Kabanata 6
Pagbubuklod ng mga Pamilya sa Pamamagitan ng Templo at Paggawa ng Kasaysayan ng Mag-anak
Ang mga ordenansa sa templo ay nagbibigay ng oportunidad ng kadakilaan sa mga anak ng Diyos sa magkabilang panig ng lambong.
Mula sa Buhay ni Heber J. Grant
Maraming beses sa kanyang buhay na isinakripisyo ni Heber J. Grant ang mga makamundong interes para makabahagi sa gawain sa templo at kasaysayan ng mag-anak. Nagsimula ito sa kanyang kabataan nang magkaroon ng oportunidad ang mga miyembro ng Simbahan na mag-ambag ng pera para sa pagtatayo ng Salt Lake Temple. “Buwan-buwan, noong bata pa ako, ” paggunita niya, “ay nag-ambag ako ng isang dolyar sa isang buwan. Paglaki ng suweldo ko nag-ambag ako ng dalawang dolyar sa isang buwan, at nang lumaon ay tatlo, apat, limang dolyar, at sa huli ay ilang libong dolyar ang ibinigay ko noong mayayari na ang templo. Bakit? Dahil binigyan ako ng Poong Maykapal ng kaalaman na ang puso ng mga anak ay napabalik-loob sa kanilang mga magulang; na ang mga susing hawak ng propetang si Elijah ay tunay na naisalin kina Joseph Smith at Oliver Cowdery.”1
Ang mga susi ng priesthood na naipanumbalik ni Elijah ang nagbubuklod sa mga pamilya sa panahon at buong kawalanghanggan sa pamamagitan ng sagradong mga ordenansa sa templo. Tulad ng paliwanag ni Pangulong Grant, mahalaga ang gawaing ito kapwa sa mga buhay at sa mga patay: “Ipinanumbalik sa atin ang ebanghelyo ni Jesucristo; nasasaatin ang plano ng buhay at kaligtasan; nasasaatin ang mga ordenansa ng ebanghelyo hindi lang para sa mga buhay kundi para din sa mga patay. Nasasaatin ang lahat ng kailangan, hindi lang para sa ating kaligtasan, kundi upang tunay tayong maging ‘mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion, ’ [tingnan sa Obadias 1:21] at pumasok sa mga templo ng ating Diyos at iligtas ang ating mga ninunong namatay na walang alam tungkol sa ebanghelyo.”2
Ipinakita ni Pangulong Grant ang pagmamahal niya sa templo at gawaing pangkasaysayan ng mag-anak nang sabihin niyang: “Talagang interesado ako sa gawaing ito. Nasasabik akong hikayatin ang mga tao na ipagpatuloy ang paghahanap ng kanilang mga talaangkanan at matapos gawin ito ay isagawa ito sa ating mga templo.”3 Sa pamamagitan ng kanyang halimbawa at mga turo, natutuhang mahalin ng mga miyembro ng kanyang pamilya ang gawain sa templo. Noong Enero 1928 nagpasiya siyang itakda ang Huwebes ng gabi bilang gabi ng pamilyang Grant sa templo. Nagtipon sa hapunan ang mga miyembro ng pamilya na naendow na at pagkatapos ay nagpunta sa Salt Lake Temple para tumanggap ng sagradong mga ordenansa para sa kanilang mga namatay na kaanak. Sa kaarawan niya noong 1934, 50 mga miyembro ng pamilya ang nagkita-kita sa templo at nakibahagi sa pagbubuklod ng 1, 516 na mga bata sa kanilang mga magulang. 4
Mga Turo ni Heber J. Grant
Walang sakripisyong napakalaki habang nagpupursigi tayong pagbuklurin ang ating mga pamilya sa pamamagitan ng gawain sa templo.
Lagi kong pasasalamatan, hanggang sa araw na ako’y mamatay, na hindi ko pinakinggan ang ilang kaibigan ko noong binata pa ako at wala pang dalawampu’t-isang taong gulang ay nagpilit akong maglakbay mula Utah County patungong St. George para makasal sa St. George Temple. Wala pang riles noon sa bahaging timog ng Utah County at kinailangan naming lakbayin ito sa pamamagitan ng bagon. Mahaba at mahirap ang biyaheng iyon noong mga panahong iyon, sa baku-bako at walang katiyakang mga daan at ilang araw din naming naglakbay papunta roon at pabalik.
Maraming nagpayo sa akin na huwag nang magpakahirap— na huwag nang magpunta sa St. George para magpakasal. Nangatwiran pa sila na dapat sana’y ang stake president o ang bishop na lang ang nagkasal sa akin at kapag natapos na ang Salt Lake Temple ay makakapunta kami roon ng aking asawa at mga anak at maibubuklod kami at ang aming mga anak sa amin hanggang sa kawalang-hanggan.
Bakit hindi ako nakinig sa kanila? Dahil nais kong maikasal sa panahon at kawalang-hanggan—dahil nais kong simulan ang buhay nang tama. Nang lumaon ay labis akong nagalak dahil sa determinasyon kong maikasal sa templo noon panahong iyon kaysa maghintay hanggang sa mas kumbinyenteng pagkakataon. …
Naniniwala ako na dapat pagsikapan ng marapat na binata o dalagang Banal sa mga Huling Araw na makapunta sa bahay ng Panginoon para magkasamang simulan ang buhay. Ang mga sumpaan sa kasal na ginagawa sa pinabanal na mga lugar na ito at ang sagradong mga tipang ginawa para sa panahon at sa buong kawalang- hanggan ay [proteksyon] laban sa maraming tukso sa buhay na malamang na sumira sa mga tahanan at sa kaligayahan. …
Ang mga biyaya at pangakong nagmumula sa pagsisimula ng buhay nang magkasama, sa panahon at kawalang-hanggan sa templo ng Panginoon, ay hindi makakamtan sa ibang paraan. Makikita ng mga marapat na binata’t dalagang Banal sa mga Huling Araw na nagsisimula sa buhay sa gayong paraan na nagiging pundasyon ng kapayapaan, kaligayahan, kabutihan, pagmamahalan, at lahat ng iba pang walang hanggang katotohanan ng buhay ang kanilang walang hanggang pagsasama sa ilalim ng walang hanggang tipan, ngayon at sa kabilang buhay.5
Gusto kong lubos na bigyang-diin … na kailangang pumasok sa Bahay na ito ang mga kabataang Banal sa mga Huling Araw para makasal sila nang wasto at simulan ang pakikibaka sa buhay sa ilalim ng inspirasyon ng buhay na Diyos at sa mga pagpapala ng awtoridad ng Priesthood ng Diyos na taglay ng Kanyang mga tagapaglingkod na nangangasiwa sa Templo. Gusto kong iukit sa inyong mga puso na kapag gumawa kayo ng anumang bagay, ng anumang sakripisyo, darating ang araw na gagantimpalaan kayo, ngayon o sa kabilang buhay, at halos lagi kapag tayo ay nagsasakripisyo sa trabaho sa paggawa ng mga bagay na kasiya-siya sa paningin ng Diyos ay ginagantimpalaan tayo sa buhay na ito.6
Mahigit isang taon pa lang ang nakararaan ay nagpasiya ako na sa pagpaplano ng aking buhay, sa pag-iwas sa mga lektyur at konsiyerto o teatro o opera ay makakapunta ako sa templo kahit minsan sa isang linggo at makapagsasagawa ng mga ordenansa para sa ilang mahal sa buhay na pumanaw na. Sa pagpapasiyang magagawa ko ito hindi ako nahirapan sa pagpunta sa templo nang minsan sa isang linggo sa buong taon. … Totoo, kinailangan kong huwag dumalo sa opera o teatro o iba pang pagtitipon na gusto ko sanang daluhan, pero hindi ako nahirapan. …
Karaniwa’y magagawa natin ang gusto nating gawin. Ang isang binata ay nakapag-uukol ng maraming oras para sa kanyang kasintahan. Maiaayos niya ang iskedyul niya para magawa iyon. Maiaayos natin ang mga iskedyul natin para makapag-ehersisyo sa golf at iba pang isports. Maiaayos natin ang ating iskedyul para makapaglibang. At kung magpapasiya tayong gawin ito ay maiaayos natin ang ating iskedyul para makagawa sa templo, tulad ng ginagawa ko.7
Naniniwala ako na kung may oras tayong magpunta sa templo para sa gawain sa templo minsan sa isang linggo ay makapaguukol ng panahon ang sinuman sa buong Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw kung paplanuhin niya nang maayos ang kanyang gawain. Ang tinutukoy ko ay ang mga taong naninirahan sa lugar na may templo, at hindi ang mga taong kailangang magbiyahe nang malayo para makarating doon. … Wala akong kilalang sinuman na mas abala kaysa sa akin at kung magagawa ko ito’y magagawa rin nila, kung magpapasiya sila nang buong puso at kaluluwa na gawin ito. Ang problema sa maraming tao ay wala silang hangad na gawin ito.8
Sa palagay ko, isa sa pinakadakilang pribilehiyong tinatamasa nating mga Banal sa mga Huling Araw ay ang paggawa sa templo para sa mga namatay nating ninuno na walang alam tungkol sa Ebanghelyo. …
… Kung ikikintal ninyo sa inyong puso at kaluluwa na isa ito sa pinakamahalagang bagay na magagawa ninyong mga Banal sa mga Huling Araw, makakahanap kayo ng paraan para magawa iyon.9
Mula nang ipanumbalik ang mga susi sa pagbubuklod, maraming tao na ang naghangad na saliksikin ang kanilang mga ninuno.
Mula pa noong dumalaw si Elijah na nagpanumbalik ng mga susing taglay niya, at nagpabalik-loob sa puso ng mga anak sa kanilang mga magulang [tingnan sa D at T 110:13–15], sumapuso na ng mga tao sa buong mundo ang hangaring malaman ang tungkol sa kanilang mga ninuno.10
Ang mga lalaki at babae sa buong mundo ay bumubuo ng mga samahan, sinasaliksik ang kanilang mga ninuno, at tinitipon ang mga talaangkanan ng kanilang mga pamilya. Milyun-milyong dolyar na ang nagastos para sa mga layuning ito. Nakausap ko na at maraming beses na narinig ang mga taong gumugol ng malaking pera para tipunin ang talaan ng kanilang mga ninuno, at matapos itong tipunin, nang tanungin kung bakit nila ginawa ito, ang sabi nila: “Hindi ko alam; may kung anong nagtulak sa akin para hangaring tipunin ang talaang iyon at gumastos ako para malayang magawa ito. Ngayong natipon na ito wala akong mapaggamitan nito.” Para sa mga Banal sa mga Huling Araw ang gayong uri ng mga aklat ay walang katumbas na halaga.11
Para sa isang Banal sa mga Huling Araw ang ganito kakapal na aklat [itinaas ang Aklat ni Mormon], na naglalaman ng mga pangalan ng kanyang mga ninuno, ay maraming-maraming ulit, daan-daang ulit ang halaga kaysa sa timbang nito sa ginto.12
Kapag natanggap natin ang mga ordenansa sa templo para sa ating namatay na mga kaanak, nagiging “mga tagapagligtas tayo sa Bundok ng Sion.”
Nagagalak ako sa kamangha-manghang gawaing isinasakatuparan sa ating mga templo, sa pagpapanumbalik sa lupa ng pribilehiyong magbinyag, sa awtoridad ng buhay na Diyos, para sa mga namatay, at pagsasagawa ng mga ordenansa na kung tatanggapin ay aakay sa mga patay sa buhay na walang hanggan at sa kaligtasan, bagama’t namatay sila na walang alam tungkol sa Ebanghelyo.13
Itinatanong ng mundo, paanong mangyayari, na mabibinyagan ang isang tao para sa iba? Ngunit kung naniniwala tayo sa paggawa ni Cristo para sa iba, dapat tayong maniwala na makagagawa ang isang tao para sa iba, at na tayo ay maaaring maging “mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion.” [Tingnan sa Obadias 1:21.]14
Tungkulin nating … alalahanin ang mga anak ng ating Ama na naunang namatay sa atin nang walang alam tungkol sa ebanghelyo, at buksan ang pintuan ng kaligtasan para sa kanila sa ating mga templo, kung saan may mga obligasyon tayong dapat gawin.15
Kung masipag tayo, ihahanda ng Panginoon ang daan para magawa natin ang gawain sa templo at kasaysayan ng mag-anak para sa ating namatay na mga kaanak.
Dalangin ko na bigyang-inspirasyon ng Panginoon ang bawat isa sa atin tungo sa higit na kasipagan sa pagsasagawa ng mga tungkulin at gawaing dumarating sa atin sa abot ng ating makakaya sa paggawa ng mga gawain para sa ating mga patay. … Kapag taimtim tayong naghahangad taun-taon, na magtamo ng kaalaman hinggil sa namatay nating mga kapamilya na walang alam tungkol sa ebanghelyo, tiyak kong pagpapalain tayo ng Panginoon na matamo ito.16
Para sa akin ang gawaing ito sa genealogy (talaangkanan) ay kamangha- mangha. Nakatutuwang isipin na inihanda ito para sa ating may interes na gawin ito. Parang himala na natipon ng aking asawa noong araw ang impormasyon sa genealogy (talaangkanan) ng kanyang mga ninuno. Kamangha-mangha ang paraan ng pagkakaroon natin ng mga aklat at iba pang impormasyon. Tuwing magkakaroon ng makapal na pader sa ating harapan, kahit paano’y nagkakaroon ng puwang ang pader na iyon para makagapang tayo at makalipat sa kabila, wika nga, at makahanap ng mga bagay na mahalaga.17
Maraming taong hinangad ng aking kabiyak na matunton ang pinagmulan ng kanyang kalolo-lolohan na si Gideon Burdick. Pitong henerasyon ng kanyang pamilya ang kumatawan sa Simbahan ngunit hindi niya matunton ang kanyang mga magulang at iba pang mga ninuno. Tinunton niya ang bawat palatandaan, ngunit ni hindi niya makita ang pangalan ng kanyang ama.
Dahil naging sundalo siya noong Rebolusyon, inasahang makita sa opisyal na talaan sa Washington, D.C. ang kailangang katibayan. Ngunit nakita rito na dalawang Gideon Burdick ang naglingkod sa militar ng Amerika noong panahong iyon, at lalo lang siyang nahirapan sa pagtukoy kung sino.
Mga ilang taon na ang nakararaan nang dumalaw kami ni Gng. Grant sa Washington at kinonsulta ang mga archive ng kagawaran ng pensyon. Natagpuan niya roon ang aplikasyon ni Gideon Burdick para sa pensyon. Nang suriin niya ito, nakita niya na ang edad niya roon ay tumutugma sa edad ng kanyang ninuno. … Isa sa mga saksing lumagda sa aplikasyon ay napatunayang si Hyrum Winters, manugang ni Gideon, at lolo niya mismo.
… Isinilang siya sa kinikilalang Rhode Island ngayon, [kaya] ang gagawin na lang ay tuntunin pabalik ang koneksyon ng kanyang pamilya sa estadong iyon.
Matapos suriin nang husto nalaman ni Gng. Grant mula sa isang liham na tinipon ng isang G. Harcourt ang genealogy (talaangkanan) ng pamilyang Burdick. Agad siyang sumulat sa address nito para lang makatanggap ng sulat mula sa anak nito na nagsasabing sampung taon na siyang patay at wala na ang manuskrito sa kamay ng kanyang pamilya, at wala siyang alam tungkol dito.
Parang isa na namang pader ito na humahadlang sa amin, at hindi namin malampasan. Pero sabi ng asawa ko, “Hindi ako titigil.” Sumulat siya sa Postmaster ng lugar kung saan tumira si G. Harcourt at hiniling na ipadala ang sulat niya sa kaninumang Burdick ang apelyido.
Ibinigay ang liham kay Dr. Alfred A. Burdick, na nakatira malapit sa Post Office. Agad itong sumagot na nasa kanya ang manuskrito ng mga Harcourt, at patuloy pa ring tinitipon ang genealogy (talaangkanan) ng mga Burdick at balak niyang ilathala ito na parang aklat. Sinabi nitong nasa kanya ang talaan ng buong pamilyang Burdick hanggang kay Gideon, pero walang tungkol sa pamilya nito, dahil ang huli’y parang bulang naglaho noong magpunta siya sa kanluran. “Ipadala mo sa akin, ” ang sabi niya sa sulat, “ang lahat ng impormasyon tungkol kay Gideon, at ipadadala ko sa iyo ang lahat ng gusto mong malaman tungkol sa kanyang mga ninuno.”
Nangyari ito, at malugod nitong ipinadala sa kanya ang kasaysayan ng mga ninuno ni Gideon Burdick, na pinahihintulutan siyang gamitin ito kung saan niya kailangan. Sa ganitong paraan nagtagumpay siya sa pagkuha ng kumpletong kopya ng impormasyong hinanap-hanap niya nang matagal, na talagang nag-ugnay sa kanyang pamilya at sa pamilyang nasa Rhode Island….
Pagkatapos ay nalaman ko … ang sumusunod na kuwento sa manuskrito ng mga Burdick.
Ilang taon na ang nakararaan nang simulang tipunin nina William M. B. Harcourt at Dr. Alfred A. Burdick ang talaangkanan ng pamilyang Burdick. Sagana ang impormasyong nakolekta nila at naiayos, at binalak na ilathala ito.
Sa puntong ito ay namatay si G. Harcourt at ang pinsan ni Dr. Burdick ang nagtago ng manuskrito at dinala niya ito noong magtungo siya sa New York. Noong una inisip niyang ilathala ito ngunit makaraan ang ilang taon ay sumulat siya kay Dr. Burdick at sinabing kung babayaran ng huli ang gastos sa pagpapadala ay mapapasakanya ang [manuskrito]. Dahil galit sa ginawang pagtangay sa manuskrito, hindi sumagot si Dr. Burdick kahit na nagbanta ang pinsan niya na susunugin ang manuskrito.
Dahil dito’y ipinababa ng pinsan sa janitor ang lahat ng mahahalagang dokumentong ito sa silong para sunugin. Sa di malamang dahilan ay hindi ito nagawa ng janitor at nang matuklasan ito ng pinsan ay ibinalot niya itong lahat at ipinadala sa kanyang kapatid. Pero walang paglagyan ang kapatid nito sa bahay nila kaya inilagak ito sa likod-bahay. Nanatili ito roon nang ilang buwan, na nakabilad sa ulan at araw, na walang nakaaalam kung ano ang gagawin sa mga ito.
Namatay ang asawa ng kapatid, at dumalo si Dr. Burdick sa libing. Dito’y nalaman niya ang kinaroroonan ng mga manuskrito at sinabihan siya na kanya na ito kung mahalaga ito sa kanya. Iniuwi niya ito at sa takot na baka mawala na naman ito sa kanyang mga kamay, isa-isa niyang kinopya ang mga aklat. Maraming bahagi ang nasira ng pagkabilad, pero, kung susuriin nang husto ang kabuuan, masaya siyang makita na halos lahat ng mahahalagang impormasyon ay naisalba.
Mula noon hanggang sa kasalukuyan patuloy siyang nagsasaliksik at nagdaragdag sa kanyang impormasyon.
Habang nasa Washington noong nakaraang Disyembre, naglakbay kami ni Gng. Grant sa Baltimore para makilala ang ginoong ito na buong galang na tumulong sa amin. … Nakilala niya kami mula sa mga larawang ipinadala namin at dalawang kamay kaming binati. Pagkadala sa amin sa loob ng kanyang opisina, isa-isa niyang ipinakita sa amin ang mga tomo ng talaangkanang natipon niya na kaugnay ng kasaysayan ng pamilyang Burdick at iba pa. “Sa paksang ito, ” wika niya, “Handa akong umupo at makipag- usap sa inyo nang magdamagan.”
Dalawampung tomo ng manuskrito ng mga Burdick ang nasa kanya na sistematikong nakaayos. Apat dito ang naglalaman ng tuwirang kaugnayan kay Gideon. Buong giliw na ibinigay ni Dr. Burdick ang impormasyong ito sa amin, para kopyahin at gamitin kung saan namin kailangan. Nag-alok akong magpadala ng stenographer sa kanyang opisina para makapagpakopya, o gumawa ng … duplikado. Ngunit inilagay niya ang mga aklat sa mga kamay ko at sinabing, “Maipagkakatiwala ko ito sa inyo, Pangulong Grant, dahil alam kong ligtas ang mga ito sa inyong mga kamay.”
Nakagawa na ngayon ng minakinilyang mga kopya ng lahat ng aklat, at isa sa mga ito ang naibalik na kay Dr. Burdick. Nakapulot pa ako ng dagdag na impormasyon sa ating Genealogical Library at mula sa kasaysayan ng mag-anak, para madagdagan ang kanyang natipon. …
Inaasahan ko na lahat ng ito ay makaaaliw hindi lang sa amin ni Gng. Grant, kundi sa lahat ng nagsasaliksik ng sarili nilang talaangkanan, bilang patotoo kung paano tinutulungan ng Panginoon ang kanyang mga anak sa labas ng Simbahan at bilang inspirasyon sa namumunong kalalakihan ng Simbahan gayundin sa mga stake at ward ng Simbahan para taos-pusong ipagpatuloy ang sarili nilang pagsasaliksik. “Magsihanap kayo, at kayo’y mangakasusumpong.” [Mateo 7:7.]18
Ang kaligtasan ng mga patay ay isa sa mga pangunahing layunin sa pagpapanumbalik ng Walang Hanggang Ebanghelyo at muling pagtatatag ng Simbahan ni Jesucristo sa panahong ito. Ang pambihirang interes na ipinakikita ng mga Banal sa napakahalagang bahaging ito ng misyon sa pagtubos ng Tagapagligtas ay napakagandang palatandaan. Mula umaga hanggang sa gumabi ay puno na ang ating mga templo ng mga taong may layong tubusin ang kanilang mga namatay na ninuno at tumulong sa pagbibigkis sa mga dispensasyon ng Ebanghelyo at pagsama-samahin ang lahat ng bagay kay Cristo, kapwa sa langit at sa lupa—isang gawaing natatangi sa Dispensasyon ng Kaganapan ng mga Panahon. Malaking kaligayahan ang naghihintay sa matatapat na tagapaglingkod sa Bahay ng Panginoon, kapag nakalagpas sila sa Daigdig ng mga Espiritu at doo’y masayang sasalubungin ng mga taong pinaglingkuran nila nang walang kapantay!19
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Sa anong mga paraan pinagpala ng partisipasyon sa mga ordenansa sa templo ang inyong buhay? Ano ang maaari nating gawin para mas matamasa ang mga pagpapala ng templo?
-
Bakit mahalagang makasal tayo sa templo? Paano pinalalakas ng kasal sa templo ang relasyon ng mag-asawa?
-
Ano ang ibig sabihin ng maging “tagapagligtas sa Bundok ng Sion”? (Tingnan din sa D at T 128; 138:47–48, 53–54, 57–58.) Paano nakatulong sa inyo ang mga ordenansa sa templo at paggawa ng kasaysayan ng mag-anak sa pagpapabaling ninyo sa mga puso ng mga miyembro ng inyong pamilya, kapwa buhay at patay?
-
Ano ang maitutulong ng Simbahan upang makagawa tayo ng kasaysayan ng mag-anak?
-
Paano nakatulong ang Panginoon sa paghahanda ng daan para matagpuan ninyo ang impormasyon sa kasaysayan ng maganak? Anong mga katibayan ang nakita ninyo na ang mga tao sa buong mundo ay naghahangad na malaman ang tungkol sa kanilang mga ninuno?
-
Ano ang magagawa natin para magkaroon tayo ng oras sa pagdalo nang regular sa templo? sa paggawa ng kasaysayan ng mag-anak?
-
Paano makabubuo ng tradisyon ng paggalang at pagpipitagan para sa gawain sa templo ang mga pamilyang malayo ang tirahan sa templo?