Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 16: Pagpapatawad sa Iba


Kabanata 16

Pagpapatawad sa Iba

Ang pagpapatawad sa iba ay nagdudulot ng kapayapaan at kagalakan sa ating buhay.

Mula sa Buhay ni Heber J. Grant

Ang anak ni Pangulong Heber J. Grant na si Lucy Grant Cannon ay sumulat: “Ang isa sa mga katangian ng [tatay ko] na para sa akin ay halos gaya ng kay Cristo ay ang kakayahan niyang magpatawad, ang gawan ng kabutihan ang nagsisiusig sa kanya. Maraming ulit niyang tinulungan ang taong nahihirapan na noong una ay hayagang bumatikos sa kanya, nagparatang sa kanya at ang pamumuhay ay di gaya ng pamantayan na sinunod niya. Hindi siya mahigpit at mapagpaubaya siya sa mga nakalimot sa Simbahan at tumalikod sa pananampalataya ng kanilang mga ninuno. Tila wala siyang nadaramang galit kanino man. Matindi ang pagtuligsa niya sa kasalanan, ngunit napakamaawain sa nagkasala.”1

Unti-unting tinaglay ni Heber J. Grant ang katangiang ito, habang natututo mula sa banal na kasulatan, mga inspiradong guro, at sa sarili niyang karanasan hanggang sa masabi niyang, “Wala akong sama ng loob laban sa sinumang tao.”2 Sa pananalitang ibinigay niya sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1920, ikinuwento niya ang isang karanasan na tumulong sa kanya na taglayin ang diwa ng pagpapatawad sa kanyang buhay. Ang karamihan sa sumusunod na mga turo ay hango sa pananalitang iyon.

Mga Turo ni Heber J. Grant

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ebanghelyo ng pagpapatawad.

Nawa tulungan ng Diyos ang bawat isa sa atin na maalala na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay hindi lamang ebanghelyo ng pagpapabalik-loob, kundi ito’y ebanghelyo ng pagpapatawad. Nakasulat na bagaman ang mga kasalanan ng isang tao’y maging gaya ng matingkad na pula, kung magsisisi siya, ang lahat ng ito’y magiging kasingputi ng niyebe [tingnan sa Isaias 1:18]. Nagagalak ako sa kagila-gilalas na paghahayag na nagsasabing:

“Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao.” [D at T 64:10.]3

Marami akong ibinigay na payo sa mga Banal sa mga Huling Araw noong kapanahunan ko, at isa sa mga pangunahing payo ay ang huwag kailanman batikusin ang sinuman kundi ang ating sarili. Naniniwala ako sa pambabatikos sa buong maghapon, ngunit tanging sa mahal nating sarili.4

Wala nang maglalapit sa atin nang higit sa Espiritu ng Diyos kaysa sa … pagiging mabait, mapagbigay, mapagkawanggawa, matiisin at mapagpatawad. Wala nang ibang magdudulot sa atin ng higit na kagalakan kaysa sa pagiging handa at kusang pagpapatawad sa mga kasalanang nagawa sa atin ng ating mga kapitbahay. At walang ibang magdudulot ng higit na kapahamakan sa atin kaysa sa pagmamatigas ng puso at pagkagalit at damdamin ng paghihiganti sa mga nakapalibot sa atin.5

Sa bahaging 64:8–13, ng Doktrina at mga Tipan, makikita natin ang sumusunod:

“Ang aking mga disipulo, noong unang panahon, ay naghangad ng masama laban sa isa’t isa at hindi nila pinatawad ang isa’t isa sa kanilang mga puso; at dahil sa kasamaang ito sila ay pinahirapan at labis na pinarusahan.

“Dahil dito, sinasabi ko sa inyo, na nararapat ninyong patawarin ang isa’t isa; sapagkat siya na hindi nagpapatawad sa kanyang kapatid ng kanyang mga pagkakasala ay nahatulan na sa harapan ng Panginoon; sapagkat mananatili sa kanya ang mas malaking kasalanan.

“Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao.

“At nararapat ninyong sabihin sa inyong mga puso—ang Diyos ang hahatol sa akin at sa iyo, at ikaw ay gagantimpalaan alinsunod sa iyong mga gawa.

“At siya na hindi nagsisisi ng kanyang mga kasalanan, at hindi ipinagtatapat ang mga yaon, ay inyong ihaharap sa Simbahan, at gawin sa kanya ang sinasabi ng Banal na Kasulatan sa inyo, sa pamamagitan ng kautusan o sa pamamagitan ng paghahayag.

“At ito ang inyong gagawin upang ang Diyos ay maluwalhati— hindi dahil sa hindi kayo nagpapatawad, na walang pagkahabag, kundi nang kayo ay mabigyang-katwiran sa mga mata ng batas, nang hindi ninyo masaktan siya na inyong Tagapagbigay ng Batas.”

At sa bahaging 121:45, 46, mababasa natin:

“Punuin din ang iyong sisidlan ng pag-ibig para sa lahat ng tao, at sa sambahayan ng pananampalataya, at puspusin ng kabanalan ang iyong mga iniisip nang walang humpay; sa gayon ang iyong pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos; at ang doktrina ng pagkasaserdote ay magpapadalisay sa iyong kaluluwa gaya ng hamog mula sa langit.

“Ang Espiritu Santo ang iyong magiging kasama sa tuwina, at ang iyong setro ay hindi nagbabagong setro ng kabutihan at katotohanan; at ang iyong pamamahala ay magiging walang hanggang pamamahala, at sa walang sapilitang pamamaraan ito ay dadaloy sa iyo magpakailanman at walang katapusan.”

Malaki ang respeto ko at pagpapahalaga sa siping ito mula … sa Doktrina at mga Tipan.

Ang diwa ng kagalakan at kapayapaan ay dumarating kapag tayo’y nagpapatawad.

Mga ilang taon na ngayon nang matiwalag sa Simbahan ang isang kilalang lalaki. Makalipas ang maraming taon ang lalaki ay sumamo na mabinyagan. Isinangguni ni Pangulong John Taylor sa mga apostol ang tungkol sa kanyang binyag at isinasaad [sa liham] na kung magkakaisa sila na mabinyagan siya, siya’y mabibinyagan, ngunit kung may isang tututol, hindi siya matatanggap sa Simbahan. Ayon sa natatandaan ko, lima ang pumayag sa pagbibinyag at pito ang tumutol. Mga isang taon makalipas iyon ay muling nabuksan ang usapin at walo ang sumang-ayon sa pagbibinyag at apat ang tumutol. Sa huli’y muli itong nabuksan at sampu na ang sang-ayon at dalawa ang tumutol. Sa wakas ang buong Konseho ng Labindalawa, maliban sa inyong abang lingkod, ang pumayag na mabinyagan ang taong ito at noo’y pangalawa ako sa pinakabagong miyembro ng korum. Bandang huli’y nasa tanggapan ako ng pangulo at sinabi niya:

“Heber, alam kong labing-isa sa mga apostol ang pumayag na mabinyagan si Brother Ganito at Ganyan, ” at binanggit ang pangalan ng lalaki, “at ikaw lang ang tumutol. Ano ang madarama mo kapag nasa kabilang buhay ka na at makita na ang taong ito ay nagmakaawang mabinyagan at matuklasan na marahil ikaw ang humadlang para makapasok siya kasama ng mga nagsisi ng kanilang mga kasalanan at nakatanggap ng ilang gantimpala?”

Sabi ko’y, “Pangulong John Taylor, makatitingin ho ako nang diretso sa Panginoon, kung itatanong niya iyan sa akin, at sasabihin kong ginawa ko ang inaakala kong pinakamainam para sa kaharian. … Masasabi ko sa Panginoon na nagdulot ng kahihiyan [ang lalaking] iyon sa Simbahan, at wala akong balak na hayaan ang gayong uri ng tao na bumalik sa Simbahan.”

“Kung gayon, ” sabi ni Pangulong Taylor, “anak, ayos lang, sundin mo ang inaakala mong tama, bumoto ka ayon sa paniniwala mo.”

Sabi ko, “Pangulong Taylor, sabi ninyo sa sulat nais ninyong iboto ng bawat apostol ang nais ng kanyang puso. Kung gusto ninyong isuko ko ang naisin ng puso ko, gagawin ko ito; malugod kong iboboto na pabalikin ang taong ito, ngunit habang buhay ako’y di ako makapapayag, kung ako ang tatanungin. Naakusahan ang taong iyan sa harap ng mga apostol ilang taon na ang nakalilipas at tumayo siya’t nagsinungaling at sinabing wala siyang kasalanan, at pinatotohanan sa akin ng Panginoon na nagsinungaling siya, ngunit hindi ko siya maisusumpa nang dahil doon. Lumuhod ako nang gabing iyon at nanalangin sa Diyos na bigyan ako ng lakas na huwag ipangalandakan ang taong iyon, dahil sa nagsinungaling siya at wala tayong katibayan, maliban sa patotoo ng batang babae na inakit niya. At hiniling ko sa Panginoon na dumating sana balang-araw ang dagdag na patotoo, na dumating naman, at itiniwalag natin siya. At sa oras na magsinungaling ang isang tao sa mga apostol, at nagkasala siya bagaman sinasabing pinagsisihan na niya ang mga kasalanan, sa palagay ko’y masyado nang nalagay sa kahihiyan ang Simbahang ito kahit na di pa siya payagang makapasok sa Simbahan.”

“Kung gayon, ” muling sinabi ni Pangulong Taylor, “anak, huwag na huwag kang boboto, habang ganyan ang pananaw mo, bumoto ka ayon sa paniniwala mo.”

Nilisan ko ang tanggapan ng pangulo. Umuwi ako. … Binabasa ko noon ang Doktrina at mga Tipan sa ikatlo o ikaapat nang pagkakataon, at may pananda ako rito, ngunit pagdampot ko nito, sa halip na buksan sa kinalalagyan ng pananda, nabuksan ito sa:

“Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao; sapagkat siya na hindi nagpapatawad sa kanyang kapatid ng kanyang mga pagkakasala ay nahatulan na sa harapan ng Panginoon.” [Tingnan sa D at T 64:9–10.]

At isinara ko ang aklat at sinabing: “Kung humiling ang diyablo na mabinyagan, at magsabing nagsisi na siya, bibinyagan ko siya.” Matapos mananghalian nagbalik ako sa tanggapan ni Pangulong Taylor at sinabing, “Pangulong Taylor, nagbago po ang damdamin ko. Isang oras na po ngayon nang sabihin kong habang nabubuhay ako’y di ako papayag na mabinyagan si Brother Ganito at Ganyan, ngunit narito po ako para sabihing maaari na siyang binyagan, kung ako ang tatanungin.”

May ugali si Pangulong Taylor, lalo na kapag nasisiyahan siya, uupo at magtatatawa siya habang yumuyugyog ang buong katawan, at nagtawa siya at sinabing, “Anak, ang bilis naman ng pagbabago. May itatanong sana ako sa iyo. Ano ang pakiramdam mo nang umalis ka mga isang oras na ngayon? Nadama mo bang gusto mong suntukin ang lalaki sa pagitan ng dalawang mata at pabagsakin siya?”

Sabi ko’y, “Ganyan nga ho ang nadama ko.”

Sabi niya, “Ano’ng pakiramdam mo ngayon?”

“Ang totoo ho, Pangulong Taylor, sana patawarin ng Panginoon ang nagkasala.”

Sabi niya, “Masaya ka di ba, kaysa kanina. Nasa iyo ang diwa ng galit kanina, may poot sa iyong puso sa taong iyon, dahil sa kanyang kasalanan at dahil sa kahihiyang idinulot niya sa Simbahan. At ngayo’y nasa iyo ang diwa ng pagpapatawad at masaya ka, di ba?”

At sabi ko’y, “Oho; galit ako at napopoot kanina pero ngayon masaya na ako.”

At sinabi niya: “Alam mo ba kung bakit ko isinulat ang liham na iyon?”

Sabi ko’y: “Hindi po.”

“Isinulat ko iyon upang matutuhan mo at ng ilang nakababatang miyembro ng mga apostol ang aral na ang pagpapatawad ay mas nauuna sa katarungan, kapag may pagsisisi, at ang pagkakaroon sa inyong puso ng diwa ng pagpapatawad at pag-aalis sa inyong puso ng diwa ng galit o pagkapoot ay nagdudulot ng kapayapaan at kagalakan; na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay nagdudulot ng kagalakan, kapayapaan at kaligayahan sa bawat kaluluwa na namumuhay ayon dito at sumusunod sa mga turo nito.”

At nagpatuloy siya. Hindi ko na maalala ang lahat ng mga itinuro niya, ngunit nagpatuloy sa ganitong paraan, sinasabi niya na hindi siya ang nagbigay sa akin ng karanasang iyon, na hindi niya ako mabibigyan ng patotoo ng ebanghelyo. Sinabi niyang ako mismo ang dapat tumanggap ng patotoong iyon; na dapat mapasa puso ko ang tamang diwa at madama ito—ang diwa ng pagpapatawad, ang diwa ng pagtitiis at pagkakawanggawa—bago mapasa akin ang anumang kabutihan bilang indibiduwal. Kung basta ko na lang isinuko ang aking kalooban sa kanya at ibinoto na mabinyagan ang taong ito ay hindi ko sana natutuhan ang aral na ang diwa ng kagalakan at kapayapaan ay dumarating kapag nagpatawad, at kapag puspos ang ating puso ng pagmamahal sa kapwa at pagpapasensiya sa mga taong nakagawa ng pagkakamali. Mula noon hanggang ngayon naaalala ko pa ang mga turong iyon.

Ang Propeta ng Panginoon [Pangulong Taylor] ay nagsabi:

“Anak, huwag mong kalimutan na kapag ginagampanan mong mabuti ang iyong tungkulin ang puso mo’y mapupuspos ng pagmamahal at pagpapatawad, maging sa makasalanang nagsisisi. At kapag hindi mo na nagagampanan ang iyong tungkulin at nagpasiyang maniwala na ang itinuturing mong katarungan at siyang patas at tama ang dapat masunod o magawa, kadalasan ikaw ay hindi maligaya. Malalaman mo ang kaibhan ng Espiritu ng Panginoon at ng espiritu ng kaaway, kapag nakikita mong maligaya ka at kuntento, na mahal mo ang iyong kapwa, na iniisip mo ang kapakanan nila; at malalaman mong wala sa iyo ang Espiritu kapag puno ka ng galit at dama mong gusto mong pabagsakin ang isang tao.”

Ang pagpapatawad ay pahiwatig ng tunay na pagmamahal sa kapwa.

Naaalala ko ang isa sa mga pinakamainam na kabanata sa buong Biblia (I Cor. 13):

“Kung ako’y magsalita ng mga wika ng mga tao at ng mga anghel, datapuwa’t wala akong pagibig, ay ako’y naging tanso na tumutunog, o batingaw na umaalingawngaw.

“At kung magkaroon ako ng kaloob na panghuhula, at malalaman ko ang lahat ng mga hiwaga at ang lahat ng mga kaalaman; at kung magkaroon ako ng buong pananampalataya, na ano pa’t mapalipat ko ang mga bundok, datapuwa’t wala akong pagibig, ay wala akong kabuluhan.

“At kung ipagkaloob ko ang lahat ng aking mga tinatangkilik upang ipakain sa mga dukha, at kung ibigay ko ang aking katawan upang sunugin, datapuwa’t wala akong pag-ibig, ay walang pakikinabangin sa akin.

“Ang pagibig ay mapagpahinuhod, at magandang-loob; ang pagibig ay hindi nananaghili; ang pagibig ay hindi nagmamapuri, hindi mapagpalalo.

“Hindi naguugaling mahalay, hindi hinahanap ang kaniyang sarili, hindi nayayamot, hindi inaalumana ang masama;

“Hindi nagagalak sa kalikuan, kundi nakikigalak sa katotohanan;

“Lahat ay binabata, lahat ay pinaniniwalaan, lahat ay inaasahan, lahat ay tinitiis.

“Ang pagibig ay hindi nagkukulang kailan man: kahit maging mga hula, ay mangatatapos; maging mga wika, ay titigil: maging kaalaman, ay mawawala.

“Sapagka’t nangakakakilala tayo ng bahagya, at nanganghuhula tayo ng bahagya;

“Datapuwa’t kung dumating ang sakdal, ang bahagya ay matatapos.

“Nang ako’y bata pa, ay nagsasalita akong gaya ng bata, nagdaramdam akong gaya ng bata, nagiisip akong gaya ng bata: ngayong maganap ang aking pagkatao, ay iniwan ko ang mga bagay ng pagkabata.

“Sapagka’t ngayo’y malabo tayong nakakikita sa isang salamin; nguni’t pagkatapos ay makikita natin sa mukhaan: ngayo’y nakikilala ko ng bahagya, nguni’t pagkatapos ay makikilala ko ng gaya naman ng pagkakilala sa akin.

“Datapuwa’t ngayo’y nanatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, ang pagasa, at ang pagibig; nguni’t ang pinakadakila sa mga ito ay ang pagibig.”

Iniisip ng marami na ang pag-ibig sa kapwa ay pagbibigay ng pera sa isang tao; ngunit ang tunay at di huwad na pag-ibig sa kapwa ay ang pagpapakita ng pagmamahal at pakikiramay, at iyan ang uri ng pagmamahal sa kapwa na tinutukoy ng apostol sa ika-13 kabanatang ito ng Unang Corinto.

Natatandaan ko na matapos ibigay ng Pangulo ng Simbahan ang aral na iyon noong aking kabataan ay binasa ko ang kabanatang ito nang minsan sa isang linggo nang medyo matagal, tapos ay minsan sa isang buwan sa loob ng ilang buwan. Naisip kong kailangan ko ito sa aking negosyo; isa ito sa mga bagay na kailangan para ako’y umunlad.

Sa halip na hatulan ang iba, dapat nating sikaping pagbutihin ang ating sarili.

Natatandaan ko na noong nakaraang taon, dito sa kumperensya, ay binasa ko ang isang mainam at magandang awitin, narito ang kalahati ng unang talata nito:

Hayaang makilala ng bawat isa

Ang mismo niyang pagkatao,

Mali niya’y dapat itama

Maling pinupuna sa kapwa.

[Tingnan sa “Let Each Man Learn to Know Himself, ” Hymns (1948), blg. 91]

… Binanggit ko rin ang apat na maiikling talata mula sa ating himno [na pinamagatang “Should You Feel Inclined to Censure”], na ang bahagi ay mababasa nang ganito:

Sakaling maisip mong

Pulaan ang iba,

Puso mo ang unang suriin,

Dahil baka mali ka.

[Tingnan sa Hymns (1985), blg. 235]

Ni hindi ko naisip noong banggitin ko ang mga tulang ito na nanaisin kong banggitin muli ito ngayon; ngunit dahil sa paghatol at diwa, halos sa galit, at poot na tila ipinakikita ng ilang tao sa kalipunan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa kasalukuyan, na may kinalaman sa negosyo at pulitikal na gawain ay nais kong bigyang-diin, sa lakas na aking taglay, ang huling talata ng munting himnong iyon … :

Ang paghatol ay iwasan,

Problema ay lunasan,

Siya na pinararatangan

Ay nagiging kaibigan.

[Tingnan sa Hymns, (1985), blg. 235]. …

Gusto kong ulitin ang huling talata ng [isang] napakainam na himno, na natutuhan ko mga tatlumpu’t lima o apatnapung taon na ang nakalilipas, noong unang awitin ito sa akin ni Francis M. Lyman [ng Korum ng Labindalawang Apostol]. Isinulat ko ang mga salita nito noon ding gabing iyon, at inaral kinabukasan. Gusto kong ipamuhay ng bawat Banal sa mga Huling Araw ang mga turo ng napakainam na talatang ito, at kung gagawin natin iyan naniniwala akong madaragdagan ang ating pag-ibig at pagmamahal sa kapwa; upang ang diwa ng kapayapaan at kaligayahan, na ipinangako ni Pangulong Taylor sa akin noong nagpasiya akong huwag papasukin sa Simbahan ang isang lalaki, at ang diwa ng kagalakan at kapayapaan na napasa akin, matapos ang pagbabago ng puso, ay dumating sa mga Banal sa mga Huling Araw:

Kung sa iyong palagay

Ika’y nakalalamang,

Panginoon sa iyo’y natuwa

At dapat gayon ka rin sa ‘yong kapwa.

Ang iyong mabuting halimbawa

Maaaring tularan ng iba.

Kaya’t ikaw na muna ang magbago

Bukas nama’y tulungan ang kaibigan mo.

[Tingnan sa Hymns (1948), blg. 91]. …

Nakikiusap ako sa bawat Banal sa mga Huling Araw na palakasin ang diwa ng pag-ibig sa kapwa, ang pagtitiis, at pagmamahal sa kapatid.6

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Sa paanong mga paraan ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ebanghelyo ng pagpapatawad?

  • Bakit kailangan nating patawarin ang iba? Ano ang ilan sa mga ibubunga ng pagtangging magpatawad?

  • Bakit mahirap magpatawad kung minsan? Ano ang maaari nating gawin para mapaglabanan ang ganitong balakid?

  • Sa paanong mga paraan maiimpluwensiyahan ng pagiging mapagpatawad ng isang tao ang mga taong pinatatawad?

  • Paanong pagpapahiwatig ng pagmamahal sa kapwa ang pagpapatawad?

Mga Tala

  1. “A Father Who Is Loved and Honored, ” Improvement Era, Nob. 1936, 682.

  2. Sa Conference Report, Okt. 1937, 131.

  3. Sa Conference Report, Abr. 1936, 12.

  4. Gospel Standards, tinipon ni G. Homer Durham (1941), 47.

  5. Sa Collected Discourses Delivered by President Wilford Woodruff, His Two Counselors, the Twelve Apostles, and Others, na tinipon ni Brian H. Stuy, 5 tomo (1987–92), 3:194.

  6. Sa Conference Report, Okt. 1920, 4–10; binago ang ayos ng mga talata.

prodigal son

Gaya ng ipinakikita ng ipinintang larawan na ito ng alibughang anak na mainit na tinanggap ng kanyang ama, “ang diwa ng kagalakan at kapayapaan ay dumarating kapag nagpatawad, at kapag puspos ang ating puso ng pagmamahal sa kapwa at pagpapasensiya sa mga taong nakagawa ng pagkakamali.”