Ikalat ang Iyong mga Tira
Mahal kong mga kapatid, mahal na mga kaibigan, hatid ko sa inyo ang pagbati at basbas ng ating pinakamamahal na propetang si Pangulong Thomas S. Monson. Nagpapasalamat siya sa inyong mga panalangin at pagmamahal sa Kapaskuhang ito at sa tuwina.
Gustung-gusto ko ang panahong ito ng taon noon pa man. Ang Pamaskong Debosyonal na ito ng Unang Panguluhan ay paboritong tradisyon ng marami, pati na ng pamilya ko. Inaasam naming pasimulan ang Kapaskuhang ito sa napakagandang musika ng Orchestra at Temple Square at ng lagi nang kamangha-manghang Mormon Tabernacle Choir. Ang mga mensahe at musika ay nagpaparamdam ng saya ng Kapaskuhan at nagpapaalala na napakalaking halaga ang ating ipinagdiriwang at kung bakit tayo nagdiriwang.
Pasko sa Germany
Noong bata pa ako, palaging kasama sa mga pangarap ko sa Pasko ang isang perpektong taglamig, at alam kong hindi ako nag-iisa. Para sa akin ito’y malamig na hangin, bughaw na kalangitan, at makapal na bagong bagsak at puting snow. Sa halip, halos palaging naiiba ang klima kaysa pinapangarap ko tuwing taglamig, kadalasa’y kulay-abo at maulap ang kalangitan, maputik at basa ang snow, o maulan pa.
Gayunman, sa Bisperas ng Pasko, sinusuutan kami ni Inay ng makapal na damit at isinasama kami ni Itay na maglakad sa mga lansangan ng aming bayan.
Alam naming mga bata ang tunay na dahilan ng taunang paglalakad na ito—kailangang dekorasyunan ni Inay ang Christmas tree, ilagay ang mga regalo sa ilalim nito, at ihanda ang aming sala para sa gabing banal. Ginawa namin ang lahat para paikliin ang paglalakad na ito hangga’t maaari. Pero napakaraming dahilan ni Itay para lumibot o umikot pa kaming muli para may panahon pa si Inay.
Noong mga panahong iyon, medyo madilim sa mga lansangan ng Zwickau, Germany, tuwing gabi. Katatapos lang noon ng World War II, at kakaunti ang mga ilaw sa daan. Iilang tindahan lang ang bukas, at ang ilan ay katabi ng mga bahay na winasak ng bomba, at amoy pa ang nagdaang digmaan.
May paborito kaming bahagi ng paglalakad—tumitigil kami sa katedral sa sentrong bayan ng Zwickau kung saan kami nakikinig sa magagandang awiting Pamasko at tugtugin sa organo na parang laging tumutugtog sa Bisperas ng Pasko. Kahit paano, parang biglang mas lumiwanag ang malalabong ilaw sa aming lungsod dahil sa mga tugtuging ito—halos parang kumikislap na mga bituin—at pinuspos ang aming pusong musmos ng magandang diwa ng pag-asam.
Kapag nakabalik kami, tapos nang maghanda si Inay, at isa-isa kaming pipila sa sala para masdan ang ganda ng katatapos dekorasyunangTannenbaum. Mahirap makakuha ng mga puno noong mga panahong iyon, at kinukuha namin kung ano ang mayroon. Paminsan-minsa’y nagdaragdag kami ng ilang sanga para magmukha itong totoong puno. Pero sa musmos kong mga mata, palaging perpekto ang ganda ng Christmas tree.
Ang aandap-andap na ilaw ng mga kandila ay naghatid ng mahiwaga at halos kaakit-akit na liwanag sa silid. Masaya at malugod naming tiningnan ang mga regalo sa ilalim ng puno at inasam naming matanggap ang gusto naming mga regalo.
Ang katuwaang makatanggap ng mga regalo ay halos katugma ng katuwaang ibigay ang mga ito. Kadalasa’y gawang-kamay ang mga regalong ito. May isang taon noong batang-bata pa ako, ang regalo ko sa kapatid ko ay isang larawan niyang idinrowing ko. Ipinagmalaki ko ang aking obra-maestra. At napakabait at napakamapagmahal niya sa kanyang pasasalamat at pagpuri.
Palagi kong itatangi ang matatamis na alaalang ito ng aking pagkabata sa East Germany.
Walang-Hanggang Pagmamahal
Ang mga tradisyon sa Pasko ay ipinagdiriwang sa mga kultura at bansa sa mundong ito sa kahanga-hanga at kakaibang mga paraan. Bawat isa sa mga ito ay maganda at pambihira, at lubha pang naiiba.
Ngunit lahat ay may iisang damdamin, iisang diwa na tila palaging naroon kapag ipinagdiriwang natin ang pagsilang ng Cristong Hari, ating Mang-aaliw at Tiwala, ang Kaaliwan ng Israel!
Maraming salitang maaaring gamitin ang isang tao para ilarawan ang damdaming ito: galak, pag-asa, pag-asam, saya. Bawat isa sa mga ito ay naglalarawan ng tinatawag nating “diwa ng Pasko.”
Para sa akin, may isang salitang tunay na naglalarawan ng damdamin natin tuwing Pasko. Ang salitang iyon ay pag-ibig.
Tutal, ang regalong ipinagdiriwang natin tuwing Pasko ay isang regalo ng pag-ibig—ang regalo ng Diyos na Kanyang Anak. “Dito nahayag ang pagibig ng Dios sa atin, sapagka’t sinugo ng Dios ang kaniyang bugtong na Anak sa sanglibutan upang tayo’y mabuhay sa pamamagitan niya. Narito ang pagibig.”1
Dahil sa pagmamahal na iyon, lumalambot ang ating puso. Lumalambot ang ating puso kaya tinutulungan natin ang iba nang may kabaitan at habag.
Hinihikayat tayo ng Pasko na mas magmahalan.
Kahit habang sinasabi ko ito, kinikilala ko na ang salitang pagmamahal ay hindi sapat. Sa Ingles, tulad sa maraming iba pang wika, ang “pagmamahal” ay maaaring maraming kahulugan. Halimbawa, maaari kong sabihing “gustung-gusto” ko ang klima, o “gustung-gusto” ko ang bagong damit mo, o maaari ko pa ngang “gustuhin” ang amoy ng bagong bukas na lata ng mga bola ng tennis.
Ngunit ang pagmamahal na binabanggit ko ay isang bagay na mas malalim. Ang konsepto nating mga mortal sa pagmamahal ay isang butil ng buhangin kumpara sa pag-ibig na nadarama ng Diyos para sa atin.
Ang Kanyang pag-ibig ay walang-hanggan at saganang habag. Puno ng banal na pag-ibig ang kawalang-hanggan. Umaapaw ito sa walang-hanggang biyaya. Ito ay tumutulong at nagpapasigla. Ito ay nagpapatawad. Ito ay nagpapala. Ito ay tumutubos.
Ang banal na pag-ibig ay lagpas pa sa mga pagkakaiba sa personalidad, kultura, o doktrina. Hindi nito tinutulutang makahadlang ang mga pagkiling at pagtatangi sa pag-aliw, pagkahabag, at pag-unawa. Ito ay ganap na walang pang-aapi, pagtatangi, o pagyayabang. Hinihikayat tayo ng banal na pag-ibig na gawin ang ginawa ng Tagapagligtas: “tulungan ang mahihina, itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina.”2
Ito ang klase ng pagmamahal na pinagsisikapan natin. Dapat itong mabanaag sa atin bilang mga indibiduwal at bilang mga tao.
Maaaring hindi tayo magkaroon ng kaganapan ng banal na pagmamahal sa buhay na ito, ngunit hindi tayo dapat sumuko. Kung may panahon ng taon na medyo mas malapit tayo sa isa’t isa kaysa ibang panahon, maaaring ito’y sa Kapaskuhan, na ang ating puso’t isipan ay bumabaling sa pagsilang ng buhay na pagpapakita ng banal na pag-ibig, maging ang Tagapagligtas na si Jesucristo.
Ang City Commissioner at ang Batang Lalaki
May ikukuwento ako para ilarawan kung paano gagana ang pag-ibig na ito sa ating buhay. Noong Bisperas ng Pasko 85 taon na ang nakararaan, noong Great Depression, iniinspeksyon ng isang city commissioner ang mga lansangan ng Salt Lake City pagkaraan ng isang bagyo sa taglamig. Habang nagmamaneho siya, nakita niya ang isang batang lalaki sa tabi ng daan, na nakatayo sa lamig na walang dyaket, guwantes, o bota. Tumabi ang commissioner, niyaya ang bata na sumakay para mainitan ng kanyang sasakyan, at tinanong kung sabik na siya sa pagsapit ng Pasko. Sagot ng bata, “Hindi po kami magdiriwang ng Pasko sa bahay. Tatlong buwan na pong patay si Daddy at kami ng maliliit kong kapatid na lalaki at babae ay iniwan ni Mama.”
Pinalakas ng city commissioner ang heater sa kanyang sasakyan at sinabing, “Ngayon, iho, ibigay mo sa akin ang pangalan at address mo. May pupunta sa bahay ninyo—hindi kayo makakalimutan.”
Ang city commissioner na ito rin ang stake president sa bayan ng Salt Lake City. Nakikipagtulungan siya sa mga miyembro ng kanyang stake sa pamimigay ng pagkain at mga regalo sa mga pamilyang hindi mapaglaanan ang kanilang sarili. Ang bata ay hindi miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mgaBanal sa mga Huling Araw, pero hindi iyon mahalaga sa commissioner. Noong gabing iyon siniguro niya at ng isa sa mga bishop sa kanyang stake na mabibigyan ng punung-punong Christmas basket ang pamilya ng bata.3
Labis na nakaapekto ang pagkatagpo ng stake president na ito sa batang ito. Naging mas determinado siyang hanapin at paginhawahin ang nagdurusa saanman niya sila matagpuan. Naging kilala siya habambuhay dahil dito.
Ang pangalan ng city commissioner ay Harold Bingham Lee, at pagkaraan ng 40 taon, siya ang magiging ika-11 Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Si Pangulong Lee ay mahalaga sa pagbubuo ng malawak na programa ng Simbahan na paginhawahin ang pagdurusa ng mga taong naghihirap at tulungan ang lahat ng anak ng Diyos na mas makaasa sa sarili.
Nang malapit na siyang mamatay, sinabi ni Pangulong Lee na naunawaan niya ang mga nagdurusa at gustong guminhawa dahil sa kanyang sariling mahirap at simpleng simulain.4
Hindi Kung Gaano Ka Kayaman Kundi Kung Gaano Ka Magmahal
Palagay ko alam ko kung ano ang pakiramdam ni Pangulong Lee.
May mga pagkakataon na naghirap din ang pamilya ko. Dalawang beses sa loob ng pitong taon, nilisan namin ang aming tahanan bilang mga refugee at iniwan namin ang lahat-lahat. Sa West Germany nangupahan kami sa attic ng isang lumang gusali sa bukid. May dalawang silid iyon, at lahat kami ay natulog sa iisang silid-tulugan. Napakasikip kaya kinailangan kong lumakad nang patagilid para makalipat ng kama.
May hot plate ang nanay ko na nagsilbing kalan namin. At kapag gusto naming lumipat sa kabilang silid, kinailangan naming mag-obstacle course sa mga kagamitang pangsaka, sari-saring kaban, at iba’t ibang tapang nakasabit sa kisame. Minsan, noong maysakit ako at buong maghapon akong nakahiga, pinanood ko sa sahig ang naghahabulang mga dagang nakihati sa attic namin. Kinailangan naming mag-akyat ng tubig sa mga kuwarto, at nasa labas sa may patio ang paliguan, sa tabi ng kamalig. Tuwing Linggo dalawang oras kaming naglalakad papunta sa Simbahan namin sa Frankfurt at pauwi. Bihira kaming makasakay sa trambya.
Naaalala ko pa ang mga panahong iyon nang may lungkot at galak. Ginawa ng mga magulang ko ang lahat para mapaglaanan kami, at alam namin na mahal nila kami. May mga panahon nga ng matinding pangangailangan, ngunit itinuring kong masaya ang mga ito dahil dama ko ang pagmamahal namin sa isa’t isa, sa Panginoon, at sa Kanyang Simbahan.
Hindi nakakahiyang maging mahirap. Alalahanin na ang Tagapagligtas ng Sangkatauhan ay isinilang sa isang kuwadra at inihimlay sa isang sabsaban “sapagka’t wala nang lugar para sa [Kanya] sa tuluyan.”5 Pagkaraan ng maikling panahon, naging refugee Siya at sina Maria at Jose, na tumatakas sa Egipto para makaligtas sa mamamatay-taong si Herodes. Noong naglilingkod Siya sa publiko, nakasama ni Jesus ang mahihina ang loob, gutom, at maysakit. Ang Kanyang mga araw ay puno ng paglilingkod sa kanila. Pumarito Siya “para ipahayag ang mabuting balita sa mga dukha.”6 Sa maraming paraan, isa Siya sa kanila, sapagkat Siya man ay “walang matulugan.”7
Pinuri Niya ang dukhang balo na naghagis, dahil sa kahirapan nito, ng kanyang dalawang lepta sa kabang-bayan ng mga Judio.8 At ang isa sa Kanyang mga huling mensahe sa mortalidad ay na ang ating kaligtasan mismo ay nakasalalay sa kung paano natin tratuhin ang iba—lalo na ang mga taong itinuturing na “pinakamaliit”—dahil “yamang inyong ginawa sa isa dito sa [kanila],” wika Niya, “ay sa akin ninyo ginawa.”9
Isinulat ng isang makatang Ingles noong ika-19 na siglo ang mga linyang ito:
Sa gitna ng malamig na sleet at snow,
Dumating ang isang robin na dungo;
Maawa ka, huwag siyang itaboy,
Sa halip mga tira ay iyong isaboy. …
Walang naghihirap, lahat may ibibigay,
Kapag sa taglamig, kasalata’y sumabay;
Tinapay ay palaging hindi pansarili,
Sa gayon mga tira’y iyong ibahagi.
Sasapit din ang iyong kamatayan,
Darating ang araw na ika’y hahatulan:
Ang iyong mga sala, sa utos ng kalangitan,
Ay ikukumpara sa nagawa mong kabutihan.10
Anuman ang ating katayuan sa buhay, bawat isa sa atin ay isang robin na dungo—isang pulubi—sa harap ng Diyos. Nakaasa tayo sa Kanyang biyaya. Dahil sa sakripisyo ni Jesucristo, na ating Tagapagligtas, bilang bahagi ng dakilang plano ng kaligayahan, may pag-asa tayong maligtas at kaawaan. Ang espirituwal na kaloob ay naggaganyak sa atin na sundin ang mga utos ng Diyos at tulungan nang may habag ang mga nasa paligid natin. Kahit lahat tayo ay may sandakot na mga mumo, masaya nating ibinibigay ang mga ito sa mga may emosyonal, espirituwal, o temporal na pangangailangan bilang pasasalamat sa banal na piging na inihanda ng Diyos para sa atin.
Pagpapala sa Iba sa Pasko
Sa mahal na Kapaskuhang ito, angkop lamang na malugod tayo sa mga ilaw, musika, regalo, at kinang. Lahat ng ito ay bahagi ng dahilan kaya paborito natin ang panahong ito ng taon.
Ngunit huwag nating kalimutan kailanman na tayo ay mga disipulo at alagad ni Jesucristo, ang buhay na Anak ng buhay na Diyos. Para tunay na maigalang ang pagparito Niya sa mundo, kailangan nating gawin ang Kanyang ginawa at tumulong nang may habag at awa sa ating kapwa. Magagawa natin ito araw-araw, sa salita at sa gawa. Gawin nating tradisyon sa Pasko, saanman tayo naroon—na maging mas mabait, mas mapagpatawad, di-gaanong mapanghusga, mas mapagpasalamat, at mas mapagbigay sa pagbabahagi ng ating kasaganaan sa mga nangangailangan.
Nawa’y maganyak tayo ng pagninilay tungkol sa pagsilang ni Jesus sa Betlehem na maging higit na katulad Niya. Nawa’y mag-umapaw sa ating puso ang banal na pagmamahal sa Diyos at matinding habag sa ating kapwa dahil sa misyon at halimbawa ni Cristo.At nawa’y ikalat natin magpakailanman ang ating mga tira o mumo nang mas bukas-palad at may walang-humpay na pagmamahal. Ito ang aking dalangin at basbas ngayong Kapaskuhan at sa lahat ng oras, sa pangalan ni Jesucristo, amen.