Kabanata 8
Pagsunod sa mga Pinili ng Diyos na Mamuno
Sinusuportahan natin ang mga awtoridad ng Simbahan sa pamamagitan ng pagdarasal para sa kanila, pagsunod sa kanilang inspiradong payo, at pagtataguyod sa kanila sa kanilang mga pagsisikap.
Mula sa Buhay ni Heber J. Grant
Noong simulan ni Elder Heber J. Grant ang kanyang paglilingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol, ginawa niya iyon nang buong katapatan sa Pangulo ng Simbahan. Kaagad pagkatapos niyang matanggap ang tawag, sinulatan niya ang pinsan na si Anthony W. Ivins, “buong katapatan kong masasabi na hindi pa nangyari sa buhay ko na hindi ako handang baguhin ang mga plano kong hakbangin kapag inutos ng tagapaglingkod ng Diyos.”1
Bilang miyembro ng Korum ng Labindalawa, si Elder Grant ay nagkaroon ng maraming karanasan na nagpalakas sa patotoo niya hinggil sa Pangulo ng Simbahan bilang tagapagsalita ng Panginoon sa lupa. Sa huli, noong siya na ang Pangulo ng Simbahan, ikinuwento niya ang isa sa mga karanasang iyon, kung saan nakita niya ang inspirasyon ng Panginoon kay Pangulong Wilford Woodruff. Noong 1890 sinabi ni Pangulong Woodruff na kalooban ng Panginoon na magtayo ang mga Banal ng negosyo na pagawaan ng asukal mula sa rimulatsa (beet), sa Utah. Si Elder Grant ay naglingkod sa isang komite na binuo “upang pag-aralan ang ideyang ito.” Matapos ang masusing pagsasaliksik, nagkaisang inirekomenda ng komite na kalimutan ng Simbahan ang ideya.
Gayunman, ayon sa ulat ni Pangulong Grant, “Hindi nasiyahan si Pangulong Woodruff. Tumawag ng isa pang komite. Nasa unang komite ako at inilagay niya ako sa pangalawang komite. Humingi ako ng paumanhin, dahil nakabuo na ako ng opinyon, nakapirma na ang pangalan ko sa isang ulat, pero ayaw niyang pakinggan ang hiling kong paumanhin. Masusi at maingat naming binalikan ang ideyang iyon, at negatibo ang iniulat ng pangalawang komite. Sabi ni Pangulong Woodruff: ‘Huwag ninyong pansinin ang ulat. Ang inspirasyong ibinigay sa akin ay itatag ang industriya ng asukal.’ ”
Tapat sa tagubilin ng propeta ng Panginoon, si Pangulong Grant at ang iba pa ay gumawa ng plano para itayo ang pabrika na gagawa ng asukal mula sa rimulatsa. Gayunman, ang pambansang krisis sa pananalapi noong 1891 ang humadlang sa paglikom ng sapat na pera para maitayo ang pabrika. Muli isang grupo ng magagaling na negosyante ang nagmungkahi na hindi mabuting ituloy ng Simbahan ang plano nitong magtayo ng pabrika. Naalaala ni Pangulong Grant ang sagot ng pinunong ito sa mungkahi:
“Nang ipakita ang rekomendasyon, ganito ang sagot ni Wilford Woodruff: ‘Simula nang matanggap ko ang kaalaman na banal ang ebanghelyo ni Jesucristo na inihayag sa Propetang Joseph Smith, simula noong humayo ako bilang priest para ipangaral ang ebanghelyo, kahit na tila mamamatay ako, kahit na ang landas ng tungkulin na ipinatahak sa akin ng ebanghelyo ay nangahulugan ng pagharap ko sa kamatayan, hindi ako kailanman lumiko sa kanan o sa kaliwa; at ngayon ang inspirasyong bigay sa akin ng Panginoon ay magtayo ng pabrika. Sa tuwing iisipin kong kalimutan ito ay mayroong kadiliman; at sa tuwing iisipin kong itayo ito ay mayroong liwanag. Itatayo natin ang pabrika kahit na mamulubi ang Simbahan.’ ”
“Naitayo nga namin ito, ” sabi ni Pangulong Grant sa dakong huli, “at hindi namulubi ang Simbahan.” Sa katunayan, ang Simbahan ay nagtayo ng iba pang mga pabrika, nagtatag ng industriyang kapakipakinabang sa Simbahan sa kabuuan at sa bawat Banal sa mga Huling Araw.2
Makalipas ang ilang taon, ibinigay ni Pangulong Heber J. Grant ang simpleng payo na ito para gabayan ang buhay ng mga Banal sa mga Huling Araw: “Wala akong alam na iba pang mas mahalaga sa buhay kaysa sa pagiging masunurin sa payo ng Panginoon, at ng Kanyang mga tagapaglingkod sa ating panahon.”3
Mga Turo ni Heber J. Grant
Ang Panginoon ang tumatawag sa Kanyang mga propeta at ginagabayan sila sa pamamagitan ng inspirasyon.
Gusto ko sa oras na ito, at sa lahat ng pagkakataon, na magbigay ng patotoo nang buong kaseryosohan at kababaang-loob sa banal na misyon ng Propetang Joseph Smith, at sa banal na misyon ng bawat lalaki na piniling humalili sa kanya.4
Wala kayong dapat ikatakot mahal kong mga kapatid dahil hindi makatatayo ang sinumang lalaki sa uluhan ng Simbahan ni Jesucristo kung hindi ito kagustuhan ng ating Ama sa Langit.5
Masasabi kong ang mga pagpapala ng Panginoon ay ibinuhos nang sagana sa bawat lalaking namuno sa Simbahang ito, dahil lahat sila’y matwid na naghangad sa inspirasyon ng Espiritu ng Diyos na gumabay sa kanila sa lahat ng kanilang ginawa.6
Nakilala ko si Brigham Young noong anim na taong gulang pa lang ako. … Mapatototohanan ko ang kanyang kabaitan, ang pagmamahal niya sa akin bilang isang tao, ang pagmamahal niya sa Diyos at sa inspirasyon ng Panginoon na napasa kanya noong siya pa ang nakatayo sa kilalagyan ko ngayon, nang magkaroon ako ng pribilehiyo na mapabilang sa madla at makapakinig sa kanyang inspiradong mga salita.
Tinawag ako sa Konseho ng Labindalawang Apostol sa pamamagitan ng paghahayag ng Panginoon kay Pangulong John Taylor, at simula nang mapabilang ako sa Konseho ng Labindalawa, dalawang taon makaraang gawing Pangulo ng Simbahan si John Taylor, hanggang sa araw na siya’y mamatay ay nagkikita kami linggu-linggo. … Alam kong tagapaglingkod siya ng Diyos na buhay; alam kong napasa kanya ang inspirasyon ng Panginoon; at alam kong sa lahat ng sandali, sa tuwing sasabihin niyang: “Ito ang nais ng Panginoon, ” at sasang-ayunan ng mga kasama niya sa konseho ang sinabi niyang iyon, siya’y palaging tama. Ang inspirasyon ng Panginoon na nasa kanya ay patunay na ang karunungan niyang taglay dahil sa kapangyarihan ng Diyos ay nakahihigit sa karunungan ng ibang tao.
Ilang beses akong dumalo sa mga pulong …, at alam ko na tatalakayin ang isang bagay at gaya ng iba ay nasa isip ko na ang papanigan ko sa tanong na iyon. … Habang nasa mga pulong ako … at may pasiya na kung alin ang papanigan kong patakaran ay kusang-loob at malaya akong bumoto sa kabaligtaran ng patakarang iyon, dahil sa inspirasyon ng Panginoon na dumating kay John Taylor. Sa bawat gayong pagkakataon ang tagapaglingkod ng Panginoon na si John Taylor, ay napapawalang-sala, at ang mataas niyang paghatol, sa inspirasyon ng Panginoon, ay nakikitang umaayon sa mga bagay na pinakamainam para sa mga tao.
Makapagkukuwento ako ng mga sandali kung saan ang mga apostol ay isinugo upang isagawa ang mga gawain sa ilalim ng inspirasyon ng Panginoon kay John Taylor, kang saan inakala nilang hindi nila ito maisasagawa. Nakabalik sila at nakapagpatotoo na sa pamamagitan at sa tulong ng Panginoon at nagawa nila ang ipinagagawa sa kanila ni Pangulong Taylor, ang Propeta ng Panginoon. …
Makapagpapatotoo ako na si Wilford Woodruff ay tunay na tagapaglingkod ng Diyos na buhay at totoong Propeta ng Diyos. Si Wilford Woodruff, na mapagpakumbabang tao, ay nagpabalikloob at nakapagbinyag ng daan-daang mga tao sa loob ng ilang buwan sa Herefordshire, England. … Naniniwala ako na walang taong nabuhay sa mundo na hihigit pa kay Wilford Woodruff sa pagpapabalik-loob sa mga tao sa Ebanghelyo ni Jesucristo. Siya’y taong lubos na kahanga-hanga at tunay na mapagpakumbaba; hindi siya kailanman nasangkot sa anumang malaking negosyo; inilaan niya ang sarili sa pagsasaka at nahilig sa pagtatanim ng mga prutas at iba pang pananim; isang taong aba kaya’t marami ang nagsabi na wala siyang kakayahang mamuno sa Simbahan ni Cristo. Ngunit nais kong magpatotoo sa inyo na, sa inspirasyon ng Panginoon, at dahil sa kababaang-loob ng taong ito, dahil sa kanyang buhay na tila tulad ng sa Diyos at dahil mahal siya ng Diyos, siya’y maraming ulit na biniyayaan ng karunungan na higit kaysa lahat ng karunungan ng mga miyembro ng Simbahan na mahuhusay sa pananalapi. …
Alam kong si Lorenzo Snow ay Propeta ng Diyos. … napabilang si Lorenzo Snow sa panguluhan ng Simbahan noong siya walumpu’t limang taong gulang, at ang nagawa niya sa sumunod na tatlong taon ng kanyang buhay ay lubhang kahanga-hanga kung iisipin. Iniangat niya ang Simbahan … mula sa halos pagkalugi. … Sa loob lamang ng tatlong taon ang lalaking ito, na sa tingin ng mundo ay matanda na at hindi na kayang mamuno, ang lalaking ito na wala namang alam sa negosyo, na nag-ukol ng kanyang panahon sa paggawa sa Templo, ang siyang namahala sa pananalapi ng Simbahan ni Cristo, sa ilalim ng inspirasyon ng Diyos na buhay, at sa loob ng tatlong taong iyon ay binago ang lahat ukol sa pananalapi, mula sa masamang kalagayan tungo sa mabuti. …
Nagpapatotoo ako sa inyo na mula noong bata pa ako, noong di ko pa lubos na nauunawaan ang mga turo ng ebanghelyo, na tuwang-tuwa ako, at tumutulo ang mga luha sa aking pisngi, sa ilalim ng inspirasyon ng Diyos na buhay, habang pinakikinggan ko si Joseph F. Smith na nangangaral ng ebanghelyo. … Palagi niyang napupuspos ang aking espiritu kapag naririnig kong ipinahahayag niya ang ebanghelyo ni Jesucristo. Tunay na isa siya sa mga dakilang propeta ng Diyos na nabuhay sa mundo; na ang Diyos ay nasa kanya simula noong humayo siya bilang labinlimang taong gulang na bata upang ipangaral ang ebanghelyo ni Jesucristo sa mga Isla ng Hawaii, hanggang sa araw na bawian siya ng buhay, matapos ibigay ang animnapu’t limang taon ng kanyang buhay sa gawain ng Diyos.7
Nalipat sa akin ang responsibilidad, bagamat ako’y mahina at abang instrumento sa mga kamay ng Panginoon, na humalili sa kahanga-hangang kalalakihan na namuno sa Simbahang ito—ang Propetang Joseph Smith, na pinaniniwalaan kong pinakadakilang lalaking nabuhay sa mundo; ang kagila-gilalas na tagabunsod na si Brigham Young; ang kampeon ng kalayaan, si John Taylor; ang pambihirang tagapagpabalik-loob ng mga tao sa ebanghelyo ni Jesucristo, si Wilford Woodruff; si Lorenzo Snow, na pambihirang tao na walumpu’t limang taong gulang, ngunit sa loob ng tatlong taon ay naiangat ang Simbahan … sa mabuting kalagayan nito sa pananalapi; at ang lalaking iyon na mahal ng lahat ng nakakakilala sa kanya, isa sa mahuhusay na lalaki ng buong mundo, si Joseph F. Smith, ang pinakadakilang mangangaral ng kabutihan na nakilala ko.8
Hanggang ngayon ay nanggigilalas ako na kinakatawan ko ang Panginoon dito sa mundo. Sa pakikihalubilo ko mula pagkabata sa mga kahanga-hanga at kagila-gilalas na lalaki na nauna sa akin ay halos hindi ko maubos maisip na magiging kapantay nila ako.
Ang mga huling salitang binitiwan ni Pangulong Joseph F. Smith nang kamayan niya ako noong gabi ng pagkamatay niya ay— “Pagpalain ka ng Panginoon, anak, pagpalain ka ng Panginoon; malaki ang iyong responsibilidad. Lagi mong tatandaan na ito ay gawain ng Panginoon at hindi ng tao. Ang Panginoon ay higit kaninumang tao. Alam Niya kung sino ang gusto Niyang mamuno sa Kanyang Simbahan, at hinding-hindi Siya nagkakamali. Pagpalain ka ng Panginoon.”9
Ang mga Propeta ay nakakatanggap ng inspirasyon para sa ikabubuti ng Simbahan.
Salamat sa Panginoon sa malapit kong pakikipagkaibigan, mula pa pagkabata, kina Pangulong Brigham Young, John Taylor, Wilford Woodruff, Lorenzo Snow, at kay Pangulong Joseph F. Smith. Salamat sa Panginoon na wala akong nalaman kundi ang mabuti sa loob ng limampung taon ng pakikipagkaibigan ko sa mga lalaking ito. … Ang tanging narinig ko sa pampubliko o pribadong tagpo sa mga tagapaglingkod ng Diyos na pinili upang mamuno sa gawaing ito ay mga bagay na nakapagpapasigla at para sa higit na ikabubuti ng mga tao ng Diyos.10
Labis ang pasasalamat ko na malaman nang walang pag-aalinlangan dahil sa pakikisama ko sa isa sa mga Apostol ng Panginoong Jesucristo na sina John Taylor, Wilford Woodruff, Lorenzo Snow, at Joseph F. Smith ay lubusan at tunay na tapat sa pagsusulong ng mga Banal sa mga Huling Araw, para sa ikalalaganap ng ebanghelyo sa tahanan at sa ibang bayan, at malaman na ang pinakamataas na hangarin ng kanilang buhay ay para sa ikasusulong at ikauunlad ng ebanghelyo ng buhay, at para sa kaligtasan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Salamat at nalaman ko ng walang pag-aalinlangan na … ang mga pinunong ito’y talagang deboto sa kapakanan at ikasusulong ng mga tao ng Diyos, at patuloy silang gumagawa para sa ikabubuti ng mga tao. Alam ko na ang mga sumang- ayon sa mga lalaking ito taglay ang kanilang pananampalataya at mga panalangin, at may mabubuting gawa ay biniyayaan ng Diyos. Hindi lamang sila binigyan ng dagdag na pananampalataya at pagmamahal sa Diyos at patotoo sa kabanalan ng gawain ng Ebanghelyo na kinabibilangan natin. Biniyayaan din sila ng makakain, ng imbak na pagkain, pinagpala ang kanilang mga lupain, at biniyayaan ng karunungan ang kanilang mga pamilya, upang masanay sila sa pangangalaga at pagpapayo ng Diyos.11
Walang ibang hangarin ang puso ko sa pagtayo ko sa harapan ng mga Banal sa mga Huling Araw kundi ang masabi ko ang makabubuti sa kanila, para sa kanilang kapakinabangan. Mga bagay na makahihimok sa kanila, at upang ikintal sa kanilang mga puso ang hangarin at determinasyon na maging mas matapat, masigasig, malakas sa pagganap sa mga tungkuling ibibigay sa kanila sa hinaharap na higit kaysa noong nakaraan.12
Pinagpapala tayo kapag iginagalang at sinusunod natin ang mga namumuno sa atin.
Ipanalangin ang mga awtoridad ng Simbahan, at itaguyod sila sa bawat gawain at sa lahat ng gagawin nila.13
Mula sa sarili kong karanasan, alam ko na sa mga tahanan ng mga Banal sa mga Huling Araw, mula pa noong panahon nina Pangulong Brigham Young, John Taylor, Wilford Woodruff, Lorenzo Snow at Joseph F. Smith, hanggang sa kasalukuyan, ay araw-araw na umaakyat ang mga taimtim at taos na panalangin sa Diyos para sa inspirasyon ng Panginoon na ibibigay sa mga tatayo bilang panguluhan ng Simbahang ito, mga apostol at iba pang mga pangkalahatang awtoridad. Ito’y upang bigyan sila ng Diyos ng inspirasyon na maisagawa ang mga bagay na magiging kapakipakinabang sa Kanyang mga anak at para sa ikalalaganap ng Ebanghelyo ni Jesucristo sa buong mundo. Alam ko, makalipas … ang maraming karanasan, na ang mga lalaking nasa posisyon ngayon bilang mga apostol ng Panginoong Jesucristo ay pinagkalooban ng espiritu ng Diyos na buhay.14
Ang pananampalataya’y kaloob ng Diyos, at kapag may pananampalataya ang mga tao na ipamuhay ang ebanghelyo, at makinig sa payo ng mga namumuno sa mga ward at stake at sa mga General Authority ng Simbahan, batay sa karanasan ko sila’y pinagpapala nang sagana ng Panginoon, at marami sa kanila ang nakaaahon sa malalaking problema sa pananalapi at iba pang kahirapan sa mahimala at kagila-gilalas na paraan.15
Maging handa tayong sundin ang mga namumuno sa atin, at itaguyod natin sila. … Lagi kayong pagpapalain at makikinabang sa pagsunod sa payo ng mga pinili ng Diyos na mamuno sa Simbahan. Sa paggalang sa taong pinili ng Diyos ay igagalang at pagpapalain kayo ng Diyos; at sa paggawa ng inyo-inyong tungkulin, kayo ay uunlad at madaragdagan ang liwanag at inspirasyon ng Espiritu ng Diyos. Habang sumusulong at umuunlad ang bawat isa sa atin ay gayundin naman na susulong at uunlad ang Simbahan. … Ito ang gawain ng Diyos. Si Joseph Smith ay propeta ng Diyos; dapat nating tandaan iyan. Kailangan nating “hanapin muna ang … kaharian [ng Diyos], at ang kaniyang katuwiran, ” at ang lahat ng bagay ay idaragdag [tingnan sa Mateo 6:33]. Buhay na walang hanggan ang sinisikap nating makamit. Huwag hayaan ang karunungan, ang yaman o edukasyon ng mundo, o anumang bagay, na bulagin ang ating kaisipan sa katotohanang ito ay gawain ng Diyos, at nasa mundo ang tagapagsalita ng Diyos. Kapag nagsalita [ang propeta] maging handa tayo at magkusa, ialay ang ating panahon, talento at lahat ng ibinigay Niya sa atin at gumawa para tuparin ang nais ng Diyos. Sinasabi ko sa inyo, ipakikita ng Diyos na tama ang Kanyang propeta.16
Umaasa ako at dumadalangin na ipamumuhay ng mga banal ang Ebanghelyo ni Jesucristo. Umaasa ako na makikinig sila sa mga turo ng mga pangulo ng stake at bishop ng mga ward. Gusto kong sabihin na inaasahan naming ituturo ng bawat pangulo ng stake at ng bawat bishop ng ward ang katotohanan sa mga tao. Dapat nilang sabihin sa mga miyembro na inaasahang susundin nila ang Word of Wisdom, na maging tapat sila sa pagbabayad ng ikapu, na alalahanin ang mga tipan na ginawa nila sa mga templo ng Diyos, … at umaasa kaming gagampanan nila ang kanilang tungkulin bilang mga banal, at ipangangaral ang Ebanghelyo sa pamamagitan ng pagsunod dito.17
Maraming tao na kahit taun-taon mangaral sa kanila ang mga tagapaglingkod ng Panginoon ay hindi pa rin magkakaroon ng epekto ang sasabihin sa kanila. Ngunit ang mga tao ding ito, kung makatatanggap sila ng payo sa ilang tao na maalam sa bagay ng daigdig ay kaagad na susundin ito. Naaalala ko nang … magsermon ako tungkol sa Word of Wisdom. Sa huli’y nalaman ko na ang isang butihing sister na nakarinig sa sermon ko ay nagkasakit at nagpadala ng telegrama para papuntahin sa kanya ang isang doktor na taga Salt Lake City. Sa pamamagitan ng tren at ng ilang daang dolyar ay nalaman niya mula sa doktor na ito na malakas siyang uminom ng tsaa, at kung hindi siya titigil, tiyak na mamamatay siya. Tinanggap niya ang payo nito at gumaling. Kung nakinig siya sa libreng payo ko, nakatipid sana siya ng ilang daang dolyar, at makasusunod pa siya sa mga turo ng Panginoon, gaya ng ipinahayag sa Word of Wisdom.18
Palagi nating inaawit ang, “Salamat, O Diyos, sa aming Propeta, sa huling araw patnubay siya.” [Mga Himno, 15.]
Maraming tao ang … nagdaragdag doon at nagsasabing: “Kung aakayin niya kami sa landas na gusto naming tahakin at naaayon sa ideya namin.”
Ang mga propeta ng Diyos, mula kay Joseph Smith hanggang sa kasalukuyan, ay gumagabay sa atin at ginagabayan nila tayo sa tama, kapag pinakikinggan natin ang gabay na iyon. Ang mga kamaliang nagawa ay dahil na rin sa kabiguan nating makinig sa propeta na may karapatang gumabay sa mga tao ng Diyos. …
Alam kong ang landas sa kaligtasan ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi lamang sa pag-awit ng “Salamat, O Diyos, sa aming Propeta, sa huling araw patnubay siya, ” kundi dapat maging handa at magkusa at sabik na magabayan.19
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Ano ang ibig sabihin ng itaguyod at sundin ang mga tinawag na mamuno sa atin?
-
Ano ang maaaring gawin ng mga magulang upang maturuan ang kanilang mga anak na suportahan ang kanilang mga pinuno sa Simbahan?
-
Anong mga biyaya ang natanggap ninyo at ng mga miyembro ng inyong pamilya sa pagsunod ninyo sa payo ng mga pinuno ng Simbahan? Sa paanong paraan nakadagdag sa inyong pananampalataya at patotoo ang gayong mga karanasan?
-
Anong payo ang natanggap natin kailan lamang mula sa buhay na propeta? Ano ang ilang partikular na mga bagay na magagawa ninyo upang mamuhay nang naaayon sa mga turo ng propeta?