Kabanata 9
Ang Kagalakan sa Gawaing Misyonero
Malaki ang responsibilidad natin na ipangaral ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ang katuparan ng tungkuling ito ay nagdudulot ng kagalakan at kapayapaan sa ating mga puso.
Mula sa Buhay ni Heber J. Grant
Si Pangulong Heber J. Grant ay nakibahagi sa gawaing misyonero simula nang magkaedad siya at ibinahagi ang ebanghelyo sa mga miyembro ng pamilya, kaibigan, at kasosyo sa negosyo. Una siyang naglingkod sa full-time na misyon noong 1901, nang tawagin siyang mamuno sa unang misyon sa Japan.
Tinanggap ni Pangulong Grant ang kanyang tawag sa Japan nang may kasabikan at pag-asa sa mabuting ibubunga nito. Isinulat niya: “Sumasampalataya ako na isa ito sa magiging pinaka matagumpay na mga misyon na itinatag sa Simbahan. Mabagal ito sa una ngunit magiging maganda ang ani at manggigilalas ang mundo sa mga darating na taon.”1
Kasama ang tatlong iba pang mga misyonero, inilaan ni Pangulong Heber J. Grant ang Japan para sa pangangaral ng ebanghelyo noong Agosto 1901 at pagkatapos ay masigasig na gumawa sa talagang “mabagal na gawain.” Nang ma-release si Pangulong Grant sa kanyang tawag noong Setyembre 1903, dalawang tao lamang ang nabinyagan niya. Sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1903, ibinigay niya ang sumusunod na ulat:
“Ikinalulungkot ko na hindi ko nasabi sa inyo na may nagawa kaming bagay na kahanga-hanga sa Japan. Tatapatin ko kayo, inaamin kong kakaunti lang ang nagawa namin, bilang pangulo ng misyon na iyon; at kakaunti lang ang nagawa—kung pag-uusapan ang mga pagbibinyag—ng iilang Elder na ipinadala doon upang magtrabaho, o ng mga sister na nakasama ko. Kaakibat nito’y may katiyakan sa puso ko na magkakaroon pa ng malaki at mahalagang gawain sa lupaing iyon. Ang mga naninirahan ay kahanga-hangang mga tao.”2
Dalawampu’t isang taon makalipas iyon, isinara ni Pangulong Grant at ng kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan ang misyon, dahil na rin sa “ubod nang liit na resulta ng gawain ng mga misyonero” doon.3 Binuksan muli ang misyon noong 1948.
Noong ika-18 ng Mayo 1996, 48 taon matapos muling buksan ang misyon, dinalaw ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang Japan at nagsalita sa malaking kongregasyon, ang ilan ay nakatayo na, sa isang fireside. Noong panahong iyon ang Japan ay mayroon nang templo, at ang mga miyembro ng Simbahan doon ay mahigit 100, 000 na sa 25 mga stake at 9 na misyon. Naalala ni Pangulong Hinckley ang panimula ng gawain sa Japan at nasabing: “Kung narito ngayon si Pangulong Grant, luluha siya sa pasasalamat, at ganyan ang pakiramdam ko sa pagtingin ko sa inyong mga mukha. … Nakikita ko ang kalakasan na hindi ko inisip na magaganap sa lupaing ito.”4
Mga Turo ni Heber J. Grant
Tungkulin at pribilehiyo natin na ibahagi ang ebanghelyo.
Gusto kong bigyang-diin na tayo bilang mga tao ay may napakahalagang bagay na gagawin, at iyon ay ang tawagin ang daigdig na magsisi upang lumapit sa Diyos. At higit sa lahat tungkulin nating humayo at ipahayag ang ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo, ang panunumbalik muli sa lupa ng plano ng buhay at kaligtasan. Mas marami pang mga misyonero ang hiling ng lahat ng dako ng mundo. Dapat isaayos ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang buhay at pananalapi upang mas marami ang maging handa at magkusa, lalo na iyong mas may edad na at may karanasan, may patotoo at kaalaman sa kabanalan ng gawaing ito, na humayo at magmisyon. … Tunay na nasa atin ang mahalagang perlas. Nasa atin ang bagay na higit na mahalaga kaysa lahat ng yaman at impormasyon ng siyensiya na taglay ng mundo. Nasa atin ang plano ng buhay at kaligtasan. Ang unang dakilang kautusan ay mahalin ang Panginoon nating Diyos nang buo nating puso, kaluluwa, pag-iisip at lakas; at ang pangalawa ay katulad nito, ang mahalin ang ating kapwa na gaya ng ating sarili [tingnan sa Mateo 22:37–39]. At ang pinakamainam na paraan sa mundo upang ipakita ang ating pagmamahal sa ating kapwa ay sa paghayo at pagpapahayag ng ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo.5
Ang pagliligtas ng mga kaluluwa, kabilang na ang ating kaluluwa, ang isa sa pinakamahalagang bagay, at magdudulot ito sa atin ng mga biyaya ng ating Ama at mabuting kalooban ng ating Panginoon at Guro, na si Jesucristo.6
Ito ang misyon na bigay sa atin, ang sabihan ang mga bansa tungkol sa darating na kahatulan, upang ipangaral ang Ebanghelyo ng Manunubos, … at anyayahan ang lahat na lumapit kay Cristo at tanggapin ang pakinabang ng Kanyang maluwalhating pagbabayad-sala. Ang tinatawag na “Mormonismo” ay nasa daigdig para sa ikabubuti ng daigdig. Ang sistemang pangmisyonero nito ay walang ibang layon kundi ang magbasbas at maging kapaki-pakinabang. Hindi nito kinakalaban ang alinmang paniniwala o relihiyon sa ngayon. Sagisag ito ng kapayapaan, ng kapayapaan ng Diyos “na di masayod ng pagiisip.” [Tingnan sa Filipos 4:7.] Lagi itong handang gumawa ng mabuti hangga’t maaari. Samo nito na magbalik sa pananampalataya na “ibinigay na minsan … sa mga banal, ” [tingnan sa Judas 1:3] naniniwala na ang gayong landas ay magliligtas sa sangkatauhan mula sa mga kasalanan ng mundo at sa huli ay magpapadakila sa mga tao sa harapan ng Diyos Ama, at ni Jesucristo na Anak, “na Siyang buhay at Ilaw ng sanlibutan.” [D at T 10:70.]7
Alam natin na ang una at pinakamahalagang tungkulin natin ay ibigin ang Panginoon nating Diyos nang buong puso, kaluluwa, pag-iisip at lakas; at ang pangalawa ay ibigin ang ating kapwa. Walang mga tao sa buong mundo na sindami ng kanilang bilang, ang nagbibigay ng gayong ebidensya ng pagmamahal sa kanilang kapwa, at ng hangarin para sa kanilang kapakanan, na gaya ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang ating gawaing pangmisyonero ay nagpapahayag sa buong mundo na handa tayong gumawa ng pinansiyal na sakripisyo at magsikap nang hindi umaasa sa makalupang gantimpala, para sa kaligtasan ng kaluluwa ng mga anak ng ating Ama sa langit.8
Bawat binatilyo ay dapat … magkaroon ng ambisyon na maging kwalipikado sa paggawa sa abot ng kanyang makakaya, upang maisagawa niya ang lahat ng maaari niyang gawin sa pagtatatag ng katotohanan ng ebanghelyo sa lupa.9
Sabi ng mga tao: “Hindi natin mauunawaan ang lakas ng ‘Mormonismo, ’ hindi natin mauunawaan kung bakit [libu-libong] mga binata at dalaga, sa sarili nilang gastos o sa gastos ng kanilang pamilya, ang sandaling hahayo sa daigdig, at nag-uukol ng kanilang panahon nang walang katumbas na halaga, upang ipahayag ng ebanghelyo. Hindi sila sumasahod, sila ang gumagastos, para ipahayag ang inyong pananampalataya.” Mauunawaan ito ng bawat Banal sa mga Huling Araw. Nauunawaan nila dahil ang mga binata at dalagang ito na humahayo para ipangaral ang ebanghelyo, ay sumusunod dito; ginagawa nila mismo ang hiling ng Tagapagligtas na “ibigin ang Panginoon mong Dios ng buong puso natin, isipan, kaluluwa at lakas, ” at ang kasunod na dakilang utos na, “ibigin ang ating kapuwa na gaya ng ating sarili.”10
Dapat nating tandaan na sinabi sa atin ng Panginoon na tungkulin nating balaan ang ating kapwa at ipangaral ang Ebanghelyong ito—iyan ang tungkulin nating lahat—dapat tayong maging mga misyonero. …
Dapat nating malaman na ang gawaing ito ay sa bawat isa sa atin at gawin natin ang lahat upang maisulong ito.11
Ang gawaing misyonero ay nagdudulot ng tunay na kagalakan sa puso ng tao.
Naniniwala ako na ang bawat Banal sa mga Huling Araw na nakatanggap ng patotoo tungkol sa kabanalan ng gawaing ito na kinabibilangan natin ay nadarama ang nadama ni Alma—ang hangarin na marinig ng buong mundo ang patotoo ng ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo [tingnan sa Alma 29:1–9]. Kapag nakakatanggap ng patotoo ang mga lalaki at babae tungkol sa banal na misyon ng Propetang Joseph Smith, sabik silang matanggap ng daigdig ang gayunding kaalaman at pananampalataya. Sabik silang ihatid ang ebanghelyo sa bawat matapat na kaluluwa. At wala nang iba pang pagsisikap sa buong mundo na nagdudulot sa puso ng tao, batay sa sarili kong karanasan, ng higit na galak at kapayapaan kaysa sa pangangaral ng ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo.12
Walang iba pang bahagi ng gawain ng Diyos dito sa mundo sa kasalukuyan ang may gayong grupo ng masasaya, kuntento, at mapayapang mga tao maliban sa mga kasali sa paglilingkod ng misyonero. Paglilingkod ang tunay na susi sa kagalakan. Kapag naglilingkod ang isang tao para sa ikasusulong ng sangkatauhan, kapag ang tao’y nagtatrabaho nang walang salapi o walang halagang kapalit, nang hindi umaasa sa makalupang gantimpala, dito dumarating ang tunay na galak sa puso ng tao.13
Kung kailangan, bawat tagapaglingkod ng Diyos na may kaalaman sa Ebanghelyo ay dapat handang mag-alay ng kanyang buhay sa layuning ito, na siyang tunay na gawain ng Guro, ang plano ng buhay at kaligtasan, ang Ebanghelyo ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Kapag lubusan nating nalaman ang katotohanan na nasa atin talaga ang Mahalagang Perlas, na ang ibig sabihin ng Ebanghelyong ibibigay natin sa mga tao ng mundo ay buhay na walang hanggan sa mga yayakap at matapat na susunod dito; kapag naintindihan natin ito, at kapag tumigil tayo sa pag-iisip sa paghahayag na ibinigay kay Propetang si Joseph Smith at Oliver Cowdery, kung saan sinabi ng Panginoon: “At kung mangyayaring kayo ay gagawa nang buo ninyong panahon sa pangangaral ng pagsisisi sa mga taong ito, at magdala ng kahit isang kaluluwa sa akin, anong laki ng inyong kagalakang kasama niya sa kaharian ng aking Ama! At ngayon, kung ang inyong kagalakan ay magiging malaki sa isang kaluluwa na inyong nadala sa akin sa kaharian ng aking Ama, anong laki ng inyong kalagakan kung makapagdadala kayo ng maraming kaluluwa sa akin” [D at T 18:15–16]; at doon natin matatanto at mauunawaan ang lawak ng gawaing ito.14
Naaawa ako sa lalaki o babae na hindi kailanman naranasan ang matamis na kagalakan na dumarating sa misyonero na nagpapahayag ng ebanghelyo ni Jesucristo, na naghahatid ng matatapat na kaluluwa sa kaalaman ng katotohanan, at naririnig ang mga pagpapahayag ng pagtanaw ng utang-na-loob at pasasalamat na nagmumula sa puso ng mga naakay ng kanyang pagsisikap tungo sa kaunawaan sa buhay na walang hanggan. Nalulungkot din ako sa mga taong hindi kailanman naranasan ang matamis na kagalakan na nagmumula sa pagtulong sa mga nangangailangan. Tiyak na mas maraming biyaya ang dumarating sa atin dahil sa pagbibigay kaysa sa pagkakamal; wala akong alinlangan dito. Mas maraming biyaya din ang dumarating sa atin kapag humayo tayo para ipangaral ang ebanghelyo ni Jesucristo, at kapag nagsikap para sa ikaliligtas ng kaluluwa ng mga tao. Maaari lang itong dumating sa atin sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kaalaman ng katotohanan ng ating relihiyon, at pamamalagi sa ating tahanan para makisalamuha at gumawa sa mga ordinaryong takbo ng buhay, at kamtin ang yaman ng mundong ito na naglalaho kapag nagamit na. Ang malaking problema ay ang madalas nating malimutan ang pinakamahalagang bagay na dapat nating gawin, ang gawa na magiging lubos na kalugud-lugod sa paningin ng ating Ama sa Langit.15
Tanging sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu natin maipapahayag ang ebanghelyo at matutulungan ang mga bagong binyag na patatagin ang kanilang mga patotoo.
Gusto kong sabihin sa inyo na lahat ng mga misyonerong humayo upang ipangaral ang ebanghelyo … ay napatungan sa kanilang ulo, ng mga kamay ng mga awtorisadong tagapaglingkod ng Diyos, mga lalaking humawak ng kanyang awtoridad. At sa buong mundo, sa bawat lupain at bawat klima, mula sa bansa sa hilaga kung saan nakasikat ang araw sa hatinggabi, hanggang sa South Africa, saanman sila magtungo, ang Espiritu ng Diyos na buhay ay napapasa kanila. Sa bawat lupain at bawat klima ay natanggap ng mga lalaki at babae ang patotoo ng Banal na Espiritu, at tinanggap ang ebanghelyo sa kanilang buhay.16
Nagpunta ako sa Grantsville, sa pinakamalaking ward sa Tooele stake ng Sion, at lumapit ako sa Panginoon gaya ng ginawa ni Oliver Cowdery nang sabihin niya sa Panginoon, “Gusto kong magsalin, ” at sinabi sa kanya ng Panginoon na maaari siyang magsalin. Ngunit, nang mabigo, sinabihan siya sa dakong huli na hindi niya ito pinag-isipan, at hindi niya ito ipinagdasal, at hindi niya ginawa ang kanyang bahagi [tingnan sa D at T 9:7–8]. … Tumayo ako at nagsalita sa loob ng limang minuto, at pinagpawisan akong mabuti, na para bang inilubog ako sa sapa, at naubusan ako ng mga ideya. “Pumalpak” ako sa pagsasalita, na gaya ng maaaring mangyari sa isang tao. …
[Sa huli’y] lumakad ako ng ilang milya mula sa bahay-pulungan, doon sa kabukiran, sa gitna ng mga bunton ng dayami, at nang malayo na ako, at tiyak na wala nang nakakakita sa akin, lumuhod ako sa likod ng isa sa mga bunton na iyon at napaluha sa kahihiyan. Hiniling ko sa Diyos na patawarin ako sa pagkalimot na hindi maipapangaral ng tao ang ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo nang may kapangyarihan, nang may puwersa, at inspirasyon kung hindi sila biniyayaan ng kapangyarihan na nagmumula sa Diyos. Sinabi ko sa kanya noong bata pa ako na kung patatawarin niya ako sa aking pagkamakasarili, kung patatawarin niya ako sa pag-iisip na kahit wala ang Kanyang Espiritu ay maipapahayag pa rin ng sinuman ang katotohanan at mahahanap ang mga pusong handang tumanggap nito, hanggang sa araw ng aking kamatayan ay sisikapin kong tandaan kung saan nagmumula ang inspirasyon, kapag ating ipinahahayag ang ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo, ang plano ng buhay at kaligtasan na muling inihayag sa lupa.
Ikinatutuwa kong sabihin na sa loob ng apatnapung taon makalipas iyon ay hindi pa ako kailanman napahiya na gaya ng sa araw na iyon; at bakit? Dahil hindi ako kailanman, salamat sa Panginoon, tumayo sa aking paa na taglay ang ideya na maaantig ng tao ang mga puso ng kanyang mga tagapakinig … kung taglay ng taong iyon ang Espiritu ng Diyos na buhay, at sa gayon ay makapagbibigay ng patotoo na tunay ang kinabibilangan natin.17
“Naniniwala kami sa kaloob na mga wika, ” at sa pagbibigay-kahulugan sa mga ito [tingnan sa Saligan ng Pananampalataya 1:7]. Si Karl G. Maeser—na debotong Banal sa mga Huling Araw—ang mismong nagsabi sa akin ng gayong pangyayari. … Sabi niya: “Brother Grant, noong gabing binyagan ako ay tumingala ako sa langit at nagsabing: ‘O Diyos, natagpuan ko na, sa palagay ko, ang ebanghelyo ng inyong Anak na si Jesucristo. Ipinakita ko ang pagsunod dito sa pamamagitan ng paglusong sa mga tubig ng pagbibinyag. Ipamalas po Ninyo sa akin, bigyan Ninyo ako ng tiyak na patunay na natagpuan ko na ang katotohanan, at pangako ko sa Inyo ang aking buhay kung kinakailangan, para sa ikasusulong ng gawaing ito.’ ”
Si Brother Franklin D. Richards [ng Korum ng Labindalawang Apostol] ang pangulo noon ng misyon sa Europa, na may punong tanggapan sa Liverpool. Nagpunta siya sa Germany para dumalo sa binyag ng unang bininyagan sa ebanghelyo sa malaking imperyong iyon. Sa paglalakad mula sa bautismuhan patungo sa kanyang tahanan, mga ilang milya ang layo, ay ipinakita ni Brother Maeser ang hangaring magsalita tungkol sa iba’t ibang alituntunin ng ebanghelyo, gamit ang isang interpreter o tagapagsalin. Ang tagapagsaling iyon ay si Brother William Budge. … Si Brother Maeser, na walang alam na Ingles, ay nagtanong sa wikang Aleman, at si Brother Richards, na walang alam na salita sa wikang Aleman, ay sumagot sa kanila sa Ingles; si Brother Budge ang nagsalin ng mga tanong at mga sagot. Matapos ang ilang katanungan at sagot gamit ang tagapagsalin, sinabi ni Brother Richards: “Huwag mo nang isalin ang mga tanong, naiintindahan ko ang mga ito;” at pagkatapos ay sinabi ni Brother Maeser: “Huwag mo nang isalin ang mga sagot, naiintindihan ko ang mga ito.” Matagal din silang nag-usap, nagtanong sa wikang Aleman, sumagot sa Ingles; nang hindi nila nauunawaan ang wika ng isa’t isa. Nakarating sila sa Ilog Elbe at habang tinatawid ang tulay ay nagkahiwalay sila; nang marating ang kabilang pampang si Brother Maeser ay muling nagtanong at sinabi ni Brother Richards: “Isalin mo nga, Brother Budge.” Nang marinig ang sagot, sinabi ni Brother Maeser: “Isalin mo nga.” Ang sumunod niyang tanong ay: “Paano nangyari Apostol Richards, na nagkaintindihan tayo kanina ngunit ngayon ay hindi na tayo magkaintindihan?” Sinabi ni Brother Richards sa kanya na isa sa mga bunga ng ebanghelyo ni Jesucristo ang kaloob na mga wika at ang pagbibigay pakahulugan dito. Pagkatapos ay sinabi niya: “Ikaw at ako ay binigyan ng Diyos ngayong gabi ng pribilehiyo na makabahagi sa isa sa mga bunga ng ebanghelyo sa pagkakaroon ng pagbibigay pakahulugan sa mga wika. Brother Maeser, nakatanggap ka ng patotoo mula sa Diyos na natagpuan mo ang katotohanan.”
Sinabi sa akin ni Brother Maeser: “Nanginig akong gaya ng isang dahon, at muli akong tumingala sa langit at nagsabing: “O, Diyos, natanggap ko ang patunay na hiningi ko, at ipinapangako ko sa iyo ang aking buhay, kung kailangan, dahil dito.’ ”18
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Anong mga pagpapala ang dumarating sa atin kapag ibinabahagi natin ang ebanghelyo ni Jesucristo? Ano ang nadama ninyo nang makita ninyo ang mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan na yumayakap sa ebanghelyo?
-
Ano ang inaasahan ng Panginoon sa mga Banal sa paghahatid ng Kanyang mensahe sa mundo? Paano tayo magkakaroon ng pananampalataya at lakas ng loob na ibahagi ang ebanghelyo?
-
Paano natin maisasaayos ang ating mga priyoridad upang magkaroon tayo ng mga pagkakataon na ibahagi ang ebanghelyo? Paano maaaring magbago ang mga oportunidad na pangmisyonero sa iba’t ibang yugto ng ating buhay?
-
Bakit imposibleng ipahayag ang mga katotohanan ng ebanghelyo kung wala ang kapangyarihan ng Espiritu Santo? Sa paanong paraan kayo natulungan ng Espiritu na ibahagi ang ebanghelyo?
-
Si Karl G. Maeser ay nakatanggap ng patunay sa bagong tuklas niyang patotoo nang siya at si Elder Franklin D. Richards ay binigyan ng kaloob na pagbibigay kahulugan sa mga wika. Ano ang iba pang mga kaloob ng Espiritu na maaari nating hangarin sa pagsisikap nating mapalakas ang ating patotoo at ang patotoo ng iba? (Tingnan sa D at T 46:8–26.)
-
Ano ang ginawa nina Brother Maeser at Elder Richards na humantong sa pagpapatibay ng patotoo ni Brother Maeser? Paano natin matutulungan ang mga bagong binyag na mapangalagaan ang kanilang patotoo?