Mga Pamaskong Debosyonal
Pasko—Isang Panahon para Magmahal, Maglingkod, at Magpatawad sa Isa’t Isa


2:3

Pasko—Isang Panahon para Magmahal, Maglingkod, at Magpatawad sa Isa’t Isa

Gustung-gusto kong nakikita ang kasabikan at pag-asam ng mga bata sa buong Kapaskuhan! Naaalala ko ang sarili kong pag-asam noong Primary pa ako sa Argentina. May taon na hiniling ng mga Primary teacher namin na linisin ang mga lumang laruan namin, hugasan ang buhok ng aming mga manyika, at sulsihan ang kanilang mga damit para maipamigay namin sa maliliit na batang nasa ospital sa araw ng Pasko.

Noong buong linggong iyon habang nililinis ko ang mga lumang manyika ko, tinanong ako ni Inay kung ano ang ginagawa ko sa mga ito. Ipinaliwanag ko ang hiniling sa amin ng aming mga Primary teacher, at sagot niya, “Magbigay rin kayo ng isa sa magagandang laruan ninyo sa mga bata.”

Sinagot ko iyon ng, “Bakit ko gagawin iyon?”

Pagkatapos ay may sinabi siya na tumimo sa aking isipan mula noon. Sabi niya, “Cris, mabuti talagang magbigay ng isang bagay na gustung-gusto natin, isang bagay na mahirap ibigay dahil paborito natin iyon, isang bagay na isasakripisyo mo. Iyan ang ipinagkaloob sa atin ng ating Ama sa Langit. Isinugo Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo—hindi lang basta anak. Isinugo Niya ang Kanyang Pinakamamahal at sakdal na Anak para makabalik tayo sa piling Niya.”

Noong taong iyon nang ibigay ko ang isa sa mga paborito kong laruan, mas naunawaan ko ang kaloob sa atin ng ating Ama sa Langit—ang Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo, na mapagmahal na isinakripisyo ang Kanyang buhay para sa atin.

Taun-taon, bilang bahagi ng pagdiriwang namin ng Pasko, binabasa ni Itay ang magandang kuwento ni Lucas sa banal na kasulatan:

“Nangyari nga nang mga araw na yaon na lumabas ang isang utos mula kay Augusto Cesar, na magpatala ang buong sanglibutan. …

“At nagsisiparoon ang lahat upang sila’y mangatala, bawa’t isa sa kaniyang sariling bayan.

“At si Jose naman ay umahon mula sa Galilea, mula sa bayan ng Nazaret, hanggang sa Judea, sa bayan ni David, na kung tawagi’y Bet-lehem; …

“Upang patala siya pati ni Maria, na magaasawa sa kaniya, na kasalukuyang kagampan.

“At nangyari, samantalang sila’y nangaroroon, at naganap ang mga kaarawang dapat siyang manganak.

“At kaniyang ipinanganak ang panganay niyang anak na lalake; at ito’y binalot niya ng mga lampin, at inihiga sa isang pasabsaban, sapagka’t wala nang lugar para sa kanila sa tuluyan.

“At may mga pastor ng tupa sa lupain ding yaon na nangasa parang, na pinagpupuyatan sa gabi ang kanilang kawan.

“At tumayo sa tabi nila ang isang anghel ng Panginoon, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa palibot nila: at sila’y totoong nangatakot.

“At sinabi sa kanila ng anghel, Huwag kayong mangatakot; sapagka’t narito, dinadalhan ko kayo ng mabubuting balita ng malaking kagalakan, na siyang sasa buong bayan:

“Sapagka’t ipinanganak sa inyo ngayon sa bayan ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo ang Panginoon.

“At ito ang sa inyo’y magiging pinakatanda: Masusumpungan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin, at nakahiga sa isang pasabsaban.

“At biglang nakisama sa anghel ang isang karamihang hukbo ng langit, na nangagpupuri sa Dios, at nangagsasabi:

“Luwalhati sa Dios sa kataas-taasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya.”1

Mga kapatid, paano natin ngayon matatamasa ang kapayapaan at kabutihang iyon sa mga tao?

Nang pagnilayan ko ang tanong na ito nitong huling ilang linggo, na nasasaisip na ang Pasko ay panahon para magbigay, tatlong gawain—ang totoo’y tatlong regalong puwede nating ibigay—ang pumasok sa isipan ko. Siyempre, ibinibigay natin ang mga regalong ito sa buong taon, ngunit sa kahanga-hangang Kapaskuhan, inaalala natin ang kaloob ng Ama na Kanyang Anak at iniisip kung paano natin masusunod ang Kanilang halimbawa habang pinag-iibayo natin ang ating sariling kakayahan at hangaring magbigay.

1. Ang Pasko ang panahon para magmahal.

Ang ating Ama sa Langit at ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo ang pinakadakilang halimbawa ng pagmamahal. “Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”2

Itinuro sa atin ng ating Tagapagligtas sa pamamagitan ng halimbawa na mahalin ang lahat. Itinuro din Niya na mahalin natin ang Diyos at ang ating kapwa tulad sa ating sarili.

Ipinaliwanag ni Elder John A. Widtsoe:

“Maaaring hindi natin maunawaan ang ganap at mahalagang katangian ng pagmamahal, ngunit may mga pagsubok na magpapakita rito.

“Ang pagmamahal ay palaging nakasalig sa katotohanan. … Ang pagsisinungaling at panlilinlang, o anumang iba pang mga paglabag sa batas ng moralidad, ay mga katibayan ng kawalan ng pagmamahal. Ang pagmamahal ay namamatay sa gitna ng kasinungalingan. … Sa gayon, … [siya] na nagsisinungaling sa kanyang mahal sa buhay, o gumagawa ng anumang bagay na salungat sa katotohanan, ay hindi ito tunay na minamahal.

“Bukod pa rito, ang pagmamahal ay hindi sinasaktan o sinusugatan ang damdamin ng mahal sa buhay. … Walang kalupitan sa pagmamahal … katulad ng walang kasinungalingan sa katotohanan. …

“Ang pagmamahal ay isang positibo at aktibong puwersa. Tinutulungan nito ang mahal sa buhay. Kung kailangan, sinisikap itong ibigay ng pagmamahal. Kung may kahinaan, lakas ang ipinapalit dito ng pagmamahal. … Ang pagmamahal na hindi nakakatulong ay kunwari o pagpapanggap lang.

“Mabuti man ang mga pagsubok na ito, may mas mabuti pa. Ang tunay na pagmamahal ay nagsasakripisyo para sa mahal sa buhay. … Iyan ang huling pagsubok. Ibinigay ni Cristo ang Kanyang sarili, ibinuwis ang Kanyang buhay, para sa atin, at sa gayo’y ipinahayag ang katotohanan ng Kanyang pagmamahal para sa Kanyang mga kapatid na mortal.”3

Ang ating Ama sa Langit ay inaanyayahan tayong lahat, na Kanyang mga anak, na magmahal at magsakripisyo para sa pagmamahal na ito. “Mangagbigay kayo,” sabi ng Tagapagligtas, “at kayo’y bibigyan.”4 “Tinanggap ninyong walang bayad, ay ibigay ninyong walang bayad.”5

2. Ang Pasko ang panahon para magmahal.

Personal na naglingkod ang ating Panginoon at Tagapagligtas sa mga tao, na pinasisigla ang naaapi, binibigyan ng pag-asa ang pinanghihinaan-ng-loob, at hinahanap ang nawawala. Binigyan Niya ng paningin ang bulag, pinagaling ang maysakit at lumpo para sila makalakad, at binuhay ang patay.

Sa Kapaskuhan, iniisip ko ang mga missionary—mga elder, sister, senior missionary, at mission president sa buong mundo—na nagbibigay ng panahon at paglilingkod, bilang mga kinatawan ni Jesucristo, nang libre sa buong sangkatauhan. Iniisip ko ang lahat ng kapatid na gumugugol ng maraming oras sa paglilingkod nang tapat sa kanilang mga calling. Sa panahon ding ito, iniisip ko ang lahat ng lalaki at babaeng naglilingkod sa militar para tiyakin ang ating kaligtasan. Salamat sa inyong paglilingkod!

Ngunit kahit hindi tayo naglilingkod nang full-time sa Panginoon o sa ating bansa, walang hangganan ang mga pagkakataon nating maglingkod. Ang pagpapakita ng kabutihan sa salita at sa gawa ay magpapagaan ng mga pasanin at magpapagalak sa puso! Inaanyayahan tayong lahat ng ating Ama sa Langit na maglingkod. At kapag ginawa natin ito, “sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.”6

3. Ang Pasko ang panahon para magpatawad.

Ang pagpapatawad sa iba ay naghahatid ng kapayapaan at galak sa ating buhay. Itinuro ni Pangulong Heber J. Grant: “Wala nang maglalapit sa atin nang higit sa Espiritu ng Diyos kaysa sa … pagiging mabait, mapagbigay, mapagkawanggawa, matiisin at mapagpatawad. Wala nang ibang magdudulot sa atin ng higit na kagalakan kaysa sa pagiging handa at kusang pagpapatawad sa mga kasalanang nagawa sa atin ng ating mga kapitbahay. At walang ibang magdudulot ng higit na kapahamakan sa atin kaysa sa pagmamatigas ng puso at pagkagalit at damdamin ng paghihiganti sa mga nakapalibot sa atin.”7

Para mapatawad sa ating mga kasalanan, kailangan nating patawarin ang iba.

Ang pagpapatawad sa iba ay nagpapawala ng ating galit, kapaitan, o paghihiganti. At sino ang gustong makadama ng mga damdaming iyon sa Pasko? Ang pagpapatawad ay maaari ding magpahilom sa mga espirituwal na sugat at maghatid ng kapayapaan at pagmamahal na Diyos lamang ang makapagbibigay.

Nais ng ating Ama sa Langit na magsisi tayo at patawarin natin ang lahat—pati na ang ating sarili. Sabi ni Elder Jeffrey R. Holland: “Gaano man karaming pagkakataon ang iniisip ninyong lumagpas sa inyo, gaano man karaming pagkakamali ang inaakala ninyong nagawa ninyo o mga talentong wala kayo, o gaano man kayo napalayo sa inyong tahanan at pamilya at sa Diyos, pinatototohanan ko na hindi pa rin kayo ganap na napalayo sa pag-ibig ng Diyos. Hindi posibleng lumubog kayo nang mas malalim kaysa kayang abutin ng walang-hanggang liwanag ng Pagbabayad-sala ni Cristo.”4

Mga kapatid, sa Kapaskuhang ito, ibigay nating lahat ang pinakamagagandang regalo. Isakripisyo natin nang may pasasalamat sa ating puso ang ating mga paboritong laruan—hindi ang mga pinaglumaan natin. At magkaloob tayo ng pagmamahal, ng paglilingkod sa mga nakapaligid sa atin, at ng tunay na kapatawaran. Sapagkat kapag nagsisisi tayo, pinatatawad tayo ng Banal ng Israel. Pinatototohanan ko na Siya ay buhay. Siya ang Hari ng mga hari, ang Prinsipe ng Kapayapaan, ang ating Tagapagligtas, ating Manunubos, at ating Kaibigan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.