitain. Naibalita na ang pagtatayo ng mga templo sa Papua New Guinea at sa Phnom Penh, Cambodia. Mayroon tayong mga missionary sa Soviet Union at sa mga dating komunistang bansa at isang templo sa Ukraine. Ito ang pinakamagandang panahon sa kasaysayan ng ipinanumbalik na Simbahan.
Mayroon tayong partikular na responsibilidad sa panahong ito. Kung inilaan tayo para sa panahong ito, ito ay dahil marami tayong gagawin, at may tungkulin tayo na tulungan ang bagong henerasyon na maghanda. Ito ang pinakamagandang panahon sa kasaysayan ng ipinanumbalik na Simbahan—ang pinakamatinding oposisyon at ang pinakadakilang mga pagkakataon. Ngayon, sa panahong ito ay may pagkakataon tayong maglingkod, magpatotoo, mag-ministering, at magtulungan.
Dalangin ko na punan ng Espiritu Santo ang puwang sa pagitan ng mga salitang ipinahayag ko at ng nais kong iparating. Pinatototohanan ko na ang Ama at ang Anak ay nagpakita kay Joseph Smith 200 taon na ang nakararaan. Pinatototohanan ko na ang Ama ay ang ating Ama, at Siya ang may-akda ng plano ng kaligayahan. Alam ko, pinatototohanan ko, at saksi ako na si Jesucristo ang Bugtong na Anak ng Amang Walang Hanggan. Pinatototohanan ko na Siya ay buhay. Siya ay nabuhay na mag-uli; walang laman ang libingan. “Siya’y wala rito; sapagka’t siya’y nagbangon.”16
Pinatototohanan ko na sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, naipanumbalik sa lupa ang awtoridad at mga susi ng priesthood at na ang pagpapakita ng Ama at ng Anak ang nagpasimula sa Panunumbalik ng ebanghelyo. Pinatototohanan ko na patuloy ang Panunumbalik.
Pinatototohanan ko ito at inihahayag ko ang aking pagmamahal sa inyo sa sagradong pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.