Mga Turo ng mga Pangulo
Ang Buhay at Ministeryo ni Heber J. Grant


Ang Buhay at Ministeryo ni Heber J. Grant

Sa Oktubre 1899 na pangkalahatang kumperensya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, sinabi ni Elder Heber J. Grant, na miyembro pa noon ng Korum ng Labindalawang Apostol na, “Walang hadlang na napakalaki kapag inutos ng Diyos at tayo’y sumunod.”1 Ang simpleng pananalitang ito ang paulit-ulit na tema sa buhay at ministeryo ni Heber J. Grant. Kahit siya’y dumanas ng kahirapan, ngunit sinagupa niya ang bawat balakid nang may pananampalataya, pagsunod, pagsisikap, at sigla.

Panahon ng Pagbabago at Pag-unlad

Nabuhay si Pangulong Heber J. Grant sa panahon na kakaiba ang pagbabago. Isinilang siya noong 1856 sa daigdig ng mga karitong hila ng baka at kabayo, kung kailan ang mga paglalakbay ay tumatagal ng ilang buwan. Nang mamatay siya noong 1945, nilisan niya ang daigdig ng mga kotse at eroplano, kung saan ang paglalakbay ay nasusukat sa loob lamang ng ilang oras. Ang paghahatid ng sulat na gamit ang kabayo ay napalitan ng ibang paraan ng komunikasyon: ang telepono, radyo, at koreo.

Isinilang makalipas ang 26 anim na taon mula nang itatag ang Simbahan at 9 na taon matapos dumating ang mga pioneer sa Salt Lake Valley, nasaksihan ni Heber J. Grant ang panahon ng malaking pagsulong sa kaharian ng Diyos sa lupa. Buong buhay niya’y nasiyahan siya sa malapit na pakikipagkaibigan sa mga Pangulo ng Simbahan, at tumulong din siya sa paghahanda sa mga lalaking papalit sa kanya sa katungkulang iyon. Noong kabataan niya’y madalas niyang dalawin ang tahanan ni Pangulong Brigham Young. Bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, naglingkod siya sa ilalim ng pamumuno nina Pangulong John Taylor, Wilford Woodruff, Lorenzo Snow, at Joseph F. Smith. Naglingkod siya sa Korum ng Labindalawa kasama ang tatlong iba pa na magiging mga Pangulo ng Simbahan: sina George Albert Smith, David O. McKay, at Joseph Fielding Smith. Habang naglilingkod siya bilang Pangulo ng Simbahan, inorden ni Heber J. Grant sina Elder Harold B. Lee, Spencer W. Kimball, at Ezra Taft Benson sa pagiging Apostol. At noong 1935 siya at ang kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan ay kumuha ng batang kauuwing misyonero na nagngangalang Gordon B. Hinckley para magtrabaho bilang executive secretary ng Radio, Publicity, and Mission Literature Committee ng Simbahan.

Pagmamahalan ng Ina at Anak

Si Heber Jeddy Grant ay isinilang noong ika-22 ng Oktubre, 1856 sa Salt Lake City, Utah, ang tanging anak nina Rachel Ridgeway Ivins Grant at Jedediah Morgan Grant, na noon ay naglilingkod bilang Pangalawang Tagapayo kay Pangulong Brigham Young. Siyam na araw makaraang isilang si Heber, ang kanyang ama ay namatay dahil sa magkahalong tipus at pulmonya.

Malaking bahagi ng kabataan ni Heber ang ginugol niya at ng kanyang ina sa pagsisikap na kumita ng salapi para mabuhay. Dumanas sila ng mga “gabing malamig na walang siga sa fireplace para sila’y mainitan, mga buwan na walang sapatos, at ang tanging suot ay ang gawang-bahay na kasuotan na yari sa magaspang at mumurahing tela, at maliban sa sapat na suplay ng tinapay ay mayroon silang kaunting makakain na ilang kilo ng butter at asukal para sa buong taon.”2

Determinado si Rachel na suportahan ang sarili at ang kanyang batang anak. Nagtrabaho siya bilang mananahi at nagpaupa ng mga silid sa kanyang tahanan na matutuluyan ng ibang tao. Inalok siya ng mga kapatid niyang lalaki ng maginhawang buhay kung iiwan lamang niya ang Simbahan, ngunit nanatili siyang tapat sa kanyang pananampalataya. Ang debosyon at sakripisyong ito ang nakintal sa isipan ni Heber, na nagunita sa huli:

“Ang mayayamang mga kapatid ng nanay ko ay nag-alok na magbayad sa kanya buwan-buwan o taun-taon kung tatalikuran niya ang kanyang relihiyon. Sinabi ng isa sa kanila sa aking ina: ‘Rachel, nagdulot ka ng kahihiyan sa mga Ivins. Ayaw ka na naming makita pang muli kung makikisama ka pa rin sa mga Mormon, ’—ito’y noong paalis na siya papuntang Utah—‘pero, ’ patuloy niya, ‘bumalik ka sa isang taon, o kaya’y makalipas ang limang taon, o kahit makalipas ang sampu o dalawampung taon, at kahit kailan ka pa bumalik, bukas ang pinto ng ating tahanan at magiging sagana at maginhawa ang iyong buhay.’

“Sa huli, nang dumanas siya ng kahirapan, kung hindi nga lamang niya alam na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos at totoo ang ebanghelyo, puwede na sana siyang magbalik sa silangan at hayaang alagaan siya ng kanyang mga kapatid na lalaki. Ngunit sa halip na bumalik sa mayayaman niyang kamag-anak sa silangan kung saan ibibigay ang kanyang pangangailangan, nang hindi siya naghihirap o ang kanyang anak, minabuti niyang suportahan ang sarili kapiling ang mga taong mas malapit sa kanya kaysa kanyang mga kamag-anak na hindi niya kasama sa pananampalataya.”3

Si Rachel Grant at ang kanyang anak ay hirap sa pera, ngunit mayaman sila sa kanilang pagmamahal sa isa’t isa at sa kanilang debosyon sa ibinalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Sinabi ni Pangulong Grant, “Siyempre, utang ko ang lahat sa aking ina dahil namatay ang tatay ko noong siyam na araw pa lang ako; at ang kahanga-hangang mga turo, ang pananampalataya, at integridad ng aking ina ay naging inspirasyon ko.”4

Dahil nabigyang-inspirasyon ng kanyang ina, si Heber J. Grant ay nagkaroon ng katangian na nagpatanyag sa kanya sa buong Simbahan: pagtitiyaga. Ang pagsisigasig at kahandaan niyang gumawa ang tumulong sa kanya para magapi ang likas na kahinaan. Halimbawa, pinagtatawanan siya ng ibang mga bata dahil sa hindi siya magaling sa paglalaro ng baseball. Bilang tugon sa kanilang panlilibak ay nagtrabaho siya para makaipon ng sapat na perang pambili ng baseball at gumugol ng maraming oras sa pagbabato ng bola sa kamalig. Bilang resulta ng pagtitiyaga niya sa huli ay nakapaglaro siya sa kampeonatong koponan ng baseball. Sa eskuwelahan, tinutukso siya ng ilan niyang mga kaklase dahil sa pangit niyang pagsulat. Paggunita niya sa huli: “Ang mga punang ito at marami pang iba, bagaman hindi ginawa para saktan ang damdamin ko kundi bilang katuwaan ay nakasugat pa rin sa damdamin ko at ito ang gumising sa aking diwa ng determinasyon. Nagpasiya akong gumawa ng mga kopya para sa lahat ng mag-aaral sa unibersidad, at maging guro ng pagsusulat at bookkeeping sa paaralang iyon. … Sinimulan kong gamitin ang libreng oras ko sa pagsasanay sa pagsulat, na tuluy-tuloy sa paglipas ng mga taon hanggang sa tagurian akong ‘pinakamagaling sa mabilis na pagsusulat sa mundo.’ ” Sa huli’y napanalunan niya ang first prize sa pagsusulat sa territorial fair at naging guro ng pagsusulat at bookkeeping sa University of Deseret (na ngayo’y University of Utah).5

“Isang Lider sa Pananalapi at Industriya”

Pinasok ni Heber J. Grant ang daigdig ng negosyo sa murang gulang para makatulong sa kanyang ina. Sa gulang na 15, inupahan siya bilang klerk ng isang opisina ng seguro. Nagtrabaho din siya sa larangan ng pagbabangko at kumita ng salapi sa mga oras pagkatapos ng trabaho sa pamamagitan ng paggawa ng mga kard at imbitasyon at paglikha ng mga mapa.

Habang naghahanap siya ng karagdagang mga oportunidad, nagkaroon siya ng “napakatibay na ambisyon na makatapos ng pag-aaral sa isang pamantasan at magkaroon ng titulo mula sa isang kilalang paaralan.” Nadama niyang “napakaliit ng kanyang pag-asang matamo ito, dahil wala siyang maipambabayad at dahil may balong ina siyang inaalagaan, ” ngunit nabigyan siya ng pagkakataong makapasok sa United States Naval Academy. Nagugunita niya:

“Sa unang pagkakataon sa aking buhay hindi ako nakatulog nang maayos; halos magdamag akong gising, dahil sa kagalakan na matutupad ang aking ambisyon sa buhay. Halos madalingaraw na nang makatulog ako; kinailangang gisingin ako ng aking ina.

“Sabi ko sa kanya: ‘Nanay, napakagandang bagay na magkaroon ako ng edukasyon na kasing husay ng sa sinumang kabataang lalaki sa Utah. Halos hindi ako makatulog; gising ako hanggang sa halos pagsikat ng araw kaninang umaga.’

“Tiningnan ko siya; nakita kong lumuluha siya.

“Narinig ko ang tungkol sa mga tao na habang nalulunod ay nakita ang buong buhay nila na tila dumaan sa kanilang harapan sa isang iglap. Nakinita ko ang sarili ko bilang isang admiral. Nakita kong naglalayag ako sa buong mundo lulan ng isang barko, na malayo sa aking balong ina. Tumawa ako at niyakap siya, at hinalikan siya at sinabing:

“ ‘Nanay, ayaw ko ng edukasyong pang-hukbong dagat. Magiging negosyante ako at papasok kaagad sa isang opisina at aalagaan kayo, at patitigilin na kayo sa pagtanggap ng mga kasera upang mabuhay.’

“Napaiyak siya at sinabing hindi siya natulog at magdamag na nanalangin para kalimutan ko ang ambisyon ko sa buhay upang hindi siya maiwanang mag-isa.”6

Sa pagharap ni Heber sa kanyang mga interes sa negosyo, naging matagumpay siya sa murang gulang, lalung-lalo na sa industriya ng pagbabangko at seguro. Nakilala siya bilang matapat at masipag na negosyante. Ayon sa pagmamasid ni Heber M. Wells, ang unang gobernador ng estado ng Utah, “Maaari siyang pumasok sa mga tanggapan ng mga ehekutibo at mga direktor ng pinakamalalaking institusyong industriyal sa Amerika at mainit na tatanggapin ng mga kalalakihan na magmamalaki sa pagkakakilala sa kanya bilang lider sa pananalapi at industriya.”7 Isang publikasyon sa pananalapi noong 1921 ang naglathala ng ganitong pagkilala kay Pangulong Grant: “Taglay ni G. Grant ang mga katangian ng tunay na lider—matatag na paniniwala, karangalan at mababang kalooban, sigla sa lahat ng mithiing pinapasok niya, at walang kapagurang paggawa. Kilala siya at iginagalang ng mga negosyante sa ikatlong kanluraning bahagi ng Estados Unidos, maging anuman ang kinaaaniban nilang relihiyon.”8

Hindi palaging matagumpay si Heber J. Grant sa kanyang mga gawain sa negosyo. Halimbawa, noong 1893 isang krisis sa ekonomiya ang bumalot sa malaking bahagi ng Estados Unidos, na naging dahilan ng pagkalugi ng daan-daang mga bangko, kumpanya ng tren, minahan, at iba pang negosyo. Ang krisis na ito, na tinawag na Panic of 1893, ay ikinabigla ni Elder Grant, na noon ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Naiwan siyang may mga utang na taon ang bibilangin para mabayaran. Sa panahon ng kagipitan, nagkaisa ang buong Pamilya Grant na bawasan ang mga gastusing pampamilya. “Kapag kaya na namin, ” paggunita ng isang anak na babae, “nagsisimula kaagad kaming magtrabaho …, at ang pinakamalaking kasiyahan ng mura naming mga buhay ay ang madama na nakakatulong kami sa kanya sa pamamagitan ng pangangalaga sa aming mga sarili.”9

Sa huli’y umasenso si Pangulong Heber J. Grant sa pananalapi, at ginamit niya ang kanyang kakayahan para makatulong sa mga tao, mga pamilya, Simbahan, at komunidad. Sabi niya: “Bagama’t nagtrabaho ako nang husto upang kumita ng Salapi, batid ninyo, gaya din naman ng mga kaibigan ko na ganap na nakakikilala sa mithiin ng aking puso, na hindi ko naging diyos ang Salapi at hindi nito kailanman nasilaw ang aking puso, tanging para gumawa ng kabutihan sa pamamagitan ng anumang kikitain ko. Lubos kong hinahangad na ganito palagi ang aking madarama.”10

Labis na ikinasiya ni Pangulong Grant ang pamimigay ng mga aklat. Libu-libong aklat ang ipinamigay niya, karamihan ay nilagyan niya ng sariling dedikasyon. Sinabi niyang ang ipinambili niya sa mga aklat na ito na ipamimigay niya ay halos kasing halaga ng salaping gagastusin sa sigarilyo ng taong naninigarilyo.11 Sa pamimigay ng napakaraming mga regalo, halos malimutan na niya ang kanyang mga naipamigay. “Binigyan ko minsan ng aklat ang isang tao, ” wika niya, “at nagpasalamat siya dahil dito, at nagsabi, ‘Brother Grant, lubos akong nagpapasalamat sa aklat na ito. Ikatlong kopya na ho ito ng aklat na ibinigay mo sa akin.’ ” Pagkatapos ng karanasang ito, nagtabi si Pangulong Grant ng indese ng mga aklat na kanyang ipinamigay.12

Sinasabi ng iba na si Pangulong Grant ay “nagbibigay dahil ibig niyang gawin ito, —tila likas na gawain ito ng dakila at mapagbigay na puso.”13 Itinuturing siya ng kanyang anak na si Lucy Grant Cannon bilang “pinakabukas-palad na tao sa buong mundo” at ikinuwento ang malaking malasakit niya sa mga balo at ulila—“tinutulungan silang mabayaran ang pagkakasangla ng kanilang mga bahay, binibigyang pagkakataon ang kanilang mga anak na makapasok sa negosyo, tinitiyak na ang mga maysakit ay naipapagamot.” Kahit na sa “panahon ng kagipitang likha ng krisis noong 1893, ” wika niya, “kung kailan mas mahirap ang mamigay ng barya kaysa mamigay ng lima o sampung dolyar noong una, tumulong pa rin si itay sa mga nangangailangan.”14

“Isang Pambihirang Ama ng Pamilya”

Sinabi ng anak ni Pangulong Grant na si Frances Grant Bennett, “Bagamat batid ng marami ang tibay ng paninidigan ng [aking ama], iilan lamang ang nakakaalam kung gaano siya kapambihirang ama ng pamilya.”15 Kinailangan siyang magbiyahe nang madalas dahil sa kanyang mga tungkulin sa Simbahan, pero nanatili siyang malapit sa kanyang pamilya sa pamamagitan ng pagsulat sa kanila ng libu-libong mga liham. Nagugunita ng apo niyang si Truman G. Madsen: “Dahil sa madalas na malayuang pagbibiyahe ay kahit saan na lang siya nagsusulat. … Sa mga tren, sa mga pook-hintayan, sa mga otel, at habang nakaupo sa harapan sa pagitan ng mga pulong, sumusulat siya ng mga mensahe para ibahagi ang kanyang mga karanasan at impresyon at sagutin din naman ang mga liham nila.”16

Naaalala pa ng anak niyang si Lucy ang nakakatuwang oras na ginugugol nilang magkakapatid na kasama siya kapag umuuwi siya mula sa pagmiministeryo sa mga Banal:

“Tuwang-tuwa kami kapag umuuwi siya! Magtitipon kaming lahat at makikinig sa kanyang mga karanasan. Parang nakikita ko siyang naglalakad sa bahay habang nakatuntong sa kanyang paa ang mga bata, o kaya’y inuugoy ang mga bata sa pamamagitan ng kanyang paa. …

“Naaalala ko pa ang mga pagsakay namin sa aming kabayong si matandang John. Kahit hindi kami kasya sa upuan ng karwahe ay aalis pa rin kaming lahat. Ililibot kami ni Itay sa paborito naming daan sa West Temple [Street] at doon sa Liberty Park. Ang West Temple ay may hanay ng mga punong cottonwood. Kung simula pa lang ng tagsibol ang dagta ay lumalabas mula sa mga puno, titigil si itay at puputol ng murang sanga mula sa puno at igagawa kami ng pito o whistle. Tuwang-tuwa kami sa pagmamasid kung paano niya pakinisin ang balat ng puno at ilagay ang kutab sa hibla ng puno; at kukuha muli ng balat ng puno at handa na ang aming mga pito. At nakakatuwa ang tunog ng mga pitong iyon habang dahan-dahan kaming pauwi. Bawat isa’y kakaiba ang tunog.”17

Nagawang panatilihin ni Pangulong Grant ang disiplina sa tahanan nang hindi gumagamit ng pisikal na pagpaparusa. Sabi ng kanyang anak na si Lucy: “Sa tingin ko’y hindi tinanggap nang seryoso ng aming ama ang utos na ‘pag hindi namalo ang bata’y lalaking palalo’. … Sa tingin ko’y higit ang sakit na aming nadarama kapag alam naming may nagawa kaming hindi kalugud-lugod sa aming mga magulang kaysa kung pinalo kami.”18

Hinimok ni Pangulong Grant ang mga magulang na “isaayos ang kanilang buhay upang ang halimbawa nila’y maging inspirasyon sa kanilang mga anak, ”19 at ipinamuhay niya ang turong ito. Ikinuwento ng anak niyang si Frances ang pagkakataon nang matuto siya mula sa halimbawa ng ama:

“May isang pangyayari na nakintal na mabuti sa isip ko kung kaya hindi ko ito malilimutan sa buong buhay ko. Gumamit ako ng mga salitang hindi nagustuhan ni itay at sinabi niyang huhugasan niya ang bibig ko para maalis ang mga salitang iyon. Kinuskos niyang mabuti ng sabon ang bibig ko at sinabing, ‘Ngayon, malinis na ang bibig mo. Ayaw kong dumihan mo itong muli gamit ang mga salitang iyon.’

“Makaraan ang ilang araw habang nag-aalmusal ay nagkuwento si itay at sa pagbanggit sa sinabi ng isang tao ay gumamit siya ng lapastangang pananalita. Kaagad ko itong narinig.

“ ‘Papa, ’ sabi ko, ‘hinugasan ninyo ang bibig ko dahil nagsalita ako nang ganyan.’

“ ‘Oo nga pala, ’ sagot niya. ‘At gaya mo’y hindi ko rin dapat sabihin ang mga iyon. Gusto mo bang hugasan ko ang bibig ko?’

“Opo. Kinuha ko ang sabong panlaba at kinuskos ko itong mabuti.

“Puwedeng tumanggi ang tatay ko. Puwede niyang sabihing hindi naman siya talaga nagmumura, na totoo naman; pero hindi siya ganoon. Hindi alam ng batang musmos ang pagkakaiba ng pagbanggit lamang at ng tunay na pagmumura, at naunawaan niya iyon. Simula noon nalaman ko na magiging patas ang tatay ko sa kanyang pakikitungo sa akin, at gayon nga ang nakita ko sa kanya. Matapos iyon ay hindi ko siya kailanman naringgan na nagbanggit man lamang ng lapastangang pananalita. Gustunggusto niya ang magkuwento nang masaya at sasabihing, ‘Sabi ni John, nang may diin, na ganito-ganyan, ’ pero hindi niya kailanman binigkas ang mga salita. Siya’y talagang naniniwala sa pagtuturo sa pamamagitan ng halimbawa at hindi kailanman hiniling sa amin na gawin ang bagay na hindi niya gagawin mismo.”20

Naalala ni Lucy ang magiliw na pagmamahal ng kanyang ama sa kanyang ina, na namatay sa edad na 34: “Noong mga taon na may sakit ang nanay ko, na matagal na panahon rin, palagian at puno ng konsiderasyon ang pag-aasikaso niya kaya’t napupuna ito hindi lamang ng kanyang pamilya at malalapit na kaibigan kundi maging ng mga estranghero na nakakita ng patunay ng debosyon na ito. Anim na buwan akong kapiling ng inay ko habang ginagamot siya sa isang ospital sa California, at kapiling namin siya hanggat maaari. Madalas ang dating ng mga bulaklak; prutas, mga kendi, bagong damit—kahit na anong maipadadala niya na para sa kanya. Halos araw-araw ay may dumarating sa kanyang sulat, at kung sakaling maantala ito ay napapansin ito ng mga narses. Naaalala ko pa ang Sister Superior (kami’y nasa Katolikong Ospital) na nagsasabi kay inay na sa buong panahon ng pag-aalaga niya ay hindi pa siya nakakita ng lalaki na gayon na lamang ang pagsuyo na gaya ng pakikitungo ni itay kay inay.”21

Ikinuwento din ni Lucy ang patuloy na pangangalaga ng kanyang ama sa sarili nitong ina. “Wala akong nakitang anak na higit na maalalahanin at mapagmahal kaysa kanya. Ang kanyang pagaalala na makitang masaya ang kanyang ina sa katandaan nito, ang kanyang kahandaang ibahagi dito ang lahat ng maibibigay niya at pangalagaan ito ay tila pagkahumaling sa kanya. Sa bawat pagdarasal ng pamilya sa araw-araw, at kapag siya na ang mananalangin, lumuluhod siya sa tabi ng lola at mananalangin para marinig nito, kahit na mahina ang pandinig nito. Kinakausap niya ang lola at narininig nito ang kanyang tinig bagamat hindi nito naririnig ang tinig ng iba. … Sa bawat paraang magagawa niya, ipinamuhay [niya] ang ikaanim na utos—‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina.’ [Exodo 20:12.] … Sa huling pitong taon ng buhay ng lola ay sa amin siya tumira at wala akong matandaang araw na lumipas kapag nandito si itay na hindi siya pumupunta o tumatawag para kumustahin si lola. Lagi niyang ipinagmamalaki ang lola dahil sa kabaitan nito, sa kahanga-hangang espirituwalidad nito, at sa maganda at kaaya-aya niyang mukha—mukhang kababakasan ng kasiyahan at kapayapaang kanyang nadarama.”22

Isang Buhay ng Dedikasyon at Paglilingkod sa Simbahan

Stake President

Bago dumating ang kanyang ika-24 na kaarawan, sinabihan si Heber J. Grant na lisanin ang kanyang tahanan sa Salt Lake City at lumipat sa Tooele, Utah, kung saan siya maglilinglod bilang stake president. Ganito ang naaalala niya tungkol sa panahong ito ng kanyang buhay, “Wala akong karanasan, at nakadama ako ng kahinaan.”23 Gayunman, ganap niyang iniukol ang sarili sa kanyang bagong katungkulan. Sinabi niya sa huli: “Wala akong ibang bagay na inisip kundi ang manatili sa Tooele sa buong buhay ko. Wala na akong ibang inisip pa.”24

Noong ika-30 ng Oktubre 1880, ang mga miyembro ng Tooele Utah Stake ay nasorpresa nang ang 23 taong gulang na si Heber J. Grant, isang ganap na dayuhan, ay iniharap sa kanila bilang bago nilang stake president. Ipinakilala niya ang sarili sa kongregasyon sa pamamagitan ng pagbigkas ng maikling pananalita. Bagama’t maikli ito na di tulad ng nais niyang haba, nagbigay ito sa mga tao ng larawan ng taong maglilingkod bilang kanilang pinuno sa priesthood. Makaraan ang ilang taon, ginunita niya ang pinakabuod ng mensahe:

“Sinabi ko sa aking mensahe na tumagal nang pito at kalahating minuto na hindi ko hihilingin sa sinumang tao sa Tooele na maging higit na matapat sa pagbabayad ng ikapu kaysa akin; na hindi ko hihilingin sa sinuman na ipagkaloob ang kanyang makakaya nang higit kaysa aking ibibigay; hindi ko hihilingin sa sinuman na ipamuhay ang Word of Wisdom nang higit na mabuti kaysa akin, at gagawin ko ang lahat sa abot ng aking makakaya para sa kapakanan ng mga tao sa stake na iyon ng Zion.”25

Matapat na naglingkod si Pangulong Grant bilang stake president sa loob ng dalawang taon bago siya tinawag sa banal na pagka-Apostol.

Apostol

Noong ika-16 ng Oktubre 1882, inordenan si Elder Heber J. Grant bilang Apostol ni Pangulong George Q. Cannon, ang Unang Tagapayo kay Pangulong John Taylor. Sa loob ng 36 taon na kanyang inilagi sa Korum ng Labindalawang Apostol, nakagawa ng kontribusyon si Elder Heber J. Grant sa Simbahan bilang isang pinuno, guro, negosyante, at misyonero. Naglingkod siya bilang miyembro ng pangkalahatang pangasiwaan sa organisasyon ng kabataang lalaki sa Simbahan at isa sa mga pangunahing tagapagtatag ng magasin ng Simbahan na pinamagatang Improvement Era. Naglingkod din siya bilang business manager ng Improvement Era.

Bilang Apostol, gumugol si Elder Grant ng limang taon sa paglilingkod bilang full-time na misyonero. Bilang tugon sa mga panawagan ng Unang Panguluhuan, inayos at pinamunuan niya ang unang misyon sa Japan at sa huli’y pinamunuan ang Misyon sa Britanya at Europa. Sa kanyang payo sa mga misyonerong kasama niyang naglingkod, madalas niyang ulitin ang dalawang tema. Una, hinimok niya sila na ipamuhay ang mga pamantayan ng misyon at tuparin ang mga kautusan. Ikalawa, hinikayat niya sila na magtrabahong mabuti. Sa Misyon sa Britanya ay pinangunahan niya ang gawain sa pagtatrabaho nang higit na maraming oras sa bawat araw kaysa nakagawian noong una. Sa buong misyong iyon, naging mabunga ang kanilang pagsisikap kahit na bahagyang bumaba ang bilang ng mga misyonero sa paglipas ng mga taon.26

Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw

Pumanaw si Pangulong Joseph F. Smith noong ika-19 ng Nobyembre 1918 na batid na si Heber J. Grant ang hahalili sa kanya bilang Pangulo ng Simbahan. Ang huling mga salita ni Pangulong Smith kay Pangulong Grant ay: “Pagpalain ka ng Diyos, anak, nawa’y pagpalain ka ng Diyos; may malaki kang pananagutan. Laging tatandaan na ito ay gawain ng Panginoon at hindi ng tao. Higit na dakila ang Panginoon kaysa sinumang tao. Batid Niya kung sino ang nais Niyang mamuno sa Kanyang Simbahan, at hindi kailanman nagkakamali. Pagpalain ka ng Diyos.”27

Binuwag ang Unang Panguluhan, naiwan ang Korum ng Labindalawang Apostol bilang namumunong awtoridad ng Simbahan at si Pangulong Heber J. Grant ang Pangulo ng Korum na iyon. Noong ika-23 ng Nobyembre 1918, itinalaga si Pangulong Grant bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kinuha pa rin niyang mga tagapayo ang naglingkod kay Pangulong Smith: Pangulong Anthon H. Lund bilang Unang Tagapayo at Pangulong Charles W. Penrose bilang Pangalawang Tagapayo.

Ang unang pangkalahatang kumperensya ni Pangulong Grant bilang Pangulo ng Simbahan ay naganap noong Hunyo 1919, pagkaraan ng dalawang buwang pagpapaliban dahil sa pandaigdigang epidemya ng trangkaso na nakaapekto sa buhay sa Salt Lake Valley. Ang isang bahagi ng kanyang pananalita sa kumperensya ay pagbabalik-tanaw sa kanyang unang mensahe bilang pangulo ng Tooele Stake:

“Ako’y napakumbaba at hindi ko maipaliwanag sa wikang ipinagkaloob ng Diyos sa akin, sa pagtayo ko sa inyong harapan sa umagang ito, hawak ang katungkulang ito na sinang-ayunan ninyong hawakan ko. Naaalala ko noong tumayo ako sa harap ng mga tao sa Tooele, matapos akong sang-ayunan bilang stake president doon, noong ako ay dadalawampu’t tatlong taon lamang. Nangako ako sa mga taong iyon na gagawin ko ang lahat sa abot ng aking makakaya. Nakatayo ako ngayon sa inyong harapan nang buong pagpapakumbaba, na kinikilala ang sarili kong mga kahinaan, ang kakulangan ko ng karunungan at kaalaman, at ang kakulangan ko ng kakayahan na hawakan ang mataas na katungkulang sinang-ayunan ninyong hawakan ko. Ngunit gaya ng sinabi ko noon sa Tooele, sinasabi ko rin dito ngayon: na sa pamamagitan ng tulong ng Panginoon, gagawin ko ang lahat sa abot ng makakaya ko para magampanan ang bawat tungkulin na nasa akin bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

“Hindi ko hihilingin sa sinumang tao na ipagkaloob ang kanyang makakaya nang higit kaysa aking ibibigay para sa ikasusulong ng Kaharian ng Diyos. Hindi ko hihilingin sa sinuman na ipamuhay ang Word of Wisdom nang higit na mabuti kaysa akin. Hindi ko hihilingin sa sinuman na maging higit na matapat sa pagbabayad ng kanyang mga ikapu at handog nang higit kaysa akin. Hindi ko hihilingin sa sinuman na maging mas handang dumating nang maaga at umuwi nang gabi na, at magtrabaho nang buong lakas ng isipan at katawan, kaysa sa akin, at gawin ito palagi nang may kababaang-loob. Umaasa at dumadalangin akong basbasan tayo ng Panginoon, na buong laya at tahasang kinikilala na kung wala ang mga pagpapala ng Panginoon ay imposibleng magtagumpay ako sa mataas na katungkulang ito na hawak ko ngayon. Ngunit tulad ni Nephi noong una, alam kong hindi hihiling ang Panginoon sa mga anak ng tao, maliban na siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila [tingnan sa 1 Nephi 3:7]. Taglay ang kaalamang ito sa aking puso, tanggap ko ang malaking responsibilidad, nang walang takot sa ibubunga nito. Alam kong itataguyod ako ng Diyos gaya ng pagtataguyod Niya sa lahat ng nauna sa akin na naupo sa katungkulang ito, sa kondisyon na palagi akong magsisikap nang may kababaang-loob at pagsusumigasig, na hangarin ang patnubay ng Banal na Espiritu; at ito ang dapat kong sikaping gawin.”28

Halos 27 taon na naglingkod si Pangulong Grant bilang Pangulo ng Simbahan—mas matagal kaysa sinumang Pangulo ng Simbahan maliban kay Brigham Young. Noong panahong iyon ang mga miyembro ng Simbahan, kasama ang milyun-milyong iba pa sa buong mundo ay dinanas ang hirap na dulot ng Unang Digmaang Pandaigdig, ang kahirapan sa pananalapi na hatid ng Matinding Kahirapan [o Great Depression], at mga pagsubok at lagim ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Bagamat panahon ito ng matinding kahirapan, panahon din naman ito ng pagsasaya. Ipinagdiwang ng mga Banal sa mga Huling Araw ang ika-100 anibersaryo ng Unang Pangitain at ng pagkakatatag ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nagalak sila sa dedikasyon ng mga templo sa Laie, Hawaii; Cardston, Alberta; at Mesa, Arizona. At simula noong Oktubre 1924, ang mga hindi makadalo sa pangkalahatang kumperensya sa Salt Lake Tabernacle o sa karatig na mga gusali ay narinig ang mga salita ng mga propeta sa mga huling araw sa pamamagitan ng radyo.

Sa kanyang mga mensahe sa mga Banal, paulit-ulit na binigyang- diin ni Pangulong Grant ang kahalagahan ng pagsunod sa mga utos. Sabi niya, “Ipinapangako ko sa inyo, bilang tagapaglingkod ng buhay na Diyos na ang bawat lalaki at babae na sumusunod sa mga utos ng Diyos ay uunlad, na ang bawat pangakong ginawa ng Diyos ay matutupad sa kanilang mga ulo, at sila’y susulong at madaragdagan sa karunungan, liwanag, kaalaman, katalinuhan, at higit sa lahat, sa patotoo sa Panginoong Jesucristo.”29 Nang banggitin niya na kailangang sundin ang mga utos, madalas niyang pagtuunan ng pansin ang Word of Wisdom at ang batas ng ikapu. Sa isang pananalita sa kumperensya ay itinuro niyang:

“Handa ang diyablo na bulagin ang ating mga mata sa mga bagay ng daigdig na ito, at matutuwa siyang nakawin sa atin ang buhay na walang hanggan, ang pinakadakila sa lahat ng mga kaloob. Ngunit hindi ibinigay sa diyablo, at walang kapangyarihang ibibigay sa kanya na sisira sa sinumang Banal sa mga Huling Araw na sumusunod sa mga utos ng Diyos. Walang kapangyarihang ibinigay sa kaaway ng kaluluwa ng tao na sisira sa atin kung ginagampanan natin ang ating tungkulin. Kung hindi tayo lubos na matapat sa Diyos ay inaalis natin ang mga bakal at sa gayon ay nasira natin ang bahagi ng depensang nagpoprotekta sa atin, at maaaring makapasok ang diyablo. Ngunit wala namang taong nawalan ng patotoo sa Ebanghelyo, walang taong lumiko sa kanan o sa kaliwa, na nagkaroon ng kaalaman sa katotohanan, na gumaganap sa kanyang mga tungkulin, na sumusunod sa Word of Wisdom, na nagbabayad ng kanyang ikapu, na tumutugon sa kanyang mga tawag at tungkulin sa Simbahan.

“May ilan na habampanahong nagtatanong kung ano ang gusto sa kanila ng Panginoon, at tila atubiling gawin iyon. Kumbinsido ako na ang tanging nais ng Panginoon sa inyo at sa akin at kanino pa mang lalaki o babae sa Simbahan ay ang gawin ang ating tungkulin at sundin ang mga utos ng Diyos.”30

Noong panahon ng Matinding Kahirapan ng dekada 1930, nang ang lahat ng tao sa buong mundo ay nagsisikap na maghanap ng trabaho at naghihirap, nag-alala sina Pangulong Grant at ang kanyang mga tagapayo na sina Pangulong J. Reuben Clark Jr. at David O. McKay tungkol sa kapakanan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Noong ika-20 ng Abril 1935 tinawag nila sa kanilang tanggapan si Harold B. Lee, isang batang stake president na may matagumpay na stake na nag-aalaga sa mga mahihirap at nangangailangan. Naalala ni Pangulong Lee:

“Sinabi ni Pangulong Grant … na walang mas mahalagang gawin ang Simbahan kundi ang pangalagaan ang mga miyembro nitong nangangailangan at kung kami ang tatanungin, kailangang isakripisyo ang lahat [nang sa gayo’y] matulungan ang ating mga tao. Nagulat ako na malaman na may nabuo na silang plano para sa mga darating na panahon, bilang bunga ng kanilang pag-iisip at pagpaplano at dahil na rin sa inspirasyong dulot ng Makapangyarihang Diyos. Matalino ang plano na naghihintay at inihahanda para sa inaakala nilang takdang oras, at gayon na lamang ang pananampalataya ng mga Banal sa mga Huling Araw kung kaya handa silang sumunod sa payo ng mga taong namumuno sa Simbahang ito.”31

Noong Abril 1936, matapos sumangguni kay Pangulong Lee at sa mga General Authority, mga negosyante, at iba pa, ay ipinakilala ng Unang Panguluhan ang Church Security Plan, na kilala ngayon bilang welfare program ng Simbahan. Sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1936, ipinaliwanag ni Pangulong Grant ang layon ng programang ito: “Ang pangunahin nating layunin ay bumuo, hanggat maaari, ng sistema kung saan ay mawawala ang sumpa ng katamaran, mapapawi ang kasamaan ng paglilimos, at mapasimulan muli sa ating mga tao ang pagtayo sa sariling paa, kasipagan, pagtitipid at paggalang sa sarili. Layunin ng Simbahan na tulungan ang mga tao na tulungan ang kanilang sarili. Dapat muling bigyang-diin na paggawa o pagtatrabaho ang namamayaning alituntunin sa buhay ng mga miyembro ng ating Simbahan.”32

Nagpatotoo si Pangulong J. Reuben Clark: “Ang Welfare Plan ay batay sa paghahayag. … Ang pagkabuo ng sistemang pangkapa kanan sa Simbahan ay bunga ng paghahayag ng Espiritu Santo kay Pangulong Grant.”33 Ipinaliwanag ni Elder Albert E. Bowen, na inorden na Apostol ni Pangulong Grant ang pananaw ng programa: “Ang pangmatagalang layunin ng Welfare Plan ay ang pagpapalakas sa pagkatao ng mga miyembro ng Simbahan, ang mga nagbibigay at mga tumatanggap. Inililigtas nito ang lahat ng pinakapinong katangian na nasa kanilang kalooban, at pinamumukadkad at pinagbubunga ang lihim na yaman ng espiritu.”34

Noong Pebrero 1940 ay inatake sa puso si Pangulong Grant at dahil dito’y garil siyang magsalita at pansamantalang paralisado ang kaliwang bahagi ng kanyang katawan. Hindi ito naging hadlang sa pagpapatuloy niya sa gawain ng Panginoon. Araw-araw ay nagtatrabaho siya sa loob ng ilang oras, at patuloy pa rin siyang nagbigay ng maiikling pananalita sa mga pangkalahatang kumperensya nang sumunod na dalawang taon. Noong ika-6 ng Abril 1942 ay nagbigay siya ng pananalita sa pangkalahatang kumperensya sa huling pagkakataon. Pagkatapos niyon, ang kanyang mga pananalita ay binabasa na lamang ng iba. Ang kanyang huling pananalita sa pangkalahatang kumperensya na binasa ni Joseph Anderson noong ika-6 ng Abril 1945, ay nagtapos sa ganitong mga salita ng patotoo:

“Ang pinakamaluwalhating bagay na nangyari sa kasaysayan ng daigdig simula nang mabuhay ang Tagapagligtas sa lupa ay nang makita ng Diyos na marapat dalawin ang lupa sa pamamagitan ng kanyang minamahal at bugtong na Anak, na ating Manunubos at Tagapagligtas, at magpakita sa batang si Joseph. Libu-libo at daandaang libo ang nagkaroon ng perpekto at kani-kanyang patotoo at kaalaman hinggil sa walang hanggang katotohanang ito. Ang ebanghelyo sa kadalisayan nito ay ibinalik sa lupa, at gusto kong bigyang-diin na tayo bilang mga tao ay may isang sukdulang bagay na dapat gawin, at ito ay ang tawagin ang daigdig na pagsisihan ang mga kasalanan nito, at sundin ang mga utos ng Diyos. Higit sa lahat ay tungkulin nating humayo sa ating lupain at sa ibang bansa, kung itutulot ng panahon at pagkakataon, at ipahayag ang ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo. Tungkulin natin na magmalasakit sa mga anak ng ating Ama na pumanaw nang walang alam sa ebanghelyo, at buksan ang pintuan ng kaligtasan sa kanila sa ating mga templo, kung saan may obligasyon din tayong dapat gampanan.

“Nagpapatotoo ako sa inyo na alam kong buhay ang Diyos, na dinidinig at sinasagot niya ang mga dalangin; na si Jesus ang Cristo, ang Manunubos ng daigdig; na si Joseph ay propeta ng totoo at buhay na Diyos; at na si Brigham Young at ang mga sumunod sa kanya ay mga propeta rin ng Diyos.

“Hindi ko mailarawan sa salita ang pasasalamat na nadarama ko sa Diyos para sa kaalamang taglay ko. Paulit-ulit na nababagbag ang puso ko, ang mga mata ko’y lumuluha sa pasasalamat sa kaalaman na buhay siya at ang ebanghelyong ito na tinatawag na Mormonismo ang siya mismong plano ng buhay at kaligtasan, na ito mismo ang Ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo. Palagi at marubdob kong dalangin na tulungan nawa tayo ng Diyos at ang lahat para maipamuhay ito, at tulungan nawa Niya ang mga hindi pa nakaaalam sa katotohanan, nang sa gayon ay matanggap nila ang patotoong ito. Ito ang hiling ko sa pangalan ni Jesucristo. Amen.”35

Patuloy na lumala ang kondisyon ni Pangulong Grant hanggang sa pumanaw siya noong ika-14 ng Mayo 1945. May mga serbisyo ng paglilibing na ginanap pagkaraan ng apat na araw. Naalala ni Pangulong Joseph Fielding Smith: “Sa pagdaan ng kanyang mga labi, libu-libo ang nakahanay sa mga daan na umabot nang ilang bloke na nakatungo ang mga ulo. Pinapurihan siya ng mga kinatawan ng ibang mga Simbahan at umalingawngaw ang mga kampana ng Katedral ng Katoliko. … Kilalang mga tao mula sa malalayong lugar ang dumating upang magbigay galang sa kanya, marami sa mga tindahan sa lungsod ang nagsara at nagkaroon ng pangkalahatang pagdadalamhati dahil ang isang dakilang lalaki ay bumalik na sa kanyang pinagmulan matapos ang mahaba at makulay na buhay.”36

Sina Pangulong J. Reuben Clark Jr. at Pangulong David O. McKay na naglingkod bilang Una at Pangalawang Tagapayo ni Pangulong Grant, ay nagsalita sa libing. Ang kanilang mga papuri ay sumagisag sa damdamin ng daan-daang libong mga Banal sa mga Huling Araw na sumang-yaon kay Pangulong Heber J. Grant bilang kanilang propeta.

Sinabi ni Pangulong Clark na si Pangulong Grant ay “nabuhay nang matuwid at tumanggap mula sa ating Ama sa Langit ng mga pagpapala na dumarating sa mga taong tumutupad at sumusunod sa Kanyang mga utos.”37

Ipinahayag ni Pangulong McKay na, “Matiisin sa kanyang mga natamo, taos-puso, matapat, matuwid sa lahat ng kanyang pakikitungo, positibo sa kanyang mga pagpapahayag, masigla sa kanyang mga kilos, nanindigan sa pagtutol sa kasamaan, nakiramay sa mga kapus-palad, mapagpakumbabang ganap, matapat sa buhay sa lahat ng ipinagkatiwala sa kanya, mabait at mapagbigay sa mga mahal sa buhay, matapat sa mga kaibigan, sa katotohanan, sa Diyos—ganito ang ating iginagalang at minamahal na Pangulo— isang kilalang pinuno, isang karapat-dapat na halimbawa sa Simbahan at sa sangkatauhan sa buong mundo.”38

Mga Tala

  1. Sa Conference Report, Okt. 1899, 18.

  2. Ronald W. Walker, “Jedediah and Heber Grant, ” Ensign, Hulyo 1979, 49.

  3. Gospel Standards, tinipon, G. Homer Durham (1941), 341–42.

  4. Gospel Standards, 151.

  5. “The Nobility of Labor, ” Improvement Era, Dis. 1899, 83.

  6. Gospel Standards, 348–49.

  7. “President Grant—The Business Man: Business Ventures and Church Financing, ” Improvement Era, Nob. 1936, 689.

  8. “Strength of the ‘Mormom’ Church, ” Coast Banker, San Francisco at Los Angeles, Marso 1921; sinipi sa Conference Report, Abr. 1921, 205.

  9. Lucy Grant Cannon, “A Father Who Is Loved and Honored, ” Improvement Era, Nob. 1936, 681.

  10. Gospel Standards, 330.

  11. Gospel Standards, 248.

  12. Liham ni Heber J. Grant kay Harrison M. Merrill, ika-7 ng Okt. 1930, Family and Church History Department Archives, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

  13. Bryant S. Hinckley, “Greatness in Men: President Heber J. Grant, ” Improvement Era, Okt. 1931, 703.

  14. Improvement Era, Nob. 1936, 680–81.

  15. Glimpses of a Mormon Family (1968), 299, 301.

  16. Di nailathalang manuskrito ni Truman G. Madsen.

  17. Improvement Era, Nob. 1936, 681.

  18. Improvement Era, Nob. 1936, 681.

  19. Sa Conference Report, Okt. 1944, 9.

  20. Glimpses of a Mormon Family, 15–16.

  21. Improvement Era, Nob. 1936, 682.

  22. Improvement Era, Nob. 1936, 684; binago ang ayos ng mga talata.

  23. Gospel Standards, 12.

  24. Gospel Standards, 77.

  25. Gospel Standards, 191.

  26. Tingnan sa Ronald W. Walker, “Heber J. Grant’s Mission, 1903–1906, ” sa Journal of Mormon History (1988), 20.

  27. Sinipi ni Heber J. Grant, sa Conference Report, Abr. 1941, 5.

  28. Sa Conference Report, Hunyo 1919, 4.

  29. Gospel Standards, 39.

  30. Sa Conference Report, Abr. 1944, 10.

  31. Sinipi sa L. Brent Goates, Harold B. Lee: Prophet and Seer (1985), 141–42.

  32. Mensahe mula sa Unang Panguluhan, sa Conference Report, Okt. 1936, 3; binasa ni Pangulong Heber J. Grant.

  33. “Pres. Clark Testifies of Divinity of Church Welfare Program, ” Church News, ika-8 ng Ago. 1951, 15.

  34. The Church Welfare Plan (kurso ng pag-aaral sa Doktrina ng Ebanghelyo, 1946), 44.

  35. Sa Conference Report, Abr. 1945, 10.

  36. Essentials in Church History, ika-20 edisyon (1966), 653.

  37. “President Heber J. Grant, ” Improvement Era, Hunyo 1945, 333.

  38. “President Heber J. Grant, ” Improvement Era, Hunyo 1945, 361.

President Grant

Ibinigay ni Pangulong Heber J. Grant, nasa dulong kanan, ang kanyang unang mensahe sa mundo sa pamamagitan ng radyo noong ika-6 ng Mayo, 1922.